Hayaan na magkaroon ako ng kaluwalhatian sa aking Sarili
na dati ko nang nakakaniig noon pa man bago ang simula.
-Jesus
ng Nazareth
Isang deboto ang lumuhod sa nagaganap na initiation ng pagka-disipulo. Ang
kanyang ispiritwal na tagapagturo o guru
ay ibinulong ang banal na mantra sa kanyang tainga, kasama ang babala na huwag
itong ipagtatapat o babanggitin man kahit kanino.
Nagugulumihanang nagtanong ang disipulo, “Ano
po ang mangyayari, sakalimang magawa ko? Ang tugon ng guru, “Sinuman na magsiwalat ng banal na mantra ay magagawang makalaya sa
pagkaalipin ng kamangmangan at kapighatian, subalit ikaw, dahil sa kagagawan mo
ay tatanggalin sa pagka-disipulo at
daranas ng isang sumpa.”
Nang matapos ang ilan pang seremonya,
biglang tumalilis ang deboto at nagmamadaling nagtungo sa kalapit na pamilihang
bayan, tinawag at tinipon ang malaking pangkat ng mga tao na makinig sa kanyang
pambihira at mahalagang mantra na ipagtatapat. Buong kasabikan at malinaw na
binigkas ng deboto ang banal na mantra sa lahat ng makakarinig na nakapalibot
sa kanya.
Nagalit ang ilan niyang kasamahan na mga
deboto nang mabalitaan ang nangyari sa pamilihan. Mabilis nila itong isinumbong
sa guru kasabay ang protestang itiwalag ang deboto sa monasteryo dahil sa kanyang
pagsuway sa kautusan.
Magiliw na napangiti ang guru sa narinig at
nagpahayag. “Hindi na niya kailangan pa ang anumang bagay na maituturo ko. Ang
kanyang aksiyon ay nagpamalas na siya man ay isa na ring guru na naturingan sa
kanyang sarili.”
~~~~~~~
Naniniwala
at natitiyak ko na ang kahulugan ng kuwentong ito ay magiging malinaw katulad
ng iba pang mga kuwento sa nakaraang mga pahina ng Banyuhay na narito. Mayroon
kang kakayahan na mabatid ang kalaliman ng mga ito upang magising at makabalik
sa Ispirito. Nangyayari na ngayon ito sa iyong buhay, bagama’t lingid sa iyong
kaalaman, ay hindi mo magagawang basahin ang mga katagang narito nang walang umaakay
sa iyo para ito mangyari. At maging sa akin na nagsusulat para dito, hindi ko
rin mawari at lubos na maunawaan kung bakit patuloy na itinutulak ako na
magsulat ng mga paksang tulad nito.
Iisa lamang ang layunin nito, ang gisingin ang
ating mga kamalayan na alamin at tuklasin ang ating wagas na kaluwalhatian na
patuloy na naghihintay para magkaroon tayo ng inspirasyon at ganap na malikha
ang minimithi nating kaligayahan.
Jesse
Guevara
Lungsod
ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment