Ang milagro ay hindi ang makalipad sa hangin, o ang maglakad sa ibabaw ng tubig, bagkus ang akyatin ang mga baitang sa Tagumpay.
May isang ninuno
natin ang nagsalaysay nito sa kanyang apo,
“Aking mahal na apo,
mayroong dalawang aso na nakatira sa ating kalooban.
Ang asong itim at
ang asong kayumanggi; palagi silang nag-aaway at naglalaban
kung sino ang
matibay at maghahari sa kanilang dalawa.
Ang asong itim ay may ugaling TAMAD, sakim,
seloso, salbahe, sinungaling, masama,
mahiyain,
mapag-imbot, madaldal, taksil, tsismoso, at palalo.
Samantalang ang asong
kayumanggi ay MASIKHAY, maligaya, mapayapa, mapagmahal,
dumaramay, umaasa,
mababang loob, mabuti, matulungin,
matuwid, at matapat.
Pinag-isipan
mabuti ng apo ang tungkol sa mga ugali
ng bawa’t aso,
at maya-maya ay
nagtanong, “Lolo, sino sa kanila ang laging nananalo?”
At ang matanda
lalaki ay mahinahong tumugon,
“Kung sino sa kanila ang madalas mong pinakakain.”
Ang mga pag-uugaling ito ay nakapangyayari lamang doon sa wala at mayroong kamalayan. Masama o mabuti; Malungkot o masaya; Bahala na o pag-isipan muna; Tamad o masipag; Maharimunan o masikhay. Dito malalaman kung nasaan ngayon ang iyong kinasadlakan sa buhay. Saan ka ba lumilinya ng trapik, doon ba sa may kahirapan o sa madalian? Ano ang talagang pinipili mo, ang magsakripisyo at magtiis muna; kaysa kunin kaagad at magpakasaya?
Madalas itong
nangyayari kapag paakyat ng gusali at may pagpipilian; hagdanan o escalator. Kung
katulad ka ng 97 porsiyento sa mundo, sasakay ka ng escalator. Inuuna ito ng
karamihan dahil maginhawa, madali, at walang kahirap-hirap. Kung may pagpipilian, doon
tayo sa higit na madali, sa short cut at
pati ang quick fix. Nais nating magtagumpay
at magkaroon ng masayang buhay, ngunit patuloy tayong naghahanap ng madaling paraan.
Sa pag-asang madali ang buhay, pilit nating hinahanap ang “escalator” upang
makamtan kaagad ang ating hinahangad. Ang malungkot dito, sa halip na mapadali ay
lalong bumabagal, napapasama pa at tuluyang nabibigo tayo. Hanggang sa tanggapin na lamang kung
anong trabaho o kapalaran ang ating narating sa buhay - at magsisi sa buong buhay.
Umiral na sa
ating mga isipan ang paniniwala na mainam makuha kaagad ang lunggati (instant gratification) at ang mga
paghihirap ay isantabi, wala na sa bokabularyo ang sakripisyo at pagtitiis. Ang
nakakahigit pa dito, kung may kasalong tongpats at sipa, ay biglang yaman ito.
Normal na sa mga opisina, maging publiko o pribado man ang mga padulas, o para
mapadali ang lahat. Walang umaako ng responsibilidad, sapagkat tanggap na - na
walang nakukulong sa may utang, sobrang kalayawan, maluho sa mga gamit, at
magbimbin ng trabaho. Hangga’t nahihirapan tayo, iiwasan ito at doon sa madali at maginhawa pumupunta. Ang bukambibig
ay, “Bakit
pa ako gagamit ng hagdanan kung makakasakay naman ako sa escalator?
Subalit kung ang hangarin
mo ay karunungan, kaunlaran at kaligayahan; lahat ng ito’y may kaakibat na
pagsisikap, pagtitiis at ibayong mga sakripisyo. Kaya nga, iilan lamang ang
nagiging mapapalad at yumayaman sa dahilang kakaunti ang lumilinya sa
pagpupunyagi. Kung ang hangad ay magandang buhay, ang makarating sa itaas at
matupad ang matayog na pangarap, kailangan ay umakyat ng hagdanan. May mga
baitang itong daraanan, aakyatin unti-unti, pinag-aaralan ang lahat, organisado
at nakakatiyak; nakatuon lamang sa tamang direksiyon.
Angkining Muli ang Iyong Dangal
Hangga’t walang pagbabago sa kinasasadlakan
mo, patuloy na mapapasaiyo ang anumang iyong natatanggap. Ang mainam na tanong
dito, ay hindi kung bakit ganito ang laging nakukuha mo, sa halip, ang
pinakamahalagang katanungan ay “Ano ang magiging katauhan mo, o personalidad
ang sasaiyo.” Sapagkat bago mo hangarin ang iyong nakikita sa labas ng
iyong pagkatao, tulad ng trabaho, promosyon, bahay, negosyo, at magandang
buhay, unahin mo muna kung ano ang iyong mga katangian at mga kakayahan upang makatotohanan
na makamtan mo ang mga ito. May karapatan ka nga ba na angkinin ang tagumpay?
Mayroon ka ba ng mga ito?
·
Nakalulugod na personalidad at madaling
kausap.
·
Matapat at mapagkakatiwalaan sa tuwina.
·
May kababaang-loob at maaasahan.
·
Nagpapakita ng paggalang at kinagigiliwan.
·
Mapagtimpi at pinipili ang mga pangungusap.
·
Hindi mapaghinala at may pagtitiwala.
·
Madaling makaunawa at tumupad ng mga pangako.
Ang mga katauhang ito ay buong pagkakakilanlan kung may katangian
ka na nakalulugod sa iba. Kasunod nito ang mga kakayahan kung saan ka magaling
o eksperto sa larangan at trabahong pinili mo. Bago ka pumalaot o magsimula sa patutunguhan mo at gawin ang lahat mong makakaya nang walang kalituhan o mga bagabag, tanungin ang iyong sarili: Ano ba ang aking tunay na intensiyon sa buhay? Maglaan ng sapat na panahon na sagutin ito ng oo mula sa kaibuturan mo. Kapag ito ay tama at nasa matuwid na landas, kalahati na ng iyong buong kapaguran ay nalunasan na at lahat ng pagpupunyagi ay sasaiyo.
Nabubuhay tayo hindi upang humatol, kung tayo ay
hahatol hindi tayo matututo, dahil kapag humahatol ka – nagpapahayag lamang ito
na higit kang magaling at nalalaman mo na ang lahat. Papaano ka matututo kung
sa iyong paniniwala ay nalalaman mo na ang mga kasagutan. Kung tayo naman ay
mag-uusap at pareho nating alam ang ating pag-uusapan, para saan ito kung walang pakinabang? Kung hindi mo naman alam ang
aking binabanggit, at kahit anong paliwanag ay hindi mo maintindihan, para saan
din ito, kung wala kang namang malalaman.
Datapwa’t ang pag-ukol na hindi bumubukol ay patuloy na
kasinungalingang pinaiiral. Kahit na malaman ng isang tao ang buong sansinukob,
kung ito nama’y sinasarili lamang ano ang ipinagkaiba nito sa hindi
nakapag-aral. Kaput. Sero. Blangko. Walang laman, bamban at hungkag. Ang taong
patuloy na nag-aaral na alam niyang hindi pa sapat ang kanyang nalalaman ay
matagumpay. Higit siyang mapalad kaysa iba sa patuloy na karagdagang
inpormasyon, kantidad, at kalidad na pagbabago sa kanyang buhay. Bukas ang
isipan at may maraming katanungan na kailangan niyang mabigyan ng mga kasagutan.
Kung hindi
mo ito haharapin, mananatili itong mga hadlang sa iyong
pag-unlad at magdadala lamang sa iyo sa mga kapahamakan. Bawa’t problema ay may
nakalaang solusyon. Bahagi na ito ng
buhay, ang mga tao lamang na walang problema ay naroon sa sementeryo at tuluyan ng namahinga. Kahit na
karaniwang talento kung may masikhay at matiyagang hangarin, ang lahat ay
mararating. Kailangan lamang ang patnubay, isang malinaw na landas na matatahak
upang makarating sa patutunguhan. Ang magkaroon ng mabisang mga baitang para maakyat mo ang itaas. Ang kaalamang makilala mong ganap ang iyong
sarili, at papaano maging matagumpay sa larangan na nais mong pasukin.
Pahayag nga ni Shakespeare sa kanyang sinulat , “The
fault, Dear Brutus, lies not in our stars, but in ourselves that we are
underlings.”
Tayo
mismo ang dahilan kung bakit nananatili ang ating mga karaniwang kalagayan. Kung nais ng ekstra-ordinaryong
buhay, may kalakip itong ekstra-ordinaryong mga pagkilos. At sa puntong ito,
marami sa atin ang nagsisisuko at tinatanggap na lamang ang kanilang mga
kapalaran. Nais ng kaunlaran ayaw namang mahirapan. Gustong lumigaya, umpisa pa
lamang ng trabaho ay tinatamad na. Madali ang magsalita, kaysa ang gumawa.
Masarap mangarap, ang tuparin ito ang mahirap.
Sa madaling salita,
maraming kadahilanan kapag nahihirapan. Subalit kung talagang nais ang
kaunlaran, nagagawan ito ng mga kaparaanan. Sa lahat ng mga ito, ikaw lamang
ang may kakayahang magpasiya, dahil ito ang iyong buhay na makagawa ng malaking
kaibahan sa pamamagitan ng makatotohanang pagkandili para dito.
Ang katotohanan ang
makapagpapalaya sa iyo. Totohanin ang lahat mong pagkilos. Ipahayag ang matatag
mong mga paninindigan, mga prinsipyo, at mga dakilang layunin. Linawin ang
iyong mga intensiyon upang makuha ang mga tamang kasagutan:
Ano ang patuloy na makabuluhan mong ginagawa?
Ano ang mahalaga at pinag-uukulan mo ng maraming sandali sa
bawa’t araw?
Ano ang pinaka-importanteng dangal para lumigaya?
Sinu-sino ang mga taong nagmamahal at minamahal mo?
Kung may bagay kang nais gawin at alam mong magtatagumpay
ka kapag ginawa mo, ano ito?
Bakit hindi mo maumpisahang gawin? Ano ang humahadlang sa
iyo?
Kung may mga katanungan, ay may mga kasagutan.
Kung nais magtagumpay sa
buhay; HUWAG sumakay ng “escalator,” puntahan ang “hagdanan” at simulang
gamitin ang mga baitang. Tulad ng pagtatanim ng palay; daraan ka sa pagpili ng
lupa, pagbungkal nito, pagtatanim ng palay, matiyagang pag-aaruga at
pangangalaga, at kapag nagbunga, ay doon ka pa lamang mag-aani. May prosesong
nagaganap. Hindi katulad ng “escalator” na
nakasakay ka na tila namamasyal lamang. Sa buhay, kailangang dumaan ka ng hagdanan kung nais mong makatiyak ng
magandang kapalaran. Narito ang kasagutan sa pagsisimula nito.
Mabisang mga Baitang
sa Tagumpay
Mga
Nilalaman
Baitang 1:
Sino Ka nga Ba?
Baitang 2:
Magkaroon ng Pananaw
Baitang 3:
May Paninindigan
Baitang 4: May Plano Upang
Magtagumpay
Baitang 5:
May
Sentido Komon at Praktikal
Baitang 6:
Hinaharap
ang mga Paghamon
Baitang 7:
May
Makabuluhang Pangkat
Baitang 8: May Disiplina
sa Lahat ng Bagay
Baitang 9:
Tinutupad
ang mga Pangarap
Baitang 10:
Mapaglingkod
sa Kapwa
Baitang 11: May Patnubay ng Dakilang Ispirito
Baitang 12: Tinatamasa ang KALUWALHATIAN
Kinatas at sinipi
lamang ang ilang pahina mula sa aking aklat ng “Mabisang mga Baitang sa
Tagumpay” na isinulat ko para sa aking mga anak. Bagama’t wala sa linya ko ang
pagsusulat, pinipilit ko itong mangyari, dahil higit na malinaw ang aking mga
mungkahi kung nababasa. Sa dami ng pinasukan kong mga trabaho, pati na ang
pagnenegosyo, sa gulang kong ito, at sa dami ng mga naranasan ko na mga
kabiguan at mga kamalasan, naging mapalad lamang ako nang sundin ko ang mga baitang na ito.
Kung nalaman ko
lamang ito, noon pa, hindi ko na magagawa pa ang magtrabaho. Dahil pupuntahan
at gagawin ko na kaagad ang mga gawain na nagpapasaya sa akin, may libangan na,
ay kumikita pa ako. Kung may kabatiran ako noon pa ng mga
baitang na ito, hindi ako magkakamali, magmamatrikula, at
mag-aaksaya ng kabuhayan, kalakasan at kabataan, o mahalagang panahon sa
paghahanap ng tamang direksiyon.
Kapag naging kaugalian na natin ang tunay na pagtuon doon
lamang sa makabuluhan at makapagpapaunlad na mga baitang ng “buhay,” madalas
nating matatagpuan ang mga milagro na nakapaligid sa atin. Ang magagandang kapalaran ay simpleng lumilitaw na malinaw sa
ating harapan.
Ang buod ng Mabisang mga
Baitang sa Tagumpay ay tungkol sa pansariling disiplina – ang abilidad
na kumilos kahit na ano ang kalagayan mo ngayon; emosiyonal, pinansiyal, o
pisikal man ito. Ang mga pagkilos na may mahusay at tiyak na mga kapasiyahan. Ang
mga siniping pahina na narito, kahit pahapyaw lamang ang ilan dito, ay hindi tungkol sa pahirapang ambisyon;
na kailangan dumaan ka pa sa butas ng karayom, bagkus ito ay tungkol sa pagpupunyagi na posibleng makakaya mo sa
lalong madaling panahon kung gagamitin lamang ang mga baitang na narito upang
makamtan mo ang anumang iyong pinakahahangad sa iyong buhay – sa pinakamadaling
paraan.
Kapag minamahal at kinawiwilihan
mo ang iyong ginagawa, kailanman ay hindi ka na magtatrabaho pa sa buong buhay
mo.
Isang pangako ito na
may katuparan. Itakda at simulan ang pagkilos; nasa pagkilos lamang ang lahat
upang makamit ang tagumpay. Kikilos ka at magwawagi ka.
Sa paglalakbay na ito, panatag na umupo, kumapit ng
mahigpit . . . dahil medyo maraming lubak at matarik ang ating sasalungahin.
Pakaisipin lamang na ito na ang iyong pagkakataon, ngumiti
at ang lahat ay magiging madali na lamang.
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga,
Bataan
Subaybayan,
nang mahalagang mabasa;
Mabisang mga Baitang sa Tagumpay
Baitang 1: Sino Ka nga Ba?
No comments:
Post a Comment