Ang iyong pananaw ay lilinaw kung magagawa mong
hanapin ito sa kaibuturan ng iyong puso. Siya na tumitingin sa labas; ay nangangarap; at siya na
kinakapa ang kalooban, ay nagigising.
Mabisang mga Baitang sa Tagumpay
Baitang 2
Malinaw
ang Pananaw
Kaugalian na ng
tao ang makipagtagisan, ang makipagtunggali,
ang makipagtalo at manalo. Mula sa
edukasyon, na pataasan ng grado; sa trabaho, na agawan sa promosyon; sa relasyon, na tunggalian sa apeksiyon;
at higit pa sa negosyo, matira ang matibay sa kompetisyon. Kung sadyang
hindi malinaw ang iyong layunin sa anumang iyong ginagawa, wala kang
pagkakataon na magwagi. Kailangan may matibay na pananaw upang hindi
maligaw.
Mahalaga ang malinaw
na proseso ng Imahinasyon: Sa una ay maiisip
mo; magkakamalay ka na ilagay sa
ayos ang naisip mo; may mababatid
kang ideya at plano mula dito; at mapapatotohanan
ito; magkakaroon ng transpormasiyon na maging reyalidad ito, masisiyahan ka at liligaya sa tuwina; mapapayapa ang iyong kalooban hanggang
masumpungan mo at malasap ang iyong KALUWALHATIAN.
(Mababasa ito sa mga pahina ng Pagkamulat )
Ito ang
iyong inspirasyon. Ito ang batayan ng mga matatagumpay; ang pagkakaroon ng
matibay, malinaw, at nakatitiyak na patnubay sa direksiyon ng kanilang
pupuntahan. Nakapaloob dito ang mga naisin, mga lunggati, mga hangarin, mga
layunin, at adhikain.
Mula sa
simpleng imahinasyon may matatanaw kang direksiyon. Ito ang iyong pananaw. Kung wala kang pananaw, wala kang misyon na tutuparin na
marating ang iyong destinasyon. Wala kang malilikhang mga lunggati upang
matupad mo ito. Malaking tulong ang pananaw na mapatunayan at matuklasan ang
iyong mga pangarap at pinakamimithi sa buhay. Pinananatili nito na masikhay
kang nakatuon at nakakatulong na bawasan
ang mga umaagaw ng iyong atensiyon. Ito ang patnubay sa katuparan ng iyong mga
pangarap.
Ang pagkakaiba sa pagitan ng Pananaw at Bisyon
Ano ang kahulugan ng
Pananaw?
Sa
aking talahuluganan; n foresight : pansariling kapangyarihan
ng pangmasid o imahinasyon na maisip ang magaganap sa hinaharap : kakayahan na maisaisip
at maintindihan ang mga nakatago sa nakalantad at maapuhap ang tamang kahulugan
sa hindi maipaliwanag : kalidad na matarok ang tunay sa huwad at mapili at
maihiwalay ang karapatdapat sa walang karapatan : pahalagahan ang likas na
kaganapan at itama ang mga pag-aalinlangan
Ano ang kahulugan ng
Bisyon?
n vision
: nakabatay sa pangarap na malawakan ang kahihinatnan na ang katuparan ay nasa
sama-samang mga pagkilos : kapangyarihang makita ang mga positibong magaganap sa
pagkakaisa ; tumutugon sa mga adhikaing tungo sa kagalingang panlahat
Sa masalimoot na buhay ngayon, higit mong maiintindihan
ang mga bagay kung tama ang mga deskripsyon mo dito upang mailapat ang tamang pangmasid
na solusyon. Kailangang matagpuan ang angkop na pang-unawa sa mga trabaho na
ating ginagawa, at kaakibat nito ang mga paninindigan. Nakapaloob dito ang
pagkakaroon ng mahusay na trabaho na nakakatulong na matupad ang iyong layunin, kaganapan,
kontribusyon, koneksiyon, at pag-asa.
Pakatandaan na may tatlong uri ng kamalayan na umaagaw sa
atin ng atensiyon pagdating sa paninindigan:
Mentalidad ng Kakapusan - Kawalan
ng Kakayahan - Mentalidad ng Kasaganaan
(Mayroong mga pahina ito dito na tumatalakay sa mga
kapangyarihan nito sa ating kamalayan)
Kung hindi mauunawaan at negatibo ang dating nito sa atin,
may kapangyarihan ang mga ito na hadlangan at mawalan ng saysay kahit nasa ikakaunlad
ang mga intensiyon mo.
Masaganang Pananaw: Ang Mentalidad ng Kasaganaan
Ano ba ang pagkikilanlan sa akin? May kaisipan
ng kasaganaan at malinaw na pakiramdam kung sino tayo, ano ang
pinaniniwalaan natin, at kung saan tayo mahusay para magamit ang ating
mga katangian at kakayahan. Ang katanungan na ito ay pinatutunayan ang
kalakasan at personal na dangal ng ating pagkatao, at kung papaano nito
hinuhubog ang ating reputasyon na kung saan tayo ay nakikilala.
Iwasan; Ang pumapel at gayahin ang
mga katangian ng iba. Sa bandang huli, pekeng personalidad kaysa ang orihinal
mong pagkatao ang magiging kapalaran mo. Huwag hayaan na ang iyong musika ay hindi mapatugtog at kasamang malibing sa iyong paglisan.
Saan bang
direksiyon ako patungo? Ang
kasaganaan ay nagaganap mula sa malinaw na pakiramdam kung ano ang mga bagay na
ating ninanasa ay matupad at kung bakit kailangan itong gawin. Kapag ang ating mga personal na
lunggati ay nakaugnay sa ating mga trabaho sa alinmang organisasyon, ito ay
nagiging makabuluhan na maging karugtong sa ating paglalakbay sa buhay. Nagiging
madali para sa atin na maparami ang ating mga kasamahan at nagagawa. Sa pakikipagtulungan sa
iba, napapalawig nito at nabibigyan ng pagkakataon na makapaglingkod tayo sa mga
pangangailangan ng sambayanan.
One day Alice came to a fork in the road and saw a
Cheshire cat in a tree. “Which road do I take?” she asked. “Where do you want
to go?” was his response. “I don’t know,” Alice answered. “Then,” said the cat,
“it doesn’t matter.” -Lewis Carroll
Iwasan: Ang palipat-lipat na direksiyon
at hindi malamang pananaw kung saan ang tamang destinasyon, ay mga gawaing
pabalik-balik sa pinagmulan; mga paikot-ikot na walang kinapupuntahan. At wala ring
nabubuong mga kasamahan at kabuhayan sa patuloy na pananaw nang walang kabatiran.
Sino ba ang aking
mga kasama? Ang ating kasaganaan ay pinalalawig ng makahulugang mga
relasyon.
Sa pabago-bagong takbo ng ekonomiya, pulitika, at trabaho;
nangangailangan ito ng patuloy na kooperasyon at kaisang-pangkat
ng maraming tao para sa tagumpay. Ang ating makabuluhang gawain ay kalakip ang
mga pakikipagkaibigan, mga pag-aaral at mga pagsasanay, mga tagapagturo: mentors,* at pakikiisa sa mga samahang
propesyonal.
Iwasan; Ang mga negatibo at nagmamaliit sa iyong mga kakayahan,
nagpapahamak, at mainggitin. Ugali ito ng makikitid at isip-talangka. Madaling
makilala ang mga ito; sila ang mga usisero, kahit hindi tinatanong ay palasagot
at laging may itinuturo.
Saan ba ako interesado? Mahalaga na pag-ukulan
ng pansin ang iyong mga gawain kung saan higit mo itong mapapakinabangan, kinawiwilihan,
tumutugon sa iyong tunay na hinahangad, at direksiyong patutunguhan. Ang
magkakaibang mga tao ay natatagpuan ang iba’t-ibang uri ng trabaho na madali,
masigla, at nakawiwili, at hinaharap ang magkakaibang tipo ng problema na nakapagtuturo.
Iwasan; Ang masadlak sa trabaho na napipilitan at
kinakaladkad ang mga paa tuwing umaga sa pagpasok. Malaking sagwil ito para
marating mo ang iyong destinasyon nang maayos kapag nawala na ang puso mo dito.
Papaano ba ang
epektibong relasyon? Kung ang masamang ugali ay lumalawig sa paglayo,
pag-iisa at kahihiyan; ang regular at
madalas na pakikiisa at pakikipagtulungan sa iba, ay nagdudulot naman ng ispirito ng bayanihan at napagtutuunan
kung ano ang mahahalagang bagay na talagang kailangan at nakakatulong sa atin.
Iwasan; Ang pagiging makasarili at walang pakialam sa iba. Anumang
ipinapakita at ipinapadama mo ay gayundin ang iyong makukuha sa iba. Kung
mangga ang iyong itinanim, mangga din ang iyong aanihin.
Ano ba ang
kailangang gawin kung namamali? Ang kabiguan ay isang makapangyarihang
pagkakataon para tumalino at yumabong pa ang iyong mga kaalaman. Pinatitibay ng
mga problema ang iyong katatagan na magpatuloy pa at huwag mawili sa panatag na
kalagayan, at malimutan ang iyong mga layunin sa buhay. Sa halip na takasan ang
bumabalisa sa iyo, harapin mo ito, lunasan, at lagpasan. Isa lamang itong
pagsusulit sa bawa’t kabanata ng iyong buhay. Ang kasaganaan ay karampot kung
palaging panatag ka, bagkus tungkol ito sa iyong pagsulong sa tamang direksiyon.
Ano ba ang
nakakasiya para sa akin? Ang kasaganaan ay lumalawig sa mga simpleng
libangan, hindi doon sa nakakahumaling at nagiging bisyo na. Ang pagbabasa ng
mga patawa at bungisngisan ay isang bahagi ng kasiyahang pansarili. Ang
makigrupo sa makabuluhang pangkat na iginagalang at hinahangaan mo ay isa pa.
Nalilibang ka na sa mga talakayan; nadaragdagan pa ang iyong karunungan.
Iwasan; Ang walang hintong tsismisan
sa buhay ng iba, artista at pelikula, panghihimasok sa buhay ng iba na wala
kang kinalaman, at walang saysay na mga panoorin sa telebisyon at internet.
Papaano ko mahaharap ang pagbabago? Ang
kasaganaan ay maaaring mabago anumang sandali – sumulong na paunlad o bumalik
na pahirap. Kailangan lamang na lagi kang handa sa mga pagbabago. Ang kasaganaan
ay nakukuha hindi lamang sa mga materyal
na bagay, kundi pati na rin sa kaunlaran ng isipan. Kung ikaw ay maraming
katangian at kakayahan, hindi ka mawawalan ng pagkakakitaan. At kung laging kasaganaan
ang laman ng iyong isipan, wala ka ng panahon para sa mga walang saysay na mga
bagay. Hangga’t may kabatiran ka sa mga nakapagpapaunlad sa iyo, maging materyal
o kaalaman, ito ang iyong gagawing mga libangan; nasisiyahan ka na, kumikita ka
pa.
Iwasan; Ang mga lakwatsa at mga
walang saysay na libangan; nagugumon ka na sa bisyo, nauubos pa ang pera mo. Aksaya
na sa panahon, ang kalusugan pa ay nilalason.
Magbago; Kung nagagawa natin na
pagharian ng depektadong isip, mga pagkilos na walang kabuluhan, walang
pakinabang na mga umpukan, at mag-aksaya ng panahon sa walang katuturan; ay magagawa din natin
mismo ang tumalino, at hanapin kung saang mga bagay nagkakaroon ng masaganang
buhay, kapayapaan, at kaligayahan.
Ano ba ang
nakapagpapaligaya? Hangga’t may kasaganaan, magagawa mong pag-ukulan ng
atensiyon ang mga bagay na lalong magpapasaya sa iyo, mayroon ka nang kakayahan
na makamtan ang mga naisin mo nang walang inaalaala. At kung mapapanatili mong
masaya ka, ang kaligayahan ay sasaiyo sa tuwina. Kung maligaya ka na,
malaya ka nang masumpungan mong tuluyan ang iyong kaganapan na kung saan ang iyong dakilang
layunin ay kusang nananaig, at sa puntong ito, malalasap mo ang nakatakda mong KALUWALHATIAN.
Pagtupad sa Pananaw
Ang panunahing sangkap ng pananaw: Nakatuon
lamang ito kung ano ang tunay na importante at makabuluhan. Ang
maayos at tamang proseso ay nakakatiyak ng mga tamang lunggati, at nakakatulong
na matupad ito sa madaling panahon at kaunting kapaguran.
Ikaw ang tagalikha ng iyong buhay, hubugin
mo ito doon lamang sa nagpapaligaya sa iyo. Gumawa ng panuntunan na ikaw
ang may kontrol, upang ang lahat ng mga nakapaligid sa iyo; mga tao, mga
kaganapan, kahit na nararamdaman mong mabuti o may alinlangan ka. Lalong magpunyagi at gawing napakadali nito upang
mabuti ang maramdaman mo at sa abot ng iyong makakaya nang maiwaksi ang anumang
pag-aalinlangan. (Pakibasa lamang ang Mga Dakilang Prinsipyo
ng Buhay, 07 Disyembre/11)
Reyalidad
Luma at pangkaraniwan; Kapag nalulunod, hindi mo sasabihin na, “Higit
kong pasasalamatan, na kung maaari lamang, na may isang tao na may pananaw, na
mapansin ako sa aking pagkalunod, at lumapit sa akin, at tulungan ako, na
makaahon sa tubig.”
Napapanahon at praktikal: Kapag nalulunod, biglang bigkasin ang, “Saklolohan
ninyo ako!”
Ito lamang ang kailangan at wala ng mga paligoy-ligoy pa na pakiusap. Sa tamang pagtanaw; makabuluhan, nasusukat, nakakatiyak, may takdang panahon, nasa tamang direksiyon, at makakayang tapusin.
Ang mga balakid sa halip na harapin at lupigin,
ay nagiging mga pagkatakot kapag walang patnubay
ng pananaw sa ating paglalakbay.
ay nagiging mga pagkatakot kapag walang patnubay
ng pananaw sa ating paglalakbay.
Ang malinaw at matatag na
pananaw ay mahalagang kabatiran kung papaano isasaayos, nakakatiyak, at laging
handa sa lahat ng sandali. Ito ang nagpapasunod sa mga lunggati na magtiyaga,
tapusin, at magtagumpay sa anumang negosyo o pagdadala sa personal mong buhay.
Ang
isang estudyante na nais makatapos at maging guro ay kailangan munang maging tunay na estudyante at pagsumikapan
ito, kung hindi niya ito gagawin at magtuturo na bilang guro, siya ay hahatulan
bilang estudyante at kung walang saysay ang pagtuturo niya, pagtatawanan at
lilibakin lamang ang mga naturuan niya.
Ganito din ang buhay, bago ka maglakbay, nalalaman mo at handa ka sa
susuungin mong pakikibaka. Hangga’t wala kang kabatiran sa iyong sarili, wala
kang magiging plano na makakaya mo, wala kang pagsisimulan na maging handa kung
paano mo malalagpasan ang mga balakid. Sa pag-aaral: Mula sa estudyante, guro,
at nagtuturo, ito ang proseso. Malinaw ito.
Katotohanan:
Ang nag-iisip na tao ay iniaangkop ang kanyang sarili sa mundo; ang taong may
pananaw ay masikhay sa pagpupumilit na umangkop ang mundo sa kanya. Kaya nga,
lahat ng pagpapaunlad at progreso ay nakadepende at nagsisimula sa taong may
pananaw.
Kung saan walang bisyon,
ang mga tao ay napupuksa.
Mga Kawikaan
29:18
Ang
ambisyon ay isang misyon, at ang pananaw ay
pagtuon.
“Aking Ama, bendisyunan
po ninyo ako na magkaroon ng bisyon.” Lagi kong naririnig ito sa simbahan
na sinasambit sa tuwina. Ang bisyon o pananaw nang walang ginagawa ay pangangarap
lamang, ang gawain na walang misyon ay walang saysay na pagpapakahirap, at ang
bisyon na responsableng tinutupad ay pag-asa ng sangkatauhan.
Ikaw, ano ang ambisyon mo sa ginawa mong bisyon para magtagumpay?
Kalakip ba nito ang iyong masidhing Pananaw?
Pananaw ay kailangan para ang tagumpay ay laging kaulayaw.
Jesse Guevara
Lungsod ng
Balanga, Bataan
Subaybayan ang mga mahalagang paksa;
Mabisang mga Baitang sa Tagumpay
Baitang 3: Matatag ang Paninindigan
Baitang 4: May Plano Upang Magtagumpay
Baitang 5: May Sentido Komon at Praktikal
Baitang 4: May Plano Upang Magtagumpay
Baitang 5: May Sentido Komon at Praktikal
Baitang 6: Hinaharap ang mga Paghamon
Baitang 7: May Makabuluhang Pangkat
Baitang 8: May Disiplina sa Lahat ng mga Bagay
Baitang 9: Tinutupad ang mga Pangarap
Baitang 10:
Mapaglingkod
sa Kapwa
Baitang 11:
May
Patnubay ng Dakilang Ispirito
Baitang 12: Tinatamasa ang KALUWALHATIAN
No comments:
Post a Comment