Tuesday, May 08, 2012

Mapalad ang may Preparasyon


 

Karamihan ay kuntento na makaraos ang mga maghapon
nang walang katiyakan tulad ng dati, kaysa ang magplano
at makamit ang tagumpay.

Mga Mabisang Baitang sa Tagumpay

                                  Baitang 4
   Magplano Upang Magtagumpay

   Buhay, trabaho, pamilya, libangan, pagdiriwang, pamana, pagsuko . . . at marami pang mga iba, mga samutsari, lahat ng ito ay nangangailangan ng atensiyon. Halos hindi magkan-daugaga kung ano ang uunahin, at alin ang tamang priyoridad. Bawa’t isa sa atin ay naghahangad kung saan may mapaglalagyan at nasa tamang layunin. Hindi lamang kumikita at napapansin, kailangan ay may kaibahan, at laging masaya. Subalit hindi ito nangyayari at patuloy na naliligaw at sadyang balisa na ang karamihan sa atin.
   Nagmamadali, laging abala na tila maiiwanan, pinipilit na pagkasyahin ang lahat sa maghapon na madalas ay nauuwi lamang sa matinding kapaguran; hindi lamang ng katawan, pati na ng pag-iisip. Laging may kulang at lagi ding may hinahangad pa. Hindi matapos-tapos na mga hangarin na walang mapaglagyan at maisaayos, na parang ang kaabalahan ay sukatan ng tagumpay. Nangungunyapit doon sa nalalaman, panatag, at tanggap na talagang ganito ang gulong ng palad.
   Maliban sa maghanda ng mapa, na makakatulong at maintindihan kung ano ang talagang mahalaga sa lahat, ano ang mga tamang kapasiyahan at mga pagkilos na kailangan, at papaano makakapunta sa hinahangad na direksiyon, na malikhain,  inspirado, at may motibasyon na makagawa ng kaibahan. Alalahanin na wala tayo sa posisyon na kung saan ay wala na tayong magagawa pa. Mayroon tayong mga talento, mga kapasidad, mga lunggati, may misyon at mga tungkuling nakaatang sa ating mga balikat.
   Hindi na kailangan pa ang tagapagturo o opinyon para maapuhap ang solusyon, sapat na ang naging karanasan, kalituhan, at mga katanungang bumabagabag sa iyo. Ang kailangan lamang ay isang bolpen, ilang pirasong papel, at kaunting panahon. Umupo at simulang magsulat, at linawin ang mga bagay na umuukupa ng iyong kaisipan, at sa pagkakataong ito  . . . ay magplano!

   Kung ang isang simpleng piknik o pagdiriwang, ay naipaplano, lalo namang higit na mas importante ang planuhin ang iyong buhay. Dahil dito nakasalalay ang iyong buong buhay at kapalaran. Bago ka magsimula - 

 Ano ang kahulugan ng Plano?
   Sa aking talahuluganan; n plan :  mga listahan ito ng mga lunggati sa gagawing mga pagkilos na nakatuon lamang sa isang destinasyon : orginasado, detalyado, na programa ng mga gagawin : nakaayos at sinusunod ang bawa't hakbang ng walang pag-aatubili : isang mapa ng mga paraan para makamit ang nilalayon
    Ang plano ay isinasagawa kapag hindi mo na alam pa ang mga mangyayari, at nakahanda kang gawin ito ng buong puso, kalakasan, at pagpupunyagi.

Panahon = Buhay, Plano = Tagumpay: Nasa iyo ang pagpili: sayangin ang panahon at masayang ang iyong buhay; o kontrolin mo ang iyong panahon at makontrol mo ang iyong buhay. Huwag kang magplano at planuhin ka ng ibang tao, pangyayari, o mga bagay; kaysa magplano at makamit ang tagumpay. Ang mga mabuting plano ay hinuhubog ang mahuhusay na mga desisyon. At ito ang nakakatulong na hulihin ang mailap na mga pangarap upang maging makatotohanan.
Madalas na paalaala ito: Kung hindi mo alam kung saan ka magsisimula, magiging masalimoot makapunta kung saan ang hangad mong destinasyon. Bawa't isa ay kailangang obserbahan kung saang landas siya dinadala ng kanyang puso; pag-aralan ito, at malinaw na magplano. Ibuhos dito ang lahat ng nalalaman at makakaya upang ito ay matupad. Minsan lamang ang buhay, subalit kung patama-tama at padaskol na pagdadala lamang ang gagawin para dito, mistula itong pahulugan sa kamatayan.
   Sa lahat ng mga gawain, ginagawa, at gagawin pa; tatlong bagay lamang ang laging itanim sa isipan:

     Maling gawain – 
             Tamang gawain –
                   Dakilang gawain ---
 
    Karamihan sa atin ay nalalaman na ang mga kategoryang ito. Walang mahihita at pag-uubos lamang ng gintong panahon, enerhiya, at buhay ang mga maling gawain. Batid natin kung ano ang mga ito; mga bagay na nalalaman na hindi maganda, hindi nakakabuti, kinasusuklaman at nakakapinsala, datapwa't patuloy na kinahuhumalingan.
   Ang mga gawaing nakasanayan, pamilyar, nagagamit, at nakakatulong sa marami ay mga gawaing nais mong ipagpatuloy. Dahil kinawilihan mo na ito, at walang masama na ulit-ulitin at patuloy na gawin; ang mga tamang gawain. Ito ay bunga ng maraming mga pagsasanay, sa edukasyon, at mga karanasan. May panatag, pinagkakakitaan, nabibili ang mga nais mo, at inaasam na tama para sa iyo. Kailangan ito, sapagkat nakapagpapasaya at ginagawa mo na sa araw-araw.
   Mayroon tayong higit na nais pang magawa. Ito ang mga gawaing makahulugan para sa atin, ang idinudulot nito ay malaking kaibahan. May inspirasyon, humahalina, at hinahamon tayo na makagawa ng mga dakilang gawain – ang mga bagay na pagkakakilanlan sa ating mga pagkatao. Ito ang ating pangunahing layunin, at ninanasang matupad; sapagkat binubuo nito ang ating mga prinsipyo, mga paniniwala, mga pangarap, at kaganapan. Narito ang ating mga aspirasyon at pag-asa kung ano ang makapagpapaligaya sa atin.

Tatlong gawain:  
          BigoKapighatian
                       Panalo – Kasayahan?  
                                        TagumpayKaligayahan!
    Nasa ating kangyarihan ang pumili, at piliin lamang ang tunay na makapagpapaligaya sa atin. 

Kung may mga katanungan, ay may mga kasagutan.
Ang dakilang regalo ay hindi ang matakot na magtanong - bagkus ang mabatid ang katotohanan at simulang gawin na ito.

   Ang mga matatagumpay na mga tao, kung may mga pangarap ay tinutupad ito, naghahanda, at nagpaplano. Upang magawa ito nang naiiba, may kaukulang enerhiya, kasiglahan, at pagtitiwala sa mga sarili. Mayroon silang malinaw at siguradong mga MAPA. Ito ang pumapatnubay na mga direksiyon upang hindi sila maligaw at makarating sa maling daan. Malaki tulong ang mga mapa para huminto sa ginagawa, alamin, at tuklasin kung anong mga bagay pa ang kailangang magawa para makarating ng mabilis, mapayapa, at may katiyakan sa destinasyong pupuntahan. Lagi silang may mga katanungan:
·         Nasaan ako ngayon?
·         Saan ko ba nais pumunta?
·         Papaano ako makakapunta doon?
·         Mayroon bang mas mainam na daan?
·         Ito nga ba ang tamang direksiyon para sa akin?
·         Ano ang aking mga kakailanganin para maging madali ito?
·         Kung marating ko ito, matatamasa ko ba ang aking  KALUWALHATIAN?

Ang mga mapa ay batay sa mga pagkilos, nagtatama at pinalilinaw ang mga pangunahing kapasiyahan. Nagbibigay ng kapangyarihan kung alin ang tamang pipiliin, iwawaksi, at ipapairal.
·         Marapat pa bang magpatuloy ako?
·         Kailangan ko bang huminto at pag-aralan pa ang aking tinutungo?
·         Ang paghihirap bang ito ay malapit na ako sa destinasyon?
·         Ang mga kasamahan ko ba ay nakakatulong o nakakagambala?
·         Kailangan bang magbago ako ng direksiyon?

   Ang isa sa pinamakapangyarihang kakayahan sa daigdig ng kaalaman sa trabaho, at isa sa pinakamahalaga na sanayin at payabungin ay ang paglikha ng malinaw na destinasyon ng iyong gawain. Kung hindi ka nakakatiyak kung ano ang iyong mga intensiyon at bakit ginagawa mo ang mga ito, kailanman ay hindi mo magagawang tapusin ito.
   Kung wala kang plano, ikaw ang paplanuhin. Kahit hindi ka gumawa ay may ginawa ka; “ang huwag gumawa.” Kahit na ikaw ay tanungin, at hindi ka sumagot, isa ng kasagutan ang hindi pagsagot. Kung nais mo ng magandang kinabukasan, pinaghahandaan ito. Pinaplano ayon sa iyong kagustuhan at hindi sa dikta ng iba. Dahil ikaw ang mahihirapan dito at hindi sila. At ikaw rin ang magtitiis sa mga dulot nitong kapighatian, hindi ang mga nagsulsol sa iyo na gawin ito. Kailangang likhain mo ang iyong mga plano sa pagkilos. Kapag sinimulan mong gawin ito patungo sa iyong lunggati, batay sa sarili mong plano, maging maikli o mahabang pagsasagawa ito, nakakatiyak ka na ikaw ang may kapangyarihan lamang sa iyong buhay. Alam mo kung sino ka, saan ka patungo, kung papaano mo ito mararating, at anong uri ng kaligayahan ang iyong tatamasahin. Nakakatiyak ka na, sapagkat ikaw lamang ang nasusunod para dito.
   Kadalasan ay kailangan mong itama muna ang iyong isip bago mo magawang mangyari ito sa iyong buhay. Kung may plano ka, kalahati na ng iyong mga gagawin ay natapos na. Nasa tamang panahon, walang naa-aksayang mga sandali, nakatuon lamang sa iisang patutunguhan, at pinalalakas ang pagtitiwala sa sarili. Pinatatag nito ang paninindigan na magpatuloy nang wala kang anumang pag-aalinlangan. May nagwika, “Kung mayroon akong walong oras para putulin ang malaking puno, aaksayahin ko ito sa anim na oras na paghahasa ng aking palakol.”

Ang layunin ng mga lunggati  na batay sa plano ay ang maituon lamang ang sariling atensiyon sa lahat ng mga bagay na magpapatapos sa mga ito upang makatiyak ng tagumpay. Ang katiyakan ay nagsisimula kapag nangibabaw na ang kasiglahan at kapangyarihang tapusin kaagad ito, nang maging reyalidad.  Higit na mainam ang may mabuting plano ngayon, kaysa magkaroon ng perpektong plano para bukas.
   Anumang iyong tignan, ito ay nadaragdagan. Pakatandaan lamang, may plano o walang plano, mayroon laging pagkakataon sa iyo na paghandaan ito. Nasa iyong intensiyon ang iyong layunin, at mabilisan itong nagpapahiwatig ng iyong kapasiyahang magplano at tapusin ang prosesong ito. Ang iyong mga prinsipiyo at disiplinang kakaibat nito ang lumilikha ng mga hangganan ng iyong plano. Huwag ireklamo ang kawalan ng panahon, gayong kawalan ng direksiyon sa iyong buhay ang dahilan.

   Hindi lahat ng iyong haharapin ay magagawang baguhin, datapwa’t walang mababagong anuman hangga’t hindi mo ito hinaharap. Nasa pagpaplano lamang ang lahat upang maging madali ito.
(Pakibasa lamang ang Matagumpay Ka Ba? 28 Nobyembre/11)

“Ang buhay ay hindi mahusay na magaganap kahit na ikaw ay naghuhugas ng mga pinggan, nagkukumpuni ng makina, o naglalaro ng basketbol; nang walang atensiyon o nakaplanong sinusunod na mga pagkilos.”  -Jose H. Guevara

Ano ang malaking ipinagkaiba ng masipag, tamad, at masikhay?
Ang masipag ay gumagawa kahit ayaw ang ginagawa niya. Ang tamad ay talagang ayaw gumawa. Ang masikhay ay pinipili ang ginagawa. Ang pangatlo ang matagumpay, dahil  may PLANO, nalalaman ang kanilang dakilang gawain, masiglang ginagawa ito, at may matinding pananalig na marating ang patutunguhan at masumpungan ang kanilang KALUWALHATIAN.

Kapag nabigo kang magplano, ay nagplano kang mabigo.

Simulang magplano muna, at palaging tandaan lamang:  
Hindi umuulan nang gawin at itayo ni Noah ang arko.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Subaybayan ang mga mahalagang paksa;
Mabisang mga Baitang sa Tagumpay
                                                         Baitang  5: May Sentido Komon at Praktikal
                                                  Baitang  6: Hinaharap ang mga Paghamon
                                           Baitang  7: May Makabuluhang Pangkat
                                   Baitang  8: May Disiplina sa Lahat ng mga Bagay
                          Baitang  9: Tinutupad ang mga Pangarap
                 Baitang 10: Mapaglingkod sa Kapwa
       Baitang 11: May Patnubay ng Dakilang Ispirito
Baitang 12: Tinatamasa ang KALUWALHATIAN


No comments:

Post a Comment