Friday, July 27, 2012

Maging Mapagpatawad


Ang mga hangal ay hindi nagpapatawad at nakakalimot; ang mga pabaya ay nagpapatawad at nakakalimot; subalit ang mga matatalino ay nagpapatawad ngunit kailanman ay hindi nakakalimot.

30- Italaga na mayroong kapatawaran sa bawa’t kamalian at huwag makalimot sa nagawang kapinsalaan.
Madali ang magpatawad ang lumimot ang mahirap. Sugat man na gumaling ay may maiiwang peklat. Ang pagpapatawad ay hindi lumilikha ng relasyon. Hangga’t ang may pagkakasala ay hindi umaamin at nagsasabi ng katotohanan tungkol sa kanyang mga nagawa at binabago ang pag-uugali, ang relasyon ng pagtitiwala ay imposibleng mangyari. Ang mabiktima at masaktan ay karaniwan lamang, nagiging mahapdi lamang ito kapag patuloy nating inaala-ala at binubuntunan ng mga pagsisisi.
   Ang pagpapatawad ay nagmumula kadalasan sa biktima. Hangga’t nasa puso mo ito, mistula kang bilanggo, at ang pagkasuklam ay mistulang lason na unti-unting pumapatay sa iyo. Samantalang ang nagkasala ay walang inaalintanang pag-aalala at nakalimutan na ang pangyayari. Kapag pinatawad mo ang isang tao, inalis mo na ang paghatol sa kanya, at nakalaya ka na sa mga bagabag na dulot ng kapinsalaang nagawa sa iyo.
   Hangga’t hindi tayo nakakaalis sa biktimang damdamin, mananatili tayong nakabaon sa kumunoy ng mga pasakit at mga panggagalaiti sa mga taong puminsala sa atin. Hindi madali ang magpatawad sa sinuman. Nangangailangan ito ng maraming emosiyonal na pagtitimpi, at mahabang panahon para sa higit na mahapding mga karanasan. Subalit ito ang kailangan harapin; kung nais nating maging mapayapa, ang ituon ang ating atensiyon doon lamang sa makabuluhang bagay.
   Iwasan nating maakit ng mga emosyong may sinisisi, maling pangangatwiran, at maraming mga kadahilanan, kung bakit nagkaroon ng mga pagkakamali at kapinsalaan. Kapag tayo ay nasugatan – hindi ito mangyayari kung wala tayong partisipasyon o pahintulot. Sa isang banda, mayroon din tayong kooperasyon na ginawa kung bakit naganap ang kalapastanganan. Ito ang ating responsibilidad sa ating mga sarili – ang simulan ang proseso ng pagpapatawad. Ito ay para sa atin at hindi sa nagkasala.
   Naiintindihan ko na mahirap itong matanggap at sundin ng iba. Lalo na doon sa nakaranas ng matinding kapighatian sa kamay ng mga nangbiktima sa kanya. May mga tao na mahapding nasugatan at ayaw nang balikan pa ang nakaraan. Para sa kanila ito’y hindi na maibabalik pa tulad ng dati. Kung minsan, hindi nila alam ang simpleng paraan o opsiyon na magawa ang magpatawad para sa kanilang katahimikan. Ang patuloy na hinanakit at pagkasuklam ay katumbas nang unti-unting pag-inom ng lason at umaasang makakapatay ito sa kinamumuhian.
   Naala-ala ko ang pag-uusap tungkol sa pagpapatawad sa pagitan ni Jesus at ng kanyang disipulo na si Pedro. Ayon sa nasusulat; ay nagtanong si Pedro, “Maestro, ilang beses ba akong magpapatawad? Pitong beses? At tumugon si Jesus, “Hindi, kailangan mong magpatawad ng pitong beses ng pitumpong pag-uulit.” Sa puntong ito hindi ito paramihan ng bilang na kailangang patuloy ang pagbibilang. Binanggit ito ni Jesus kay Pedro na ang pagpapatawad ay kapayapaan ng isipan kaysa makirot na alalahanin. Kailangan nating maging mapayapa mula sa pagpapatawad. Kapag nahaharap sa kasawiang dulot ng iba, kailangan nating magpatuloy hanggang makapagpatawad at makalaya mula sa pagkabilanggo ng mga alalahanin at bulag na paghihiganti.
   Marami sa atin ang patuloy na nakikipagbuno sa mahahapding mga isyu, pagiging biktima, kahihiyan, at samutsaring mga panghihinayang. Araw-araw, taun-taon na paulit-ulit na mantra ang walang kapatawarang pagkasuklam at paninisi sa iba. Mga tao itong nakahiligan na ang magtatampisaw sa kumunoy ng pagsisisi, pagkaawa sa sarili, kahihiyan, panggagalaiti, pagbabanta, nabasag na pagka-lalaki, at patuloy na depresyon. Kahit anuman dito, o lahat ng mga ito ay pawang mga kadahilanan para makaiwas na totohanang harapin ang buhay, tuluyang magbago, at gampanang matiwasay ang mga responsibilidad.
   Ang kakayahang magpatawad ay tanda ng ispiritwal at emosiyonal ng pagkagulang. Habang nagkaka-edad, lumalawak ang ating mga kabatiran kung ano ang nararapat na mga tamang kapasiyahan. Hindi nga tayo makakabalik pa, ngunit magagawa naman nating sumulong at haraping mapayapa ang ating mga gawain..
Hindi natin ginagawa kung ano ang ating nais, subalit tayo ay may responsibilidad kung sino tayo.

Kung may mga katanungan, ay may mga kasagutan.
- Ilista ang pangunahing mga bagay na hindi mo nagawa at pumaparalisa sa iyo. Gaano karami ang mga bagay na ito na “pinag-uukulan mo ng matinding panghihinayang at pagkagalit” sa loob ng isang taon? Mahigit na limang taon? O mahigit pa sa sampung taon?
- Anong mga lunggati ang hindi mo naisagawa dahil sa matinding emosyon na naghahari sa iyong kalooban tungkol sa mga isyung ito?
- Sinu-sino o ano ang iyong sinisisi sa mga kabiguan na magawa ang iyong mga hinahangad sa iyong buhay?
- Anong mga bagay o mga pagkakataon na kung pagsusumikapan mong gawin ay hindi ka mabibigo, at nakakatiyak ka ng lubusang tagumpay na magpapabago ng iyong kalagayan sa buhay? At bakit hindi mo ito maumpisahan?

Napakahalaga na patawarin natin ang ating mga sarili sa nagagawang mga pagkakamali. Kailangan nating matuto sa mga kamalian at mapayapang sumulong.

Tagumpay o Bigo? Panalo o Talo? Masaya o Malungkot? Kaligayahan o Kapighatian?
Alinman dito, ay nasa iyong kapangyarihan ang pumili. At ito ang iyong magiging kapalaran.



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Subaybayan ang 31 na mahahalagang mga paksa:
Matatag na Sariling-Pugay at Tanging Pag-ibig

No comments:

Post a Comment