Thursday, May 10, 2012

Tuklasin Kung SINO kang Talaga



Wala tayong ibinibigay na atensiyon sa mga bagay, hangga’t hindi muna ibinibigay natin ang ating intensiyon dito.

Mga Mabisang Baitang sa Tagumpay

                         Baitang 1 
                Sino Ka nga Ba?
 
“Higit na mabuti ang lupigin mo ang iyong sarili kaysa ang manalo ng sanlibong labanan. At ang tagumpay ay tanging sa iyo. Walang makakaagaw nito, kahit na mga anghel o mga demonyo, maging ang kalangitan o impiyerno. “  -Buddha

   Bago ka pumalaot at maglakbay sa buhay, unahin mo munang kilalanin ang iyong sarili. Kailangan mong matutuhan ang iyong mga kalakasan at mga kahinaan, pati na ang mga saloobing kaakibat nito. At kung bakit patuloy ang iyong mga kaisipan at ginagawa mo ang mga pagkilos sa mga ito. Katulad ng pag-akyat sa mga baitang, hindi tungkol ito sa pagpupunyagi, o matalinong mga pagkilos; ito ay tungkol sa magkatuwang na pamamaraang ito.

Ayon sa obserbasyon ni Socrates: “Ang buhay na walang paglilimi ay walang saysay na pamumuhay.”

Ang Mahalaga sa Lahat

 Magkaroon ng pansariling-kamalayan, hindi mula sa dikta at sulsol o pakikialam ng iba. Hanapin at alamin ang iyong mga naisin na makapagpapaunlad at nagpapasaya sa iyo. Mga gawaing kahit hindi ka bayaran ay patuloy mong gagawin, at bonus pa kung may sahod kang matatanggap mula rito. Kapag may kamalayan ka para dito, ang tagumpay ay mananatili sa iyo. Sapagkat hangga’t masigla ka; ang silakbo nito ang magpapaalab sa iyo upang  ituon ang iyong atensiyon sa kung ano ang mahalaga sa iyo, pinagmamalasakitan mo, kinagigiliwan mo, at ang mga bagay na kapag nawala sa iyo ay ikamamatay mo. Kapag nabatid mo ito, mananatili ang katotohanan sa iyo, at kailanman hindi ka na magtatrabaho pa sa tanang buhay mo.

Kapag may mga katanungan, ay may mga kasagutan.
1-Ano ang nais mo na gawin sa ngayon? At papaano mo ito gagawin?
2-Anu-ano ang iyong mga katangian at mga kakayahan? Saang gawain ka mahusay? Ano ang mga natutuhan na edukasyon at mga karanasan mo na makakatulong; upang makapagbigay ng kontribusiyon sa iyong trabaho at maging sa iyong kapwa?
3-Anong mga kagalingan ang iyong naipamalas sa dating trabaho at naiibang mga aktibidad na nagawa mo? Alin sa mga ito ang makapagbibigay sa iyo ng kagalakan at tagumpay sa iyong trabaho ngayon?
4-Ano ang mga aktibidad sa iyong trabaho at maging sa personal na buhay ang higit kang interesado? Anong trabaho ang nais mong gawin, na kahit hindi ka bayaran o may pasahod ay gagawin mo pa rin?
5-Aling mga bahagi ng iyong trabaho ang masigla ka at madali mong gawin? Kahit na ikaw ay nasa bahay ay ginagawa mo at nawiwili ka nang hindi mo namamalayan?
6-Ano ang gawain ang may higit na pakinabang para sa iyo?
7-Ano ang pinakamadali na magagawa mo sa ngayon, sakaling mag-uumpisa ka na?

Ang panahon mo ay limitado. Huwag itong aksayahin sa mga negatibo, walang mga kabuluhan, laging umaayon at ginagaya o ipinamumuhay ang buhay ng kung sino.

   Hindi tinatalakay dito kung saan ka nanggaling, walang kinalaman ito kung ano uri at antas ng iyong kalagayan sa buhay, ano ang iyong tinapos at mga titulong nakasabit sa iyong dingding. Hindi rin makatwiran na idahilan, “Ako ay abala, at walang panahon na asikasuhin pa ito.” Sapagkat kung hahayaan mo na wala kang kinalaman o nalalaman tungkol sa iyong sarili, huwag mong pagtakhan ang mga bagabag at kalituhang nangyayari sa iyo. Hangga’t wala kang kabatiran kung bakit ka lumitaw sa mundo at kung para saan ito, wala kang tamang direksiyon na patutunguhan. Ang makabuluhang layunin mo ay makilala mong ganap kung sino ka? Ano ang nais mo? At saan ka papunta?

“Ang una at pinakamagaling na tagumpay
ay ang magawa mong supilin ang iyong sarili.” Plato

Hangaan Muna ang Iyong Sarili

Kung laging nakatingin sa labas at walang panahon na titigan ang sarili, ang ginagawa ng iba ang iyong magagaya, hahangaan, at iniidolo na. Sinuman ang pinag-uukulan mo ng atensiyon ay siyang makakapanaig sa iyo at susundin mo. Anumang nakikita mo sa iba, ay siyang nais mong mangyari din sa iyo. Sa halip na manggaya at palasunod, ang sundin mo ay ang iyong mga pangarap; na paunlarin at payabungin ang iyong mga katangian, nang sa gayon ay maabot mo ang nais mong kalagayan na hinahangaan.
   Upang makilala ko ang aking sarili at makamit ang hinahangad kong pagkatao; kinakailangang hintuan ko ang lagi kong iniisip sa nais kong mangyari sa akin. Upang magawa ko ito, at matagpuan ang aking sarili; kailangang tuklasin ko ito sa aking kaibuturan at ilabas mula dito, at upang mangyari ito at mabuhay ako nang matiwasay, kailangang maglaho ang dati kong pagkatao, na magawa kong talikdan ang aking kamalian at ipanganak (born again) akong muli, at kailangan ang makabuluhang pagbabago para sa aking sarili.
   Ang isang tunay na kaligayahan sa daigdig na ito ay ang makatakas mula sa bilangguan ng iyong huwad na sarili. Ang buhay na pawang pagkukunwari at mga kasinungalingan, ay umaani din ng pawang balatkayong mga bunga. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit nababalisa ka ngayon. Kung ano ang iyong itinanim, ay siya mo ring aanihin. Ang isip na batbat ng makalumang kaisipan ay nakabilanggo at hindi makakatanggap ng katotohanan.Ang tunay na Pilipino ay nililimot ang mga ito.

Ang matinding kagalakan at nakakagulat na sorpresa sa buhay
        ay ang biglaang matalos mo ang iyong halaga.

Ang Aking Kamalayan
   Hindi ko nakikita ang mundo bilang reyalidad nito. Nakikita ko ang mundo ayon sa nakikita ko sa aking sarili. Ako ang lumilikha ng aking pagkatao; maging mabuti o maging masama, patungo sa kaunlaran o kahirapan, malasap ang kaligayahan o kapighatian, lahat ng ito ay ako ang masusunod at aking responsibilidad lamang. Nasa aking kapangyarihan at kapasiyahan kung nais ko ng tagumpay o kabiguan. Anumang nasa aking harapan, ang lahat ng bagay at maging ang buong mundo ay naghihintay para sa akin. Nasa aking kagustuhan at mga gagawin lamang para ito magkaroon ng kahulugan. Nakapaloob lamang ito sa ‘grado ng salamin’ na isinusuot ko.
   Kung papaano ko tinatrato ang aking sarili ay siyang repleksiyon ng pagtrato ko sa iba. Kung iginagalang ko ang aking sarili na may dignidad at integridad, kusa itong kumikilos sa pagtrato ko sa iba. Kung tinatrato ko ang aking sarili ng kaabahan, paghamak, at padaskol na buhay, ang mga ito ang magiging repleksiyon din kung papaano ko tratuhin ang iba.
   Mayroong kaluwalhatian sa kaibuturan ko . . . na may kadakilaang namamayani sa akin. Nahahalina ko sa aking buhay ang mga bagay na aking pinapaniwalaan. Sa ganang akin, ang ‘paniwala’ ay ang maging pag-ibig. Ito ang buod at kumakatawan ng lahat ng aking mga paniniwala. Pag-ibig. Kapag naniniwala ako sa aking sarili, minamahal ko ang aking sarili. Kapag minamahal ko ang aking sarili, tinatrato ko ang aking sarili ng paggalang at mataos na pagpapahalaga.  Dahil kong may pagmamahal ako sa aking sarili, magagawa kong magmahal din ng iba. Sapagkat kung wala sa akin ang pagmamahal, wala akong kakayahan na magmahal. Hindi ko magagawang ipagkaloob ang wala sa akin.
   Isa sa pinakamahalaga kong kayamanan ay ang kakayahan kong kumita. Ang aking abilidad na makagawa ng anumang bagay na talos kong kailangan ng ibang tao at nakahanda silang bayaran ito. Nasa aking kapasiyahan kung ipagpapatuloy kung tuklasin ang mga pagkakakitaan pa, o maging panatag na lamang at maghintay sa aking kapalaran. Ako lamang ang makapagpapasiya at may responsibilidad sa aking pinansiyal, panahon, at trabaho upang kitain ang nais ko at maging masagana sa buong buhay ko.
Karapatan ko bilang nilalang ang kasaganaan. Nilikha ako ng Diyos na kawangis niya at binigyan ng kapangyarihan na maging masagana. Walang imposibleng bagay sa Diyos. Hangga’t patuloy akong gumagawa, patuloy din ang Kanyang pagpapala na ako ay sumagana. Ang kailangan lamang ay pakawalan ko ang nakapunlang kasaganaan sa aking kaibuturan at ang lahat ay magaganap ayon sa Kanya.

Tatlong Panuntunan   
Una: Hindi mahalaga kung saan ka nangggaling; ang mahalaga ay kung saan ka patungo. Ang hinaharap ay higit na mahalaga kaysa kahapon. Hindi na maibabalik pa ang nakaraan, subalit may pagkakataon ka pang mabago ang iyong hinaharap kung sisimulan mong baguhin ito ngayon sa araw na ito.
Pangalawa: Upang ang iyong buhay ay mapahusay, kailangang galingan mo ang iyong pamumuhay. Kung nais mo na lalo pang kumita, kailangan pag-aralan mo pang mabuti ang makakatulong sa iyo. Ang kaalaman ang pangunahing sanhi kung magkano ang ibabayad o ipapasahod sa iyo ngayon. Kung nais mong mapahusay ang kalidad ng iyong buhay, nararapat lamang na isaayos at paunlarin mo ang kalidad at kantidad ng iyong kaalaman at mga kakayahan.
Pangatlo: Mapag-aaralan mo ang anumang bagay na kailangan mo na matutuhan para matupad ang katauhang nais mo para sa iyong sarili na maging ikaw, at makamtan ang mga lunggati na itinakda mo sa iyong sarili. Walang limitasyon para sa mga ito, maliban lamang sa limitasyong inihinang mo sa iyong isipan.
   Sa sandaling simulan ko at italaga ang aking sarili na tuparin ang aking mga pangarap, ang buong sansinukob at sangkatauhan ay nagsisimula na rin para ako alalayan. Lahat ng mga bagay ay kusang nagsisilitaw at dumarating para ako ay tulungan. Sa aking mga pagkilos, mistula akong batubalani na humihigop at nanghahalina sa mga bagay, mga pangyayari, at mga pagkakataon na sama-samang nagtutulungan na maging katotohanan ang aking mga lunggati.
Mga prinsipyo para simplehan ang pansariling-disiplina at mailabas ang talento at potensiyal: 1) Pagkatao; 2) Pagtitiis; 3) Pagtalaga; 4)Panuntunan;  5) Patnubay; 6) Pagtuon;  7) Pagkilos;  8) Pagpunyagi;  9) Pananalig; 10) Pagdiriwang

Ang Punla ng Simpleng Pagpili
Papaano mo matatanggap ang mga bagong binhi na magpapalaya sa iyo, kung puno at kumitid na ang iyong isipan?
   Hindi ka malaya at walang kakayahan na makarating sa iyong patutunguhan, kung ayaw mong tumanggap ng pagbabago at pinatigasan na ang iyong mga salita. Bawa’t sandali at bawa’t pangyayari sa buhay ng bawa’t tao dito sa daigdig ay laging may itinatanim na binhi sa kanyang kamalayan. Tulad ng hangin na inililipad ang mga binhi, bawa’t sandali ay may kaakibat na kaluwalhatian ito, kung hindi ka pa handa na matanggap ito, walang pagbungang magaganap sa iyo. Kung ang nais mong buhay ay pangkaraniwan, o buhay na katamtaman lamang, huwag pagtakhan kung pabugso-bugso lamang ang iyong kabuhayan. Hangga’t may limitasyon o hangganan kang batayan, anumang pagpupunyagi mo ay mapipigilan at hindi na tataas pa, kundi ang bumaling sa pagbaba naman.
   Ayon sa aklat na 212: The Extra Degree, ipinakita dito ang nagaganap sa tubig kapag pinakuluan. Sa antas (degree) na 211 ang tubig ay mainit – subalit pagdating sa antas na 212, ang tubig ay kumukulo na.
“Kapag kumukulo na ang tubig ay sumisingaw na ito at nagpupumilit na makawala; at ang singaw (steam) na ito ang nagpapatakbo ng mga dambuhalang makina, tulad ng barko, tren, at mga sasakyan. Ang idinagdag na isang punto nito ang nakagagawa ng malaking kaibahan. Sa paglalarawan: Ako ay naniniwala na ang 1 antas na ito, na karampot, at halos hindi  mapansin, at malabong makita, ngunit nakakagulat ang kakayahan; ay nakapagpapabago ng buhay. Tulad ng mga salita; “Hindi ako tiyak;  Wala na akong magagawa;   Puwede na ‘yan,;   Bahala na;” kaysa ---“Papaano ko ba ito gagawin?” Simpleng katanungan lamang kaysa umiiwas at walang mga pakialam.
Ang 1 antas na ito ang nagpapatibay sa paggawa; at siyang pagkakakilanlan na maihiwalay kung sino ang mga taong iyong sasamahan na dumaramay sa iyo, at ang mga taong tinatakbuhan ka kapag kailangan mo ng makakatulong ang kailangang mong iwasan.

Talunan na salita: “Ginawa ko na ang lahat kong makakaya. Wala na akong magagawa, na maaari kong magawa pa. Talagang wala na.”
Panalo na salita: “Hangga’t may buhay , may pag-asa.”
Ang una ay patakas, walang pag-asa, at maraming pakiusap na hindi na maaasahan pa.
Dito sa huli ay maikli, subalit may tagumpay.

Higit na nakakagimbal kapag hindi tayo nag-iisip
tungkol sa ating iniisip; at ang ating mga kaisipan
ang magsimulang mag-isip para sa atin.

Magpasiya Kung Ano ang Talagang Hangarin  Mo

Gaano ang ang pagnanais mo na mapaunlad  ang iyong buhay at ano ang mga bagay na makakaya mong isakripisyo?  May kapangyarihan kang piliin kung ano ang nais mo, at piliin lamang yaong makakabuti para sa iyo. Magagawa mong magbago, baguhin ang iyong pagkatao, payabungin at pagyamanin ito ng naaayon sa iyong kagustuhan. Ang buod ng ideyang ito ay ang makamtan mo ang kaligayahan at tagumpay para sa iyong buhay, na malamang malinaw kung sino ka at maunawaan ang likas at tunay mong katauhan – mula sa iyong kaibuturan at palabas sa iyong kapaligiran.
   Ang mga dakila at ekstra-ordinaryong mga tao ay mga karaniwang tao lamang, ngunit ginagawa nila ang mga ekstra-ordinaryong mga gawain na mahalaga at nagpapaligaya sa kanila. Lahat ng mga elemento o bagay na nauukol dito ay pinapansin at ginagamit upang suportahan ang kanilang mga pangarap na matupad. Nalalaman nila ang kahalagahan ng edukasyon, pagsisikhay, disiplina, ambisyon, at pananalig. Kaya nilang kontrolin at supilin ang kanilang mga kaisipan upang ituon lamang doon sa kaunlaran, tagumpay, at kaligayahan.
  Matibay at matatag ang kanilang pundasyon upang magtagumpay sa alinmang larangan na nais nilang pasukin. Sapagkat kilala nila ang kanilang mga sarili. May malaking pagtitiwala at pananalig na sila ay magwawagi. Pakalimiin lamang sa tuwinang magpapasiya; na mas malakas ang hatak ng emosyon, kaysa pisikal na maisagawa ang kapasiyahan. Sa halip, sundin ang sentido komon at praktikal na kaparaanan.
                            
Makapangyarihan ang Iyong mga Salita
Makikilala ka sa iyong salita. Ang salita mo ay siyang pagkatao mo. Nagsimula ang lahat sa mga salita. Sa Juan 1:1 ay mababasa natin, “Sa simula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos.” Ang mga salita, tulad ng dati at magpahanggang ngayon, ang pinaka-mapanglikhang puwersa sa sangkatauhan. Ang unang nasusulat ay mga salita ng Dakilang Ispirito, “Hayaang magkaroon ng liwanang,” at nahayag ang kapangyarihan ng nagnining-ning na mga salita. Ang mga salita ang unang naglalarawan ng mga ideya o kaisipan tungo sa reyalidad o kagananapan. Mula sa orihinal, ang mga ideya na ito ay nasa isipan lamang , subalit kapag binigkas o isinulat, ay nagiging higit na makapangyarihan na hubugin ang lahat ng nakapaligid sa atin. Sa sandaling isinalin sa salita ang anumang ating naisip, ito na ang simula ng paglikha.

Mga Mahalagang Kabatiran
1.       Mag-isip bago magsalita.
2.       Maingat na piliin ang mga salita.
3.       Tuparin ang winika mong gagawin mo.
4.       Pumaroon sa tipanan na iyong ipinangako.
5.       Pakaiwasan makapanakit ng damdamin sa mga salita.
6.       Ipalagay na ang mikropono ay laging hawak kapag nagsasalita.
7.       Mahinahong magsalita at bigkasin lamang ang mga maganda at makakabuti .

Iniisip mo ito, binibigkas mo ito, ginagawa mo ito, at nangyayari ito. Ito ang buhay mo.
Ang kailangan lamang ay kontrolin natin ang ating mga salita at ang ating integridad, bago natin kontrolin ang ating mga buhay.

Ang malaking sekreto ng buhay ay walang malaking sekreto. Anuman ang iyong lunggati, ay makakamtan mo ito kung tahasang gagawin mo. Ang TAGUMPAY ay dito nakasalalay.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Subaybayan, ang mga mahalagang paksa;
Mabisang mga Baitang sa Tagumpay
                                                                             Baitang 2: Malinaw ang Pananaw
                                                                      Baitang  3: Matatag ang Paninindigan 
                                                               Baitang  4: May Plano Upang Magtagumpay
                                                         Baitang  5: May Sentido Komon at Praktikal
                                                  Baitang  6: Hinaharap ang mga Paghamon
                                           Baitang  7: May Makabuluhang Pangkat
                                   Baitang  8: May Disiplina sa Lahat ng mga Bagay
                          Baitang  9: Tinutupad ang mga Pangarap
                 Baitang 10: Mapaglingkod sa Kapwa
       Baitang 11: May Patnubay ng Dakilang Ispirito
Baitang 12: Tinatamasa ang KALUWALHATIAN


No comments:

Post a Comment