Sunday, January 22, 2012

Ang Aking Kaligayahan


Ang mga masayahin ay mayroong mga maghapon at kakayahang piliin ang mga kasayahan. Ang mga malungkutin ay mayroong mga sandali at kakayahang balikan ang mga kalungkutan.

   Ang kaligayahan ay hindi lamang sa nakamit mong tagumpay o kasaganaang tinataglay. At ang anumang relihiyong iyong kinaaaniban ay pumapayag dito. Maaari bang banggitin sa relihiyon na mamuhay nang karahasan, kabuktutan, makasarili at walang pakialam? O, dili kaya, ang umasa na isa itong uri ng kasayahan na hinuhugasan ang ating katawan na tanggapin na may nagawa tayong umaayon sa panlasa ng iba, o kagustuhan ng nakararami? At maging sa kaalamang tayo ay minamahal ng ating pamilya at mga kaibigan? Na ang bawa't sandali sa maghapon ay sadyang nakakasiya? At masaya; sapagkat tayo ay buhay at nakapagpapasaya ng iba?

   Sa lahat ng mga ito---pagsama-samahin mo man at mabuo, hindi pa rin makasasapat upang mapantayan ang patuloy na KALIGAYAHAN. Sapagkat hindi ito hinahanap bagkus kusa itong sumisibol kung patuloy kang masigla at masaya sa kabila ng anumang kaganapang nangyayari sa iyong buhay. Maging kasiya-siya, nakalulungkot, at pawang mga kasakitan ang mga ito, ay nananatili pa rin ang kaligayahan sa iyo. Dahil nabubuhay ka pa, nakauunawa, at mayroong pag-asa.

   Maliban dito ay wala na pang iba. Ang kailangan lamang ay matutuhan nating tumitig; sa kung ano ang makapagpapaligaya sa atin, kaysa karaniwang mga libangan na panandalian lamang na nagpapaalis ng mga kalungkutan. Ang pagkalito sa dalawang ito; libangan at kasiyahan, ang pumuputol ng ating kaligayahan.     

   Narito ang isang kuwento ng isang batang seminarista sa simbahan.

   Isang araw, may isang batang seminarista ang nagtanong sa pari ng simbahan, kung bakit sa nabasa niyang sanaysay sa bibliya, ay maraming tao ang nagtutungo sa disyerto sa paghahanap sa Diyos. At karamihan sa kanila, matapos ang maikling panahon ay nagsisitigil at mabilis na nagsisibalik sa kani-kanilang mga lungsod. Sila'y mga nanlulumo at nawalan ng pag-asa na magsumikap pa.

   Mahinahong tumugon ang pari:
   "Kagabi, napansin ko ang aking alagang aso na may nakitang isang kuneho na palipat-lipat sa mga halamanan at pakubli-kubli itong nagtatago. Mabilis niya itong hinabol. Habang tumatakbo ang aking aso ay maingay na tumatahol ito. Ilang saglit lamang, nagsunuran na ring humabol ang ilang nagtatahulang ding mga aso. Paikot-ikot at tahulang umaatikabo ang ginawa nilang paghabol sa kuneho. Hanggang sa napakalayong distansiya ito nakarating, at naging sanhi upang marami pang mga aso ang sumali sa habulan. Kaya ang katahimikan ng gabi ay pinukaw ng maingay na tahulan at takbuhan sa pagnanasang mahuli ang kuneho. At ang matinding habulan ito ay nagpatuloy sa magdamag."

   Nasasabik na nagtanong ang seminarista, "Ano pa po ang nangyari sa habulan?"
  
   Nagpatuloy ang pari, "At habang nagaganap ito, marami sa mga aso ang napagod na, huminto, at hindi na humabol pa. Patuloy na nagsitigil na rin ang iba pa sa mga aso, at iilan na lamang ang natira sa paghabol hanggang sa matapos ang magdamag. Kinabukasan, ang aking aso na lamang ang humahabol sa kuneho.

  "Naiintindihan mo ba, "ang pagpapaliwanag ng pari, "kung ano ang tunay na kahulugan ng aking isinalaysay sa iyo?"

   "Hindi po, ang pakli ng batang seminarista, "Wala po akong alam."

   "Napakasimple at pangkaraniwan lamang," ang pagtatapat ng pari. "Ang aking aso ay nakita ang kuneho!"

 
   Ang proseso upang ganap na maunawaan ang tunay na damdamin ng kaligayahan para sa ating mga sarili ay ang matutuhan na panatilihing gising ang ating kamalayan at titigang maigi ang mga katotohanan sa ating buhay. At kapag natuklasan mo ang kapangyarihang dulot nito, kailanma'y hindi ka na hihinto, o, tutularan ang mga asong humahabol na nagsihinto na at hindi nahuli ang kuneho.

   Ngayon, mayroon ka bang 'kuneho' sa iyong buhay na nais mong hulihin?




Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment