Kailangan tignan natin ang oportunidad sa bawa’t paghihirap, kaysa
maparalisado na iniisip ang paghihirap sa bawa’t oportunidad.
Mga Mabisang Baitang sa Tagumpay
Baitang 6
Hinaharap
ang mga Paghamon
Alam ko
at nakakatiyak ako na sa likod ng bawa’t daluyong, mga paghihirap, at mga pasakit,
ay mayroon mabisang mga leksiyon na matututuhan. Hindi ako makakagawa ng
mahusay na pagpili, hangga’t hindi ko napagyayaman ang aking sarili at may
marangal akong konsensiya, na nagbibigay sa akin ng tiyak at tamang kabatiran,
sa aking mga motibo, mga intensiyon, at may moral na mga pagkilos. Hindi ko rin
makakayang harapin ang anumang paghamon kung wala akong kabatiran tungkol dito.
Kailangan may sapat akong kakayahan at nakahanda sa anumang magaganap.
Ano ang kahulugan ng Paghamon?
Sa aking
talahuluganan; n challenge : isang pagtawag na may babala kung may kakayahang harapin ang anumang problema,
pangyayari, o paligsahan at magwagi para dito : isang pagsubok na nagpapasilakbo
ng damdamin; nagbubuyo o humihimok na maipakita ang katatagan ng sarili : isang
batayan na kumikilatis kung hanggang saan ang iyong determinasyon na malalagpasan
ang balakid o anumang problema.
Marami
ang mga pagsubok na sasalungahin sa buhay, at kailangan na magiting itong
harapin upang patuloy na sumulong at makamtan ang tagumpay. Mga pagsusulit ito
para tayo ay maging malakas, may determinasyon at matatag sa pakikibaka sa
buhay. Ang matutuhan ang ating buhay na walang gaanong panghihinayang na
kadalasa’y dulot ng masaklap na karanasan na hindi na muling maibabalik. At
magagawa lamang ito, kung positibong hinaharap ang mga paghamon bilang mga
tuntungang bato para makatawid sa kabilang pampang.
Itinatama ang mga Mali
Ang pinakamalaking
pagkakamali na magagawa mo sa iyong buhay ay ang magpatuloy kang natatakot
na makagawa ng kamalian. Kailangan ang pagtitiwala at pananalig sa anumang
bagay tungkol sa iyo – sa iyong kagitingan, tadhana, kapalaran, kamalasan,
kabiguan. Lahat ng mga ito ay may ipinapahiwatig, at mayroong patutunguhan. Anumang
bagay na humarang sa iyong daraanan, gaano man ito kaliit o kalaki ay may
kakahinatnan, marunong ka lamang kumilatis at dumiskarte tungkol dito, ay makakatulong
ito sa iyo. Huwag matakot, ito’y isang pagsubok lamang sa iyo kung gaano ang
iyong makakaya. Hinahamon nito na ilabas ang iyong katangian at kakayahang
malagpasan ang anumang problema. Huwag
pakinggan ang opinyon ng iba na lunurin ang iyong munting tinig, na nagsasabi
sa iyo na kaya mo . . . kaya mo. Maging matapang na sundin ang itinitibok ng
iyong puso at intuwisyon. (Pakibasa
lamang ang Nasa Tamang Pagkilos Lamang, 01
Disyembre/11)
Sa
pagharap sa mga paghamon ay may tatlong uri ang ating pagkatao: 1) mga kakayahan
na ipinapakilala natin kung sino tayo; 2) mga katangian na katunayang mayroon tayo;
at 3) mga kahusayan na iniisip nating may kakayahan tayo. Ang mga ito ang
nagbabadya kung papaano at gaano ang ating gagawin. At marami ang nabibigo
dito, kung idinadaan sa padaskol na mga kaparaanan, napipilitan, at
nagyayabang. Madali ang magsimula ng anumang gawain, ang mahirap ay magawa itong
tapusin. Kung maghihintay naman ng tamang panahon o perpektong kundisyon, nawawala
ang bisa ng pagkakataon. Kailangan ang madaliang pagsagot na hinihingi ng mga
pangyayari, at kung hindi maagap, harapin man ang balakid ay malubha na ito at
higit na mahirap kaysa noong sa simula pa.
May isang maramihang pagsasaliksik
ang isinagawa sa 4,000 na mga
retiradong ehekutibo ni Dr. Gerard Bell, isang propesor (University of North Carolina), nang tanungin niya ang mga ito
kung anong
kaibahan ang kanilang mga gagawin sakalimang uliting muli ang kanilang
mga buhay.
Ang nangunguna sa kanilang mga pahayag , ay
isang kasagutan na malinaw at ang pinakamahalaga sa lahat ay ito: (1) “Sana,
ay nagawa kong ako ang nakapangyari sa aking buhay; at maaga kong ginawa ang
aking mga lunggati. Ang buhay ay hindi isang pagsasanay, ito ang reyalidad.”
At kasunod nito ay ang mga panghihinayang na . . . Sana : (2) Sana, pinangalagaan
kong mabuti ang aking kalusugan. (3) Sana, mahusay kong napangasiwaan ang aking pananalapi. (3) Sana, ay
naglaan ako ng maraming panahon sa aking pamilya. (4) Sana, nagsikhay pa ako na mapabuti ang aking personal na mga kakayahan. (6) Sana, ay nagkaroon ako ng maraming
kasayahan. (7) Sana, ay nagplano ako at masidhing pinaghusay ang aking propesyon. (8) Sana, ay nagawa kong makapagbigay pa ng marami tulong sa iba.
. . .Sana, kung ako’y pagkakalooban muli ng panibagong buhay. Sana, kung sana man lamang
. . .
Isang babala ito para sa atin; na anumang mangyari, Makibaka at huwag matakot. Sapagkat narito ang tunay na pagkakakilanlan sa ating pagkatao at lumilikha ng ating magandang kapalaran.
Isang babala ito para sa atin; na anumang mangyari, Makibaka at huwag matakot. Sapagkat narito ang tunay na pagkakakilanlan sa ating pagkatao at lumilikha ng ating magandang kapalaran.
Ang
buhay ay may mga alalahanin, at may kaakibat na mga panghihinayang. Subalit kung papaano ang
mga problemang ito ay ating hinaharap kaysa iniiwasan ang kadalasang
determinasyon kung tayo ay masaya o mapighati. Ang mga problema ay “nakabalatkayong
mga pagkakataon” na kailangan nating harapin,
labanan, matutuhan, at lagpasan, nang ganap na makilala natin ang ating mga
sarili. Narito ang mga kaparaanan ng makapamuhay tayo ng maligaya at
magampanang mabuti ang ating mga tungkulin.
Sa araw-araw, lagi tayong hinahamon na gumawa ng maraming mga kapasiyahan. Hindi para tayo ay paralisahin,
bagkus ang tulungan tayo na matuklasan ang ating mga nakatagong kalakasan at mga
kakayahan. Tulad ng ating mga masel sa katawan, kailangan nito ang mga
oposisyon, mga pagbatak, pagpapahirap, para lumusog ang pisikal nitong
kalakasan.
Ang kagitingan ay hindi ang kawalan ng pagkatakot, bagkus
ang kahatulan na mayroong higit na mahalaga kaysa ang matakot; ang tanggapin
ang mga paghamon at makilala nating wagas ang ating mga sarili.
Bawa’t
kasagutan sa mga paghamon ay katulad ng alimbukay ng ipu-ipo na may epekto
sa ating mga buhay. Anumang pagsubok na nangyayari sa atin, ang pinili nating
mga reaksiyon sa mga ito ang lumilikha ng malaking kaibahan sa pagitan ng mga
kapighatian ng ating nakaraan at ng kaligayahan sa ating hinaharap. Sumusuong
tayo sa mga panganib, mga pakikipagsapalaran, at mga paghamon, hindi dahil sa
madali nating itong malagpasan, o hindi dahil sa ito’y sadyang mahirap magawa,
bagkus ang makamtan ang tagumpay. Sapagkat ito ang nagpapakilala kung anong
pagkatao at angking kakayahan ang nasa atin at kung bakit ginagawa natin ang
mga ito. Tulad ng diyamante, lumilitaw lamang ang angking kagandahan at
ningning nito mula sa napakaraming pagkiskis na pinagdaanan nito. Kung walang
mga bagyo, daluyong at mga hagupit ng hangin, hindi magiging matibay at matatag ang isang
malaking punongkahoy na tumindig.
Ang kailangan lamang ay magawa mo ang bagay na iniisip
mong hindi mo makakaya; Ang huwag matakot at umiwas sa mga pakikibaka, kundi ang
magiting na harapin ang mga paghamon ng
buhay.
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga,
Bataan
Subaybayan ang mga mahalagang paksa;
Mabisang mga Baitang sa Tagumpay
Baitang 7: May Makabuluhang Pangkat
Baitang 8: May Disiplina sa Lahat ng mga Bagay
Baitang 9: Tinutupad ang mga Pangarap
Baitang 10:
Mapaglingkod
sa Kapwa
Baitang 11:
May
Patnubay ng Dakilang Ispirito
Baitang 12: Tinatamasa ang KALUWALHATIAN
No comments:
Post a Comment