Monday, March 12, 2012

Ang Kabatiran ang Kapasiyahan



Ang isang tao na may kabatiran ay may katumbas na puwersa ng 100,000 na mayroon lamang na mga paghahangad.

KABATIRAN (Comprehension)

 Kung batid mo ang anumang iyong iniisip, maihahalintulad ito sa isang hardin, na kung saan ay maaari mong alagaan, pagyamanin, at pagandahin. Maaari ding pabayaan mo ito at maging mistulang isang talahiban na walang kapakinabangan. Kung walang mabuting binhi na iyong itatanim, wala ring kabuluhan ang iyong aanihin. At kung hahayaan itong kusa nang walang pag-aaruga, anumang tumubo dito ay siyang mangingibabaw.

     “Kung hindi mo batid, huwag mong paniwalaan.”
     “Nasa kabatiran ang iyong kagalingan.”
     “Huwag paghimasukan, kung wala kang kabatiran.”
     “Magsaliksik para may mabatid!”

9 Sino Ako?
   Saan ba ako nanggaling at bakit? Mahirap sumalunga at tahakin ang sariling buhay nang walang kabatiran sa ating “sasakyan.” Bagama’t may dumadaloy na ispirito at nagpapakilos sa “sasakyan” na ito, kailangan pa ring mabatid ang lahat ng tungkol dito upang maging kasiya-siya ang gagawing paglalakbay.
Ang ba ang aking layunin sa buhay? Papaano ko ba maiwawasto ang aking sarili? Ano ba ang tama at mali tungkol sa akin? Paano ko matitiyak na ang aking mga kapasiyahan ay patungo sa tunay kong hinahangad na pagkatao.
  AKO ay isang katawan, mula sa ulo hanggang paa na may masusukat na mga pagkakakilanlan. Mayroon akong pangalan, mga katangiang likas sa akin, mga talento, at mga napagtagumpayan—subalit kung sino ako ay kasama din ang mga hindi mahahawakang kamalayan na umiiral sa akin na batid kong bahagi ko. Ang aspetong ito sa aking sarili ay walang maaninaw na sukat o hangganan, hindi ito nakikita. Ang taguri dito ay Kaisipan, ito ang pumapailanlang at nagpapaikot kung ano ang gagawin ng aking katawan. Angkop lamang na bahagi ako ng patuloy na paglikha ng Dakilang Ispirito na nangingibabaw sa pangkalahatang kaganapan. Bagama’t hindi ko ito nakikita, ay nararamdaman ko ito sa aking katawan, nararanasan mula sa kalikasan, at siyang nagpapakilos sa akin. Alam kong isa akong ispirito na siyang may responsibilidad at tungkulin na patnubayan ang katawang ipinagkaloob sa akin. Kung papaano at saan ko ito gagamitin. Nasa aking kapangyarihan ang piliin kung matiwasay o masalimoot; kaligayahan o kapighatian; pagkabuhay o pagkamatay, ang aking tatahakin sa mundong ito. Ang katawan ko ang tunay na reyalidad, mag-isang nakatunghay at nagbibigay buhay at interpretasyon sa lahat ng aking nakikita at nararanasan. Kung wala ito, wala ang mundo.
   Hindi tayo naging tao na naghahanap sa ating ispirito, tayo ay mga ispirito na nasa katawang tao. Ito ang ating esensiya. Dito tayo nanggaling at ito ang gumagabay sa atin. Ang pinakamahalagang kabatiran na kailangan nating gawin ay ituon ito sa Dakilang Ispirito na Siyang lumilikha ng lahat, at likhain ang nakatakda nating kapalaran.

                Ang makabalik sa ating pinagmulan
      Hindi natin matatapos ang paggalugad kung sino tayo;
        Hanggang sa wakas, maging ang ating mga tinutuklas.
           Ang makarating kung saan tayo nagsimula;
               At mabatid ang pook sa unang pagkakataon.
  
Mahalaga na Kilala ang Sarili
  -Mababatid mo ang katotohanan kung buong katapatan mong hahanapin ito sa iyong sarili.
  -Huwag matakot na makilala at mabatid kung sino kang talaga.
  -Ang kabatiran na ginugugol natin ang buhay sa mga pagkilos na ito: maghangad, magkaroon, at gumawa.
   -Gamitin ang iyong kakayahang piliin ang tama bilang kabatiran sa anumang paghamon sa iyong kakayahan.
  -Ang iyong mga emosyon ay makapangyarihang mga puwersa upang makamit mo ang iyong kaganapan. Alamin ang mga ito at pagyamanin para sa iyong kagalingan.
  -Kilalanin ang iyong mga problema. Ito ang simula upang malunasan ang mga ito.
  -Kung hindi mo ito itutuwid ngayon, nakaamba kang makagawa pa ng mga kamalian.
  -Kung ikaw ay nababalisa at nagagalit, kilalanin at subaybayan ito. Saan ito nagmula?
   -Sakalimang nalilito at walang desisyong maapuhap, kalamayin ang sarili at magliming mabuti, upang mabatid ang mga umaagaw sa iyo ng atensiyon. Maging mahinahon kaysa makagawa ng marahas na hakbang na pagsisisihan.
  -Hangga’t walang kapayapaan sa iyong puso. Hindi mo ito masusumpungan saan mang dako.
   -Hindi natin nakikita ang mga bagay kung ano ang mga ito. Nakikita natin ang mga ito bilang kung sino tayo.
   -Ang mabatid na ikaw ay nagagamit sa isang layunin na umaayon sa iyong sarili; ang pinakadakila mong misyon sa buhay.
  -Anuman ang nasa likod at harapan natin ay maliliit lamang na bagay kaysa kung ano ang nasa ating kalooban.
  -Ang susi sa iyong kaligayahan ay ang kabatiran na maging masaya at mapanglingkod sa tuwina.
  -Ipangako sa sarili na ang iyong buhay ay isang rebolusyon at hindi isang proseso ng ebolusyon.

  Ang Dakilang Ispirito ay iniibig na makita sa akin, hindi bilang na tagapaglingkod niya, kundi ang maging siya na naglilingkod para sa lahat.

 Isa akong bahagi ng kalahatang Sibol na lumilikha sa akin na kilala sa tawag na Bathala, Ispirito, Dakilang Maylikha, Makapangyarihan, atbp. Kahit na hindi ko ito nakikita o nahihipo, alam kong bahagi ako nito, sapagkat nilikha ako na kawangis Niya, na kung saan, ako ay dito nanggaling. Mula sa Kanya; ako ay lumitaw, nagkaisip, nagkamalay, at nakabatid, ng mga katotohanan ng lahat tungkol sa akin. Masasabi lamang na tayo ay buhay kung ang mga sandaling ito ay gising tayo at pinahahalagahan ang ating mga pagpapalang ito. Sapagkat ang ating buhay ay tayo ang lumilikha, noon pa man, at magpapatuloy ito magpakailanman.

   Ang pinakadakilang kapasiyahan ay kailangang mag-isip bago kumilos at gumawa upang matupad ang lunggati sa bawa’t araw. Kung mabigo man dito ay hindi dahil sa kakulangan ng pagkilos, bagkus sa pagkilos ng walang kabatiran. 

 10 Alamin Kung Saan Ka Patungo
   Huwag maglakbay sa buhay na laging nag-aakala o may bahid ng paghihinala. At lalong higit pa, kung pinepersonal mo ang mga bagay. Hindi nito patatahimikin ang iyong kalooban. Ugaliing kinikilatis mo at tinatalos na mabuti ang iyong sarili bago ang isang krisis ay dumating at malagay ka sa alanganin. Naranasan mo bang sumakay sa isang bus na patungo sa isang bayan, at nasa kalagitnaan na ito ng biyahe nang mapansin mong mali pala ang bus na nasakyan mo at ito’y patungo sa maling direksiyon? Ganito din ang nagyayari sa ating buhay. Lumilikha tayo ng lunggati at nagpaplano – at paminsan-minsan natutuklasan nating tayo ay nasa maling “daan.” Gaano mang katulin ang iyong pagtakbo, at gawing lahat ang makakaya mo, kung mali namang direksiyon ito, anong katuturan ang mapapala mo? Patuloy ka lamang na paikot-ikot at walang masusumpungang katahimikan.
   Ang mabatid ang sarili ay siyang esensiya ng pagiging buhay. Kung wala kang kabatiran sa iyong sarili, hindi ka nabubuhay. Mistula kang alikabok na inililipad ng hangin, o tuyot na patpat na inaanod ng rumaragasang tubig. Walang nalalaman na  mga katangian, talento, o mga kakayahan; isang tao-tauhan o robot na de-susi. Anumang pagsubok o paghamon na iyong haharapin ay hindi upang paralisahin ka, bagkus ang tulungan kang makilala at matuklasan mo kung sino kang talaga at saan ka papunta.

 Ang buhay ay walang hintong paglipas ng mga sandali. Ang mabuhay na maligaya sa bawa’t saglit ay tagumpay.

Mga Kasawian ng Naghahanap    
Inaalam mo kung saan ka pupunta -Kung wala kang katiyakan, anumang daan ang iyong tahakin ay makakarating ka. Ang kabatiran ay hindi nangyayari ayon sa plano. Mistula itong mga pira-pirasong larawan na kailangan mong bubuin nang wala kang sapat na kabatiran sa anyong nakalarawan. Wala kang sinusundang iba, at lahat ng iyong maiisip o imahinasyon ay mga pag-aakala lamang at kailanman ay hindi kawangis ito ng lunggati. Kung kilala mo ang iyong sarili at talos mo kung ano talaga ang iyong misyon sa buhay, ito ang liwanag na tatanglaw sa iyong paglalakbay.
    Pinaghihirapan na makapunta doon. Kung wala kang mahihita na pakinabang, o banga ng ginto na iyong makakamit, balewala ito sa iyo. Subalit kung dito nakasalalay ang lahat ng iyong kaligayahan, pipilitin mong lagpasan ang anumang balakid sa iyong harapan.
   Paggamit ng mapa ng iba. Kung tagasunod ka lamang ng iba, pakaasahan mo na ikaw ay maliligaw. Ang naging karanasan niya ay malaki ang kaibahan tungkol sa iyo. Sinasanay mo lamang ang iyong kaisipan sa dating nakagawian, at ginagaya ang iba upang maging sarili mong katotohanan. Kailangan matutuhan ang maraming itinuturo mula sa iba't-ibang direksiyon, subalit nananatili ang iyong pagpapahalaga sa sarili, at pagtuon lamang sa mga makabuluhan na makakatulong sa iyo.
   Pagpapagod na mapaunlad ang sarili. Hindi ito isang proyekto na kailangan mong tapusin. Wala itong katapusan. Ang kabatiran ay kusang sumusulong hangga't ikaw ay gising at nauunawaan ang tunay na kaganapan sa iyong kapaligiran. Bawa't sandali ay nagkakamalay ka na mabatid ang katotohanan. Hangga't bukas ang iyong isipan at batid ang kaibahan ng mabuti at masama at mga epekto nito sa iyong buhay, abot-kamay mo na ang iyong tagumpay.
   Paglalaan ng panahon hanggang sa makarating. Marami ang nais na makarating sa kabilang pampang, ngunit ilang dipa na lamang ang lalanguyin ay doon pa humihinto at bumabalik. Gayong higit na maraming dipa pa ang babalikan upang makabalik sa pinagmulan. Upang maiwasan ito ay huwag maglaan ng hangganan, kahit na mahirap gawin ito nang hindi mawawalan ng motibasyon. Anumang paglalakbay sa buhay, ang kabatiran ay nagaganap, nararanasan, at nagpapasaya anumang sandali, hindi sa daratnang destinasyon.
   Naghihintay ng milagro. Sa buhay ang lahat ay milagro. Hangga't gising ka at nagagamit mong lahat ang tungkol sa iyo; kaisipan, kamalayan, at kabatiran, ito ang iyong milagrong katotohanan. Anumang bumabagabag sa iyo, ipagkatiwala ito sa Makapangyarihan sa lahat, ang tunay na tagalikha ng ating mga milagro. Wala ng mahusay na paraan sa tunay na naghahanap kaysa ang iwasan ang mga kasawiang ito. 

 Isang kinalulugdang awitin ay ang "My Way" at pambansang awitin sa mga karaoke. May patayan pa kung sintunado ang pagbanat nito, ngunit malinaw na inilalarawan ang ating nagawang paglalakbay.
    And now the end is near
    And so I face the final curtain,
    My friends, I'll say it clear,
    I'll state my case of which I'm certain.
    I've lived a life that's full, I've travelled each and every highway
    And more, much more than this, I did it my way.
   My Way, Paul Anka


 11 Pinili Upang Maging Masaya
      May nagsabi, “ang buhay ay maganda,” subalit hindi naman niya ito nadarama. Itinatatwa siya ng kanyang mga emosyon. Bagama’t may ngiti, laglag naman ang balikat at hindi makasulyap. Higit na nakabaling sa mga problema at walang ginagawang solusyon. Ang sekretong pormula dito ay ang kamalayan na maunawaan ang damdamin at masupil ito. Ang mabatid na lumitaw ka sa mundong ito upang maging masaya, hindi upang magdusa. Ikaw mismo ang makakagawa nito para sa iyong sarili. Nalilito ka lamang at hindi mo ito napagtutuunan ng atensiyon. Gawing makatotohanan ang lahat. Hangga’t hindi ka masaya sa iyong sarili, lahat ng iyong makikita ay repleksiyon ng iyong mga nadarama. Sa bandang huli; hindi ang bilang ng mga taon sa iyong buhay ang mahalaga, bagkus ang iyong naging buhay sa mga taon na ito.

Mapagmahal na pamilya, mabuting mga kaibigan, tamang mga aklat, at konsensiyang nakakatulog nang mahimbing: ito ang magiting at ulirang buhay.

12 Salamin ng Iyong Pagkatao
   Bawa’t isa sa atin ay naghahangad ng atensiyon, magandang relasyon, at kaibahan sa buhay. Nais natin ng paggalang, pagmamahal, kapangyarihan, at pang-unawa. Ito ang nagpapalakas at nagpapasigla na makagawa ng mga tamang kapasiyahan na makakatulong sa ating mga sarili at gayundin para sa lahat. Subalit kapag nabatid ang mga kapaguran at sakripisyong kaakibat ng mga ito, mabilis tayong tumitigil at tinatanggap na lamang kung ano ang mayroon sa atin. Ito ang nagpapahayag kung sino tayo. Bagama’t sa labas tayo ay matatag at matikas tignan, sa katotohanan ay lupaypay ang balikat at ampaw ang kalooban. Nasa ating mga pagkilos makikilala ang antas ng ating kabatiran kung malinaw at makakatulong ito. Kung hilaw at mababaw ang ating kabatiran, gaano mang pagpupunyagi ang gawin dito, wala itong kapupuntahan.

   Kailanman ay wala kang kabatiran; kung ang isang masuyong pagkilos, pagtitiwala, o isang salita ng pagpukaw sa isang tao na maging masikhay sa buhay, ay makapagpapabago ng kanyang buhay. Subalit tungkulin mo ang bigkasin ito, sapagkat narito ang iyong ikakatagumpay.

Ang tagumpay; anumang uri mayroon ito, ay siyang tropeo ng pagsisikhay, ang bantayog ng kabatiran. Sa pamamagitan ng disiplina, resolusyon, kawagasan, tamang kapasiyahan, at tuwirang kabatiran ang nagpapayabong sa iyong pagkatao. At ang mga kabuktutan, karahasan, katamaran, pagnanakaw, at kalituhan na mabatid ang katotohanan ang nagwawasak naman. 

   Ang akin bang nababatid ay kaayusan o kaguluhan?
   Nababatid ko ba ang aking pambihirang kaibahan?
   Nababatid ko ba kung papaano ang aking nadarama
   Nababatid ko ba kung ano ang aking talagang nais?

      Nasa iyong mga kamay ang kaunlaran mo. Kailangang mabatid na kung hindi mo matutulungan ang iyong sarili, walang makakatulong sa iyo. At ito’y mangyayari lamang kung nais mong matulungan, sapagkat kung ikaw ay mahina, kailangan mo ang kalakasan ng iba. Mula sa iyong pagsisikhay, mapapalakas mo ang iyong sarili tulad ng iba. Walang makakagawa nito para sa iyo, kundi ikaw mismo; kung mababago mo ang iyong kabatiran sa bagay na ito. Ito ang magpapalaya sa iyo. Dahil walang kaunlaran at walang tagumpay, kung walang sakripisyo.
   Ang buhay ay matatagpuan lamang sa kasalukuyan. Ang nakaraan ay lumipas na, ang bukas ay wala pa dito, at kung wala tayong kabatiran sa mga sumandaling ito, wala tayong kamalayan kung bakit tayo ay nabuhay pa. Tandaan na sa bawa’t araw, ang iyong buhay ay kahalintulad ng pera. Ito lamang ang perang hawak mo, at ikaw lamang ang may karapatang gastusin ito ayon sa iyong kagustuhan. Kung wala kang kabatiran para dito at hindi maingat, ibang tao ang gagastos nito para sa kanilang pansariling kapakinabangan.

Pagtitiwala sa Pagpapasiya
   Marami ang umiiwas na gumawa ng kapasiyahan sa takot na magkamali. Gayong ang kabiguan na magpasiya ay siyang pinakamalaking kamalian. Nangyayari ito sa dahilang walang ganap na kabatiran ang isang tao kung ano ang nararapat niyang gawin. Kapag ito ay nagpatuloy, nawawalan na ng pananalig upang pagkatiwalaan ang sarili na magpasiya pa. Kung wala kang katanungan, wala kang magiging kasagutan. 

   Bakit ako mag-aaral sa kolehiyo? Upang magkaroon ng diploma na may natapos ako.
   Ano ang karerang kukunin ko? Yaong talagang nais ko at makakatulong sa pangarap ko. 
   Bakit kailangang gawin ito? Para magkaroon ako ng sapat na kuwalipikasyon at karunungan.
   At para saan ito? Upang makakuha ng trabahong angkop sa akin at maitatag ko ang aking negosyo.
   Para kanino? Dahil nais kong magkaroon ng sariling pamilya at matustusan ito sa abot ng aking makakaya.
   Bakit? Ito ang aking magiging tuntungan na matagpuan ko ang aking tunay na pagkatao, kaligayahan at kaluwalhatian.

   Mahalaga ang may mga katanungan, nagsisilbing mga mapa ito upang mabatid mo kung ano talaga ang iyong intensiyon at inaasahang makakamtan kapag narating mo ang iyong piniling destinasyon. Huwag tumulad sa marami na sumunod sa dikta ng iba, kumuha ng kurso nang walang kabatiran kung ito nga ang para sa kanila. Naging doktor sa medisina ngunit pinili ang maging kontraktor sa mga pagawaing bayan. Isang abogado, ngunit laging nasa puso ang musika at ipinasiyang maging kompositor. Kapag naharap sa isang situwasyon at masusi mong kinilatis ang iyong hangarin, kung ito ay makakatulong bilang bahagi ng iyong lunggati; lumalakas ang iyong pagtitiwala sa sarili at ang mga kapasiyahan ay madali na lamang.

Sagutin ito: Ano ang iyong plano na gagawin sa iyong mailap at napakahalagang buhay? May sapat ka bang kabatiran sa gagawin mong paglalakbay; upang makamtan mo ang iyong dakilang layunin sa buhay?
  
Huwag nating pahintulutan na pumanaw at kasamang mailibing ang ating musika sa ating mga puso. Kaya lamang ito mangyayari ay kung hindi natin namamalayan ang mga kaganapan at walang kabatiran na maging makatotohanan ang mga ito. At kapag nabatid naman natin ay huli na, pumipikit na ang mga mata at madilim na ang lahat.
   Hangga’t bulag at nababalisa ang tao; tuwiran na walang kabatiran sa Dakilang Liwanag na siyang tanging tumatanglaw sa sansinukob, kung Sino ang lumikha sa kanya, ano ang nararapat niyang gawin, saan siya patungo, at walang anumang kamalayan kung bakit mayroon siyang konsensiya na laging kumakausap sa kanya, isa itong kahindik-hindik na bangungot na mistula siyang itinapon sa disyerto, na tigmak sa pawis at matinding pagkauhaw, naligaw at wala nang pagkakataon pang makatakas.
   Ito ang tahasang nagaganap at hindi natin nababatid. Hindi nakapagtataka na karamihan sa atin ay sawimpalad at nagdarahop sa lahat ng bagay.

Sa pagnanais na makamit ang buhay, hayagang nakakalimutan ang mabuhay.

Ang kabaligtaran ng kapangitan ay hindi kagandahan, ito ay kabatiran.
Ang kabaligtaran ng kalungkutan ay hindi kasayahan, ito ay kabatiran.
Ang kabaligtaran ng kaguluhan ay hindi katahimikan, ito ay kabatiran.
Ang kabaligtaran ng kakulangan ay hindi kapupunan, ito ay kabatiran.
Ang kabaligtaran ng kalagiman ay hindi kapayapaan, ito ay kabatiran.
Ang kabaligtaran ng kapighatian ay hindi kaligayahan, ito ay kabatiran.
Ang kabaligtaran ng kamangmangan ay hindi katalinuhan, ito ay kabatiran.
. . .  At ang kabaligtaran ng pagkamatay ay hindi pagkabuhay, ito ay kabatiran.

 Ang Tagubilin
   Kailangang may kabatiran ka sa iyong sarili. Huwag katakutan ang Buhay. Manalig na ang Buhay ay maganda, may pag-asa, at kaibig-ibig na mabuhay. Magalak at binibigyan ka ng walang hintong mga pagkakataon na magmahal, magmalasakit, maglibang, magtrabaho, at tanawin ang mga bituin. At magtiwala na may kakayahan kang likhain ang katotohanang ito:


           ANG KABATIRAN
Pakinggan ang mga Kamalayang Gumigising sa Iyo!
Pagmasdan at Yakapin ang Inilaang Araw na ito Ngayon!
Dahil ito ang Buhay, ang pinaka-ubod sa Buhay ng Ating Buhay.
Sa Maikling Kabanata nito Nakapaloob ang Lahat ng Kawagasan
at Reyalidad ng Iyong tunay na Pagkakalitaw Dito sa Mundong Ibabaw.
Ang Kaluwalhatian ng Pagyabong,
Ang Kasakdalan ng Lahat  na Pagkilos.
Ang Kaningningan ng Iwing Kagandahan;
Na ang Kahapon ay Isa lamang Panag-inip,
at ang Hinaharap ay Isa Lamang na Pananaw;
Subalit ang Araw na Ito na Wastong Naipamuhay
ay Magagawa na ang Bawa’t Kahapon ay Pangarap ng
Kaligayahan, at Bawa’t Bukas Isang Maluwalhating Pag-asa.
Masiglang Tunghayan Kung gayon ang Araw na Ito! Mabuhay!
Sapagkat Ito ang Pinakadalisay at Pinakadakilang Bukang-Liwayway,
. . . ng Iyong BUHAY (Bagong Ubod na Hahayo, Aalpas, at Yayabong).

Ang buhay ay tulad ng sibuyas, binabalatan mo ito ng isang talop bawa’t panig, at paminsan-minsan ay pinaiiyak ka. Dahil ang personal mong buhay na makabuluhang ipinamumuhay ay lumalawak at nagiging matatag sa katotohanang nakapaloob dito. Sapagkat ang tunay na pagkatao ay isang personal na anyo ng pagsamba. Sa araw-araw na buhay, ito ay nagiging dasal. At ito ang iyong pagkakataon na mabatid at pagyamanin ang iyong kaluluwa. Ang buhay ay lumilikha ng buhay. Ang kalakasan kapag ginamit ay ibayong nagpapalakas. Ang kabatiran kapag pinaigting ay katotohanan. At sa paglilingkod nakakamit ang tagumpay na maging mayaman sa lahat ng bagay.

Nabubuhay tayo sa kung ano ang ating natatanggap, subalit nililikha natin ang buhay sa kung ano ang ating ibinibigay.

Ang aking kandila ay nagdiringas sa magkabilang dulo;
Hindi ito makatatagal sa magdamagan na ito;
Subalit oh, aking mga kaibigan, oh, maging mga kaaway ---
Isa itong tumatanglaw at nagni-ningning na ilaw.

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


No comments:

Post a Comment