Tuesday, July 31, 2012

Ang Layunin ng Iyong Buhay


Kung may mga katanungan, mayroong mga kasagutan

Magsimula: Pakawalan ang iyong Potensiyal

1-Laruin sa isipan na mayroon kang likas na abilidad na makamit ang anumang lunggati na inihanda sa iyong sarili. Ano ang tahasang nais mo na maging pagkatao, nais na magkaroon, at nais na mga gagawin?

2-Kilalanin ang mga aktibidad na nagdudulot sa iyo ng maginhawang pakiramdam tungkol sa kahulugan at layunin ng buhay. Papaano ka makakagawa ng marami pang katulad nito?

3-Alamin ang takbo ng buhay mo sa iyong personal at trabaho ngayon, at kilalanin kung papaano ang iyong iniisip ay nililikha ang sarili mong daigdig. Ano ang dapat mong gawin o magagawa mong mabago pa?

4-Italaga ngayon na anuman ang iyong iniisip at binibigkas ay tungkol lamang sa mga bagay na kailangan mo sa iyong buhay, at umiwas na isipin o bigkasin ang mga bagay na hindi mo nais at walang katuturan. Saan at papaano mo ginugugol ang iyong mga mahahalagang sandali?

5-Tiyakin na ang sakripisyo na iyong paghihirapan para makamit ang iyong mga lunggati ay siyang pinakamahalaga sa iyo, at italaga na handa kang magpunyagi sa abot ng iyong makakaya, simula sa araw na ito. Nakahanda ka bang magtiis at gawin ang lahat matupad lamang ang iyong mga pangarap?

6- Isaguni-guni na ikaw ay lubusan ng may garantiya ng tagumpay na makamit ang iyong mga lunggati at wala kang kinakatakutang anuman. Anong mga lunggati ang iyong inihahanda para sa iyong sarili?

7-Maghanda at itakda ang mga lunggati, masikhay na gawin ito sa araw-araw, at ang matupad ito ay siyang susi sa maligayang buhay. Anong pagkilos ang kailangan mong gawin kaagad bilang resulta sa iyong mga kasagutan sa mga katanungan na nasa itaas?

   Makakatiyak ka ng mahaba, malusog, at masaganang buhay habang patuloy kang nagpupunyagi na makamtan ang mga bagay na iyong minimithi sa buhay. Ang may dakilang layunin ay kaakibat ng mga maliliwanag na lunggati. Ito ang nagtutulak sa iyo upang ilabas lahat ang iyong mga nakatagong potensiyal para sa personal at propesyonal na tagumpay. Ang mga lunggati ay nagagawang lagpasan ang anumang humadlang sa iyo para madaling makamit ang iyong mga pangarap.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan




Mabuhay sa Kasalukuyan



Mapanglaw kang nabubuhay sapagkat nakikibaka ka sa kasalukuyan nang hindi handa, walang kakayahan, at abala sa mga samutsaring atensiyon nang walang kapakinabangan.

26- Italaga na mayroon kang panahon ngayong araw na ito, hindi sa nakaraan at maging sa hinaharap.

   Kung papaano mo dinadala ang iyong buhay sa maghapon, malalaman dito kung nabubuhay ka sa kasalukuyan. Sa mga sandaling ito, ikaw ba ay sadyang gising at tinatamasa ang mga sandaling ito? 
   Karamihan sa atin, sa tagpong ito, ay hindi ganap na nadarama ang kahalagahan ng bawa’t sandali. Madalas ang atensiyon ay nasa malayo, laging abala, nagmamadali, laging may hinahabol na hindi maaabutan, may hinihintay na hindi darating, at umaasa sa kawalan, kaysa namnamin ang kaligayahang idinudulot ngayon. Ang nasayang na pagkakataon ay hindi na mababalikan pa, kundi ang panghihinayang sa mga mapanglaw na alaala.


Isang Pahimakas
Una, ibinuhos ko ang lahat ng aking panahon na makatapos ng hayskol at magsimulang mag-aral sa kolehiyo.
Matapos ito, ibinuhos ko ang lahat ng aking panahon na makatapos sa kolehiyo at magkaroon ng trabaho.
Matapos ito, ibinuhos ko ang lahat ng aking panahon na magpakasal at magkaroon ng mga anak.
Matapos ito, ibinuhos ko ang lahat ng aking panahon na mapalaki ang aking mga anak at mapagtapos sila ng kanilang mga pag-aaral.
Matapos ito, ibinuhos ko ang lahat ng aking panahon na matulungan silang umunlad at makapagsimula ng kanilang mga sariling buhay.
Matapos ito, ibinuhos ko ang lahat ng aking panahon na subaybayan ang kanilang mga pamilya at maisaayos ito nang matiwasay.
Matapos ito, ibinuhos ko ang lahat ng aking panahon sa pagre-retiro at pag-aasikaso ng aking mga ipapamana at maiiwan sa aking mga anak.
 . . . At ngayon na ako ay namamaalam na at naghahanda nang lisanin ang mundong ito, bigla kong napatunayan, na ako pala ay nakalimot na mabuhay.
  
   Ito ang kadalasang istorya ng marami sa atin sa mga sariling buhay. Lubhang naging abala at nakatuon lamang sa isang mahigpit na obligasyon. Masasabing isang mahalagang katungkulan ito sa pamilya o maging sa mga kaanak, subalit higit na may banal kang tungkulin sa iyong sarili. Anumang mangyari sa iyo, lalo na kung ito ay kapahamakan, ang iyong pamilya at mga mahal sa buhay ang higit na maa-apektuhan at magdurusa. Kung ikaw masaya sa tuwina, ang pamilya mo rin ay sadyang masaya. Sila ay laging nasa iyong tabi at ginagampanan ang lahat ng naaayon sa iyong kagustuhan. Ang pagkakamali mo ay pagkakamali din nila, at ang kaligayahan mo ay kaligayahan din nila.
   Lahat ng problema ay may solusyon. Kung walang solusyon, hindi ito problema, isa na itong resulta na hindi maiiwasan. Nasa mga kaparaanan ito kung papaano isasaayos at organisahin ang ating mga kaisipan, papaano natin pinaplano ang maghapon, kung ano ang pinagkaka-abalahan natin, kung saan naa-aksaya ang mga makabuluhang sandali, kung papaano natin ginugugol ang mahahalagang regalo na mga sandali sa maghapon. Isa itong pagpapala na kailangang isaalang-alang natin ang kahalagahan.
   Tumingin sa iyong paligid, pansinin ang mga halaman na may naggagandahang bulaklak, samyuin ang kanilang mga angking bango. Magtungo sa dalampasigan, huminga ng malalim, pakiramdaman ito hanggang sa iyong kaloob-looban. Tumingala at pagmalasin ang buong kalangitan, mag-ukol ng isang taimtim na pasasalamat na ikaw ay buhay pa at nagagawang tamasahin ang iyong buhay. Damahin ang iyong kapaligiran. Magmahal. Yakapin ng buong higpit ang iyong pamilya. Palaging bigkasin ang mga katagang, “Minamakal kita,” sa bawa’t isa. Isama sila sa iyong mga pangarap, sa iyong sariling paglalakbay sa buhay, sa bawa’t sandali, sa bawa’t oras, ngayon, hindi bukas o sa ibang araw.
   Ang buhay ay ngayon.
  
Lahat tayo ay nabubuhay sa ilalim ng parehong langit, dangan nga lamang, magkakaiba ang ating pagtingin sa parehong panginorin.

Kung may mga katanungan, ay may mga kasagutan.
   -Gaano ka kasaya na ipinamumuhay ang kasalukuyan?
   -Gaano ka kahusay na idinaraos mo ang mga sandaling ito ngayon? Bilang buhay at gising kung ano ang nangyayari mismo sa iyo ngayon?
   -Kailan mo huling niyakap ang iyong mga mahal sa buhay? Binigkas ang mga katagang, “Minamahal kita.”
   -Anong mga bagay ang higit na tumatawag sa iyo ng pansin sa maghapon?
   -Mayroon ka bang lunggati para sa iyong pamilya?May natatanging libangan pampamilya?
   -Mayroon ba kayong nakaugaliang mga ritwal na sinusunod sa pamilya?
   -Ano ang higit na mahalaga sa iyo ang makasama ang iyong mga kaibigan o ipasyal ang pamilya sa mga masasayang pook at tanawin?
   -Gaano kadalas kayong magbakasyon ng iyong pamilya?
   -Sino sa iyong palagay, kung dumarating ang matinding pangangailangan o nagkaroon ng kapahamakan, sino ang kauna-unahang mga tao nasa iyong tabi? Sila ba’y napag-uukulan mo ng pagpapahalaga?
 
   Hindi kung gaano at magkano ang mayroon tayo, kundi kung papaano tayo kasaya, ito ang lumilikha ng ating kaligayahan. Ang ating pangunahing tungkulin ay hindi tunghayan kung ano ang naaaninaw sa hinaharap, bagkus ay ang gawin kung ano ang nagpapaligaya sa atin sa araw na ito, ngayon na, sa mga sandaling ito.

Tagumpay o Bigo? Panalo o Talo? Masaya o Malungkot? Kaligayahan o Kapighatian?
Alinman dito, ay nasa iyong kapangyarihan ang pumili. At ito ang iyong magiging kapalaran.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Subaybayan ang 31 na mahalagang mga paksa:
Matatag na Sariling-Pugay at Tanging Pag-ibig

Monday, July 30, 2012

Sundin ang iyong Pasiyon


Kung hindi mo kinagigiliwan anumang iyong ginagawa, hindi mo ito ibayong gagawin nang may pananalig at pasiyon.

27- Italaga na lubusang sinusunod mo ang itinitibok ng iyong puso ngayon, bukas, at magpakailanman.

   Sa kaibuturan ng aking puso, sadya kong pangarap ang maging isang bihasang pintor, subalit hindi ko ito pinangatawanan. Napadala ako sa sulsol ng iba na hindi ito nakakabuhay ng pamilya. Pilit kong sinupil ang simbuyong nanaig sa akin, at ito ay isang malungkot na kabanata sa naging buhay ko. Ang pinaka-makapangyarihang sandata sa daigdig ay ang kaluluwa ng tao na naglalagablab. Kung wala ito sa iyo, anumang ambisyon ay mananatiling pangarap magpakailanman.
   Ano ba ang itinitibok ng iyong puso? Anuman ito, marapat lamang na bigyan ng halaga at ibayong atensiyon, dahil narito ang makapagpapaligaya sa iyo. Kadalasan ay natatakot tayo na maipakita at sundin ang ating pasiyon (passion/bliss). Dahil ang pasiyon ay nagagawa tayong marupok at madaling mabuyo. Madalas kapag sinusunod natin ang ating puso at ninanasa ang makapagpapaligaya sa atin, ay laging nakaumang tayo sa maraming tukso at kapusukan na nagpapahamak sa atin. Madali ang umibig, ang masaklap ay ang mabigo. Masakit danasin ang kabiguan at mga paglibak mula sa iba. Subalit kung may pangarap, kailangan tuparin ito, harangan ka man ng sibat. Ang buhay nito ay nasa pasiyonng lumulukob sa iyo upang mapasigla ang iyong mga pagkilos.
   Anumang regalo na ibinigay sa iyo, o potensiyal na mayroon ka, maging mga katangian at mga kakayahan na nasa iyo, ay para tuparin ang iyong mga pangarap. At anumang pangarap noong bata ka pa ay mayroon kang utang na dapat mabayaran sa pangarap na ito. Hayaang maganap ito. . Huwag pabayaan ang iyong musika ay makasamang malibing sa iyong pagpanaw. At ito ang iyong tungkulin na kailangan punan. Kung kikilos o gagawa ka rin lamang; ibuhos ang lahat ng makakaya mo, paigtingin mo ang iyong kasiglahan, ilakip ang buong puso at kaluluwa. Tatakan ito ng iyong personalidad. Kumilos nang madalas, matapat na magpunyagi, at makakatiyak kang ikaw ay magtatagumpay. Walang bagay gaano man ito kalaki o kalawak, ang hindi maisasakatuparan nang walang simbuyo ng damdamin o pasiyon.
   Mararamdaman mo kung maigting o hilaw ang iyong pagsisikhay na matupad ang iyong mga pangarap. Nasa pag-aalab ng iyong pasiyon nakasalalay ang lahat. May dalawa itong mukha, sa isang panig ay kaligayahan, kung magtatagumpay. At sa kabila naman ay ibayong sakripisyo at pagsasaalang-alang na pinatatatag ng pasiyon. Laging tandaan: ang bisyon nang walang pagkilos ay pangangarap nang gising at ang pagkilos naman nang walang bisyon ay isang bangungot.
   Kung nais mong maramdaman ang sariling simbuyo . . . lumabas ng bahay at gumawa ng kaibahan, ituon ang sarili sa mga bagay na humahamon at nais masubukan ang iyong kakayahan. Marami kang mapagpipilian; tumulong, dumamay, maglingkod, magboluntaryo sa kagalingang panlahat, makiugnay sa mga samahang sibiko para sa kaunlaran ng pamayanan, atbp. Kung maghihintay ka lamang at laging nakaupo na may inaasahan, kailanman hindi mo mararanasan ang kaligayahang idinudulot ng tibok ng iyong puso.
   Maging gising sa tuwina tungkol sa mga pagpili at gagawing mga kapasiyahan – maging sa damdamin
at mga pagkilos – sa bawa’t sitwasyon na dumarating sa iyo. Pag-alabin ang iyong puso, at piliin ang landas ng nakakatulong sa iyong kaunlaran at nagagawang maramdaman mo ang kapayapaan sa iyong sarili at sa iba. Pagkatapos ng maghapon, ang kailangan nating matandaan ay ang sumulong at magpatuloy sa buhay sa kinabukasan, pagkagising sa umaga. Kahit na dumaan ang maghapong ito nang hindi natin nakamit ang ating nais. Kailangang sumulong tayo nang may kalakasan, may naglalagablab na pasiyon, at lubusang determinasyon na makamit ang ating mga lunggati.
   Ang iyong layunin ay itinuturo kung saang direksiyon ka pupunta, subalit ang nag-aalab mong pasiyon ang siya namang nagtutulak sa iyo para magawa ito. Ang kasiglahang bunsod nito ay mula sa iyong matatag na pananalig na magpunyagi. Sundin ang iyong pasiyon at bigyang buhay ito. Ito ang tumatanglaw sa iyong kaligayahan. Tandaan: Walang hangganan. Walang mapapasimulan. Ang mayroon lamang ay ang pasiyon ng buhay.
  
Nabubuhay tayo sa paggawa ng mga kabutihan, at hindi sa pagdami ng mga taon sa ating buhay; sa tamang mga kaisipan, hindi basta ng mga paghinga sa araw-araw; sa mga simpatiya, hindi sa kapipindot sa selpon; inaaksaya ang mga sandali sa paglilingkod, hindi ang tignan ang orasan at uwian na. Siya na masayang nabuhuhay ay sadyang palaisip, matatag ang emosyon sa kabila ng mga problema . . . at may kasiglahan sa bawa’t pagkilos.

Kung may mga katanungan, ay may mga kasagutan.
   -Nahihiya ka bang malaman ng iba kung ano ang itinitibok ng iyong puso?
   -May nakakubli bang isyu sakalimang sinusunod mo ang iyong pasiyon?
   -Nagawa mo na ba ang dalisay at wagas na magmahal at minahal ka din na katumbas nito?
   -Anong mga aktibidad ang pinagtuunan mo ng atensiyon nang nakaraang linggo? Nang nakaraang isang buwan?Nang nakaraan isang taon?

Ito ay para sa personal mong buhay: Kung ang simpleng piknik o pagdiriwang ng kaarawan ay may maayos na plano at maagang inihahanda. Mayroon ka bang mga plano para naman sa iyong personal na buhay? Pinakamahalaga ito sa lahat, dahil dito nakasalalay ang iyong magiging kapalaran sa buhay.

   -May nakahanda ka na bang mga gagawin sa susunod na linggo? Sa susunod na buwan? Sa susunod na taon? Sa susunod na limang taon?
   -Mayroon ka bang nalalamang bagay na kapag sinimulan mong gawin ay tiyak mong magtatagumpay ka?
   -Bakit hindi mo pa ito inuumpisahan? Mayroon bang pagkatakot o matinding kalituhan kung ito ay sadyang makakabuti sa iyo o hindi?
   -Alam mo ba ang kataga sa Inggles na “learned helplessness” o natutuhang kawalan ng kusa?
   -Makakaya mo bang ipaliwanag ang mga kahulugan sa pagitan ng masipag, maagap, at tamad?

   Dakilang Prinsipyo: Sundin ang iyong pasiyon
Alamin kung ano ang iyong mga pasiyon. At masidhing pasiglahin pa ito. Pag-alabin sa iyong naisin (burning desire). Tindigan kung sino ang iniisip mong tunay na ikaw. Walang anumang balatkayo o bahid ng pagkukunwari. Kung may alinlangan ka, na wala kang simbuyo ng damdamin, apuhapin itong masinsinan sa iyong sarili.
   -Ano ba ang ginagawa mo na labis mong kinalilibangan na nakakalimutan mo ang pagdaan ng mga oras.? 
   -Anong uri ng gawain na matatawag mong "parang isinukat sa iyo" na kadalasan ay ginagawa mo?
   -Anong gawain na kahit hindi ka bayaran ay patuloy mo pang gagawin?
   Sa ganitong mga aktibidad ay naroon ang mga binhi ng iyong pasiyon. Kailangan lamang na pagyamanin ang mga ito para yumabong at mamunga nang makamit mo ang iyong tagumpay.

   Ang doktor bago maggamot ay inaalam muna ang dahilan ng pagkakasakit ng isang pasyente. Hindi kailanman malulunasan ang isang karamdaman kung walang kabatiran sa pinagmulan ng sakit. Walang kalutasan ang mga bagay na hindi nalalaman.

Tagumpay o Bigo? Panalo o Talo? Masaya o Malungkot? Kaligayahan o Kapighatian?
Alinman dito, ay nasa iyong kapangyarihan ang pumili. At ito ang iyong magiging kapalaran.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Subaybayan ang 31 na mahalagang mga paksa:
Matatag na Sariling-Pugay at Tanging Pag-ibig

Saturday, July 28, 2012

Itama ang iyong mga Saloobin


Hindi kung ano ang nasa iyo o kung sino ka o kung nasaan ka o kung ano ang iyong ginagawa na nagpapasaya  o hindi nagpapasaya. Ito ay kung ano ang iyong iniisip tungkol dito.

28-  Italaga na mabubuting saloobin lamang ang mangingibabaw sa iyong mga kaisipan.

   Ang saloobin ang iyong pagkatao na kung saan mayroon kang buo at kumpletong kontrol. Ang mga panlabas na pangyayari ay nababago anuman ang iyong ginagawa, gaano ka katagal maninirahan sa isang pook, mapaunlad ang gawain o negosyo, at marami pang mga sitwasyong nakakaapekto sa iyo. At may mga makikialam, magdidikta at pinipilit na matanggap mo ang kanilang mga ideya at pananaw, nasa iyong kapasiyahan kung susundin mo ito. Bagaman ang saloobin ay itinuturing  na munting bagay, ito naman ang lumilikha ng malaking kaibahan sa iyong buhay.
   Ang saloobin ay naiiba. Sinuman ay walang kapangyarihan na panghimasukan ka na tanggapin ang anumang saloobin na ayaw mo. Bawa’t isa sa atin ay may kapangyarihang piliin ang positibong saloobin, o maging negatibong saloobin. Ito ang pundasyon na gumagawa kung tayo ay pasulong o pabalik sa ating pagtunghay sa buhay. Ang pinakamalaking bahagi ng ating kaligayahan o kapighatian ay umaayon lamang sa ating mga saloobin , at hindi mula sa mga sitwasyon o mga pagkakataon. Ang ating buhay ay kung anong mga kaisipan ang nangingibabaw at gumagawa nito.
   Bagama’t hindi natin magagawang kontrolin ang mga negatibong bagay – mga balakid, kasawian, kamalian ng iba, at ating mga pagkakamali; ang mga ito’y bahagi at palabok ng buhay. Subalit may kakayahan tayong supilin at lagpasan ang mga ito. Magagawa nating kontrolin kung papaano at uri ng pakikibaka ang ihaharap para dito.
   Sakalimang ikaw ay napipighati ng mga bagay na panlabas, ang hapdi nito ay hindi dahil mula sa mga bagay na ito, bagkus sa iyong pag-istima nito; at huwag kalilimutan; na mayroon kang kapangyarihan sa anumang sandali na pawalang-saysay ang mga ito.
   Pakatandaan, kung ang iyong mga saloobin ay nakakapanakit ng damdamin ng tao kadalasan ay nasasaktan din ang iba, dahil sa resulta ng kanilang kasakitan. Kung ang sinuman ay magaspang at walang pakundangan sa damdamin ng iba, nakakatiyak kang marami isyu ang taong ito ng mga kasakitan sa sarili na hindi pa niya nalulutas. Mayroon siyang malalaking mga problema, mga pagkagalit, mga pagngi-ngitngit, mga panghihinayang, at mga kapighatian na pinipilit niyang harapin at malunasan. Ang huling bagay na kanilang kailangan mula sa iyo ay lalong pasamain pa ang sitwasyon sa pagtugon mo nang nagagalit. Ito ang reaksiyon ng saloobin na nais nilang manggaling sa iyo. Iwasang mahuli sa patibong ng ganitong mga miserableng tao.
   Ang iyong saloobin ay ang iyong kinabukasan, dalisay, at simpleng patakaran. Ang pagpili ng tamang saloobin ay makabuluhan at napakahalagang pagbabago sa sarili. Kapag bukal sa puso mo ang iyong kapasiyahan, ikaw ang unang makikinabang. Ang resulta ay makikita sa reaksiyon ng iyong kaharap. Alalahanin na ang buhay ay 10 porsiyento kung papaano mo ito ginagawa, at 90 porsiyento naman kung papaano mo natatanggap ito. Nagiging masaya ka lamang habang tinatanggap mo na maging masaya. Sa lahat ng mga kaganapan sa iyong buhay, ito ay nakasalalay sa iyong mga reaksiyon.
   Hindi natin kailanman mababago ang nakaraan … hindi natin mababago ang katotohanan na ang mga tao ay kumikilos ng may kaibahan. Hindi natin mababago ang mga bagay na hindi maiiwasan. Ang tangi lamang na may kakayahan tayo ay laruin ang isang liting na mayroon tayo, at ito ang ating saloobin. Tayo mismo ang may responsibilidad sa ating mga saloobin.
   Mistula itong namimingwit ng isda; hindi mo natitiyak ang uri at laki ng isdang mahuhuli mo. Subalit kung nasa tama ang iyong saloobin, wala kang dapat ipangamba sa matatanggap mo. Sapagkat nakabatay lamang ito sa saloobing ipinadama mo. Ito ang iyong personal na desisyon na iyong magagawa saanmang pook ikaw naroroon.

Mabuting Saloobin
Aking anak, huwag mong kalilimutan ang aking itinuro,
Kundi hayaan ang iyong puso na ingatan ang aking mga kautusan;
Dahil ang haba ng mga araw at mga taon ng buhay
At kapayapaan nila’y idaragdag sa iyo.
Huwag pabayaan na ang kabutihan at katotohanan ay lisanin ka;
Itali mo ang mga ito paikot sa iyong leeg,
Isulat mo ang mga ito sa kaibuturan ng iyong puso.
Upang ikaw ay makasusumpong ng paglingap at mabuting reputasyon
Sa paningin ng Diyos at ng tao.
Magtiwala ka sa Panginoon nang iyong buong puso
At huwag kang manangan sa iyong sariling pang-unawa.
Sa lahat ng iyong mga kagawian ay isaalang-alang Siya,
At gagawin Niya ang iyong landas na matuwid.
                                                                -Mga Kawikaan 3:1-6

   Isa sa mga bagay na aking na natutuhan sa mahapding paraan ay walang kapakinabangan ang mawalan ng pag-asa. Ang buhay ay maikli lamang kung hindi mo nagagawang ipamuhay nang tama ang iyong mga saloobin. Ang manatiling abala at umaasam ay isang paraan ng buhay na magpapanumbalik ang iyong pananalig at pagtitiwala sa sarili. Ang pagiging uliran na may mabuting mga saloobin ay mga pangunahing sangkap sa tagumpay.

Kung may mga katanungan, ay may mga kasagutan.
   -Masaya ka ba ngayon sa iyong buhay? Wala kang anumang mga bagabag na laging bumabalisa sa iyo sa araw-araw?
   -Nalulungkot at natatakot ka  ba sa mga kaganapan sa iyong kapaligiran? Patuloy ka bang nagbabasa at nanonood ng mga balita sa araw-araw?
   -Mayroon ka bang plano bago umpisahan ang isang gawain?O, ginagawa mo lamang ito sa huling sandali kapag nakatutok na at wala ka nang masulingan pa?
   -Madalas ka bang nasa krisis na sitwasyon dahil sa kabiguang magplano ng maaga?
   -Mayroon ka bang sapat na kontrol sa iyong mga reaksiyon upang hindi magkamali?
   -Bago magbitaw ng mga kataga, pinaglilimi mo muna ba ang kakahinatnan nito?
   -Nakadarama ka ba ng tamang pagpapahalaga o paggalang sa mga mahal mo sa buhay? Sa mga kaibigan? Sa mga kasamahan sa trabaho, o maging sa mga karelasyon mo?
   -Madali ka bang magalit at hindi magawang makapagtimpi sa mga mababagal, at matagal makaintindi ng iyong mga ipinapaliwanag?
  -Pinag-aaralan mo ba ang mga tamang saloobin na makakatulong sa iyo na maipakita ang tunay mong pagkatao?

Tagumpay o Bigo? Panalo o Talo? Masaya o Malungkot? Kaligayahan o Kapighatian?
Alinman dito, ay nasa iyong kapangyarihan ang pumili. At ito ang iyong magiging kapalaran.



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Subaybayan ang 31 na mahahalagang mga paksa:
Matatag na Sariling-Pugay at Tanging Pag-ibig

Friday, July 27, 2012

Wagas na Mabuti


Walang bagay na makapagdudulot sa ating buhay, o maging sa mga buhay ng ibang tao nang higit na kagandahan kundi ang walang hanggang kabutihan.

29Italaga na mayroong pusong wagas at mabuting intensiyon sa bawa’t kapasiyahan at mga  pagkilos.

 Tatlong mga bagay sa buhay ng tao ang mahalaga: ang una ay maging magiliw; ang pangalawa ay maging mapitagan; at ang pangatlo ay maging mabuti. Alalahanin lagi na sinumang nakakasalubong mo ay nakikipagtunggali sa mabigat na labanan. Bawa’t sandali sa araw-araw patuloy ang mga pakikibaka, at upang magwagi, kailangang pumuwesto ka sa paggawa ng mga kabutihan.
   Pangunahin itong sandata para manaig ang katotohanan. Bantayan at ingatan ang kayamanang ito; ang kabutihang-asal. May kabatiran kung papaano magbigay nang walang anumang pag-aalinlangan, ang mawalan nang walang panghihinayang, at kung papaano magkaroon ng walang anumang kagaspangan.
   Walang maraming katiyakan ang buhay. Ang nakakatiyak; ay paggawa ng kabutihan na mahigit pa sa pagiging magiliw at maalalahanin. Ang mabuting ugali ay matatag na transpormasyon patungo sa ulirang buhay. Mapitagan at mapaglingkod. Mula sa pagiging ordinaryo ay nagagawa nito na maging ekstra-ordinaryo ang pagdadala sa sarili. Tunay ang mga pagkilos at nakatuon lamang sa ikakapayapa, ikakaganda, at ikakalugod ng lahat. Ang mga mabubuting kataga ay may pagsuyo, maikli at madaling bigkasin, ngunit ang alingawngaw ng mga ito ay sadyang walang hanggan, nanonoot sa kalamnan at gumigising ng lugaming pakiramdam.
   Ang kabutihang asal ay napakahalagang saloobin. Maaaring hindi nito malunasan ang malalaking problema na ating nakakaharap sa maghapon, subalit nakakagawa naman ito nang mahigit pang kahalagahan, ang makita ang mabuti sa kabila ng mga kapangitan at mga kabiguan. Pinalilinaw nito ang ating pangmasid kung ano ang tama at mali sa mga sitwasyon. Nagiging malaya tayo sa pagpili at kumilos nang matuwid at makatwiran. Ang kabutihan ang isang pinakamalakas na motibo para sa pagkakasundo, pagtutulungan, at pagsasamang maluwat. Nagagawa nitong maging matiwasay at may pag-asam ang dating masalimoot na sitwasyon.
   Ang mga gawang mabuti ay walang katumbas. Maliit na paglilingkod ito na makapangyarihan ang resulta. Ang isang simpleng pagkilos na mabuti ay karampot na pagod kaysa mahirap na paggawa na may masamang tangka. Maraming itong mga kasinungalingan na kailangang patotohanan. Subalit ang kabutihan, ay katulad ng isang mabuting binhi na ipinunla, yayabong at mamumunga ng mabubuting ani. Isang simpleng pagpili sa pagitan ng mabuti at masama, subalit ang kabutihan ay may maganda at mapayapang resulta.
   Kailanman huwag maliitin ang sinuman hangga’t hindi mo sila tinutulungang makatayo. Para makapanliit, kailangan mong maging maliit. Higit na mabuti ang ilawit ang kamay at batakin ang nais makaakyat, kaysa maging maingay at manhid ang mga kamay. Sapagkat ang maraming anyo at aspeto sa buhay ng tao, tulad ng haba ng buhay, malusog na katawan, tagumpay, kaligayahan, at kaganapan ay sadyang kanais-nais. Lahat ng mga ito ay nakabatay sa kabutihang-asal at may mabuting puso.
   Ito ang mahalaga: Sakalimang tuso ang isang tao, huwag siyang ipagtabuyan. Gisingin siya ng iyong mapitagang mga kataga, paglinawin siya ng iyong mga kabutihan, bayaran ang kanyang mga kasawian ng iyong kabutihan. Huwag siyang layuan at kamuhian; ang durugin at iwaksi ay ang kanyang katusuhan.
   Sa bawa’t araw, ang buhay ay hinahandugan tayo ng maraming mga pagkakataon para taluntunin ang matuwid na landas na may mabuting kaisipan at mga pagkilos ---nasa ating kapasiyahan kung wawasakin natin ito sa paggawa ng masamang paraan at mga kalapastanganan. Sakalimang nakalublob sa putikan at walang magawang kabutihan, hindi pa huli ang lahat para magbago. Dahil kung ipagpapatuloy, malagim na kapahamakan lamang ang naghihintay. Isang katalinuhan ang piliin ang maging mabuti, walang masyadong trapik ito at maluwag ang daan tungo sa tunay at wagas na direksiyon para sa iyong tagumpay.
   Wala akong kinaa-anibang relihiyon. Sa katunayan, ang pinaniniwalaan ko ay ang ispiritwal. Mga bagay na hindi nakikita at nahahawakan, subalit siyang mga pundasyon at pinakamahalaga. Katulad ng Pag-ibig, Paglilingkod, Pagtatama, Pagmamalasakit, Pagpapatawad, atbp. Ang sarili kong ispirito na naka-ugnay sa Dakilang Ispirito ang kumakatawan nito. Wala rin akong templo o simbahan. At walang mga dogma o makumplikasyong pilosopiya. Ang aking isipan at ang aking sariling puso ang aking templo. At ang tangi kong pilosopiya ay simpleng kabutihan.

Magkagayunman
   Kadalasan ang mga tao ay walang katwiran at makasarili. Gayunman ay patawarin sila.

   Kung ikaw ay mabuti, ang mga tao ay pararatangan kang may lihim na pakana. Gayunman ay maging mabuti pa rin.

   Kung ikaw ay matapat, ang mga tao ay aabusuhin at dadayain ka. Gayunman ay maging matapat pa rin. 

   Kung natagpuan mo na ang kaligayahan, ang mga tao ay maninibugho sa iyo. Gayunman ay maging masaya pa rin.

   Ang kabutihang nagawa mo ngayon ay malilimutan sa kinabukasan. Gayunman ay gumawa pa rin ng kabutihan.

   Ibuhos mo mang lahat ang iyong magagawa kailanman ay hindi pa ito makakasapat. Gayunman ay gawin pa rin ang lahat sa abot ng iyong makakaya.

   Idilat lamang ang iyong mga mata, dahil sa bandang huli, ang lahat ng mga ito’y sa pagitan mo at ng Diyos lamang. Gayunman hindi ito kailanman sa pagitan mo at ang mga tao.
Ang mabuting kataga ay lumilikha ng pagtitiwala. Ang mabuting kaisipan ay lumilikha ng kawatasan. Ang mabuting pagkagiliw ay lumilikha ng Pag-ibig.

Kung may mga katanungan, ay may mga kasagutan.
    -Ano ang pakiramdam mo kung nakakagawa ka ng kabutihan sa iyong kapwa? At ano naman ang iyong nararamdaman kung may pagkakasala kang nagawa sa iba?
   -Madalas ka bang nag-aalala at may mga bagabag sa mga bagay na nakaligtaan mong gawin?
   -Nakadarama ka ba ng kalungkutan kapag hindi ka nakakatulong at walang pakialam sa iba?
   -Naranasan mo na ba ang konsensiyang naninisi (guilty conscience) kapag napabayaan mong makagawa ng kabutihan?
  -Ang paggawa ba ng kaibahan sa buhay ng isang tao ay isang tungkulin mo?

Tagumpay o Bigo? Panalo o Talo? Masaya o Malungkot? Kaligayahan o Kapighatian?
Alinman dito, ay nasa iyong kapangyarihan ang pumili. At ito ang iyong magiging kapalaran.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Subaybayan ang 31 na mahahalagang mga paksa:
Matatag na Sariling-Pugay at Tanging Pag-ibig

Maging Mapagpatawad


Ang mga hangal ay hindi nagpapatawad at nakakalimot; ang mga pabaya ay nagpapatawad at nakakalimot; subalit ang mga matatalino ay nagpapatawad ngunit kailanman ay hindi nakakalimot.

30- Italaga na mayroong kapatawaran sa bawa’t kamalian at huwag makalimot sa nagawang kapinsalaan.
Madali ang magpatawad ang lumimot ang mahirap. Sugat man na gumaling ay may maiiwang peklat. Ang pagpapatawad ay hindi lumilikha ng relasyon. Hangga’t ang may pagkakasala ay hindi umaamin at nagsasabi ng katotohanan tungkol sa kanyang mga nagawa at binabago ang pag-uugali, ang relasyon ng pagtitiwala ay imposibleng mangyari. Ang mabiktima at masaktan ay karaniwan lamang, nagiging mahapdi lamang ito kapag patuloy nating inaala-ala at binubuntunan ng mga pagsisisi.
   Ang pagpapatawad ay nagmumula kadalasan sa biktima. Hangga’t nasa puso mo ito, mistula kang bilanggo, at ang pagkasuklam ay mistulang lason na unti-unting pumapatay sa iyo. Samantalang ang nagkasala ay walang inaalintanang pag-aalala at nakalimutan na ang pangyayari. Kapag pinatawad mo ang isang tao, inalis mo na ang paghatol sa kanya, at nakalaya ka na sa mga bagabag na dulot ng kapinsalaang nagawa sa iyo.
   Hangga’t hindi tayo nakakaalis sa biktimang damdamin, mananatili tayong nakabaon sa kumunoy ng mga pasakit at mga panggagalaiti sa mga taong puminsala sa atin. Hindi madali ang magpatawad sa sinuman. Nangangailangan ito ng maraming emosiyonal na pagtitimpi, at mahabang panahon para sa higit na mahapding mga karanasan. Subalit ito ang kailangan harapin; kung nais nating maging mapayapa, ang ituon ang ating atensiyon doon lamang sa makabuluhang bagay.
   Iwasan nating maakit ng mga emosyong may sinisisi, maling pangangatwiran, at maraming mga kadahilanan, kung bakit nagkaroon ng mga pagkakamali at kapinsalaan. Kapag tayo ay nasugatan – hindi ito mangyayari kung wala tayong partisipasyon o pahintulot. Sa isang banda, mayroon din tayong kooperasyon na ginawa kung bakit naganap ang kalapastanganan. Ito ang ating responsibilidad sa ating mga sarili – ang simulan ang proseso ng pagpapatawad. Ito ay para sa atin at hindi sa nagkasala.
   Naiintindihan ko na mahirap itong matanggap at sundin ng iba. Lalo na doon sa nakaranas ng matinding kapighatian sa kamay ng mga nangbiktima sa kanya. May mga tao na mahapding nasugatan at ayaw nang balikan pa ang nakaraan. Para sa kanila ito’y hindi na maibabalik pa tulad ng dati. Kung minsan, hindi nila alam ang simpleng paraan o opsiyon na magawa ang magpatawad para sa kanilang katahimikan. Ang patuloy na hinanakit at pagkasuklam ay katumbas nang unti-unting pag-inom ng lason at umaasang makakapatay ito sa kinamumuhian.
   Naala-ala ko ang pag-uusap tungkol sa pagpapatawad sa pagitan ni Jesus at ng kanyang disipulo na si Pedro. Ayon sa nasusulat; ay nagtanong si Pedro, “Maestro, ilang beses ba akong magpapatawad? Pitong beses? At tumugon si Jesus, “Hindi, kailangan mong magpatawad ng pitong beses ng pitumpong pag-uulit.” Sa puntong ito hindi ito paramihan ng bilang na kailangang patuloy ang pagbibilang. Binanggit ito ni Jesus kay Pedro na ang pagpapatawad ay kapayapaan ng isipan kaysa makirot na alalahanin. Kailangan nating maging mapayapa mula sa pagpapatawad. Kapag nahaharap sa kasawiang dulot ng iba, kailangan nating magpatuloy hanggang makapagpatawad at makalaya mula sa pagkabilanggo ng mga alalahanin at bulag na paghihiganti.
   Marami sa atin ang patuloy na nakikipagbuno sa mahahapding mga isyu, pagiging biktima, kahihiyan, at samutsaring mga panghihinayang. Araw-araw, taun-taon na paulit-ulit na mantra ang walang kapatawarang pagkasuklam at paninisi sa iba. Mga tao itong nakahiligan na ang magtatampisaw sa kumunoy ng pagsisisi, pagkaawa sa sarili, kahihiyan, panggagalaiti, pagbabanta, nabasag na pagka-lalaki, at patuloy na depresyon. Kahit anuman dito, o lahat ng mga ito ay pawang mga kadahilanan para makaiwas na totohanang harapin ang buhay, tuluyang magbago, at gampanang matiwasay ang mga responsibilidad.
   Ang kakayahang magpatawad ay tanda ng ispiritwal at emosiyonal ng pagkagulang. Habang nagkaka-edad, lumalawak ang ating mga kabatiran kung ano ang nararapat na mga tamang kapasiyahan. Hindi nga tayo makakabalik pa, ngunit magagawa naman nating sumulong at haraping mapayapa ang ating mga gawain..
Hindi natin ginagawa kung ano ang ating nais, subalit tayo ay may responsibilidad kung sino tayo.

Kung may mga katanungan, ay may mga kasagutan.
- Ilista ang pangunahing mga bagay na hindi mo nagawa at pumaparalisa sa iyo. Gaano karami ang mga bagay na ito na “pinag-uukulan mo ng matinding panghihinayang at pagkagalit” sa loob ng isang taon? Mahigit na limang taon? O mahigit pa sa sampung taon?
- Anong mga lunggati ang hindi mo naisagawa dahil sa matinding emosyon na naghahari sa iyong kalooban tungkol sa mga isyung ito?
- Sinu-sino o ano ang iyong sinisisi sa mga kabiguan na magawa ang iyong mga hinahangad sa iyong buhay?
- Anong mga bagay o mga pagkakataon na kung pagsusumikapan mong gawin ay hindi ka mabibigo, at nakakatiyak ka ng lubusang tagumpay na magpapabago ng iyong kalagayan sa buhay? At bakit hindi mo ito maumpisahan?

Napakahalaga na patawarin natin ang ating mga sarili sa nagagawang mga pagkakamali. Kailangan nating matuto sa mga kamalian at mapayapang sumulong.

Tagumpay o Bigo? Panalo o Talo? Masaya o Malungkot? Kaligayahan o Kapighatian?
Alinman dito, ay nasa iyong kapangyarihan ang pumili. At ito ang iyong magiging kapalaran.



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Subaybayan ang 31 na mahahalagang mga paksa:
Matatag na Sariling-Pugay at Tanging Pag-ibig

Thursday, July 26, 2012

Magdasal Tayo



Alam kong pagod ka na, ngunit halika, ito ang tunay na daan.

31- Italaga na magdasal tuwina sa mga pagpapalang natatanggap upang makamtan at magampanan ang ating KALUWALHATIAN.    

   Manatiling nakikipag-usap kay Bathala mula sa kaibuturan ng iyong puso. Mapitagan na tawagin, “Ikaw,” sa halip na siya (He /She or Thou). Taimtim na makipag-usap ng harapan na tila abot-kamay lamang. Walang paligoy-ligoy, nakakatiyak, at lubusang umaasam. Bigkasin ang lahat ng nilalaman ng iyong puso. Ang kaharian ng Maykapal ay nasa iyong kaibuturan, marapat lamang na pagsanibin ang iyong isipan, katawan, at sariling Ispirito para makaugnay ang Dakilang Ispirito. Ibahagi at ipadama ang bawa’t kaisipan, ang bawa’t pakiramdam, at bawa’t inaasam kay Bathala. Narito ang iyong katotohanan. Mula sa iyo, ang lahat ay magaganap.
   Ito ay nasusulat. Humiling ka at IKAW ay pagkakalooban. Kumatok ka at IKAW ay pagbubuksan. Sapagkat IKAW at ang Maykapal ay IISA at magkaugnay magpakailanman.
   Anumang bagay na dumadaloy sa iyong isipan ay isang pakikipag-ugnayan para sa iyong kaganapan. IKAW lamang at wala ng iba pa, ang makakagawa nito para sa iyong sarili. IKAW lamang at wala ng iba pa, ang tanging kumikilos upang ito’y tahasang maganap para sa iyong sarili. At IKAW din mismo at wala ng iba pa, ang may tanging kapangyarihan sa lahat at anumang magaganap sa iyong buhay. At mula sa iyong mga mabubuting gawa, IKAW ay pinagpapala.
   IKAW lamang at mula sa iyong mga kaisipan ang tagapaglikha ng iyong sariling daigdig. Ang impiyerno at paraiso ng kalangitan ay nakapangyayari lamang ayon sa kagustuhan mo. Ang kalangitan sa mundo ay isang pagpili na kailangan mong pagpasiyahan, hindi ito isang pook na kailangan mong matagpuan. IKAW mismo ang tanging may kagagawan ng lahat ng mga nagpapaikot, gumugulong, at umiinog sa iyong sarili.
   Simulan mong makilala ang iyong sarili na isang Ispirito na may katawan, kaysa isang katawan na may ispirito. Ang ating katawan ay isang sasakyan lamang sa paglalakbay na ito ng buhay. Hindi tayo mga tao na naghahanap ng karanasang ispiritwal. Tayo mismo ay mga Ispiritong tanan na naglulunoy sa makataong karanasan.
   Ang tangi lamang na bagay na nakatindig sa pagitan ng tao at nais niya sa buhay na ito ay ang hangarin na lubusang makilala niya ang kanyang sariling Ispirito; at ang pananalig na maniwala na ang lahat ay posibleng mangyari. Masusumpungan mo ito kapag pinaniwalaan mo. Isulat ito: Ang aking buhay ay punung-puno ng walang hanggang mga posibilidad.
   Kapag napaglimi mo itong mabuti, tuluyan ka ng magigising para matunghayan ang sarili mong kaganapan at maligayang tamasahin ang iyong nakatakdang KALUWALHATIAN.
Anumang puwersa na nasa ating likuran at anumang puwersa na nasa ating harapan ay mga maliliit na bagay lamang kumpara sa pinakamalakas na puwersa na nasa ating kaibuturan.

Ang Aking Resolusyon
1-Itinatalaga ko, na pinakamahalagang tungkulin ko sa aking sarili na buong pagpupunyaging alamin at unawain kung SINO talaga ako, ANO ang aking mga naisin sa buhay, at SAAN direksiyon ako pupunta.

2-Itinatalaga ko, na mabuhay sa abot ng aking makakaya at magampanang mahusay ang lahat ng aking mga gawain habang ako’y nabubuhay.

3-Itinatalaga ko, na kailanman ay hindi maaksaya kahit sandali ang aking panahon sa mga walang katuturang bagay; at sa halip ituon ang aking buong kaisipan sa makapagpapaunlad, at paghusayin pa ito sa higit pang kapakinabangan na paraan na posibleng magagawa ko.

4-Itinatalaga ko, na kailanman ay hindi ako gagawa ng anumang bagay na kamumuhian ko o mag-isip ng kagaspangan o anumang pagsasamantala sa iba.

5-Itinatalaga ko, na kailanman ay hindi ako gagawa ng anumang bagay na masusuklam ako sa iba at paghigantihan ito.

6-Itinatalaga ko, na kailanman ay hindi ako gagawa ng anumang bagay na ikakatakot kong magawa na tila huling sandali na ng aking buhay.

7-Itinatalaga ko, na tahasang mamulat tungkol sa aking sariling Kaisipan, Kamalayan, Kabatiran, Katotohanan, Kaligayahan, Kapayapaan, at KALUWALHATIAN.

. . . at sa tamang sandali, kapag pinaniwalaan mo na ang iyong sariling Ispirito at nakilala mo na ikaw ay may kaluluwa bilang kahanga-hanga, banal, makalangit, at napakahalaga, ay mabilis kang makakapag-bagong anyo bilang isang nilalang na may kakayahang lumikha ng mga milagro. Ito ay nasusulat at nakatakdang mangyari sa iyo.

Kung may pagkasuklam, hayaang akong magpunla ng Pag-ibig at, Kung mayroong kadiliman, hayaan akong magpa-lagablab ng Liwanag.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
 Subaybayan ang Sariling-Pugay at Tanging Pag-ibig