Ang imahinasyon ay higit na mahalaga kaysa kaalaman. Ang kalaaman ay limitado, ang imahinasyon ay pinupukaw ang iyong pagkatao.
Kung mapapasyal ka sa tindahan ng mga aklat at sisimulan mong igala ang iyong mga mata sa napakaraming mga estante na naglalaman ng maraming aklat, mapapansing kakaunti lamang ang mga babasahing nasa wikang Pilipino. Lalo na kung naghahanap ka ng mga literatura tungkol sa ating mga tradisyon, mga sining at mga katutubong kultura. At maging sa mga karaniwang magasin at nakalarawang mga babasahin, bihira ang mga kuwentong may inspirasyon, kapupulutan ng aral at tunay na kumakatawan sa ating pagka-Pilipino.
Maraming taon na ang lumipas nang simulan kong ikuwento ang aking mga
nababasa, at naging mga karanasan sa bawa't talakayan o mga usapan na
aking sinalihan. Halos hindi ko na mabilang ang mga ito, sapagkat
nakagawian ko na, sa anumang pagtitipon ang simulan ang mga usapan doon
sa mga makabuluhang bagay at may matututuhan. Bagama't napuputol ang
kuwentuhan tungkol sa mga karaniwang bagay at mga 'buhay ng may buhay,'
may kagalakan ding namamayani kapag personalan na at tumatalakay sa
ikakaunlad ng bawa't isa.
Kung ang pag-uusapan ay personal na tagumpay, kaligayahan ng pamilya,
sariling-pagtitiwala, taimtim na pananalig, ibayong pagtutulungan, at tungkol sa pag-ibig; ang lahat
ay interesado. Hanggang sa may mga nagmungkahing isulat ko ang mga ito. Ang
tugon ko ay hindi ako manunulat at wala akong napag-aralan o kamuwangan
tungkol dito. Subalit naging palaisipan ito sa akin kung nararapat na
gawin o ikuwento na lamang, tulad ng dati. Maging ang aking pamilya ay
sinusugan na isulat ko ang aking mga kuwento. At noon lamang Nobyembre
ng 2010, nang buksan ko at simulan (sapalaran) ang magsulat dito sa blog ng AKO, tunay na Pilipino.
At habang ako'y nagsusulat, patuloy kong pinag-aaralan kung nasa tama
at hindi nahuhulog sa kanal ang tinutumbok ng aking mga mensahe.
Paumanhin na lamang doon sa mga nakakangilo at malabnaw na paghimas ko
sa mga kataga. Katulad ng isang mananahi, marami na ring karayom ang
aking nabali sa pagtutuwid ng mga kinakailangang kataga sa pangungusap.
Dati'y pailan-ilan lamang ang bumabasa, ngayon ay mahigit ng sandaang
libo at patuloy pang nadaragdagan. Kaya naman lalo ko pang pinagbubuti at
pinagaganda ang mga larawan para lalong masiyahan ang lahat.
Ang isa kong hangarin sa pagsulat ay ang maibalik ang nakalimutang
mga pambihirang kataga sa ating wikang Pilipino. Mga katutubong kataga
na hindi na ginagamit sa ngayon at mistula nang nawala sa sirkulasyon
ng ating mga bokabolaryo. Ang pangunahing layunin ng blog na ito ay makapag-ambag ng karagdagang kaalaman tungkol sa pagiging makaDiyos,
makaPamilya, makaKalikasan, maKatarungan, at makaBayan para sa ating mga kababayan, saan man panig ng mundo sila naroroon. Nakapaloob ito sa mga mahahalagang mungkahi, mga matibay na gabay at panuntunang matagumpay, at mga kuwentong may inspirasyon sa buhay. Dahil marami
na ring nagsusulat para dito tungkol sa ating bansa, subalit laging sa wikang Inggles, ang nakapanlulumo nga lamang, bihira sa wikang Pilipino at tunay na kumakatawan sa
ating lahing pinanggalingan.
Ito ang masidhing hinahangad ng Pagkamulat, ang magasing Pilipino sa Internet.
Nag-iisa lamang ito, ngunit marami ang nilalaman; walang hintong
samut-sari at tahasang gumigising doon sa mga tulog, natutulog, at
nagtutulog-tulugan nating mga kababayan.
Ang tangi ko lamang mungkahi ay simpleng unawain lamang ang nilalaman ng bawa't pahinang narito sa paraan na higit na makakatulong sa bumabasa. At kung hindi maunawaan ang mensahe, magtanong lamang para may matutuhan. Hinihiling ko din na huwag hayaang matulad ito sa iba na mabilis na binabasa at madaling makalimutan. Ang mga pahinang narito ay nararapat na masusing basahin, pag-aralan, pakalimiin, pakatandaan at ipamuhay. At mangyari din kung may kabutihang naitulong sa iyo ay magawang maibahagi doon sa mga natitiyak mong makikinabang din nito, lalo na sa iyong mga mahal sa buhay.
Ang panahon na iyong makabuluhang inaksaya ay panahong hindi nasayang, ito'y karagdagang kabatiran para sa iyong kaunlaran.
Ang walang hanggang tagumpay sa buhay ay sasaiyo, kung magagawa mong
maging reyalidad ang mga inpormasyong narito. Maluwalhating pagtunghay
at sa iyong paglalakbay para sa tagumpay, nawa'y marami pang mga pagpapala ang
dumatal sa iyong buhay. Maraming salamat sa iyong pakikipagniig sa akin.
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment