Sunday, May 06, 2012

Palitan ang Iyong Iniisip



Ang patuloy na ugali at hindi nag-iisip kung mali ang isang bagay,
ay nakapagbibigay dito ng paimbabaw na anyo,
na ito ay sadyang tama.

Mabisang mga Baitang sa Tagumpay

                            Baitang 5 
   May Sentido Komon at Praktikal

   Dalawang bangka ang naghihintay at masasakyan; ang sentido komon na katwiran at praktikal na kapasiyahan. Ang iyong sentido ay mistulang librarya ng mga nakagisnan, natutuhan, at naranasan; gamitin lamang ang mga ito sa makabuluhan at makakabuti. At sa pakikibaka; huwag gawin na laging nakapinid ang sentidong ito, pag-aralan ang lahat nang umaayon at lapat sa pangyayari na praktikal ang kalalabasan. Hindi lahat ng kautusan ay tama at kailangang sundin, kung nakakapuwing na at kapahamakan ang tinutungo, kailangang labagin at durugin na ito. Kung makaluma at wala na sa panahon, ay praktikal na iwaglit ito at magbago.

   Ano ang kahulugan ng Sentido Komon?
   Sa aking talahuluganan; n common sense : karaniwang paggamit na tanggap at aprubadong pananaw sa mga bagay, pangyayari, at kapasiyahan na naiintindihan ng maraming tao : mabisa at nakasanayan nang paghatol o mga kapasiyahan na maganda ang kinalalabasan : batay sa mga naging pag-aaral, natutuhan, at karanasan
Ano ang kahulugan ng Praktikal?
   adj practical : Ang kapasidad na paggamit ng sentido komon na aplikabol sa mga pagkilos na tinatapos at matagumpay : sinasang-ayunan ng karamihan : nakakatiyak at posibleng mangyari : kagamit-gamit at palaging inilalapat sa pagpapasiya

   Magdesisyon na higit na mahalaga para sa iyo ang maging mabuti, magiliw na magmahal, at matapat sa paglilingkod; kaysa ipagpilitan na laging kang tama at nakakagalit ng karamihan. Mabubugbog mo ang isang tao at makakalimutan niya ito, subalit ang salingin ang kanyang damdamin, hindi ito malilimutan at dadalhin pa niya hanggang sa libingan. Higit na mainam ang magmahal kaysa maging tama sa lahat ng oras. Nasa uri lamang ng ating mga pinipiling mga kapasiyahan naipapakita kung gaano tayo kagaling kaysa mula sa mga abilidad natin.
   Habang patuloy na ginagawa ang patuloy na nagawa, ay patuloy pa ring makukuha ang patuloy nitong mga resulta. Mainam ito, kung sa ikakabuti ang patutunguhan. Papaano kung kapighatian ang kinalalabasan nito? Hindi lamang ang isang tao ay tanga, bagkus baliw ng talaga. Dahil ang isang pagkakamali, kapag inulit niya ito, hindi na ito isang pagkakamali, ito ay katangahan na. At kung sa pangatlong pagkakataon ay ginawa pa niyang muli, ito ay pag-uugali na, kinagiliwan na, at tuwirang nagpapasaya na, kaya patuloy niyang ginagawa. Dahil kung wala siyang napapala mula dito, bakit patuloy niyang ginagawa?
   Ang ating utak ay mistulang ispongha na sumisipsip ng anumang madikit dito. Tulad ng uwak na pinupulot lahat ng makitang kumikinang, kahit na sobrang masikip at nakakasuya na sa kanyang pugad, patuloy pa rin ang pagpuno nito. Ganito rin ang ating utak, kung napuno na ay hindi na gumagana ang sentido komon at praktikal na magpasiya.

Ang kaisipan ng kakapusan, ay ang pakiramdam na laging kinakapos. Bawa’t makita ay nais na mapasakanya. Ang mga suwapang ay walang kagutuman. Ang dulot ng kasakiman ay panandaliang kasiyahan at habang buhay na kapighatian lamang. Makitid ang isipan at hindi praktikal sa mga kaganapan.
   Sentido komon at praktikal na pagharap sa buhay ang kailangan. Wala pa akong tao na nakitang may hawak na bato at ipinupukpok ito sa kanyang ulo. Yaon lamang na paulit-ulit sa paggawa ng paulit-ulit na kamalian at paulit-ulit na natatanggap ang paulit-ulit na resulta.
    Ang masa ng mga tao ay ipinamumuhay ang tahimik na desperasyong buhay. Masalimoot at lubhang kabagot-bagot, nauubos ang panahon sa mga detalye at paulit-ulit na pag-uusap, kaysa pagtuunan ang mga simpleng bagay, simpleng pamumuhay, at simpleng mga pagkilos. Ang panahong nawala ay mga sandaling hindi tayo nakapamuhay ng buong laya at maligaya, panahong hindi napagyaman ng karanasan, ng makasining na paglikha, masayang pagdiriwang, bagkus mga himutok at kasakitan.
   Laging abala at hindi na makausap. Nalito na at tinanggap; na ang tagumpay ay para lamang sa mga nagmamadali: para sa promosyon, para matapos ang proyekto, yumamang bigla, mabilis na mga kapasiyahan na kadalasa’y nauuwi sa hungkag na tagumpay. Nakakalimutan na magtanong; kung saan nararapat na pumunta. At kung makarating man sa pinagkaabalahan ay hindi maligaya.
   Simpleng tanong lamang ang kailangan: “Papaano mo mapapanatili ang katinuan ng iyong pag-iisip sa kabila ng maraming kaabalahan na namamayani sa modernong buhay? “ Simpleng sagot din ang kailangan: Sentido komon ang ipinaiiral at pamumuhay na praktikal.
   Marami ang naliligaw kung anong matuwid na daan ang tatahakin. Ang mga sintomas ng mga bagabag ay hindi pagkakasundo sa tahanan, ang pagtakas mula dito at pagsasarili na emosiyonal, depresyon, pisikal na mga pasakit, paglalasing, pagkabagot sa trabaho, sobrang kain at pagtaba, paggamit ng droga, pagkahumaling sa huweteng at lotto, hindi makatulog sa labis na katutulog, mainisin at kawalan ng pag-asa. Ang ganitong uri ng pamumuhay ay walang kalayaan at tigib ng pagdurusa. Mistula itong:

Mga Bilangguang Walang Rehas
·         Mareklamo at negatibo sa lahat ng bagay
·         Pawang mga personal na kadahilanan at paninisi
·         Mga kabiguan at pagsikil ng emosyon na tigib ng kasiphayuan
·         Laging nag-aalalaala, mapaghinala at walang katiyakan
·         Mahilig sa kumpetisyon at sobrang pamumulitika
·         Balisa at maaklaw sa pabago-bagong pangangarap
·         Makasarili, walang pakiramdam at pakialam
·         Pagtakas sa katotohanan at palaging nakakumpormiso
·         Laging nagmamadali at abala sa sariling daigdig ng mga pantasya
·         Kawalan ng kakayahan at mga pag-aalinlangan sa mga katangian
·         Tunggalian at hindi pagkakasundo sa pamilya at mga relasyon sa iba
·         Mentalidad ng kakapusan at kasalatan sa pananalapi
·         Masalimoot na pagtunghay sa dangal at integridad
·         Pakialamero at mapaghanap ng kamalian sa iba
 
   Kaya lamang ito nagaganap ay wala silang batayan o pamantayan, istruktura o sistema man lamang. Wala silang sinusunod na mga plano, kautusan o alintuntunin na makapagpapa-liwanag ng kanilang kaisipan. Laging makasarili, palalo, at nagdudunong-dunongan na lahat ay nalalaman. Gayong nasa paggawa lamang ng kabutihan at pagiging uliran, kung nais na may matuwid na daan.

Kung ang sentido komon ay nananaig sa katwiran; sa mga pandidikta at pang-aalipin, ay napapailalim naman ang kamangmangan.

Praktikal ang Positibong Saloobin
Anuman ang iyong ginawa, ginagawa, o gagawin, mayroong mag-uusisa, pupuna at mamimintas. Trabaho ito ng mga kritiko, yaong mga walang magawa, palaasa at mainggitin. Tulad ng talangka, ugali na nila ang manghatak pababa upang hindi ka makaahon at mabago ang iyong buhay. Huwag kang mabahala, wala pang naitayo na mga rebulto ang mga kritiko. Hindi ikaw ang nakasalang dito, sila lamang, at huwag mong personalin. Hangga’t tama at makatwiran ang iyong ginagawa, ang lahat ay madali na lamang.
   Hangga’t nabubuhay ka, mapapatunayan mo ang pinsala ng mga maling saloobin. Ito ang pinakamahalagang nangyayari kapag ang kamalayan mo ay walang kabatiran. Hindi mo kailanman maibabalik ang nakaraan, naglaho na ito . . . hindi mo mababago ang katotohanang may mga taong kumikilos nang wala sa lugar, madaling pumuna at manisi, makapanakit ng damdamin, at kung minsa’y nakakasugat pa. Hindi natin maiiwasan ang mga sitwasyong wala tayong kinalaman; ngunit nangyayari sa atin naisin man o ayaw natin, dahil ito ay kagagawan ng iba. Sa bawa’t aksiyon ay may reaksiyon;  10 porsiyento ang nangyayari sa iyo at 90 porsiyento naman ang reaksiyon mo dito. Sa pagitan ng aksiyon at reaksiyon ay may espasyo, ito ang pinakamahalagang pagkakataon mo na ilapat kung makakatulong o makakasama ang gagamitin mong saloobin. Anumang nasa kalooban mo ay ito ang iyong bibigkasin at masusunod sa iyong mga pagkilos.
   Hangga’t hindi ka sigurado sa iyong pangmalas at pang-unawa, makakabuti na pag-aralan mo muna ito. Sapagkat kung wala kang naiintindihan anuman sa iyong gagawin, lahat ng bagay tungkol dito ay magiging napakahirap, maproblema, at nakakalito para sa iyo. Hindi praktikal na ipagpatuloy ang isang bagay na walang katiyakan, at nakakapaminsala sa iyong sarili at maging sa iba.
   Anumang gawin mo laging nakasalang ang iyong pagkatao. Kaya, ibayong pag-aralan ang iyong mga dangal (values) na nagpapakilala ng kahusayan at kabutihan sa iyo, at ulirang ipamuhay ang mga ito.


Papaano pinaiiral ang sentido komon at makakagawa ng mahusay at praktikal na mga pagkilos?
Ang kasagutan ay nakapaloob lamang sa pitong simpleng mga prinsipyo:

1-Huwag manakit
2-Gumawa ng mabuti
3-Igalang ang iba
4-Maging pantay
5-Laging magmahal
6-Paglingkuran ang iba
7-Magpuri sa Dakilang Maykapal

Magtanong sapagkat kailangan, nang ang mga pagkakamali ay maiwasan.

At manguna sa amin hindi matukso, kundi dalhin kami mula sa kasamaan: Dahil ako ay ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang luwalhati, magpakailanman, Amen.       Mateo 6:13 KJV

Makakalaya ka sa bilangguang walang rehas at magiging balanse ang iyong buhay – sa tamang paggamit ng sentido komon at mga pagkilos na praktikal. Dahil kung hindi ito magagawa, ay magtatagumpay ka din – na mawala ang lahat ng mahahalaga sa iyong buhay at makarating sa direksiyong umabala sa iyo na “walang kalayaan” at may habang buhay na sentensiya ng kapighatian 
 . . . ang laging kaulayaw.

Nais mo bang mangyari ito sa iyo?

Ang mabisang katanungan sa buhay ay hindi kung “Gaano pang panahon ang nalalabi sa ating buhay?” Ang mahalagang tanong ay, “May sentido komon ba tayo at praktikal na pagkilos para magawa ito?”


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Subaybayan ang mga mahalagang paksa:
Mabisang mga Baitang sa Tagumpay

                                                  Baitang  6: Hinaharap ang mga Paghamon
                                           Baitang  7: May Makabuluhang Pangkat
                                   Baitang  8: May Disiplina sa Lahat ng mga Bagay
                          Baitang  9: Tinutupad ang mga Pangarap
                 Baitang 10: Mapaglingkod sa Kapwa
       Baitang 11: May Patnubay ng Dakilang Ispirito
Baitang 12: Tinatamasa ang KALUWALHATIAN


No comments:

Post a Comment