Sa wakas lalabas ka na rin sa
impeachment court? Sa wakas ay susugod ka na, wala nang urungan? “He’ll cross
the Rubicon,” ayon nga sa mga bata mo sa depensa?
Ano nanamang drama ’yan? Pa-“I’ll
cross the Rubicon, I’ll cross the Rubicon” pa kayo. At least noong tinawid ni
Julius Caesar ang ilog Rubicon—isang kalapastangan sa mata ng batas Romano,
mahigpit na ipinagbabawal na dalhin ng isang heneral ang kanyang tropa sa loob
ng Roma lampas Rubicon dahil mga halal na opisyal lamang ang maaaring mamayani
doon—pwede pa n’yang sabihing hinamak n’ya ang lahat para sugpuin ang
corruption ng rehimeng Pompey. E, ikaw? Hahamakin mo ang lahat para lang
itaguyod ang corruption ng rehimeng Arroyo? Sabi ni Caesar, “The die is cast.”
E, ikaw pa rin, “The vice is cast?”
Matagal mo nang tinawid ang Rubicon,
sampu ng amo mong si Gloria Macapagal-Arroyo. Ginawa ito ng amo mo noon pang
nakawin n’ya ang eleksyon ng 2004 sa pamamagitan ng kanyang master-thief sa
Mindanao na si Virgilio Garcillano. Ginawa n’ya ito noon pang pinagsangkalan ka
n’yang chief justice samantalang mayroon nang president-elect na si Benigno
Aquino III at samantalang wala na s’yang kapangyarihan—ayon na rin sa batas na
lagi mong sinasabing itinataguyod mo nang walang pasubali—na gawin ito. At ikaw
naman, ginawa mo ito noong tanggapin mo ang alok ng pekeng presidente, kung
hindi mo man binulabog ng walang humpay ang amo mo para maibigay ito sa ’yo.
Matagal n’yo nang tinawid ang Rubicon, matagal n’yo nang hinasik ang
kalapastanganan, matagal n’yo nang sinabing walang urungan sa katiwalian, patay
kung patay.
Pero hindi naman pala talagang
walang urungan, nakagugulat pa ba na wala kayong isang salita? Tamo ’yung amo
mo, ayon urong-sulong, ayon nagpapaawa. Kesyo kelangan daw n’yang mag-abroad
para magpagamot. Kesyo nahihirapan daw s’yang lumunok, nabubulunan. Bakit, di
ba mga duktor ng St. Luke’s ang nagpagaling sa asawa n’ya matapos itong tamaan
ng kidlat, or ng heart attack, sa Araw ng Pagkabuhay noong 2007? Paanong hindi
s’ya mahihirapang lumunok? Mahirap talagang lunukin ang katas ng perang nakaw.
At lalong mahirap lunukin ang kapangyahirang nakaw. At lalo pang mahirap
lunukin ang pride, lalong-lalo na sa mga taong sakim sa poder, hindi mabubuhay
nang wala sa posisyon, hindi mabubuhay nang walang ibang taong inaapi, hindi
mabubuhay nang walang mga nakapalibot na tagapugay.
Pasensya na ha, pero bumenta na
’yang drama mo. Wala nang ikasasabik pa ang madlang pipol, o manunuod ng
telebisyon, sa paglabas mo sa korte. Mas me drama pa ang mga palabas ni Raymart
Santiago at Claudine Barretto sa loob at labas ng puting tabing. Lalabas ka na
sa wakas para bigyang linaw ang $10-milyong account na ayon sa Ombudsman ay
pag-aari mo? Matagal nang dapat nagkaroon ng kalinawan ’yan. Ikaw lang naman—at
mga karantso mo sa Supreme Court—ang nagpalabo n’yan. Ikaw lang naman—at mga
karantso mo sa Supreme Court—ang gumawa ng gusot. Kung pinabuksan mo ba ’yung
dollar accounts mo noon pa, di matagal na nating nalaman kung meron ka ngang
$10 million o wala. Kung di ba hinarang ng mga karantso mo sa Supreme Court ang
pagbukas ng dollar accounts mo, di matagal nang nagkaalaman kung sino ang
nagsisinungaling at sino ang nagsasabi ng totoo.
Pero hindi, ginawa mo at ng mga
karantso mo sa Supreme Court and lahat ng magagawa para huwag na huwag mabuksan
ang mga accounts na ito. Kesyo labag sa banking laws. Kesyo labag sa civil
rights at human rights, kung papayagan ito ay lubos na manganganib ang
demokrasya, ayon pa sa katsokaran mo sa impeachment court na si Joker Arroyo.
Samantalang ’yan mismo ang hinihingi ni Joker na gawin sa mga dollar accounts ni
Estrada noong ito ang nakasakdal, ayon sa pagsisiyasat ni Raissa Robles.
Ano ang magagawa ng paliwanag mo na
hindi magagawa ng mas matibay, mas kapanipaniwala, at mas walang kaduda-dudang
pagbukas ng mga dollar accounts mo?
Malinaw naman na hindi magpaliwanag
ang gusto mong gawin kundi lalong magpalabo sa usapin. Ngayon pa lang ay
mahuhulaan na namin ang diskarte mo at ng mga bata mo sa depensa. Kagaya ng
ginawa n’yo tungkol sa bilang ng mga bahay mo at iyong kamag-anakan,
palalabasin n’yo sa pag-uusig kay Harvey Keh, Risa Hontiveros, at Walden Bello
na hindi totoong mayroon kang $10 milyon.
E, ano ngayon kung hindi $10 milyon?
Ano ngayon kung $5 milyon lang? Ano ngayon kung $20 milyon pala, sabi nga ng
iba, at wala pa d’yan ang euros? Ano ngayon kung mali ang bilang ng Ombudsman?
Ano ngayon kung mas malaki o mas maliit ang bilang ng prosekusyon? Ayos lang na
mayroon kang milyun-milyong dolyares sa bangko na hindi mo idinedeklara? Ayos
lang na mayroon kang isang dosenang mararangyang bahay at hindi doble n’yan?
Ayos lang na magpatuloy ka sa pwesto dahil pinatutunayan n’yan na malinis kang
tao? Ayos lang na ikaw pa rin ang maging mukha ng hustisya dahil pinapatunayan
n’yan na matino kang tao?
Naman naman.
Ewan ko sayo at mga katribo mo, pero
sa ganang amin—kaming tinutukoy sa mga surveys na namamangha kung bakit
nand’yan ka pa, palakasan lang talaga ng apog—sukang-suka na kami sa
katiwalian, kawalanghiyaan, kalokohan. Ngayon pang nagkaroon sa wakas ng
pagkakataon na puksain ang mga ito, di na kami bibitaw. Muling nagkaroon ng
sigla ang mga katagang binigkas namin kay Marcos at Arroyo noon: Tama na, sobra
na, palitan na. Panahon na para magkaroon tayo ng mas disenteng pamumuhay.
Panahon na para magkaroon tayo ng panibagong buhay.
Lalabas ka sa wakas sa impeachment
court?
Buti nga, nang magkabistuhan na.
Sinulat ni kabayang Conrado de Quiros, sa kolum na, There’s The Rub
ng Philippine Daily Inquirer, Linggo, Mayo 13, 2012
No comments:
Post a Comment