Ang matuto ay nakakaaliw subalit ang
isagawa ito ay siyang pinakamahusay na libangan.
Naisin man natin
o hindi,
palaging mayroong bagay na “may kulang at kailangang tapusin.” Bahagi ito ng kaisipan na mapabuti ang ating mga gawain. Dangan nga lamang, nagiging lubhang abala
tayo at nakakaligtaang maglibang paminsan-minsan. Mainam na magkaroon ng panahon na tumigil sa paggawa, magpahinga naman, at aliwin ang sarili ng mga bagay na makapagpapasaya. Pinalalakas at nakapagbibigay ng ibayong kasiglahan ang mga paglilibang. Ito ang nagpapalinaw para lalong luminaw ang isipan at mapabilis
na tapusin ang mga gawain. Kung lowbat na ang selpon mo, re-charge ang kailangan.
Ang
buhay ay batbat ng kaligayahan kung sinasanay mo ang iyong mga kalakasan,
sa patuloy na pagyabong, na ang buhay ay palaging may pagbabago, nakabukas ang isipan at
nakahandang tanggapin ang katotohanan. Isang magandang libangan ang tamasahin
ang kasiyahan sa bawa’t bagong karanasan. Ang huminto ay nangangahulugan ng
simpleng pagpatay sa sarili nang dahan-dahan. Ang kamalian ng sangkatauhan ay
magtalaga ng makakamtang hangganan, para saan ba ang kalangitan kung hindi mo naman ito mahahawakan.
Lahat
tayo ay nagnanasang maging mapayapa at lumigaya, hindi lamang ang ibuhos
ang lahat nating mga kalakasan sa pagtatrabaho, pagdamay at paglilingkod, kundi ang
maglaan ng sadyang panahon para maglibang at magpakasaya. Paminsaan-minsan habang naglalakbay patungo sa iyong destinasyon, huminto saglit at pumitas ng bulaklak sa tabing daan, at samyuin ito, langhapin at tamasahin ang bawa't sandali. Sapagkat ang paglalakbay ang mahalaga hindi ang destinasyon. Sakalimang marating mo ang iyong hinahanap, bonus na lamang ito. At kung hindi naman, kahit papaano naging masaya ka sa panahon ng iyong paglalakbay.
Alam mo ba? …na ang
tagumpay na nasa matayog at ulirang antas, ay batay sa kapayapaan ng isipan at
sa paglasap ng kaligayahan. Ito ay matatagpuan sa trabaho na habang ginagawa mo
ay nalilibang ka at tahasang kasiyahan mo na ang gawin ito. Anumang pasahod o
kitain mo mula dito ay bonus na lamang.

No comments:
Post a Comment