Friday, August 31, 2012

Duwag Ka ba?




 Ang katakutan ang magmahal ay pagkatakot na mabuhay, at yaong may mga kinakatakutan ay mistulang mga patay.

Pag-aralan ito:
Isaguni-guni ang iyong buhay isang taon mula ngayon. Kung ito ngayon ay katulad pa rin ng dati, makakaya mo bang tanggapin ito? O, balewalain na talagang ganito ang iyong kinasadlakang kapalaran?
   Kung ang kasagutan mo naman ay tahasang, “Hindi!” Ang kasunod na tanong naman ay, “Ano ang iyong ginagawa ngayon para mabago ang iyong buhay?  … Bakit “Wala,” naparalisado ka ba? At wala nang magagawa pa tungkol sa iyong hinaharap? Nais mong mabago ang iyong buhay, subalit hindi mo nalalaman kung papaano?
  

Lagi nating mapipili at isaisip na magkakaiba ang mga bagay. Magagawa mong pagtuunan ng pansin kung ano ang mga mali sa iyong buhay, o ... magagawa mong pagtuunan ng pansin kung ano ang mga tama sa iyong buhay.

Isipin ang mga ito:
1-Bakit may mga tao na nanatili sa kanilang mga trabaho o mga karelasyon na batid nilang walang kaligayahan o patutunguhan? Ginagawa nila ito sapagkat sila ay natatakot na hindi na makakakita pa nang higit na mainam at matiwasay na kalagayan.
2-Bakit may mga tao na kinakatakutan ang magsalita o magtalumpati sa harap ng madla o maraming tao? Ito’y dahil sa pangambang sila’y kukutyain at pagtatawanan kung magkamali.
3-Bakit may mga tao na natatakot magtanong, humiling, at makiusap para sabihin ang tunay nilang nadarama at mga naisin? Sila ay natatakot na hindi mapaunlakan, ang mapahiya, at magkaroon ng matinding bagabag na “baka” mapagkamalang palaasa at walang kakayahan.
4-Bakit may mga tao na nalalaman na mali at walang katuturan ang kanilang mga libangan at mga panoorin, ay patuloy itong kinahuhumalingan? Dahil kung sino ang kanilang mga kasama sa araw-araw at uri ng kanilang kapaligiran, ito din ang kanilang mga gagawin at kaugalian.
5-Bakit may mga tao na tinanggap nang kusa ang karukhaan at kawalang pag-asa? Sapagkat nanatili silang bulag, bingi, at pipi sa mga kaganapan sa kanilang mga kapaligiran.
6-Bakit may mga tao na tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan? Tinanggap at sapat na sa kanila ang tinamong kapalaran. Ayaw nang masangkot pa sa anumang bagay at walang pakialam kahit anuman ang mangyari.

   Lahat ng ito ay mga PAGKATAKOT. Hindi pa nila nalalaman kung papaano ito maiiwasan, malalagpasan, at malulunasan. Wala silang sapat na kabatiran kung ano ang pagkakaiba sa pagitan ng kaganapan at kapahamakan. Walang inaasahang bukas at walang pangamba na ang lahat ay mauuwi sa kapighatian. Maliban sa patuloy na pagpapabaya at kawalan ng pagmamalasakit sa sariling kapakanan. Ang mga duwag ay patuloy ang pagkatakot at sumuko na. Samantalang ang mga gising at matatapang ay nakikibaka at ginagamit ang pagkatakot na batayan para magsikap pa at umunlad.

   Magagawa mo rin ito. Sapagkat may mga likas kang katangian at potensiyal na magawa ang nais mo sa iyong buhay.Walang maliit o malaking pagtatangi sa iyong kapakanan, kundi ang lubos na kaganapan ng iyong tunay na pagkatao. May kakayahan kang magawa ito.
   Magagawa mong magkaroon ng ibayong kagitingan para magtagumpay. Magagawa mong tuparin ang iyong mga pangarap. Makakamit mo ang lahat ng iyong mga naisin. Malalagpasan mo ang anumang balakid na nakaharang sa pagitan mo at ng tagumpay, kaligayahan, at pagmamahal.
   Magagawa mong likhain ang buhay na nakatakdang maganap sa iyo.


Papaano? Ang kailangan lamang ay ang iyong tahasang pagkilos para ito maganap, ang . . .

Maging matapang.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment