Tuesday, May 08, 2012

Tahasang Pagtupad sa Pangako



Ang katalusan ay mabatid ang tama kaysa mali; ang praktikal 
kaysa salimoot; ang tiyak kaysa paltos; ang tagumpay kaysa 
kabiguan; at ang kagalingan na panindigan ang mga ito,
at patuloy na isakatuparan.

Mga Mabisang Baitang sa Tagumpay

                           Baitang 3
     Matatag ang Paninindigan

   Mahirap labanan ang kaaway na may mga kampo sa iyong utak. Ito ang inuunang pinupuksa at inaalis sa ating kamalayan. Ang nakapagpapaalis lamang dito ay ang matatag na paninidigan sa sarili, ang matagpuan at makilala mo ang iyong tunay na pagkatao. At mula dito ay magaganap ang lahat para sa iyong kagalingan at kaunlaran tungo sa iyong TAGUMPAY.
   Ang sukatan ng paninindigan ay maging maingat sa iyong pagkatao kaysa iyong reputasyon, sapagkat ang iyong buong katauhan ang nakasalang kung sino kang talaga, samantalang ang iyong reputasyon ay kung ano ang pagkakakilala sa iyo ng iba. Ang kailangan lamang ay responsableng hawakan natin ang ating mga sarili para sa mataas na pamantayan kaysa sa inaasahan sa atin ng iba.

 Ang Wastong Paninindigan
Huwag simpleng paniwalaan ang anumang bagay sapagkat nadinig mo ito.
Huwag simpleng paniwalaan ang anumang bagay sapagkat binigkas at ipinagsabi ito ng maraming tao.
Huwag simpleng paniwalaan ang anumang bagay sapagkat nasusulat at ipinapahayag ito sa mga aklat ng relihiyon.
Huwag simpleng paniwalaan ang anumang bagay sapagkat nagmula ito sa otoridad ng iyong mga guro at mga nakakatanda sa iyo.
Huwag paniwalaan ang mga tradisyon sapagkat isinalin at pamana sa iyo ng maraming nauna na mga henerasyon.
Datapwa’t matapos ang obserbasyon at pag-aanalisa, kapag napaglimi mong ang anumang bagay ay sumasang-ayon sa makatwiran at nakapagdudulot sa ikakabuti at kapakinabangan ng isa at ng lahat, marapat lamang na tanggapin ito at ipamuhay nang lubusan.       -BUDDHA

   Narito ang lahat ng iyong kaganapan; kapag ipinairal at ginagawa ang mga ito sa araw-araw bago magpasiya, ay nasa matuwid kang daan. Dahil dito nakasalalay ang iyong Matatag na Paninindigan.

Ano ba ang kahulugan ng Paninindigan?
   Sa aking talahuluganan; n vow : kapasidad na ipaglaban at tindigan nang matatag at makakaya ang mga prinsipyo : hindi mababaling pagtatalaga sa patnubay ng asal : ang kompas ng pansariling kaugalian na masidhing sinusunod sa pagpili ng tamang kapasiyahan sa pagkilos, paglilingkod, o kundisyon : isang tahasang pagtupad ng pangako
    n solemn vow : sukdulang pangako na may kasamang panunumpa at tinitindigan sa lahat ng sandali.

   Walang nakakagulat na napagtagumpayan maliban doon sa mga taong naniniwala na mayroon silang nakatagong kakayahan na higit na superyor kaysa mga kaganapan. Ang kagitingan, determinasyon, pagsisikhay, at dedikasyon; ay mga paninindigan na kalidad ng mga matatagumpay na tao. Dito nakaugat ang patnubay ng bawa’t kapasiyahan – at siyang lumilikha ng kanilang kapalaran. Pakatandaan lamang na lahat ng ating mga desisyon ay nag-uugat mula malinaw na pagsunod ng ating mga dangal. At lubusan natin itong pinaninindigan kaninuman, saanman, anupaman, at kailanman.

Piliin Lamang ang Makabuluhan
Kapag ang mga bagay ay lumitaw nang hindi umaayon sa ating paninindigan, ang binibigyan natin ng madalas na atensiyon ay yaong hindi mga gumagana o nakakatulong, at madadaling gawin. Dito tayo panatag, at kung paiiralin ang ating mga prinsipyo, karagdagang paghihirap ito sa atin. Madali ang magsalita, ang mahirap ay ang gumawa.
   Ayon sa mga sikolohista, ang sekreto ay hindi ang kumpunihin kung ano ang nabali, kung ano ang nakakapahamak, bagkus pagtuunan ng pansin ang mga nakakatulong at gumagana, ang mga katanggap-tanggap, at pag-ibayuhin na panindigan ang mga ito. Huwag dumaing at magreklamo kaagad sa sitwasyon, umatras, huminga ng malalim, at tanungin ang sarili, “Ano ang mabuting kapasiyahan na ngayon?”  At idagdag pa ang mga ito:
·         Ano ba ang aking tunay na intensiyon?
 -   Ano ang higit na makakatulong, ang maging tama o ang magmahal?
·         Alin ba ang uunahin, ang mga mahalagang bagay ba, kaysa mga tao?
·         Ang ginagawa ko ba ay makakatulong sa pangkalahatang kapakinabangan?
·         Papaano ba makukuha ang simpatiya ng iba, nang hindi ko tatalikdan ang aking paninindigan?
·         Kailangan bang tindigan ko ang aking mga prinsipyo sa lahat ng sandali?

Kung may mga katanungan, ay may mga kasagutan.
Ang mga bagay ay nagiging interesado at kawili-wili sa iyo kapag tinindigan mo, nang may buong responsibilidad ang pinili mong mga kapasiyahan.

   Supilin ang iyong isip at kung hindi, ikaw ang susupilin nito. Alalahanin na ang mga pagkabalisa at mga kalituhan ay sanhi ng kawalan ng kontrol, pag-oorganisa, preparasyon, at totohanang pagkilos. Habang may dahilan at wala kang kinalaman sa iyong mga kabiguan, kailanman ay hindi mo na maitatama ang mga ito upang magtagumpay ka. Ang mga pangangatwiran ay mga distraksyon, pagparalisa, at pagtakpan ang mga katotohanan.
   Palakasin mo ang iyong diwa at manatili ang iyong kasiglahan. Pairalin ang matayog na antas ng kagalingan, pagkadalubhasa, at patuloy na paglilingkod sa kapwa.

Sa ganang akin:
Hindi gawang biro ang magsulat (higit pa, kung wala kang kamuwangan para dito, at nagsisikhay pa), Subalit nakapagbibigay ito ng inspirasyon at malaking pagtitiwala sa aking sarili, ang makapag-ambag ng karagdagang inpormasyon sa aking mga kababayan. Kung mananatili na pangarap lamang at masyadong maingat na huwag magkamali, kailanman ay hindi na akong makapagsusulat pa tulad nito. Hindi maiiwasan ang mga pagpuna at mga kritiko. Marami ang bumabatikos na walang napapala dito at hindi naman pinagkakakitaan. Dahil nais kong makapaglingkod, kailangan kong manindigan na magsulat bagama’t patuloy ang pamimintas. Pinanindigan ko na ito; at wala nang urungan pa. Isa pa, hangga’t patuloy akong nag-aaral, lalong nadaragdagan ang aking kaalaman kung isinusulat ko ito.
   Ang ating karakter o pagkatao ay nasusubukan kung ano ang ating pinanindigan na gawin, lalo na kung naiisip natin na walang nakakakita  sa atin. At hindi basta nagkakawag ang buntot at tuwang-tuwa sa iyo ang iyong aso, tama ng lahat ang mga ginagawa mo. Ingatan ang iyong makasariling kaisipan at mga motibo nito. Sapagkat baka mapagkamalan mo itong mga prinsipyo at panindigan itong totoo, na ipaglaban pa ito na ikakapahamak mo.

Paunlarin ang Sarili
   Ang yumabong at magbunga, kailangang lisanin mo ang iyong komportableng kalagayan, harapin ang mga pagkatakot, at makipagsapalaran. Sumubok at huwag iwasang mabigo. Wala kang matututuhan kung laging kinakabahan at nais makatiyak sa lahat ng sandali. Hindi mo malalaman kung malamig o mainit ang tubig, kung hindi mo ito lulusungin at mararamdaman. Lagi kong kataga, “ Hinahangaan ko ang taong kauna-unahang kumain ng talaba.”
    Wika ng aking ama, “Kung ang edukasyon ay magastos, mas higit pang magastos ang kamangmangan.”
    Hangga’t duwag ka, walang susulpot na kagitingan sa iyong kalooban. Normal na sa iyo ang pangangalog ng mga tuhod at ang umiwas sa mga pangyayari. Lahat sa iyo ay pawang pangitain ang mga ito. Mabighaning pag-asam ang kailangan mong masumpungan sa iyong kalooban. Ang pagkatakot sa kawalan na walang nalalaman  ay isa sa pinakamalaking mga balakid na iyong haharapin sa pakikibaka sa buhay. Hangga’t maligalig ka bagay na ito, walang tagumpay na mapapasaiyo. Huwag gayahin ang mga tao na higit na maingat sa kanilang mga salapi, kaysa sa kanilang mga paninindigan.
   Upang magwagi sa anumang larangan na papasukin mo, kailangang matutuhan mong wasakin ang anumang hadlang na ito at malagpasan. Pilitin mong makawala sa bilangguang naghahari at nagkukulong sa iyong isipan. Kapag may paninindigan ka; ikaw ay malaya, at magagawa mo ang lahat.

 Tandaan lamang ang mga puntong ito:
   -Ang pakikipagsapalaran ay likas na bahagi ng buhay.
   -Kung lagi kang nakaupo, naghihintay, at nangangarap; ganito din ang iyong kabubuang ambisyon.
   -Maging malinaw kung ano ang mahalaga sa iyo, at magdesisyon na ipamuhay ito anumang mangyari.
    -Marami ang nakakaalam kung ano ang gusto nila, ngunit walang ideya kung sino ang nais nilang maging sila.
    -Nasa pagbabago lamang ang kaganapan. Kung wala sa iyo ito, pagkabulok ang makakamit mo.
    -Kailanman hindi ka magiging panatag sa iyong sarili kung hindi mo ito pahihintulutan.
   -Kung hindi ka gagalaw, gagalawin ka ng iba sa kanilang kagustuhan hindi ng ayon sa nais mo.
   -Mahilig kang ipagpabukas ang gagawin, ang tagumpay mo’y laging nakabitin.
   -Huwag pabayaan ang iyong moralidad na umiwas sa paggawa ng kabutihan.
   -Ingatan ang  iyong mga dangal; ang mga ito’y nagsisilbing kompas na pumapatnubay sa iyong ikakatagumpay.
   -Ang malaman kung ano ang tama, at hindi ito gawin ay isang karuwagan.
   -Makikilala mo ang isang tao kung papaano niya tratuhin ang mabababa sa kanya.
   -Upang makatiyak ka ng lubos na kaligayahan, ay ipamuhay mo ang iyong pinakamataas na panuntunan sa buhay, ang patuloy na pagkilos ayon sa iyong paniniwala ng pagiging uliran at huwaran.

Sa simula ay tayo ang humuhubog sa ating mga ugali, at matapos ito, ang mga ugali naman ang lumilikha ng ating mga paninindigan, at naisin man natin o hindi, ito ang nagpapakilala sa atin, kung sino tayo.

Pairalin ang mga paninindigan na ito:
·         Huwag magkamali na gayahin ang iba; sa pananamit, pag-uugali, at pangangarap. Orihinal ka at walang katulad o kawangis kahit kanino sa balat ng lupa; noon, ngayon, at magpakailanman.
·         Huwag paniwalaan na ikaw ay hindi kumpleto kung wala ang iniidolo o ginagaya mo.
·         Huwag magpadikta o payagan ang ibang tao na makapangyari sa buhay mo.
·         Huwag basta pumayag, bagkus ang tumindig at labanan ang karahasan, kabuktutan, at kahirapan sa kapaligiran mo. Kung maghihintay at umaasa, ikaw na ang susunod na biktima.
·         Huwag tanggapin ang mga pananakot, mga negatibo, at lumalason ng katotohanan.
·         Huwag manahimik, panatilihing gising ang kamalayan. Malaki ang iyong pagkakataon kung sapat ang iyong kabatiran sa mga makabuluhan at makapagpapaunlad sa iyo.

Tagumpay o Bigo? Panalo o Talo? Masaya o Malungkot? Kaligayahan o Kapighatian?
 Mamili ka kung anong uri ng paninindigan ang paiiralin mo.

Nasa iyo ang kapasiyahan, anumang piliin mo rito ay tama ka!


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Subaybayan ang mga mahalagang paksa;
Mabisang mga Baitang sa Tagumpay
                                                               Baitang  4: May Plano Upang Magtagumpay
                                                         Baitang  5: May Sentido Komon at Praktikal
                                                  Baitang  6: Hinaharap ang mga Paghamon
                                           Baitang  7: May Makabuluhang Pangkat
                                   Baitang  8: May Disiplina sa Lahat ng mga Bagay
                          Baitang  9: Tinutupad ang mga Pangarap
                 Baitang 10: Mapaglingkod sa Kapwa
       Baitang 11: May Patnubay ng Dakilang Ispirito
Baitang 12: Tinatamasa ang KALUWALHATIAN


No comments:

Post a Comment