Friday, May 04, 2012

Magaling na Panuntunan


 
Ang tulay sa pagitan ng mga lunggati
  at mga tagumpay ay masidhing disiplina.
 
Mabisang mga Baitang sa Tagumpay

                        Baitang 8
       May Disiplina sa Lahat 
            ng mga Bagay

    Sinusubukan mo bang mapahusay ang iyong mga ginagawa, ang iyong kakayahan, at maging epektibo sa bawat trabaho? May nararamdaman ka bang may kulang at nawawala na ilang mga detalye, at bumabagal ang mga pagkilos mo? Napansin mo bang pinanghihinaan ka na ng loob? Ang mga dahilang ito ay ang kawalan DISIPLINA. 
   Ano ang kahulugan ng Disiplina?
     Sa aking talahuluganan; n discipline masidhing pagtatama, pag-sasayos ng panuntunan na matatag na susundin, matiyagang pagsasanay, mataman; disiplanado. Pansariling disiplina, ang inaasahang pagtalima at wastong pag-uugali ng pagdadala sa sarili at maging sa kinaanibang organisasyon.

     Disiplanihin mo; Parusahan, turuan, itama, isaayos, isaalang-alang, kontrolin, at supilin.
     Disipulo; Mag-aaral at tagasunod ng disiplina.

 Kung ang hangarin mo ay makatiyak sa Tagumpay, ang Disiplina ang iyong ipamuhay.
Walang importanteng bagay na kailanman ay napagtagumpayan nang walang disiplina. Bawa’t gawain ay nakasalalay dito, at yaon lamang na masisikhay, nagpapakahirap, nagtitiyaga at ipinapailalim ang kanilang mga sarili sa istriktong disiplina, na iwinaksi ang ilang kalayawan at nakakasiyang mga bagay ang nagkakamit ng tagumpay, at ito ang nagpapasaya sa kanila.
    Ang pangunahing tungkulin ng edukasyon ay disiplina kaysa maghasik ng kaalaman. Sapagkat walang saysay ang katalinuhan kung hindi ito ginagamit, at kung gamitin naman, at walang disiplinang sinusunod, ang resulta nito ay pawang mga kabiguan. Ang disiplina ang tulay sa pagitan ng mga lunggati at mga tagumpay.
   Ang henyo ay hindi naniniwala sa suwerte, siya ay nagiging mapalad sa disiplinang pinaiiral niya sa lahat ng gawain, at sa mga pagsasanay na maging eksperto sa bagay na ito. Siya lamang ang nagpapasiya sa kanyang sariling pagtakbo, uri ng karera o takbuhan, at saang karerahan ito gaganapin. May matatag na disiplina at ritwal na sinusunod, batay sa sariling panuntunan at sistema, kaya laging nagtatagumpay.

May isang panahon na bukambibig ang islogan na ito;"Sa ikakaunlad ng bayan, disiplina ang kailangan!"At malaki ang naitulong nito sa mga pag-uugali ng mga tao. Dahil dito, marami ang sumunod sa batas at tinupad ang kanilang mga tungkulin. Bahagi ito ng pansariling disiplina at kalayaan na paunlarin ang iyong sarili sa abot ng makakaya mo. Ang maging malaya mula sa kahirapan at kakapusan, kalayaan mula sa pagiging mahina at mga pagkatakot - pati na ang mga pag-aalinlangan at kawalan ng pag-asa. Kapag may disiplinang nanaig sa bawa't gawain, pinalalakas nito ang pagtitiwala sa sarili, at pinasisigla ang damdamin na makatapos sa gawain.
   Ang disiplina ay pangunahing patakaran  ng mga manlalaro at mga tsampiyon sa paligsahan upang matiyak ang pagwawagi sa palaruan. Batid nila ang kailangang mga disiplina, mga pagsasanay, at kaakibat na ibayong paghihirap para dito. Nakatatak na sa isip, at kusa na ang kanilang mga pagkilos.

  Batayan ng Disiplina
   1. Mayroong plano na sinusunod.
   2. Pinayayabong at maalam sa kanyang sarili.
   3. Maingat na pinipili ang mga aktibidad.
   4. May malinaw na panuntunan sa tamang pag-uugali.
   5. Matapat makisama at marunong sumunod sa mga patakaran.
   6. May responsibilidad at huwaran sa kanyang mga kasamahan.
   7. Nakikiisa sa sama-samang pananaw para pangkalahatang tagumpay.

 Ang kanilang pagkatao ay pinangungunahan ng mga disiplinang ito:
-Walang personalan, trabaho lamang, ang atensiyon ay laging sa positibo, kabutihan, at kaunlaran.
 -Nakakaligtaan nilang kumain, subalit hindi nalilimutan ang magbasa ng mga magpapaunlad sa kanilaa.
 -Organisado ang mga prioridad at nakatakda sa tamang panahon.
 -Laging handa sa mga pangangailangan at masiglang hinaharap ang mga responsibilidad.
-Hindi mapaghinala at mapagpalagay ng mga bagay at mga pangyayari. Ugali na ang tumingin sa ikakabuti kaysa ikakasama. Panig sa katuwiran, hindi sa pagdududahan.
-Magalang at dahan-dahan kung makipagkaibigan, subalit simbilis ng kidlat kung lumisan kapag nakilala’y mapagsamantala.
-Mahinahon, hindi nagugulat, at pabigla-bigla magpasiya. Pinag-aaralan muna bago magsalita at kung magbitaw ng kataga ay yaong nakakagiliw at pumupuri.
-Matapat ang katwiran, walang itinatago; prangka at walang paligoy-ligoy. Sinasabi ng harapan ang sama ng loob at isinusulat ang mga positibong nais bigkasin sa kapwa.
-May isang salita, at pawang katotohanan lamang. Kung may pangako hindi ipinapako. Laging may tamang salita sa tamang mga pangyayari.
-Mahusay sa paggawa at nasa tamang mga hakbang ang mga pagkilos.
 -Maayos at epektibo ang resulta ng mga trabaho.
-Ibinubuhos ang lahat ng makakaya, at huwaran sa lahat upang pamarisan.
-Nasa paglilingkod ang puso. Mapagbigay. Mapagmalasakit. Makabayan … at may pananalig sa Diyos.
. . . Lahat ng mga ito ay hindi magagampanan kung walang DISIPLINA na sinusunod.
                      (Pakibasa lamang ang Ito ang Aking Sinusunod, 26 Nobyembre/11)

Kung bukas ang puso ay mayroong mapaglalagyan, kung ito nama’y nakapinid walang makakapasok. Sa bawa't galaw, ay disiplina ang pinaiiral.

   Sa mga nagnanais na mabago ang kalagayan, pinakamahalaga ang disiplina, ito mismo ang pinakatali na bumibigkis at sumusupil sa lahat ng mga gagawin. Kumakatawan sa layunin upang isulong ang pananaw, pagkakaisa, damayan, pagtitinginan, maabilidad na pagkilos sa pabago-bagong mga kundisyon, na kung saan ay laging sumusubok, may paninindigan at responsibilidad.

Walang kasiglahan, walang motibasyon, walang ambisyon ... kung nawawala ang DISIPLINA sa mga pagkilos. Wala rin ang pag-asa na magtagumpay.

Para sa sariling kaunlaran, DISIPLINA ang kailangan. Upang magtagumpay sa buhay, DISIPLINA ang ipamuhay


Dito nagsisimula ang lahat at siyang patnubay sa tagumpay.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Subaybayan, ang mga mahalagang paksa;
Mabisang mga Baitang sa Tagumpay

                          Baitang  9: Tinutupad ang mga Pangarap
                 Baitang 10: Mapaglingkod sa Kapwa
       Baitang 11: May Patnubay ng Dakilang Ispirito
Baitang 12: Tinatamasa ang KALUWALHATIAN

No comments:

Post a Comment