Tuloy po kayo.

Tuloy po kayo. Isa pong karangalan ang makabahagi kayo sa pagiging tunay na Pilipino. Sa inyo pong pagtunghay ay pinalalakas ang aking hangarin na magpatuloy na makapagdulot ng kawatasan at inspirasyon sa ating mga kababayan na kagaya ninyo sa buong mundo. Mabuhay po ang ating lahi, wika, at mahal nating PILIPINAS!

Saturday, June 11, 2011

Ano ang Kahulugan ng KALAYAAN?


Ano ang kahulugan ng katagang Kalayaan?

   Ang Kalayaan ay isang napakahalagang karapatan ng bawa’t tao, kung mayroon ka nito, walang gumagapos o pumipigil sa anumang iyong ninanais at nilalayon sa buhay. Mayroon kang laya na gampanan ang mga bagay na magpapaunlad at magpapaligaya sa iyo. Malaya kang lumikha, humimok, magtatag, at magsagawa ng mga makabuluhang bagay sa ikakaunlad ng iyong sarili, mga kasamahan, at maging ang iyong pamayanan. Wala kang magiging anuman na agam-agam o inaala-ala, maging maliit o malaki man, sa paggawa ng mga ito. Mapayapa, mahusay, at maligaya ka sa pagtupad ng mga tungkulin bilang masunuring mamamayan.

   Ang pagiging malaya ay isang katangian ng pagiging makapangyarihan, may sariling kapasiyahan nang walang anumang pinapangambahan, hindi nakasandig, umaasa o nakatali sa iba, matatag at taas noong ipinaglalaban ang pansariling kapakanan at kagalingan para sa lahat. Walang nangingibabaw o nakapangyayari sa iyong mga karapatang pantao. Hindi ka naghihinala, nangangamba, o maging natatakot man sa iyong kapwa sa sariling lipunang ginagalawan, at higit na nag-aalala sa uri ng iyong pamahalaan.

   Sa kabubuang lahat, ang wastong katawagan nito ay KASARINLAN. Nagsasarili, may natatanging kapasiyahan, paninindigan, taas noong humaharap sa iba nang walang nagsusulsol o sinusunod, at walang bahid ng anumang pag-aalinlangan.


   Ito nga ba ang siyang nagaganap sa ating minamahal ng bansang Pilipinas? Totoo o tunay bang tayo ay may kasarinlan?

   Kung matiwasay ang iyong kalooban, hindi mo lalagyang ng katakot-takot na kandado ang iyong mga pintuan, ang padilimin ang iyong mga durungawan ng mga rehas na bakal na mistulang nakabilanggo ka sa iyong tahanan. At sa iyong araw-araw nang pagpasok sa trabaho at pagganap ng tungkulin, hindi ka nangangamba sa mga taong kahalubilo mo na ikaw ay mabiktima ng kanilang mga karahasan.

  Subalit kung ganito ang nananaig sa iyong mga ligalig, pagkatakot, mga pangamba, at kawalan ng katarungan sa iyong kapaligiran . . .
Hindi ka Malaya


    Kung pawang mga bagabag at mga alalahanin ang sumasaiyo sa tuwina, hindi ka malaya. Kung may patuloy na pagkatakot at kawalan ng pag-asa, hindi ka malaya. Kung mayroong balakid, mga pagbabawal, at pagkitil sa iyong mga karapatan, hindi ka malaya. Kung nais mong umunlad at guminhawa sa buhay, subalit pinipigil ka ng karalitaan, kakulangan sa edukasyon, mga koneksiyon sa lipunan, at mga pagkakataon, hindi ka malaya. Hangga’t may inaapi at may nang-aapi, may mga kabuktutan, mga katiwalian, pagsasamantala, at mga nakawan sa kaban ng bayan, walang katapusang karukhaan ng karamihan, may kinikilingang hukuman, walang mapasukang trabaho at mga pagkakataon, hindi tayo malaya.

   Isang paglalarawan; kung nakaharap ka sa isang botika, at tinatanaw mo ang gamot sa estante na siyang makalulunas sa karamdaman ng iyong anak, subalit hindi mo ito mabili sa kamahalan, hindi ka malaya. Dahil lahat ng iyong nakikitang bilihin ay may kaakibat na halaga. At ibibigay lamang ito doon sa bibili na may sapat na pambayad. Kung wala ka nito, walang kang kalayaan na ito’y mapasaiyo. Kung may salapi ka, sa iyo ito. Kung wala kang salapi, ibayong pagtitiis ang kaulayaw mo. Kawangis mo'y isang bilanggo na walang kakayahan at karapatan. Hindi ka malaya.

   Lahat ay may katumbas na pagod, panahon, pagkakataon, at kabubuang salapi. Kung wala sa iyo ang mga ito, tumingin at umasam lamang ang iyong karapatan. Kung walang laman ang iyong bulsa, maraming bagay ang wala kang kalayaan na magawa, gampanan, mapasaiyo, at ikaunlad mo.

   Sa isang bansa na tulad ng sa atin, sa tuwing sumasapit ang “Araw ng Kalayaan” ang ating pamahalaan ay mistulang isang bugaw (pimp) na nagkukumahog na ipangalandiri ang ating bansa na kawangis ang isang pampan (prostitute). Hindi ba nila nababatid na ang paghihimagsik na sinimulan ni Gat Andres Bonifacio at tinutulan ni Gat Jose Rizal ay hindi pa tapos? Noong tayo’y magwagi laban sa pamahalaang Kastila, pumalit naman ang mga Amerikano at sila naman ang ating nakalaban. Dahil sa panghihimasok na ito, nasangkot tayo sa digmaang Hapon at Amerikano.  

Ano ang ipinagdiriwang natin, ang ating kamangmangan at pagyukod ng ulo sa mga banyaga at naghaharing-uri sa ating bansa?

   Hindi natin malilimot ang kabuktutan ginawa ng mga Amerikano sa malakihang pagpatay sa Kalookan, sa Balangiga ng Samar, sa katampalasanan sa Isabela, taksil na pagpatay kay Heneral Makaryo Sakay, at sa marami pang iba. Hindi ba ito alam ng ating mga"kagalang-galang" na mga punong-bayan? Mga gising ba silang nagtutulog-tulugan? Mahirap talagang gisingin ang mga nagtutulog-tulugan.

   "Ow, natapos na ito. Noon pa 'yon, nakaraan na. Bakit paksa pa rin ngayon." Ang tanong ng nakabasa nito. Tumugon ang kasama niya, "Dahil may nagpapahirap pa rin sa atin. Ito ang may kontrol sa ating kabuhayan at pumipigil sa pag-unlad ng ating mga industriya. Mga dayuhang banyaga pa rin ang nasusunod sa ating lipunan." "Oo nga naman," ang pakli naman noong isa, "Noon, pumapangalawa tayo sa Hapon sa kaunlaran sa katimugang Asya, ngayon naman kulelat tayo sa lahat." Sumabad ang isa pa nilang kasamahan, "Pero, pagdating naman sa pangungurakot at corruption, number one tayo sa buong Asya! . . . di bah?"

Ang makalimot sa kasaysayan ay isang kataksilan, sa pag-uulit muli ng dating kapahamakan.

   Na ang ipangkaloob sa atin noong 1946 na kalayaan daw ng mga Amerikano(July 4, same date of their independence) matapos ang digmaan laban sa Hapon, ay isang huwad at hindi makatarungang pananamantala ng isang makapangyarihang bansa laban sa winasak at binusabos na bansang Pilipinas. Gayong “Open City”ang Maynila, dinurog nila ito at ganap na winasak. Pagmamalaking sagot ng isang tagabombang sundalong Kano, kung bakit patuloy nilang binobomba ang Maynila na pumatay ng maraming sibilyan, gayong wala ng labanan at sumuko na ang mga Hapon, “Ito ang utos ng mga nakakataas sa amin, at ang mga bomba ay hindi na namin maibabalik pa. Kailangang ihulog ito upang magaan kaming makabalik sa aming paliparang barko (aircraft carrier).”Ang balikwas na tugong patanong ng reporter (mamamahayag) na nagtanong, “Bakit hindi ninyo na lamang inihulog sa dagat ang mga bomba?”

   Pinalitan natin ang ika-apat ng Hulyo ng mga Amerikano, ng ika-12 ng Hunyo, bilang pagdakila sa tunay na petsa sa “Araw ng Kalayaan” ito’y nang ipahayag sa Kabite ang unang Republika ng Pilipinas. Ngunit pansamantala lamang ito, ang sumunod na kaganapan ay sagupaang Pilipino at Amerikano noong panahon ni Heneral Emilio Aguinaldo.

  Hanggang ngayon ay patuloy ba ang paglalaban. Ang sinimulang himagsikan noon ay nagaganap ngayon. Dangan nga lamang, ibang kaparaanan naman ang tunggalian. Ang pagkontrol sa ating kabuhayang bansa at ang pagpigil sa maging malawak ang mga industriya nito. Bagama’t napaalis natin ang mga base militar ng mga Amerikano sa ating bansa, patuloy naman silang narito. Pakita lamang sa publiko ang hindi hayagang pakikialam, ngunit patuloy naman ang pagpapadala ng kanilang mga kawal at humihimpil sa iba’t-ibang panig ng ating kapuluan, lalo na sa katimugang Mindanaw. Nilapatan ito ng paimbabaw na taguri, “Balikatan” isa daw na pagsasanay militar ito. Para saan ito, sino ba ang ating mga kaaway? Kanino ito inihahanda? Sa labas ba ng ating bansa, wala tayong kakayahan para dito?  O, sa loob mismo ng bansa natin ito inihahanda, para doon ba sa mga nagigising na mga Pilipino?

   Hindi katakataka ang walang awa at pataksil na pagpatay ng mga tauhan ng pamahalaan sa mga kababayan nating may makabayang layunin. Sa halip na pahalagahan dahil ipinaglalaban nito ang mga karapatang pantao ng mga nakakarami,ay pinupuksa nila at pinipilit na itago ang katotohanan sa ating lipunan.

   Upang maging makatotohanan ito, sumulpot ang hindi matalo-talong maliit na pangkat ng Abu Sayyaf at nagpatuloy ang katigasan ng lulubog-lilitaw na NPA o BHB, Bagong Hukbo ng Bayan. Na ginagamit sa mga halalan at panakot sa mga mamamayan. Sino ang nasa likod ng mga ito, na patuloy na tumutustos? Saan nila kinukuha ang kanilang mga makabagong armas? Sino ang tunay na may kapangyarihang nagpapasunod sa kanila? Sino ang may pakana ng mga kahina-hinalang mga pagpapasabog ng bomba sa Kalakhang Maynila at Mindanaw? Bakit mistulang patapon o para sa pagpapakamatay lamang ang mga karaniwan nating kawal, sa bala at bomba ay laging mintis, mumurahing kagamitan, at sa  mga pagsasanay ay laging kinakapos? Ito ba'y tahasang sinasadya, at maging combat shoes ay yari lamang sa suwelas na karton na kapag nabasa ay natatanggal?

  Sino ang talagang nakikinabang sa mga kaganapang naghahari sa ating lipunan?
  Humalili at patuloy ang mga dating naghaharing-uri, sila rin noong panahon ng Kastila, Amerikano, Hapon, (collaborators) at hanggang ngayon, sila pa rin ang namamayani sa lahat ng kabuhayan, mga negosyo, ari-arian, at pagpapatakbo ng ating pamahalaan. Kung sila ay mga tunay na Pilipino, sa halip na umunlad tayo, bakit lalo lamang tayong naghihirap? Palaki at hindi paliit ang agwat ng mayayaman at mga mahihirap? Kailangan pa bang umalis ng bansa ang marami sa atin (pati ako) at magpaalipin sa mga banyaga? Ito ba ang kalayaang Pilipino na kailangan nating ipagdiwang tuwing ika-12 ng Hunyo?

  Malaya nga ba tayo? Sino ang higit na malaya, ang naghaharing-uri o yaong nagdarahop at namimighating mga Pilipino. Sino ang may pambili at yaong nakatingin lamang at patanaw-tanaw na masulyapan at naghihintay na matapunan ng awa? Kung sakaliman magkakaroon ng digmaan, at ikaw ay makikipaglaban sa iba, ano ang iyong ipinagtatanggol? May sarili ka bang mga lupain, mga kabuhayan, mga ari-arian, mga negosyo, mga mansion na bahay, magagarang sasakyan, at higit sa lahat milyung-milyong salapi sa bangko, upang magtanggol para dito? Kung wala ka ng mga ito, sino at ano talaga ang ipinagtatanggol mo, ang iyong sarili o ang mga naghaharing-uri? Karamihan sa atin, kahit lupa sa paso ay walang pag-aari. Tanunging mo ang ating mga karaniwang kawal sa militar, kung ano ang ipinagtatanggol nila at lagi silang nasa parada tuwing "Araw ng Kalayaan" Wala silang nalalaman sa katotohanang ginagamit lamang sila.

Isang katotohanang hindi mapapasubalian:
 Ang pananatili ng PMA (President’s Military Academy, the real name; and not Phil. Military Academy,  a misnomer), gayong hindi naman tayo imperyalistang bansa na nagpaparami ng sinasakop na mga bansa, ay mayroon tayong dalubhasang pamantasang militar na kinopya sa West Point ng mga Amerikano. Taun-taon marami ang nagtatapos dito sa pagka-dalubhasa, subalit matinding nakapanlulumo at kahina-hinakit, isang pangkat lamang na tulisan o terorista, hindi nito matalo. Para saan ang malaking salaping ginugugol sa pananatili nito? Para kanino? Para sa taong bayan? Ang supilin ang mga makabayang layunin na nagtataguyod para sa kaunlaran ng bansa.

Ito ang tunay na nangyayari sa ating bansa.
   Marami ang heneral at mga pinuno kaysa mga kawal sa ating militarya o sandatahang lakas. Sa sobrang dami, halos lahat ng matataas na puwesto sa mga departamento at maging gabinete ng pamahalaan ay hawak nila. Walang pagbabago, bagkus lalong lumalala ang mga katiwalian kapag sila ang may hawak sa panunungkulan. Sinumang nagiging Pangulo ng ating bansa ay malaki ang pagtakot sa kanila, nakayukod ang ulo at sunod-sunuran sa kanilang mga kagustuhan. Pati na ang pagiging mga sugo o kinatawan (Ambassadorship) sa ibang bansa ay nasalaula na rin ng mga nagretirong heneral. Ang kanilang pinag-aralan ay kung papaano ang pumatay at mamamatay sa digmaan. Ang ipagtanggol ang sambayanan, hindi ang magnegosyo at magpayaman sa puwesto, mandaya sa halalan, at patayin ng pataksil at walang kalaban-laban ang mga nagpapahayag ng karapatang pantao. Kabila-kabila ang mga kaso ng kanilang mga pagnanakaw, pagpapayaman, at ang pagpapanatili nila sa puwesto ng mga bayarang pinuno ng bayan, magmula sa Pangulo ng bansa hanggang sa Kapitan ng Barangay. Ang PMA ay nagpapatuloy para sa naghaharing-uri sa ating bansa. Hindi ito para sa bayan, tulad ng mapait na katotohanang nangyayari sa ating bansa, noon at magpahanggang ngayon.  

   "Ow," sabat na naman nitong katabi ko, "Wala na bang natira sa mga heneral na nanggaling sa PMA na matino at makabayan?" Bigla ang tugon ng isa naman, "Wala na, kung mayroon man, may busal ang bibig at may laman ang bulsa." Susog ng pangatlo, "Totoo 'yan, kung mayroon man, kahit iilan, lalantad sila at lalabanan ang mga kabulukan sa militar, ang pandaraya at pakikialam nito sa halalan." At pagwawakas pa, "Wala ng matino sa kanilang lahat, kaya nga nagpapatuloy ang kabuktutan at kalagiman sa ating bansa. Dapat buwaging na ang PMA, hindi ito para sa sambayanan, pampahirap lamang ito. Isa pa, saan natin gagamiting digmaan ang mga napakaraming heneral na ito kundi ang sugpuin ang ating sariling mga makabayang mamamayan."

Patotoo o pruweba para dito?  Magbasa lamang sa ating mga pahayagan, sa mga balita sa telebisyon at mapapatunayan mo ito, kaya lamang ibayong pamamanglaw ang sasaiyo matapos mong mabatid ang mga ito. Kasuklam-suklam na ang lahat. Wala na bang magagaling at matitino sa Pilipinas at halos pawang mga heneral ang mga namumuno ngayon sa pamahalaan. Mistula ng garison ng militar ang ating bansa. Sino ang makakalimot sa mga pangalang ito, Palpalan, Esperon, Ligot o si "Limot", Garcia, Reyes at napakarami pang iba, napakahaba ang listahan. Ang nakagigimbal pa, mayroong full military honors and gun salute at karapatang mailibing sa Libingan ng mga Bayani. Dahil bayani ngayon ang magnakaw. Mayroon pang isang matinding magnanakaw at dating panggulo, marami itong pekeng medalya at nais ding mailibing at matawag na bayani. Pinagtatalunan ngayon kung ang pagiging diktador at masibang pagnanakaw nito ay kailangang ipagbunyi at parangalan. Marami ang kamag-anak at kawangis na buwaya sa kongreso ang pumirma upang mangyari ito. Bakit hindi na lamang alisin ang "mga" at "i" sa Libingan ng mga Bayani at tawaging Libingan ng Bayan ito. O, dili kaya... para masaya ang lahat, ang tamang tawag ay Libingan ng mga Magnanakaw.

  Hangga’t umiiral ang mga ito sa ating bansa,
HINDI KAILANMAN, TAYO . . . MAGIGING MALAYA !

Isa lamang pang-uuto at pagtatakip ng mga nakapanlulumong huwad ang mga parada  sa “Araw ng Kalayaan”  ooops, mali pala ito, ang tumpak na taguri ay “Araw ng Kataksilan” 
na ginaganap sa Rizal Park at sa maraming dako ng ating kapuluan.



-----------------------------------------------

Siyanga pala, bago ko malimutan. Mariing pinabulaanan ng pangalawang tagapagsalita sa Palasyo ang tungkol sa gaganaping "Araw ng Kalayaan" na kung saan, ang watawat na iwa-wagayway ni Penoy na may mga letrang K.K.K. ay hindi pala tungkol sa Katipunan ni Gat Andres Bonifacio na "Kagalang-galangan at Kataas-taasang Katipunan ng mga Anak ng Bayan" bagkus ay K.K.K. o ang pansariling katipunan ng mga naiibigan at kinagigiliwan ni Penoy, ito ay ang mga:
Kakampi (Liberal Party mates), Kaklase (classmates) at Kabarilan (shooting buddies)
Bilang paglilinaw sa naunang pahayag ng kasamahan nila na pangunahing tagapagsalita, na sinang-ayunan naman ng pangatlong tagapagsalita ng palasyo. Ito, ayon sa mapag-kakatiwalaang ulat, ay isang paliwanag mula sa katatanggap pa lamang na pang-apat na tagapagsalita na magsisimula bukas.

No comments:

Post a Comment