Tuesday, July 31, 2012

Mabuhay sa Kasalukuyan



Mapanglaw kang nabubuhay sapagkat nakikibaka ka sa kasalukuyan nang hindi handa, walang kakayahan, at abala sa mga samutsaring atensiyon nang walang kapakinabangan.

26- Italaga na mayroon kang panahon ngayong araw na ito, hindi sa nakaraan at maging sa hinaharap.

   Kung papaano mo dinadala ang iyong buhay sa maghapon, malalaman dito kung nabubuhay ka sa kasalukuyan. Sa mga sandaling ito, ikaw ba ay sadyang gising at tinatamasa ang mga sandaling ito? 
   Karamihan sa atin, sa tagpong ito, ay hindi ganap na nadarama ang kahalagahan ng bawa’t sandali. Madalas ang atensiyon ay nasa malayo, laging abala, nagmamadali, laging may hinahabol na hindi maaabutan, may hinihintay na hindi darating, at umaasa sa kawalan, kaysa namnamin ang kaligayahang idinudulot ngayon. Ang nasayang na pagkakataon ay hindi na mababalikan pa, kundi ang panghihinayang sa mga mapanglaw na alaala.


Isang Pahimakas
Una, ibinuhos ko ang lahat ng aking panahon na makatapos ng hayskol at magsimulang mag-aral sa kolehiyo.
Matapos ito, ibinuhos ko ang lahat ng aking panahon na makatapos sa kolehiyo at magkaroon ng trabaho.
Matapos ito, ibinuhos ko ang lahat ng aking panahon na magpakasal at magkaroon ng mga anak.
Matapos ito, ibinuhos ko ang lahat ng aking panahon na mapalaki ang aking mga anak at mapagtapos sila ng kanilang mga pag-aaral.
Matapos ito, ibinuhos ko ang lahat ng aking panahon na matulungan silang umunlad at makapagsimula ng kanilang mga sariling buhay.
Matapos ito, ibinuhos ko ang lahat ng aking panahon na subaybayan ang kanilang mga pamilya at maisaayos ito nang matiwasay.
Matapos ito, ibinuhos ko ang lahat ng aking panahon sa pagre-retiro at pag-aasikaso ng aking mga ipapamana at maiiwan sa aking mga anak.
 . . . At ngayon na ako ay namamaalam na at naghahanda nang lisanin ang mundong ito, bigla kong napatunayan, na ako pala ay nakalimot na mabuhay.
  
   Ito ang kadalasang istorya ng marami sa atin sa mga sariling buhay. Lubhang naging abala at nakatuon lamang sa isang mahigpit na obligasyon. Masasabing isang mahalagang katungkulan ito sa pamilya o maging sa mga kaanak, subalit higit na may banal kang tungkulin sa iyong sarili. Anumang mangyari sa iyo, lalo na kung ito ay kapahamakan, ang iyong pamilya at mga mahal sa buhay ang higit na maa-apektuhan at magdurusa. Kung ikaw masaya sa tuwina, ang pamilya mo rin ay sadyang masaya. Sila ay laging nasa iyong tabi at ginagampanan ang lahat ng naaayon sa iyong kagustuhan. Ang pagkakamali mo ay pagkakamali din nila, at ang kaligayahan mo ay kaligayahan din nila.
   Lahat ng problema ay may solusyon. Kung walang solusyon, hindi ito problema, isa na itong resulta na hindi maiiwasan. Nasa mga kaparaanan ito kung papaano isasaayos at organisahin ang ating mga kaisipan, papaano natin pinaplano ang maghapon, kung ano ang pinagkaka-abalahan natin, kung saan naa-aksaya ang mga makabuluhang sandali, kung papaano natin ginugugol ang mahahalagang regalo na mga sandali sa maghapon. Isa itong pagpapala na kailangang isaalang-alang natin ang kahalagahan.
   Tumingin sa iyong paligid, pansinin ang mga halaman na may naggagandahang bulaklak, samyuin ang kanilang mga angking bango. Magtungo sa dalampasigan, huminga ng malalim, pakiramdaman ito hanggang sa iyong kaloob-looban. Tumingala at pagmalasin ang buong kalangitan, mag-ukol ng isang taimtim na pasasalamat na ikaw ay buhay pa at nagagawang tamasahin ang iyong buhay. Damahin ang iyong kapaligiran. Magmahal. Yakapin ng buong higpit ang iyong pamilya. Palaging bigkasin ang mga katagang, “Minamakal kita,” sa bawa’t isa. Isama sila sa iyong mga pangarap, sa iyong sariling paglalakbay sa buhay, sa bawa’t sandali, sa bawa’t oras, ngayon, hindi bukas o sa ibang araw.
   Ang buhay ay ngayon.
  
Lahat tayo ay nabubuhay sa ilalim ng parehong langit, dangan nga lamang, magkakaiba ang ating pagtingin sa parehong panginorin.

Kung may mga katanungan, ay may mga kasagutan.
   -Gaano ka kasaya na ipinamumuhay ang kasalukuyan?
   -Gaano ka kahusay na idinaraos mo ang mga sandaling ito ngayon? Bilang buhay at gising kung ano ang nangyayari mismo sa iyo ngayon?
   -Kailan mo huling niyakap ang iyong mga mahal sa buhay? Binigkas ang mga katagang, “Minamahal kita.”
   -Anong mga bagay ang higit na tumatawag sa iyo ng pansin sa maghapon?
   -Mayroon ka bang lunggati para sa iyong pamilya?May natatanging libangan pampamilya?
   -Mayroon ba kayong nakaugaliang mga ritwal na sinusunod sa pamilya?
   -Ano ang higit na mahalaga sa iyo ang makasama ang iyong mga kaibigan o ipasyal ang pamilya sa mga masasayang pook at tanawin?
   -Gaano kadalas kayong magbakasyon ng iyong pamilya?
   -Sino sa iyong palagay, kung dumarating ang matinding pangangailangan o nagkaroon ng kapahamakan, sino ang kauna-unahang mga tao nasa iyong tabi? Sila ba’y napag-uukulan mo ng pagpapahalaga?
 
   Hindi kung gaano at magkano ang mayroon tayo, kundi kung papaano tayo kasaya, ito ang lumilikha ng ating kaligayahan. Ang ating pangunahing tungkulin ay hindi tunghayan kung ano ang naaaninaw sa hinaharap, bagkus ay ang gawin kung ano ang nagpapaligaya sa atin sa araw na ito, ngayon na, sa mga sandaling ito.

Tagumpay o Bigo? Panalo o Talo? Masaya o Malungkot? Kaligayahan o Kapighatian?
Alinman dito, ay nasa iyong kapangyarihan ang pumili. At ito ang iyong magiging kapalaran.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Subaybayan ang 31 na mahalagang mga paksa:
Matatag na Sariling-Pugay at Tanging Pag-ibig

No comments:

Post a Comment