Monday, July 30, 2012

Sundin ang iyong Pasiyon


Kung hindi mo kinagigiliwan anumang iyong ginagawa, hindi mo ito ibayong gagawin nang may pananalig at pasiyon.

27- Italaga na lubusang sinusunod mo ang itinitibok ng iyong puso ngayon, bukas, at magpakailanman.

   Sa kaibuturan ng aking puso, sadya kong pangarap ang maging isang bihasang pintor, subalit hindi ko ito pinangatawanan. Napadala ako sa sulsol ng iba na hindi ito nakakabuhay ng pamilya. Pilit kong sinupil ang simbuyong nanaig sa akin, at ito ay isang malungkot na kabanata sa naging buhay ko. Ang pinaka-makapangyarihang sandata sa daigdig ay ang kaluluwa ng tao na naglalagablab. Kung wala ito sa iyo, anumang ambisyon ay mananatiling pangarap magpakailanman.
   Ano ba ang itinitibok ng iyong puso? Anuman ito, marapat lamang na bigyan ng halaga at ibayong atensiyon, dahil narito ang makapagpapaligaya sa iyo. Kadalasan ay natatakot tayo na maipakita at sundin ang ating pasiyon (passion/bliss). Dahil ang pasiyon ay nagagawa tayong marupok at madaling mabuyo. Madalas kapag sinusunod natin ang ating puso at ninanasa ang makapagpapaligaya sa atin, ay laging nakaumang tayo sa maraming tukso at kapusukan na nagpapahamak sa atin. Madali ang umibig, ang masaklap ay ang mabigo. Masakit danasin ang kabiguan at mga paglibak mula sa iba. Subalit kung may pangarap, kailangan tuparin ito, harangan ka man ng sibat. Ang buhay nito ay nasa pasiyonng lumulukob sa iyo upang mapasigla ang iyong mga pagkilos.
   Anumang regalo na ibinigay sa iyo, o potensiyal na mayroon ka, maging mga katangian at mga kakayahan na nasa iyo, ay para tuparin ang iyong mga pangarap. At anumang pangarap noong bata ka pa ay mayroon kang utang na dapat mabayaran sa pangarap na ito. Hayaang maganap ito. . Huwag pabayaan ang iyong musika ay makasamang malibing sa iyong pagpanaw. At ito ang iyong tungkulin na kailangan punan. Kung kikilos o gagawa ka rin lamang; ibuhos ang lahat ng makakaya mo, paigtingin mo ang iyong kasiglahan, ilakip ang buong puso at kaluluwa. Tatakan ito ng iyong personalidad. Kumilos nang madalas, matapat na magpunyagi, at makakatiyak kang ikaw ay magtatagumpay. Walang bagay gaano man ito kalaki o kalawak, ang hindi maisasakatuparan nang walang simbuyo ng damdamin o pasiyon.
   Mararamdaman mo kung maigting o hilaw ang iyong pagsisikhay na matupad ang iyong mga pangarap. Nasa pag-aalab ng iyong pasiyon nakasalalay ang lahat. May dalawa itong mukha, sa isang panig ay kaligayahan, kung magtatagumpay. At sa kabila naman ay ibayong sakripisyo at pagsasaalang-alang na pinatatatag ng pasiyon. Laging tandaan: ang bisyon nang walang pagkilos ay pangangarap nang gising at ang pagkilos naman nang walang bisyon ay isang bangungot.
   Kung nais mong maramdaman ang sariling simbuyo . . . lumabas ng bahay at gumawa ng kaibahan, ituon ang sarili sa mga bagay na humahamon at nais masubukan ang iyong kakayahan. Marami kang mapagpipilian; tumulong, dumamay, maglingkod, magboluntaryo sa kagalingang panlahat, makiugnay sa mga samahang sibiko para sa kaunlaran ng pamayanan, atbp. Kung maghihintay ka lamang at laging nakaupo na may inaasahan, kailanman hindi mo mararanasan ang kaligayahang idinudulot ng tibok ng iyong puso.
   Maging gising sa tuwina tungkol sa mga pagpili at gagawing mga kapasiyahan – maging sa damdamin
at mga pagkilos – sa bawa’t sitwasyon na dumarating sa iyo. Pag-alabin ang iyong puso, at piliin ang landas ng nakakatulong sa iyong kaunlaran at nagagawang maramdaman mo ang kapayapaan sa iyong sarili at sa iba. Pagkatapos ng maghapon, ang kailangan nating matandaan ay ang sumulong at magpatuloy sa buhay sa kinabukasan, pagkagising sa umaga. Kahit na dumaan ang maghapong ito nang hindi natin nakamit ang ating nais. Kailangang sumulong tayo nang may kalakasan, may naglalagablab na pasiyon, at lubusang determinasyon na makamit ang ating mga lunggati.
   Ang iyong layunin ay itinuturo kung saang direksiyon ka pupunta, subalit ang nag-aalab mong pasiyon ang siya namang nagtutulak sa iyo para magawa ito. Ang kasiglahang bunsod nito ay mula sa iyong matatag na pananalig na magpunyagi. Sundin ang iyong pasiyon at bigyang buhay ito. Ito ang tumatanglaw sa iyong kaligayahan. Tandaan: Walang hangganan. Walang mapapasimulan. Ang mayroon lamang ay ang pasiyon ng buhay.
  
Nabubuhay tayo sa paggawa ng mga kabutihan, at hindi sa pagdami ng mga taon sa ating buhay; sa tamang mga kaisipan, hindi basta ng mga paghinga sa araw-araw; sa mga simpatiya, hindi sa kapipindot sa selpon; inaaksaya ang mga sandali sa paglilingkod, hindi ang tignan ang orasan at uwian na. Siya na masayang nabuhuhay ay sadyang palaisip, matatag ang emosyon sa kabila ng mga problema . . . at may kasiglahan sa bawa’t pagkilos.

Kung may mga katanungan, ay may mga kasagutan.
   -Nahihiya ka bang malaman ng iba kung ano ang itinitibok ng iyong puso?
   -May nakakubli bang isyu sakalimang sinusunod mo ang iyong pasiyon?
   -Nagawa mo na ba ang dalisay at wagas na magmahal at minahal ka din na katumbas nito?
   -Anong mga aktibidad ang pinagtuunan mo ng atensiyon nang nakaraang linggo? Nang nakaraang isang buwan?Nang nakaraan isang taon?

Ito ay para sa personal mong buhay: Kung ang simpleng piknik o pagdiriwang ng kaarawan ay may maayos na plano at maagang inihahanda. Mayroon ka bang mga plano para naman sa iyong personal na buhay? Pinakamahalaga ito sa lahat, dahil dito nakasalalay ang iyong magiging kapalaran sa buhay.

   -May nakahanda ka na bang mga gagawin sa susunod na linggo? Sa susunod na buwan? Sa susunod na taon? Sa susunod na limang taon?
   -Mayroon ka bang nalalamang bagay na kapag sinimulan mong gawin ay tiyak mong magtatagumpay ka?
   -Bakit hindi mo pa ito inuumpisahan? Mayroon bang pagkatakot o matinding kalituhan kung ito ay sadyang makakabuti sa iyo o hindi?
   -Alam mo ba ang kataga sa Inggles na “learned helplessness” o natutuhang kawalan ng kusa?
   -Makakaya mo bang ipaliwanag ang mga kahulugan sa pagitan ng masipag, maagap, at tamad?

   Dakilang Prinsipyo: Sundin ang iyong pasiyon
Alamin kung ano ang iyong mga pasiyon. At masidhing pasiglahin pa ito. Pag-alabin sa iyong naisin (burning desire). Tindigan kung sino ang iniisip mong tunay na ikaw. Walang anumang balatkayo o bahid ng pagkukunwari. Kung may alinlangan ka, na wala kang simbuyo ng damdamin, apuhapin itong masinsinan sa iyong sarili.
   -Ano ba ang ginagawa mo na labis mong kinalilibangan na nakakalimutan mo ang pagdaan ng mga oras.? 
   -Anong uri ng gawain na matatawag mong "parang isinukat sa iyo" na kadalasan ay ginagawa mo?
   -Anong gawain na kahit hindi ka bayaran ay patuloy mo pang gagawin?
   Sa ganitong mga aktibidad ay naroon ang mga binhi ng iyong pasiyon. Kailangan lamang na pagyamanin ang mga ito para yumabong at mamunga nang makamit mo ang iyong tagumpay.

   Ang doktor bago maggamot ay inaalam muna ang dahilan ng pagkakasakit ng isang pasyente. Hindi kailanman malulunasan ang isang karamdaman kung walang kabatiran sa pinagmulan ng sakit. Walang kalutasan ang mga bagay na hindi nalalaman.

Tagumpay o Bigo? Panalo o Talo? Masaya o Malungkot? Kaligayahan o Kapighatian?
Alinman dito, ay nasa iyong kapangyarihan ang pumili. At ito ang iyong magiging kapalaran.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Subaybayan ang 31 na mahalagang mga paksa:
Matatag na Sariling-Pugay at Tanging Pag-ibig

No comments:

Post a Comment