Anumang ang iyong patuloy na iniisip at pinaniniwalaan,
ito ay pagpasiyahan para makamtan.
Madali
ang gumawa kung nais mo itong gawin. At sa puntong ito, may kasiglahan kang
nadarama upang tapusin ang iyong sinimulan. May mga pagkakataon na kapag wala kang
interes para magtrabaho, subalit pinagsumikapan mong makagawa kahit papaano,
ito ang nag-uudyok para mapakilos mo na magpatuloy ang iyong buhay at trabaho. Habang
hindi ka tumitigil ay may natatapos ka, at ito ang nakapagbibigay sa iyo ng
pag-asa na magsikhay pa upang makamit ang iyong tagumpay. Anong kapasiyahan ang iyong kailangan sa araw na ito, upang masimulan
mong marating ang iyong pangarap? Anumang kapasiyahan ito; ang pag-ibayuhin
pa at magpatuloy o ang huminto at gumawa ng iba pang kaparaanan, ay gawin
kaagad ito ngayon at magsimula na. Ang simpleng pagkilos na ito ay siya mismong
makapagpababago sa direksiyon ng iyong buhay.
Hindi ang malalakas ang nagtatagumpay, o maging ang pinaka-matatalino, bagkus yaong mga nagsasagawa ng pagbabago sa kanilang mga buhay.
Marami sa atin na katulad ang mga dagang
nahuli sa patibong, wala nang masulingan at naghihintay na lamang kung ano ang
magiging kapalaran. Patuloy sa pangangarap, paghihintay, at umaasa na may pagbabagong magaganap. Wala silang hilig o pagnanais sa mga trabahong natanggap
o pinasukan nila. Nagkataon lamang na wala na silang mapagpipilian pa, at kahit papaano ay
nakakabuhay din ang mga trabaho na ito. Ang problema lamang, tuwing umaga pagkagising,
ay kinakaladkad ang kanilang mga paa para pumasok sa kanilang mga trabaho.
Sapagkat wala rito ang kanilang mga puso at sadyang mga napipilitan na lamang. Gayong
mayroon silang kapangyarihan, kung nanaisin lamang, na magpasiya at baguhin ang
kanilang kinasadlakan. Hindi lamang ang kanilang opisina o pinapasukan ang
makikinabang sa kapasiyahang ito, bagkus ang mapalaya nila ang kanilang mga
sarili sa pagkabilanggo ng mga gawaing hindi nila nais, kinayayamutan, at
pinagtitiisan.
Ang pagbabago ay hindi lamang kinakailangan, bagkus ito ay hindi maiiwasan.
Sapagkat gaano mang pagpipigil at
pagtatago ng ating damdamin, ang tunay nating hangarin ay siyang mangingibabaw.
Pilitin man natin itong alamin at hanapin, ay nananatiling mailap. Dahil nasa labas ang
ating mga paningin, doon sa mga pook, sa mga aliwan, sa mga tao at mga pagkakataon,
maliban sa kaibuturan ng ating mga puso. Ito ang pinakamahalaga sa lahat, ang
magkaroon ng malinaw na katanungan sa
sarili kung ano talaga ang iyong
pinakananais na makamtan sa buhay. Ang nakapanlulumo, mayroon sa atin na 80
porsiyento o mahigit pa dito ang mga nabibigo at nakabilanggo sa kanilang mga
trabaho sa dahilang malabo at wala
sa direksiyon ang takbo ng kanilang mga buhay; kung ano talaga ang kanilang
nais at sa papaanong paraan ito
makakamit. Hangga’t patuloy na kinakapos at walang kabatiran tungkol sa bagay
na ito, patuloy ang pagkasiphayo at kawalan ng pag-asa.
Tayong lahat ay hindi magagawang baguhin ang ating mga buhay kung walang namamayaning pagbabago mula sa ating mga puso. Ang susi sa bagong-buhay ay makilalang lubusan, kung sino ka, ano ang magagawa mo, at ano ang iyong mga pinahahalagahan.
Bawa’t positibong pagbabago sa buhay ay
nagsisimula sa isang malinaw,
nangingibabaw, at matatag na kapasiyahan na kailangang gawin o huwag nang
gawin. Dalawa lamang ang pagpipilian, patuloy na magtiis sa kasalukuyan o humanap
ng mga kaparaanan upang mabago ang kalagayan. Ang pagpapasiya ay isa sa pinakamahalagang
kalidad ng mga masayahing tao. Naging matatag at matibay sila na magpasiya sa
dami ng mga karanasan na kanilang pinagdaanan, mga paulit-ulit na kabiguan, at
kasanayan kung papaano ito malulunasan, hanggang sa naging likas na sa kanila ang
magpasiya kaagad nang walang pag-aatubili.
Isaisip sa tuwina, na ikaw lamang at wala ng iba pa ang mismong makapagbabago ng iyong buhay. Kailanman ay huwag baguhin ang iba. Sa halip, simulang gamitin ang iyong mga katangian at kakayahan para sa iyong kaunlaran.
Ang malungkot na katotohanan ay
marami sa atin ang mahirap at kinakapos sa buhay sapagkat hindi pa
nakapagpapasiya na maging mayaman. Marami ang mataba at hindi malusog sapagkat
ayaw pang magpasiya na pumayat at maging malusog. Marami ang nais yumaman sa
biglang paraan, hindi sa pahirapan. Perang nasa bulsa na, ay ipagsasapalaran at isusugal pa. Gayong
sa paghahanap ng madalian, ibayong kapahamakan ang nakakamtan. Lahat ng bagay ay dumaraan sa proseso, may mga baitang na aakyatin, may mga pamantayang susundin at pagtitiyagang gagawin. Kung sa mabilisan ang hilig, walang katuturan ang makakamit. Nangyayari
lamang ang mga ito sa iba; sa dahilang higit nilang inaaksaya ang kanilang mga
mahahalagang panahon sa ibang mga bagay, kaysa bigyan ng atensiyon ang kanilang
mga sarili. Hindi nila magawang magpasiya kung nais na pumayat, lumusog, umunlad
at makatakas sa kahirapan.
Ang pagbabago ay isang paghamon o balakid, nasa iyong paniniwala lamang kung papaano mo ito haharapin o tatalikdan.
Nasa ating mga saloobin ang dahilan kung papaano natin hinaharap ang buhay. Katulad ng pagtingin sa salamin, ito ang iyong katotohanan. Anuman ang iyong nakikita ay repleksiyon lamang ng iyong ginagawa. Ngumiti ka at ang nasa salamin ay ngingiti din sa iyo. Sumimangot ka at sisimangot din ito sa iyo. Ang ating mga saloobin ay napakahalaga at nasa ating kapangyarihan na piliin, kung nais nating maging masaya o malungkot sa araw na ito. Magagawa nating kontrolin, supilin, at iwaksi ang anumang bumabagabag sa atin. Nasa ating kapasiyahan kung ang araw na ito ay nais nating maging positibo o negatibong pamumuhay.
Ang mga kaisipan ay mga bagay! Nagiging makapangyarihan lamang ang mga ito kung lalakipan natin ng malinaw na layunin, at masidhing pagnanasa, ay maisasalin sa tumataginting na kayamanan.
Magpasiya
na ngayon! Simulan na itama at ayusin ang anumang gumugulo sa iyong
isipan. Sa bawa’t araw ay patuloy na dumarating pa ang maraming mga
pagkakataon. Kung hindi mo pa ito isasagawa ngayon, papaano mo magagawang
harapin ang mga panibagong paghamon na ito. Kung sa Lunes ay wala kang ginawa,
at pati na sa araw ng Martes, pagdating ng Miyerkoles, tatlo na ang kailangan
mong tapusin. Papaano kung sa buong linggo ay hindi ka tuminag, at nagkasya na
lamang sa pangangarap at pagbigkas ng, “sana at dapat,” mistula kang nagsasalansan ng mga bagabag at problema na siyang
pumaparalisa sa iyo para hindi makakilos nang ganap. Ikaw mismo ang nagpapahirap at
nag-aalis ng mga pagkakataon para sa iyong sarili na magtagumpay.
Ang pinaka-kritikal na sangkap ay ang kumilos ka at lunasan na ang anumang bumabagabag sa iyo. Napakasimple nito. Kahit na saksakan ng dami ang solusyon mo at talaga namang makalulunas, kung hindi mo nagagamit ay pinasasakit lamang nito ang iyong ulo.
Ang tunay na Pilipino ay gumagawa, hindi nangangarap nang gising.
Magpasiya na
ngayon! Tanggapin ang katotohanan na nasa iyong mga kamay lamang
magkakaroon ng tunay na kaganapan para
marating mo ang iyong tagumpay, kahit na matagal at mahirap itong magawa, o
gaanong pagsisikhay ang ilalaan mo para ito makamit. Lahat ay magiging madali
na lamang kung ito ay masisimulan. Magpasiya kaagad, at habang gumagawa at
abala ka, ang mga kalunasan ay kusang magsisilitaw sa iyong daraanan, at ang
mga tao ay magsisitulong para madaling matupad ang iyong pangarap. Alalahanin
na, “Kung nais mong tulungan ka ng iba,
unahin mo munang tulungan ang iyong sarili.”
Jesse Guevara
Lungsod ng
Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment