Ang mga katanungan ay ang
mga kasagutan.
Kung may tanong ay may sagot. Ang matatagumpay na tao ay mayroong mahuhusay na mga
katanungan, at ang resulta, ay tinutugon din sila ng mga mahuhusay na mga
kasagutan. Sa ating buhay, kung hindi ka palatanong sa mga bagay na
nakakaapekto sa iyo, sa bandang huli ang mga ito ay ikakapahamak mo. Kung ikaw
ay naligaw sa iyong patutunguhan, at hindi mo gawi ang magtanong, ang pag-aaksaya
ng oras, mga pagkalito at aksidente ang tiyak na susuungin mo. Hindi kailangan na manatiling macho ka at nahihiyang magtanong, dahil isang kahibangan ang magkunwaring may nalalaman. Ang pagtatanong ang makapangyarihang
mga hakbang upang manatiling nasa tama at matuwid ang ating mga pagkilos. Dito
nakasalalay ang ating mga kapasiyahan at siya ding nagpapalinaw kung ano pa ang susunod nating mga gagawin.
Ang matalinong tao ay
marami ang malalaman sa hangal na tanong, kaysa isang hangal na may malaman mula
sa matalinong kasagutan.
Ang may kalidad na mga katanungan ay lumilikha ng may kalidad na pamumuhay. Kailangan
nating ihinang ito sa ating mga isipan, sapagkat narito ang mahalagang susi kung papaano
hinaharap ang bawa’t balakid na nakahalang sa ating daraanan. Makakatiyak ka ng
tagumpay kung ang iyong mga kapasiyahan na nagtatakda ng iyong kapalaran ay mga
kasagutan sa iyong mga katanungan. Kung tama ang katanungan, ay tama din ang
magiging kasagutan. Kung mali ang tanong, makakatiyak kang mali din ang sagot. Kung
malinaw at nakakatiyak ang iyong katanungan, hindi lamang ang iyong sarili ang
natutulungan nito, pati na ang iyong tinatanong. Nagiging madali ang
komunikasyon, trabaho, panahon, matipid ang mga gastusin, at maayos na natutupad ang lahat.
Hindi kailangan na
laging abala. Gayundin ang mga langgam. Ang tanong ay: Ano ba ang ating pinagkaka-abalahan?
Ang
pakikisama, pagkakaroon ng mga kakilala, at maging mga kaibigan ay nagiging
mabunga at maluwat kung may mga katanungan na kailangan masagot muna, bago
magkaroon ng paghahatol na kadalasan ay nauuwi sa alitan at hiwalayan. Kung may
tamang tanong tungkol sa pinanggalingan ng hidwaan at kung papaano maiiiwasan
ito, at sa halip, ay magtulungan sa isa’t-isa kaysa magsabunutan at
magsuntukan, ang hinahangad na kooperasyon at kapayapaan ay mananatili. Nasa
uri at antas din ito ng iyong mga kasama. May nagwika, “Sabihin mo sa akin kung sino ang mga kaibigan mo; at sasabihin ko sa
iyo kung sino ka.” Dahil kung hindi ka palatanong, sinuman ay puwede mong
makaibigan. Sapagkat “Kung hindi ka mapili, ang makukuha mo ay bungi.”
Siya ay talaga namang
ignorante at masasabing tanga, dahil lagi siyang mapagprisinta na may kasagutan sa bawa’t
itanong sa kanya.
Ang
pagkakaiba sa pagitan ng matagumpay
at mga talunan ay ang mga katanungan na patuloy nilang itinatanong. Sa mga
nagnanasang magtagumpay, palaging nakatuon ang kanilang mga katanungan sa
pag-unlad. At doon sa patuloy na nabibigo at mga talunan, bahagi ng problema
ay ang kanilang limitado o makitid na mga kaisipan. At ito ang naghahatid sa kanila para mabigo sa buhay. Habang patuloy silang matigas at ayaw tumanggap ng
katotohanan, mananatili na matigas din ang kapalaran para sa kanila. Dahil, kung
baluktot ang iyong paniniwala at ang lahat ay umuusig na sa iyo, panahon naman
na pag-aralan at limiing mabuti kung may magandang patutunguhan ang
pagmamatigas mo. Nasa pagtatanong lamang ito, at ikaw din ang makakasagot lamang
tungkol dito. Tulad ngayon, maaari mong tanungin ang sarili, “Ano ang tunay mong ikinaliligaya sa
iyong buhay ngayon? Ano ang mga nagpapasaya sa iyo sa tuwina? Sino ang mga taong maaasahan mo sa iyong mga pangangailangan? Ano ang mga bagay na nararapat
mong ipagpasalamat? Maglaan ng ilang sandali, na limiin ang mga kasagutan
at pakiramdaman kung anong damdamin ang sumasaiyo at nangyayari kung bakit tagumpay o
talunan ka.
Kapag pera at pagyaman
na ang pinag-uusapan, ang lahat ay interesado. Subalit kung gagawin at mahihirapan
na, ang karamihan ay iniiwasan na ito.
Hindi
ang mga pangyayari ang humuhubog sa aking buhay at nagpapahiwatig kung ano
ang aking nadarama at ikinikilos, bagkus, ang kaparaanan kung papaano ko
binibigyang kahulugan at pinaglilimi ang mga karanasan ko sa buhay. Kapag ako
ay nasasalang sa isang kalagayan na may pag-aalinlangan o nalilito na ako,
mabilis kong itinatanong kaagad ang kahalagahan nito sa aking buhay. Sapagkat
sa bawa’t kapasiyahan na aking gagawin, hindi lamang para sa aking sarili ang
nakasalang; bagkus laging kasangkot ang aking mga mahal sa buhay. Ang
kapariwaraan ko’y kapariwaraan din nila. Nasa pagtatasa lamang ito para higit
kong malinawan ang aking kalagayan.
Ano ang kahulugan ng Pagtatasa?
vt evaluate,
: pagtatakda ng halaga, kondisyon, kalagayan, sitwasyon : maingat na pag-aaral at pagpapahalaga :
pagkilatis o estimasyon sa katangian, kakayahan, o mga kagalingan
Papaano ko ba
magagawang magtasa?
Ano ba talaga ang pagtatasa?
Habang binabasa ko
ito, ako ba’y nagtatasa ngayon?
Bakit patuloy ang
aking pagbasa nito, napagtasa ko bang may matututuhan ako?
Kung ako ba'y nahaharap sa isang problema, tinatasahan ko ba ito para luminaw ang aking isip at makagawa ng tamang kapasiyahan?
Kung ako ba'y nahaharap sa isang problema, tinatasahan ko ba ito para luminaw ang aking isip at makagawa ng tamang kapasiyahan?
Ang
katotohanan; ang pagtatasa o pagkilatis ay mga katanungan. Kung walang
pagtatanong, walang pagliliming magaganap. Ang mag-isip ay isang proseso ng
pagtanong at pagsagot sa mga katanungan. Siya na palatanong ay hindi makakaiwas sa mga
kasagutan.
Ang ating mga
katanungan ang nagbabadya ng ating mga kaisipan.
Kailangan nating mapatunayan na halos lahat ng ating mga ginagawa sa maghapon at
maging bago matulog sa araw-araw; ay ang magtanong at sagutin ang mga
katanungang ito. Kung talagang nais nating mabago ang kalidad ng ating buhay,
kinakailangan na baguhin natin ang nakaugalian nating mga pagtatanong. Sapagkat
ang mga katanungang ito ay itinutuon ang ating atensiyon, kung papaano tayo
mag-isip at maunawaang lubos kung ano ang ating nadarama. Dahil narito ang
ating mga kapasiyahan at sumusunod nating mga ikikilos. Hindi makatarungan na
tumahimik at gumawa na lamang. Kailangan ding magtanong kung bakit mo ito
gagawin, para saan, at kung makakatulong ito sa lahat. Lalo na kung ang iyong
reputasyon at integridad ang masasangkot kapag ipinagpatuloy mo itong gawin. Ang
mga katanungan ay mayroong kapangyarihan na makaapekto sa ating mga paniniwala,
at nagiging posibleng mangyari ang hindi posibleng mangyari.
Walang katanungan na
mahirap sagutin, kung nasa harapan at nangyayari na ang kasagutan.
Kung wala kang paggalang sa iyong sarili, basta ka na lamang susunod nang
walang mga katanungan. Mistulang robot na de-susi na sunod-sunuran sa mga dikta
at ipinag-uutos ng iba. Bilang mga tunay na
Pilipino, isa nating pag-uugali ang magtanong muna, bago simulan
ang lahat ng mga bagay. Sa aking pabrika, doon mismo sa departamento ng
produksiyon ay may inilagay akong malaking karatula: “Magtanong
sapagkat kailangan, upang ang pagkakamali ay maiwasan!” Laging nasa
aking isip ito; tayo ay hindi mga perpektong tao, kaya nga nilikha ang lapis na
may pambura, dahil sa anumang saglit ay may kamaliang magaganap. Higit na maagap
ang laging handa, kaysa bahala na at batbat ng pangamba. Ang aksidente ay nangyayari lamang kung walang pag-iingat at
malinaw na mga katanungan sa magaganap.
Higit na masaklap ang
matakot kaysa mabugnot, at kahindik-hindik naman ang sumagot nang walang nagtatanong
at may pahintulot.
Madaling makilala ang dalawang pangkat ng mga tao sa kanilang mga katanungan.
Unang pangkat:
Maraming tao na nakikita ang mga bagay ayon sa mga ito, at ang bigkas ay; “Bakit?”
At matapos ito ay bastante na muli at patuloy na gagawin ang dating ginagawa
nang walang mga katanungan. Ipinauubaya na lamang sa “bahala na” ang lahat. Pinaikling,
‘Bathala na’ ito, na ang kahulugan
ay si Bathala na ang mag kasagutan para sa lahat. At dahil dito, ay buong pusong
tatanggapin na ang lahat na mangyayari sa kanilang mga buhay. Gayong may
kawikaan na, “Nasa Diyos ang awa, subalit
nasa tao ang gawa.” Kung wala kang pagkilos, papaano may mangyayari? Kung
patuloy kang maghihintay ng milagro, ang mismong kalagayan mo ay milagro nang
nagaganap. Nasa dulo lamang ng iyong mga kamay ang lahat para ang iyong hinahangad
ay maganap.
Pangalawang pangkat: Ang ilan naman ay nangangarap sa
mga bagay na wala sa mga ito, at ang bigkas ay; “Bakit
hindi? At isinasagawa ang kanilang iniisip na maging reyalidad
ang mga ito. Hindi sila makagawa hangga’t walang malinaw na dahilan kung bakit
gagawin ang isang trabaho.
Higit tayong may nalalaman sa paghahanap ng kasagutan sa tanong at hindi matagpuan ito, kaysa ang matutuhan ang kasagutan nang walang kapaguran.
Higit tayong may nalalaman sa paghahanap ng kasagutan sa tanong at hindi matagpuan ito, kaysa ang matutuhan ang kasagutan nang walang kapaguran.
May isang taga-ukit
sa Paete, Laguna, ang dalubhasa sa paggawa ng rebulto. Halos inaabot ng isang
linggo bago siya makatapos ng isa. Matagal ang inuubos niyang panahon para mapaganda ito at makatapos ng isang istatwa. Limitado ang kanyang pagkita at batay lamang
kung gumagawa siya. Isang kahig, isang tuka, ang ganitong sistema. Isang bisita ang nagka-interes na bumili ng isang rebulto,
nilagyan ng mga dekorasyon, pinaganda, at nagpagawa ng maraming katulad nito sa isang pabrika.
Ginawang komersiyal na maramihang ipinagbili, at naging maunlad na negosyo niya. Ang taga-ukit ay
masipag, subalit hindi masikhay at binabraso ang lahat. Walang mga katanungan
kung papaano uunlad. Ang negosyante ay nagtanong,”Papaano ko kaya ito
mapaparami sa madaling panahon, nang marami ang makabili?” Bigkas nga ng aking
ama, “Daig ng maagap ang masipag.”
Laging may magandang
kasagutan doon sa may higit na may magandang katanungan.
May
nagtatanong, ngunit ayaw sagutin ang sariling mga katanungan, dahil umiiwas na
mahirapan. Mayroon namang may katanungan, at mapilit na hinahanap ang mga
kasagutan – at kaagad na isinasagawa ito. Doon sa una, makakatiyak ka na
pulitiko ito. Dito sa huli, manlilikha at imbentor ito ng mga produkto. Isa sa
mga katanungan na nagpalinaw ng aking pananalig ay ito:
“Question
with boldness even the existence of a God; because, if there be one, he must
more approve of the homage of reason, than that of blind-folded fear. “ Binigkas
ito ni Thomas Jefferson, (an American Founding
Father, the principal author of the United States Declaration of Independence
and the third President of the United States).
Pakatandaan: Hindi lamang ang mga katanungan na iyong naitanong, pati na ang
mga katanungan na nabigo mong itanong ang nagtatakda ng iyong kapalaran.
Anong kapangyarihan ang iyong
mapapakawalan; kung magagawa mong magtanong ng simpleng katanungan subalit
pinakamabisa ang kalalabasan, at makapagbabago ng iyong direksiyon sa buhay? Ikaw
at ako ay mababago ang ating nadarama sa isang iglap, kung babaguhin lamang ang
ating pagtuon. Hangga’t binibigyan natin ng atensiyon ang isang bagay, lalong
lumalaki ito. Malaki ang pagkakaiba sa pagitan ng tumitingin at tumititig. Ang
tumingin ay pahapyaw at panandalian, at ito’y bilang pagsulyap lamang;
samantalang ang tumitig ay may panahong inilalaan, para pag-aralan ang
tinititigan. Sa pagtatalo, baguhin lamang ang pagtuon sa pinagtatalunan, mapapayapa
na ang mga kalooban.
Ano bang mga katanungan ang iyong madalas na
gamitin o regular na ginagamit kung nalalagay ka sa alanganin? Ako ay may dalawang katanungan
na ginagamit kong kalasag at pangunahing batayan bago ako magpasiya. Malaki ang
naitutulong nito upang maging malinaw at nasa tama ang aking susunod na mga hakbang.
Simpleng mga katanungan lamang: 1) “Anong makabuluhan ang patutunguhan nito?”
at “Papaano ko ito magagamit para mapakinabangan ko?”
At
kung may alinlangan ako sa pagiging malapit at kapansin-pansin na pagsuyo
ng isang tao sa akin, mayroon akong isang katanungan na madalas kong sandigan, “Ano ang tunay na intensiyon ng taong ito?” Nagsimula ito noon pang bata
ako, nang pinag-aaralan namin ang aklat ng ating bayaning si Francisco Baltazar, ang ‘Florante at
Laura.’ Sa isang saknong, ay binanggit ito,
“Kung ang
isalubong sa iyóng pagdating, ay masayáng mukha at may pakitang giliw, lalong
pakaingatan at kaaway na lihim siyang isaisip na kakabakahin.” Matalim
at nagpapalinaw ang pangungusap na ito, sapagkat kung lilimiing mabuti, ang mga
taong may mabuting pakay at walang lihim na hangarin, ay karaniwan at normal
lamang ang paglapit sa iyo. Walang mga palabok at paligoy-ligoy, at hindi
na kailangan pang magsinungaling. Subalit doon sa mga mapagsamantala at may mga maitim na balakin, mistula
itong naghahanda ng patibong para ikaw ay mahuli ng kanilang inihahandog na mga
pain.
Narito pa ang mga mahahalagang mga
katanungan, kung nais na makatiyak na maging matagumpay; mga katanungan na
kailangan nating sagutin para ituon sa tamang direksiyon ang ating mga buhay:
1)
Bakit ako lumitaw sa mundo, para
saan ba ito?
2)
Ano ba ang talagang dahilan at kung
bakit ako ay nabubuhay pa?
3)
Mayroon ba akong kailangang gawin
pa at tapusin na kailangang maipamana?
4)
Sino nga ba ako?
5)
Ano ang talagang nais ko sa aking buhay?
6)
Saan ba ako patungo, ang tinatahak ko ba ngayon ang
tamang direksiyon?
7)
Maligaya ba ako sa ngayon at may
kaluwalhatian na?
Pinaka-makapangyarihang mga
katanungan ito, at kung hindi mo ito masasagot; sa halip, ay lagi kang
naghihintay at umaasa na may milagrong magaganap kahit na hindi ka kumikilos. At
ang milagro ay nangyayari na; ang mismong
kalagayan mo sa ngayon ang pruweba. Ang mga bagabag, pamamanglaw, at mga
pagkalito mo sa iyong buhay ang resulta nito. Ang mga hidwaan, hiwalayan, at hindi
pagkakasundo sa pamilya ay nananatiling hindi pa tapos, at nangangailangan ng
kalunasan. Kung wala pang tunay na kaligayahan na naghahari sa iyong buhay, may
pagkakataon ka pang maisaayos ito at tamasahin ang iyong nakatakdang kaligayahan.
Narito pa ang isang katanungan na kailangan
mong masagot; “Kung
may isang pagkilos na mabilisan mong magagawa at nakakatiyak kang makapag-papabago
ito ng iyong buhay, bakit hindi mo ito masimulan?”
Kung may mga katanungan at may mga
kasagutan. Tagumpay o Bigo? Panalo o Talo? Masaya o Malungkot?
Kaligayahan o Kapighatian? Mamili
ka, sapagkat narito ang mga kasagutan ng iyong mga katanungan.
May katanungan ka pa ba?
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga,
Bataan
No comments:
Post a Comment