Monday, February 27, 2012

Nasa Kaluwalhatian ang Lahat ng Pagpapala


Hindi tayo mga nilalang tao na nasa paglalakbay na ispirituwal. Tayo ay mga ispirituwal na nilalang tao na nasa makataong paglalakbay upang makamtan ang KALUWALHATIAN.

O, Dakilang Liwanag, wala akong kabatiran kung saan ako patutungo.
Hindi ko masumpungan ang landas na aking tinatahak.
Hindi ko malaman nang may katiyakan kung saan ito matatapos.
Wala din akong kamalayan sa aking sarili, at mapatunayan na
ang aking kaisipan na sumusunod sa iyong kagustuhan ay nangangahulugang
may katotohanan na nagagawa ko ito.
Bagkus ako’y naniniwala sa pagnanasa kong malugod ka; ay siyang tunay na nagpapasaya sa iyo.
At ako’y umaasa na mayroon akong matayog na pagnanasang ito sa lahat ng aking mga ginagawa.
Umaasa akong kailanma’y hindi ako gagawa ng anumang bagay na lilihis mula sa pagnanasang ito.
At alam ko na kapag ginawa ko ito, papatnubayan mo ako sa tamang daan,
kahit na wala akong kabatiran tungkol dito.
Dahil ang iyong katotohanan ang lumulukob at nagpapakilos sa akin.
Kung kaya’t lagi akong nagtitiwala sa iyo kahit na tila ako’y napapaligaw;
at nasa bingit ng mga kapahamakan.
Hindi ako matatakot, dahil palagi kitang kasama,
at hindi mo ako kailanman iiwanan na harapin ang mga panganib na ito
nang nag-iisa.
O, Dakilang Liwanag; Ikaw at Ako ay iisa.

KALUWALHATIAN (Divinity)   

Humingi at ito’y ipagkakaloob sa iyo; magsaliksik at masusumpungan; kumatok at ikaw ay pagbubuksan. Sapagkat sa bawa’t isa na humiling ay makatatanggap, at ang humahanap ay may matatagpuan, at siya na kumakatok ito’y pagbubuksan. (Mateo 7:7-8) KJV

   “Huwag kang mag-alala, makakaraos din tayo nang maluwalhati.
   “Tayong lahat ay patungo sa ating kaluwalhatian.”
   “Nasa luwalhati ang lahat ng ninanais nating makamtan.”
   “Habang nakikilala ko ang aking sarili; may kaluwalhatian akong nadarama.”


   Hindi ko maiwaglit ang Liwanag sa aking kaisipan. Nananatiling hindi ko maiwasan. Halos sa maraming sandali ay pinakikialaman ng Liwanag na ito kung tama at mali ang aking mga gagawin. At kung iniisip ko ito, ay namamalayan ko, at sa masusing paglilimi ay nababatid ko ang katotohanan. Sa puntong ito, may kaligayahan akong nadarama at siyang nagpapahiwatig ng aking koneksiyong ispirituwal na masumpungan ang kaluwalhatian ng aking buhay.
   Hindi ko mabibigkas na ako’y naniniwala. Nalalaman at natitiyak ko. Sa gulang kong ito, marami na akong naging karanasan na nagpapatunay na may higit na makapangyarihan kaysa akin: ang aking KAISIPAN. At sa pagdaan ng maraming mga sandali, araw, linggo, buwan, at mga taon; napatunayan kong may gumagabay sa Kaisipang ito, at ito ang Makapangyarihan sa lahat.
    Dahil kapag ako ay mahimbing sa pagtulog, walang nag-iisip para sa akin. Mistula akong patay at kahalintulad ng isang troso na nakabalandra sa sulok na hinihigan ko. Sinuman ang marahang lumapit at gawan ako ng ikamamatay ko ay hindi ko mamamalayan. Subalit kung ako’y gising at may patnubay ng kaisipang ito, nakahanda akong ipagtanggol ang aking katawan na pinamamahayan ng aking diwa. Ito ang katotohanan
   Tulad ng telebisyon, maraming istasyon (channel) ito na mapapanood mo. Nasa iyong pagpili lamang kung anong istasyon ang may kabuluhan at nagpapaunlad ng iyong sarili. Pipindutin mo lamang ang numero ng TV channel sa remote control, at matutunghayan mo na ang nais mo. Nasa antena o transmitter ang sanhi na siyang nagpapadala ng pinapanood mo. Gayundin sa ating Kaisipan, may channel or Source na nagpapadala ng iniisip mo. Ang kailangan lamang ay matutuhan nating alamin ang Source na ito na lumulukob sa ating Kaisipan: at ito ang ating Kaluwalhatian. 

Laging Nakabantay ang Dakilang Ispirito 
   Natutuhan ko na kailangan ang tatlong mahahalagang persona sa anumang relasyon, Ikaw, Siya, at ang Dakilang Ispirito. Sa mga kapighatian; kung walang Dakilang Ispirito, ang magkatipan ay magtatagumpay lamang na ipahayag kung anumang kapintasan ang mayroon sa bawa’t isa. At maging ang magsing-irog ay wala nang magagawa pa kundi ang magmahalan; at sa katagalan, ay magsasawa at mababagot sa isa’t-isa. Kung walang namamagitang sentro ng katapatan na siyang Dakilang Ispirito, ang pagsasama ay hahantong lamang sa kapighatian. Laging tatlo ang batayan: Isip, salita, at gawa; Tama, mali, at alanganin; Positibo, negatibo, at neyutral. Simbolo ito ng pyramid at trianggulo ng matibay na pundasyon. Maging sa kalikasan at elektrisidad; ito ang pamantayan.

Huwag kang matakot, dahil ako’y kasama mo, huwag mabalisa, dahil ako ang Diyos mo: aking palalakasin ka; oo, aking tutulungan ka; oo, aking aalalayan ka ng aking kanang kamay ng kawastuan. (Isaias 41:10) KJV

Ikaw ang relihiyon mo. Alam mo ba, na ang kaibahan sa pagitan ng mga santo at makasalanan ay ang bawa’t santo ay may nakaraan ngunit ang makasalanan ay may kinabukasan. Sapagkat hangga’t matapat kang humihiling kung ano ang makakabuti, ang Diyos ay magkakaloob ng magagandang pagkakataon para  makamtan mo ang iyong mga hinahangad – maging wala kang relihiyong inaaniban. Mabubuhay ka ng walang relihiyon at paglilimi, ngunit hindi ka maaaring mabuhay ng walang koneksiyon at pagkagiliw mula sa iyong kapwa.
   May pananalig ako sa Dakilang Manlilikha. Kung wala kang paniniwala, hindi mo Siya (Source) masusumpungan. Ang hangin ay hindi mo nakikita, ngunit iyong nadarama. Wala itong kulay katulad ng tubig, ngunit tumitighaw sa iyong pagkauhaw. Dahil sa Source na nagpapadala sa akin, may diwang lumulukob at nagagawa ng aking kaisipan na magkaroon ng mga katagang naisusulat ko sa mga sumandaling ito. Ito ang nagpapakilos sa akin na makapag-ambag ng katotohanan sa aking mga kababayan. Higit kong ninanais na makisalamuha sa mga tao at magdamayan sa isa’t isa kaysa ang maniwala sa kalangitan at lunurin ko ang aking sarili nang mga katatakutan; na kapag ako’y namali ay sa impiyerno ako babagsak; at papahirapan magpakailanman. Nananalig ako sa Kanya, dahil pinagbabawalan niya akong pumatay at mahalin ang aking mga kaaway. Bigyan ng pagkain ang aking kapwa; kapag siya ay nagugutom at painumin kapag nauuhaw.
   Hindi salbahe at mapaghiganti ang Diyos. Ang Diyos ay Pag-ibig. Tayo ay nilalang na kawangis Niya at pinagkalooban ng kakayahang mag-isip ng tama. Walang magulang na pahihintulutang patayin at puksain ang kanyang mga anak, sakalimang magkamali ang mga ito. Ang mga gumagawa lamang nito’y mga nalilihis ng landas at maituturing na mga halimaw. Sapagkat hindi pa nila nasusumpungan ang kaluwalhatian.
   Hindi magagawa ng Diyos na dayain o ipahamak ka. Kung ikaw man ay nagkasala, hindi Niya ito kagagawan, at sa dahilang hindi Niya ito ginawa para sa iyo, wala Siyang kapangyarihan, o karapatan man lamang na ikaw ay pinsalain o parusahan Niya.
   Walang partikular na kautusan ang Diyos na nais Niyang sambahin at purihin ang diyos. O, may katunayan na, kailangan ng Diyos na ang sangkatauhan ay nagpupuri at sinasamba siya. Hindi marupok ang kanyang budhi at mayroong pangangailangan na tiklop tuhod kang nakayuko sa kanya; dahil batbat ka ng mga pagkatakot sa kanyang kapangyarihan, o dili kaya, ang isubsob mo ang mukha mo sa lupa sa mataimtim na pagpapakumbaba sa harapan niya, upang maawa sa iyo at makatanggap ka ng mga pagpapala. Hindi kailanman nananakot ang Diyos; na para ka maging mabuting tao, ay tatakutin ka na ilulublob sa kumukulong asupre para magpakabuti. Yaong lamang mga taong gumagamit ng mga salita ng Diyos; ang siyang nanakot upang ang iyong pitaka ay buksan at payamanin sila.
   Ang kaharian ng Diyos ay nasa iyo. Hindi mo na kailangan pa itong hanapin. Ang landas na patungo sa Diyos ay mula sa kaibuturan ng ating mga puso. Pagbuksan lamang ito at palayain. Hangga’t may nagpapakislot na kaisipan sa iyo, Siya ang may kagagawan nito. Binibigyan ka ng kapangyarihang pumili, at piliin lamang ang tama. Buong kagitingan mong tanungin kung totoo ang Diyos na ito; sapagkat kung mayroon man, pinahihintulutan Niya na magkamalay ka, ang mabatid ang katotohanan, upang lumigaya, maging mapayapa at magkaroon ng KALUWALHATIAN. At hindi ang takutin at parusahan ka kapag magkamali nang walang katapusan na pagpaparusa sa iyong kaluluwa.

Ang mga relihiyosong tao ang kinatatakutan ay ang  impiyerno. Ang mga ispiritwal na tao ay nanggaling na dito at may kaluwalhatiang nadarama sa tuwina.

 Ang Diyos ay mapagpatawad. Talos na Niya kung sino ka bago ka pa ipanganak, lahat ng mangyayari sa iyo, at ang nakatakda mong kapalaran, maging masalimoot o matiwasay man ito. Anumang mga kamaliang nagagawa mo ay mga aralin lamang upang makilala mo ang kawagasan ng iyong sarili. Dahil hindi mo masusumpungan ang kaluwalhatian, kung hindi mo malalagpasan ang mga balakid na inihahalang sa iyong mga daraanan. Hindi ka nilikha ng Diyos para magkamali upang pahirapan at maging libangan Niya sa kumukulong asupre ng impiyerno. Hindi sadista ang Diyos na nagbibigay ng gantimpala, nagpaparusa, at pumapatay ng kanyang mga nilikha. At nasa langit daw, nakaputi at nakaupo sa trono, na may hawak na listahan at binibilang ang lahat ng iyong mga pagkakamali. Hindi ito ang tunay na diyos na kailangang pang sambahin o gawing idolo natin. Lagi lamang tandaan: Ang Diyos ay Pag-ibig.
   Tayo ay hindi sakdal; at kaakibat natin ang mga pagkakamali, kaya nga dahil dito, ay nilikha ang lapis na may pambura. Walang imposibleng bagay sa Diyos, ang lahat ay higit niyang nagagawa at walang sinumang tao ang makakaunawa. Ang mga bagay na hindi maabot at maunawaan ay ipagkaloob natin sa Diyos. Hangga't sinasarili natin ang mga ito, ibayong pagkaligalig at pagkatakot ang ating madarama.
   May bagay na hindi kilala ang nagnanais na makilala. Ikaw ang pinakamahalagang nilalang sa balat ng lupa, sapagkat sa antas ng kalahatan ng iyong pagkatao: Kaisipan, Kamalayan, Kabatiran, at Katotohanan; ikaw ang daigdig mo. Makikilala mo ito, kung papalayain mo ang nakabilanggo sa iyong puso; ang tunay mong katauhan. Hindi na kailangan pa na pagsumikapan ang karapatan na malaman mo ito. Ang iyong susunod na kaisipan, pakiramdam, o pagkilos ay magsisimula na mabuksan at mahayag ang iyong pinakamalalim na kawatasang ispirituwal. Ito'y dalisay na dumadaloy at malaya tulad ng malinaw na tubig na sumisibol sa batis. Hindi makapangyayari sa iyong sarili na panatilihin ang mga sekretong ito na ikubli o supilin magpakailanman, kahit gaano mang pagpupumilit o patuloy na sinasanay tayo ng ating mga kamulatan at kinagisnan na maging iba kaysa sa tunay at wagas nating pagkatao.
   Ang buhay ay lahat ng bagay; Ang buhay ay Diyos. Bawa’t bagay ay patuloy na kumikilos at nagbabago, at ang mga pagkilos na ito ay kalooban ng Diyos. Ang hangal ay makakayang bilangin ang buto ng mansanas. Ngunit ang Diyos lamang ang may kakayahang bilangin ang mga bungang mansanas na magmumula sa isang buto nito. At habang may buhay tayo, mistula itong gulong na patuloy sa pag-ikot; ang KALUWALHATIAN ang siyang mangingibabaw at umiiral na kamalayan ng kabanalan. Ang mahalin at pagyamanin natin ang ating buhay ay wagas na pag-ibig sa Diyos.
   Marami ang nakakaala-ala sa Diyos, kapag nabibingit sa kamatayan at matinding nagdurusa. Subalit kapag nalagpasan ang mga ito’y madaling nakakalimot. Alalahanin, kung sino man tayo ay siya nating regalo na ibinigay ng Diyos. At kung anong uri ng pagkatao mayroon tayo ay siya namang regalo nating ibinibigay sa Diyos. Anumang katangian o talentong mayroon tayo ay pagpapala sa atin, at kung papaano ito magagamit sa kabutihan ay siya naman nating nating kaluwalhatian sa Diyos. 

Magkapatid ang Kabanalan at Kaluwalhatian; at mag-ama naman ang Kamangmangan at Kapighatian.

Ang Diyos ay nasa kasayahan at kalungkutan, nasa katatawanan at iyakan, nasa matamis at nasa mapait, lahat nang iyong maiisip ay naroon Siya. Ito ang banal na layunin sa likod ng lahat ng mga bagay – kung kaya’t ang mga kabanalan sa lahat ng kaganapan ay nasa bawa’t bagay.

Papaano haharapin kung nawawalan na ng pananalig sa tunay na diwa ng katotohanan?
   Sadyang mahirap na pagmasdan ang mga nakapanlulumong kapaligiran ngayon; na puno ng mga karahasan, kalagiman, at kawalan ng katarungan,. At maging ang ating buhay ay nagiging masalimoot sanhi ng mga bagabag na ito. Kung kaya’t nawawalan na tayo ng pananalig na makita ang Liwanag. Subalit may mga kaparaanan na malulunasan ito at manumbalik ang kamalayan tungo sa Katotohanan at magsimulang muling pagkatiwalaan ang ating mga sarili.

1-Magdasal na manumbalik ang pagtitiwala sa sarili.
2-Magpasalamat sa tuwina at tanggapin ang marami pang pagpapala.
3- Maglingkod at dumamay sa kapwa. Humanap ng mga kaparaanang makakatulong sa mga nangangailangan.
4-Tanggapin na bahagi ng buhay ang mga kapighatian. At may kabatiran sa higit na Makapangyarihan na siyang nangingibabaw sa lahat ng kaganapan.
5-Pagyamanin ang personal na kahalagahan at supilin ang budhing mapagpalalo.
6-Pagmasdan ang ating mga sarili na nakaugnay kahit kanino.
7-Panatilihin ang motibo natin ay nababalot ng moralidad, integridad, kapayapaan, at batbat ng makahulugang buhay.


   Bilangin mo ang iyong mga pagpapala. Sa sandaling napatunayan mo ang iyong kahalagahan at kung gaano ang mga ipinagkakaloob para sa iyo ng tadhana; ang mga ngiti ay manunumbalik, ang araw ay muling sisilay, ang musika ay patuloy na tutugtog, at sa wakas ay didilat ang iyong mga mata at magiting na haharapin ang iyong buhay ayon sa itinakdang grasya, kalakasan, katatagan, at pagtitiwala ng Diyos para sa iyo.

Ang Diyos ay walang relihiyon. Ang kaharian at altar Niya ay nasa kaibuturan ng ating mga puso. 


   May kanya-kanyang bersiyon ang bawa’t tao kung ano ang pinaniniwalaan niya; at ito, ayon sa kanyang pang-unawa ang tunay at nakahihigit sa iba. Dahil sa pagkakaibang ito, nagkakaroon ng paligsahan kung sino ang higit na makapangyarihan at makapagliligtas. Ang Diyos ng anumang relihiyon ay isang piraso lamang ng Diyos. Nagkataong may kanya-kanyang daan, ngunit ang lahat ay patungo sa Liwanag. Dahil ito ang katotohanan. Sapagkat ang taong malaya; ang kaisipan ay hindi nakagapos at nakabilanggo ng mga pag-uusig at panunuri sa paniniwala ng iba. Ang buong katauhan niya ay nararapat na nakabatay lamang tungkol sa kanyang sarili. Ang kaluwalhatian nito ang kumakatawan at nagpapasunod sa kanya na masumpungan ang tunay na Diyos. Wala ang taong ito ng anumang imahe o larawan, mga simbolo o mga idolo, inilalarawan, papel na kailangang gampanan, mga panuntunang makarelihiyon, walang pook, panig, o simbahang pinamumugaran sa loob at labas man ng daigdig.
   Sa mga relihiyon na maraming mga diyos-diyusan, mga santo at santa (fixers) na umiiral: Santo Papa, kardinal, obispo, ministro, pare, pastor, madre, banal na hukom, tagapagligtas ng sansinukob, tagapamagitan, tagaakay ng mga naliligaw, at naglipanang mga bulaang propeta. Ang mga ito'y may kanya-kanyang agenda o hangaring ginagampanan. Ang kanilang intensiyon ay makikita sa resulta kung nakakatulong sa pag-unlad ng kanilang mga nasasakupan o tagasunod. At hindi payamanin ang kanilang mga bulsa, may mamahaling mga sasakyan, magagarang mga tirahan, naglalakihang mga negosyo, di-mabilang na mga lupain at mga pag-aari. Lahat ng mga ito'y katulad ng kartero ng sulat. Bago makarating ang iyong dalangin, ay dumadaan sa kanila, sinasala at kinukulayan ng kanilang mga panuntunan. Gayong maaari ka namang dumeretso, kung kanino ka dumadalangin. Ang pag-ugnayin ang ispirito mo sa Dakilang Ispirito, at ikaw lamang ang makakagawa nito para sa iyong kapakanan. Anupa’t patuloy kang nalilito kung sino ang susundin mo, may iba't-ibang hindi mababaling mga kautusan, dogma, at sinaunang mga tradisyon; maliban ang buksan at paalpasin ang katotohanang nasa iyong puso, upang ganap mong makilala ang iyong sarili at mabatid ang katotohanan.
   Sakali mang malulong ka at mahumaling sa kanilang mga panghalina, at natagpuan mo ang sarili sa 'paraiso' o maging sa 'impiyerno,' dito sa ibabaw ng lupa at hindi doon sa pang-akit na kalangitan at kumukulong asupre na ipinapanakot sa iyo, na wala mang katiting na katotohanan; hindi ito kagustuhan ng Diyos, ikaw ang may kagagawan nito. Anumang kalagayan ang kinasadlakan mo ngayon, resulta ito ng mga kapasiyahan at kinahumalingan mo.


  Simpleng-simple lamang ang relihiyon ko. Ang aking relihiyon ay ang magmalasakit. Wala itong mga magagara at naglalakihang mga templo. Hindi nito kailangan ang kumplikadong mga pilosopiya. Kundi ang aking kaisipan lamang, ang aking sariling puso ang aking simbahan. Ang pilosopiya ko ay ang pagmamalasakit sa aking kapwa.
   Ang relihiyon ay hindi tungkol sa 'pagsamba,' maiingay, tumutuligsa, may mga karahasan at pagpatay pa, mga sektang lumalason ng kaisipan ng mga tagasunod at nagpapayaman sa mga namumuno nito. Inaalisan ng sagradong karapatan na bomoto ang mga kasapi; at iboto lamang ang nais nilang mga opisyal ng pamahalaan na kailangang pikit-matang sumusunod sa kanilang mga kapritso at pag-iimbot sa kaban ng bayan. Gayong kabawal-bawalan ang pamumulitika sa kanila, sapagkat hindi sila pinagbabayad ng buwis ayon sa separasyon ng estado at simbahan. Ginagamit ang kanilang sekta upang agawin ang mga serbisyong pampubliko na nararapat makatulong sa nakararami nating mga kababayan na nagdarahop sa kahirapan. Ayos sana, kung umuunlad din ang kanilang mga kasapi, subalit naghihikahos din ang karamihan sa kanila. Hindi ito makadiyos, o walang diyos, ito ang mga huwad na relihiyon na nagpapaligsahan kung sino ang tunay sa mga dinidiyos nila.
   Ang tunay na relihiyon ay tanging ito: batay sa kung anong mga pagkilos na ginagawa natin sa araw-araw sa ating buhay. Kung mahilig kang magsugal, ito ang relihiyon mo. Kung bawa’t makita mong ipis sa lapag ay tinatapakan mo, ito ang relihiyon mo. Kung mandaraya ka sa negosyo, ito ang relihiyon mo. Kung pawang reklamo at mga karaingan ang bukambibig mo, ito ang relihiyon mo. Kung mahilig ka sa tsismis at mga panooring walang saysay sa telebisyon, ito ang relihiyon mo. Kung magnanakaw ka at may pag-iimbot sa hindi mo pag-aari, ito ang relihiyon mo. Kung bulag at robot kang tagasunod sa kagustuhan at kapritso ng iba, ito ang relihiyon mo. Anupa’t kung anuman ang iyong patuloy na kinahuhumalingan; ay relihiyosong ginagawa mo nang walang katapusan. Lahat ng iyong iniuukol na pagtuon upang ito’y magawa, ay ang iyong tunay na relihiyon.
   Kung walang nangyayaring pagbabago sa kalagayan mo, aba'y gumising ka naman! Panahon naman na tangkilikin mo at paunlarin ang iyong sarili. Tuklasin mo kung sino kang talaga.

   Ang pinakamagandang bagay na ating mararanasan ay ang misteryoso. Sapagkat yaong mga bagay lamang na hindi natin nakikita ang higit na mahalaga. Tulad ng Pag-ibig, Pag-asa, Pananalig, Kaligayahan, Kapayapaan, at Kaluwalhatian. Mga bagay na hindi nakikita at nahahawakan, na kaya mo lamang makukuha ay kung iyong ibibigay. Ito ang pinanggagalingan ng lahat ng tunay na edukasyon, sining, at agham. Siya na kung saan ay walang kabatiran sa kanyang emosyon, ay hindi magagawang tumigil upang magtaka at pangingibabawan ng pagkamangha, ay maituturing na isang patay – ang kanyang mga mata ay nakapikit. Tandasang walang malay at ayaw magising: tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan. Ang pangmalas niya sa misteryo ng buhay, ay mga pangamba at pawang mga pagkatakot, kung kaya’t ang napagbabalingan niya ay ang mga komersiyanteng relihiyon, nanunuhol ng mga donasyon upang may pampalakas ng loob at makalayo sa mga kapahamakang patuloy na ipinapanakot ng kanyang relihiyon. At ito daw ang makapagliligtas sa kanya.
   Ating alamin kung ano ang hindi makapagpapahamak sa atin; na siyang tunay na nakapangyayari, at nangingibabaw sa ating buhay. Ipinapakita nito bilang pinakamatayog na kawatasan at nagnining-ning na kagandahan, na kung saan ang ating mapurol na mga kaisipan ay namamalayan lamang ang relihiyong kinaaaniban sa kanilang luma at pinaka-sinaunang anyo na lumipas at wala na ngayon sa makabagong panahon. Ang kabatirang ito, ang pakiramdam na ito, ay siyang sentro ng tunay na pagka-relihiyoso, na kung saan ay masusumpungan lamang kung kilala nating wagas ang ating mga sarili.
   Hindi tayo sumasamba kahit kanino o sa anumang bagay, tayo ay simpleng nakikipag-komunyon at katuwang sa paglikha. Tatlo ang hagdanan ng buhay: Umaga, Hapon, at Gabi. Sa iyong pagbaba ng hagdan, mula sa maliwanag, pumapanaog ka patungo sa karimlan. Unti-unting pumipikit ang iyong mga mata, upang hindi na itong maidilat pa. Ngunit kung nabuksan mo ang kaibuturan ng iyong puso at pinahintulutan itong makalaya at matagpuan ang Kaluwalhatian, mabilis kang makakabalik muli sa Liwanag.
   Kung hindi tayo handa para dito, at narating natin ang Hapon ng buhay; at ang masaklap sa hakbang na ito ay ang maling pag-aakala na ang ating mga katotohanan at mga ideyologo ay makapagliligtas daw. Subalit hindi tayo mabubuhay nang naayon sa programa ng Umaga ng buhay. Sapagkat kung ano ang matiwasay sa Umaga ay magiging masalimoot sa Gabi; at kung ano ang nasa Umaga na totoo, sa Gabi ay nagiging kasinungalingan. Huwag nating payagan sa simula na makapanaig ang dominante na maling kaisipan. Ang maling budhi (ego) na ito ang nagpapalito upang hindi natin matagpuan ang tamang direksiyon. Lahat ng mga katotohanan at ideyologo sa Umaga na ating natututuhan sa maraming taon na itinatatag ng maling paniniwala, makasariling relihiyon, at hindi makatarungang lipunan ay walang katuturang landas sa Hapon at Gabi ng buhay. Kapag nagsimula tayong makaramdam ng siphayo at naghahanap ng makahulugang buhay sa ating pagkakalitaw sa mundong ito, patungo na tayo sa ating Kaluwalhatian.
   Tuparin ang ating Kaluwalhatian. Ang kabanatang ito pabalik sa ating pinagmulan, ay pagtupad ng pangako sa atin ng Diyos, "Humingi at ito’y ipagkakaloob sa iyo; magsaliksik at masusumpungan; kumatok at ikaw ay pagbubuksan" Hangga't may buhay tayo, tinatalunton natin ang landas na matupad ang Kaluwalhatiang ito - ang tunay na kahulugan ng ating buhay. Ito ang dakila nating layunin sa pagkakalalang sa atin.

   Ang muling pagkabuhay natin: Dalawa ang uri ng tao: yaong bumibigkas ng “Harinawa,” at yaong kung saan ang Diyos ay nagwika, “Kung gayon, gawin mo ayon sa iyong nais.” Ang Ispirituwal na landas ay winawasak ang ating katawan at matapos ito ay muling binubuo at pinalulusog. Sadyang dinudurog ang bahay upang ilitaw ang nakabaong kayamanan sa silong nito; at sa pamamagitan ng kayamanang ito, itinatayong muli ang kabahayan nang higit na matatag at matibay pa kaysa dati; ito ang iyong Kaluwalhatian.
   Magsimulang magtiwala sa Liwanag na lumikha sa iyo. Ang budhi (Ego = Edging God Out) ay patuloy na pinagbabawalan at sinusupil na maniwala tayo sa ating Kaluwalhatian (divinity), pinagpipilitan na tayo ay hiwalay sa Diyos. Ang ating Sanhi (Source) ng pagkatao, ay nagsasabi naman na hindi maaaring paghiwalayin, dahil bahagi at nakapaloob sa atin ang kaharian ng Diyos. Kung naniniwala tayo sa pangaral ni Hesukristo, "Ako at ang aking Ama ay iisa." (Juan 10:30) KJV, kung gayon walang saysay at hindi natin kailangan ang budhing ito. Kapag nagawa nating kasanib ng ating kaisipan ang Sanhi, magsisimula tayong isaayos at itama ang ating mga kaisipan, kamalayan, kabatiran, at katotohanan. Pakalilimiin nating lahat ang mga bagay na tulad ng Diyos; kung magagawa mong magbulay-bulay ng mga kaisipan na katumbas ng pinanggagalingang Ispirito, mayroon kang kapangyarihang kahalintulad din ng pinanggagalingang Ispirito. Ang kailangan ay pagtitiwala na nasa atin ito at naghihintay lamang na palayain.
 
    Bihira kong banggitin sa mga pagtitipon o talakayan ang aking relihiyon, o maging ungkatin at himayin ang paniniwala ng iba. Hindi ko kailanman na sinubukan na piliting baguhin ang paniniwala ng isang tao, o hinangad na palitan ang mga kredo o alituntunin ng kanyang relihiyon; ang mag-ulat lamang ng pagpipilian. Nasa iyong kapasiyahan ang piliin ang tama, ayon sa iyong tamang pang-unawa at kabatiran. Ako’y nasisiyahan kung ang iyong relihiyon ay nagbubunga ng buhay na huwaran sa moralidad at mga kawastuan. Lalong higit kung nakakatulong ito sa iyong pag-unlad kasama ng iyong pamilya at mga mahal sa buhay. Sapagkat nasa ating pamumuhay at hindi sa ating mga pangungusap, at pinaniniwalaan, kailangang hatulan ang ating relihiyon. Makikita sa kalagayan ng iyong buhay kung tama ang relihiyong nagpapasunod sa iyo.
   Hindi ba ibayong kataka-taka; naturingan na tanging Kristiyanong bansa ang Pilipinas sa Asya, ngunit pagmasdan ang kalagayan ng mga mamamayan nito. Ito ay nakapanlulumo at mapapaluha ka lamang kung babanggitin pa natin dito. Dahil dito nakikilala kung anong uri ng diyos-diyusan ang umiiral at patuloy na lumulukob sa bansa natin. Ang tangi lamang na umuunlad at patuloy ang pagyaman ay ang mga pinuno at sekta ng mga relihiyong naghahari sa Pilipinas. Hangga't walang kabatiran sa katotohanan, at pawang pagsasamantala ng mga namumuno sa bulag na mga tagasunod, walang masusumpungang Kaluwalhatian. Walang manloloko, kung walang nagpapaloko.

    Hangga't bulag kang tagasunod sa kagustuhan ng iba, mananatili kang paralisado, laging naghihintay ng kandili at awa ng iba. Mistula kang tuyot na patpat na inaanod ng rumaragasang tubig, at walang kabatiran kung saang direksiyon ka papunta. Kung hindi ka kikilos para sa iyong sarili, ay kikilosin ka ng iba - para sa kanilang makasariling kapakinabangan.
   Ang kaluwalhatian ay ang manalig sa Diyos sa lahat ng bagay, ayon sa iyo, at hindi sa dikta ng iba. Ang Makapangyarihang Diyos ay nasa lahat ng dako. Bahagi ka nito. Ang Diyos ay nasa iyo. Wala sa taong umaakay sa iyo sa kadiliman. Anumang namamalayan mong wala sa iyo, ay naroon Siya. Ikaw ay konektado ng Ispirito sa lahat ng bagay na sa palagay mo'y nawawala sa iyo. Makipag-ugnay sa Ispirito at mabatid ang tila mga nawawalang ito... at ang mga ito'y magsisimulang magpakita sa iyo. Ito ang kislap na gumigising sa iyong kaisipan, ang substansiya, ang pagtuturo, ang esensiya, ang dakilang maestro, ang layunin, at ang regalo na kung saan ang bawa’t kaluluwa natin ay siyang mataos na pinakahahangad: ang ating Kaluwalhatian.

   Kung matapat na hinahanap mo ang sariling Kaluwalhatian, ang Liwanag ay magnining-ning at ang Dakilang Ispirito ay lulukob at siyang maghahari sa buo mong katauhan.

Pagkalooban Mo po ako, o Panginoon kong Diyos, ng kaisipang makilala kita;
na may pusong walang pagkasawang naghahanap sa Iyo,
na kalakip ang mga kabatirang nagpapatibay ng iyong mga katotohanan;
ng kawatasang masumpungan kita, ng mga kamalayang nakalulugod sa Iyo,
 na buong tiyagang nananalig at naghihintay para sa iyo;
at may pag-sang sa katapusan ay mayakap kita at maging akin Ka sa habang-buhay.
Amen.

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


Pahimakas: Kung sakali mang may nasagasaan ako at nasaling ang kanyang marupok na pang-unawa; sadyang ito'y tuwirang patama sa kanya. Sapagkat yaong may mga kasalanan at nagtatago sa kadiliman lamang, ang nasasaktan. Sapagkat nasisilaw sila sa Liwanag. Kung ikaw naman ay nagnanasang masumpungan ang iyong Liwanag, at ito'y nais mong itanglaw doon sa mga kumakapa pa sa karimlan, mangyari lamang na magbasa ka pa at padaluyin ang tunay na Ispirito ng Pag-ibig sa puso mo. At doon naman sa mga sumusulat sa akin na hindi nila maintindihan at masundan ang nilalayon na mensahe ng bawa't pahinang narito; Kailangan pang magbasa at masusing pang-unawa, o maaari namang ito po'y hindi para sa inyo. Mangyari lamang na sa isang pindot (click), ay lumipat kayo at maglibang doon sa kinagigigliwan ninyo, dahil ito ang inyong relihiyon.

Salamat po.

No comments:

Post a Comment