Saturday, July 14, 2012

Tanging Pag-ibig


   
 Ang tunay na pag-ibig ay binubuo nito, dalawang kaluluwa na naging isa sa pangangalaga at pagdakila sa isa't-isa.

   Sabado na naman ng umaga, tulad ng dati, marami ng mga pasyente sa klinika ng barangay Kupang. Ang pangalan ko'y Rosalie Cruz, at bilang nars na nakadestino dito, tungkulin ko ang alamin ang kalagayan, tibok ng puso, paghinga at ilang mga katanungan tungkol sa kanilang mga karamdaman bago sila suriin ng doktor.
   Nasa ikawalo akong pasyente, nang humahangos na dumating ang isang matandang lalaki at humihiling na tanggalin ang tahi sa kanyang sugat sa kanang hinlalaki. Ayon sa kanya ay magaling na ito, at nakikiusap na madaliin ang gamutan dahil nais niyang makarating kaagad sa kanyang tipanan sa loob ng 30 minuto.
    Pinaupo ko muna siya, at mga ilang sandali ang lumipas ay inalam ko ang kanyang kalagayan. Sa aking palagay, mahigit na isang oras siyang maghihintay bago siya maharap ng doktor na titingin sa kanya.

   Sa tuwing mapapasulyap ako sa kanyang kinauupuan, ay kapansin-pansin ang kanyang pagkabalisa at madalas na pagtingin sa kanyang suot na relo. Sa dahilang hindi naman ako abala sa isang pasyente, ay naisipan kong asikasuhin ito para malaman kung kailangan nang tanggalin ang mga tahi ng kanyang sugat sa hinlalaki.

   Magaling na ang sugat, kaya madaling kinausap ko ang isang doktor para matanggal na ang tahi. Inihanda ko ang mga kagamitan at ilang panlunas para ganap nang maisaayos ito. Habang nililinis ko ang kanyang hinlalaki, ay tinanong ko ang matanda kung bakit siya nagmamadaling makaalis.

   Ang tugon niya sa akin, ay kailangang makarating siya sa tamang oras sa Tahanan ng Matatanda (nursing home) para makasalo ang kanyang asawa sa agahan. Inalam ko kung ano ang kalagayan nito. Binanggit niya sa akin na matagal na itong nakatira sa Tahanan at biktima ang kanyang asawa ng pagka-ulyanin (Alzheimer’s disease).

  Sa aming pag-uusap. Itinanong ko kung mag-aalala ang kanyang asawa sakalimang siya ay mahuli nang pagdating sa tamang oras.

  Ang mahinahong tugon niya sa akin ay “Hindi na niya ito mapapansin, sa katunayan, maging ako ay hindi na niya kilala pa sa nakalipas na limang taon.”

  Nabigla ako sa tinuran niyang ito at kapagdaka’y tinanong ko siyang muli, “At patuloy pa rin kayo na nagtutungo sa Tahanan tuwing umaga, kahit na hindi na niya kayo nakikilala?"

  Isang masiglang ngiti ang kanyang isinukli at pinisil niya ng dalawang ulit ang aking kanang kamay, kasabay ang pahayag na, “Hindi nga niya ako kilala, subalit kilala ko naman siya!”

  Pinilit kong pigilin ang aking luha. At nang siya ay makaalis na, kusa na itong humalagpos at matuling naglandas sa aking magkabilang pisngi. Nausal ko sa aking sarili, “Ito ang uri ng pag-ibig na nais kong maganap sa aking buhay.”

~~~~~~~
Ang Tunay na Pag-ibig ay hindi pisikal o romantiko man. Ang tunay na pag-ibig ay ang pagtanggap kung anumang lahat ang nakapaloob sa isang relasyon; walang mga kundisyon, mga pagbabanta, mga katwiran o kadahilanan at anumang pagtatama. Kung ano ang nakaraan, ang magaganap, at ang hindi maaasahan. Hindi ito pipti-pipti (50/50) na tungkulin, bagkus ito'y sandaang porsiyento ng pagpapahalaga, pagmamalasakit, at ibayong pagmamahal ng bawa’t isa.

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment