Ang kalidad sa buhay ng isang tao ay nasa tamang proporsiyon ng kanyang pagnanasang humusay, kahit saan mang larangan siya nakatuon.
Ang pamumuno ay isang bihira at mahalagang katangian ng isang tao. Kung walang mga pinuno na mangunguna at mangangasiwa para hubugin ang isang pangkat, samahan, o kalipunan ng mga tao, ang lipunan ay mauusyami at walang kapupuntahan. Ganito din ang nangyayari kung hindi matino at walang pagmamalasakit sa kapakanan ng mga nasasakupan ang namumuno.
Ang tunay na
kalagayan ng isang lipunan ay nararapat lamang batay sa uri ng kanyang mga
pinuno o sa mga taong umuugit sa pamahalaan. Kung sino ang iyong pinuno sa
lipunang iyong ginagalawan, ay siya ring uri ng pamamahala na iyong makakamtan.
Matiwasay o masalimoot man ito, nasa uri ng pinuno ito nakasalalay. At nasa
atin naman ang sagradong kapasiyahan na palitan sila, kung sila’y mga problema
sa halip na mga solusyon.
Ang mga Katangian
1 Ang mahusay na pinuno ay isang tao
na hindi inilalagay sa kompormiso ang kanyang integridad at karakter kapag
walang sinuman na nakatingin.
2 Ang mahusay na pinuno ay may natatanging moralidad at matibay na panininidigan
sa katotohanan.
3 Ang mahusay na pinuno ay may
kusang-palo at masidhing makamtan ang tagumpay para sa kagalingang panlahat.
4 Ang mahusay na pinuno ay hindi
palaasa at laging naghihintay sa mangyayari na kailangan pang utusan.
5 Ang mahusay na pinuno ay hindi
pabaya at laging nakatuon sa mga bagong inpormasyon at makabuluhan para sa kaunlaran ng bayan.
6 Ang mahusay na pinuno ay
pinangangalagaan ang kanyang karangalan at pangalan ng kanyang pamilya maging
sa pribado at publikong paningin.
7 Ang mahusay na pinuno ay hindi
mapagkanulo, doble-kara o balimbing sa pabagu-bagong panahon, sa mga kaalyado, sa partido, at sa antas
ng paglilingkod.
8 Ang mahusay na pinuno ay hindi
matabil ang dila, walang panahon sa mga walang katuturan at hindi nakakatulong, at laging nasa makabuluhang paggawa ang atensiyon.
9 Ang mahusay na pinuno ay masigasig
na mabago ang kapaligiran laban sa kahirapan, kabuktutan, at kamangmangan.
10 Ang mahusay na pinuno ay hindi
nasusuhulan at ipinagbibili sa anumang halaga ang kanyang sinumpaang tungkulin, at lahat ng
tungkol sa pagtupad nito.
11 Ang mahusay na pinuno ay hindi tamad
at laging nasa mga aliwan, sugalan o bisyo ng katawan, bagkus nasa paglilingkod lamang
sa sambayanan.
12 Ang mahusay na pinuno ay
mapagkumbaba, magiliw, at higit na pinahahalagahan ang maliliit at karaniwang tao.
13 Ang mahusay na pinuno ay laging
nakatuon sa isipirito ng bayanihan o sama-samang pagtutulungan at kooperasyon.
14 Ang mahusay na pinuno ay isang
huwaran at modelo na tinutularan.
15 Ang mahusay na pinuno ay may
positibong saloobin at makabuluhang tanawin sa kagandahan ng buhay.
16 Ang mahusay na pinuno ay magalang at
masuyong tinutupad ang paglilingkod sa bayan. Nangunguna sa disiplina at pagsupil sa mga kalapastanganan at pandaraya sa kalakal.
17 Ang mahusay na pinuno ay may
makabayang adhikain sa ikakaunlad ng bayan, lalo na sa pagpapairal ng mabubuting gabay at panuntunang makatao.
18 Ang mahusay na pinuno ay nangunguna
sa pagtangkilik sa mga produkto, mga ani sa agrikultura, palaisdaan, pag-aalaga ng mga hayupan, at likas na mga bungang-kahoy
at gulay ng sariling bansa.
19 Ang mahusay na pinuno ay may
pagdakila sa tungkulin at nakahandang ipaglaban ito kahit anuman ang mangyari sa
sinumang mangangahas na ito’y salaulain.
20 Ang mahusay na pinuno ay mapagmahal
at tagapagtaguyod sa pagpapaunlad ng sariling wika, mga tradisyon, mga sining at
kulturang Pilipino.
21 Ang mahusay na pinuno ay tunay na Pilipino na
makaDiyos, makaPamilya, makaKalikasan, maKatarungan, at makaBayan.
Upang mapatunayan
ang tunay na pinuno, kailangan niyang pasanin ang
bigat ng kanyang mga nasasakupan sa kanyang mga balikat at magsakripisyo para
sa ikakaunlad ng lahat. Bagama’t iilan at umuunti na lamang ang kanilang mga
bilang, hindi pa rin tayo nawawalan ng pag-asa, na kahit papaano’y may natitira
pa ring mga tunay na Pilipino na
nagmamahal sa ating bansa. Ito ang mga tao na ang tangi nilang hangarin ay ang
makapaglilingkod lamang sa sambayanan at hindi nakatuon sa pansariling
kapakinabangan o nasa pagpapayaman sa kanilang mga tungkulin.
Mayroon
ka bang kilala na tumutugon sa mga mahuhusay na katangiang ito?
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga,
Bataan
No comments:
Post a Comment