Hindi mo maiisip ang paraan sa bagong uri ng pamumuhay.
Ipinamumuhay mo ang iyong paraan sa bagong uri ng kaisipan.
Sino ang hindi namali? Lahat tayo ay may kamalian at patuloy na
nakakagawa ng pagkakamali. Walang sinumang nabuhay sa mundo na naging perpekto,
bagama’t iniuukol natin ang pagiging perpekto sa isang tao na ipinako sa kurus. Magkagayunman,
bawa’t isa sa atin ay nakagawa ng bagay na pinagsisisihan sa bandang huli, at
kinakailangang ihingi ng paumanhin, subalit iilan lamang ang umaamin dito
bilang taos sa pusong pagpapaunawa sa pagkakamaling nagawa.
Karamihan sa tao ay dumaraan sa mahigpit at makirot na
sitwasyon para ipaalam ang kanilang mga pagkakamali at nagawang kasalanan,
huwag nang banggitin pa dito ang pagbigkas ng dalawang kataga na, “Ikinalulungkot
ko.” o ang “Pagpaumanhinan ako.” At ang palasak sa Inggles na, “I’m sorry.” Na
susundan ng “Nagkamali ako.”
Lahat ng mga ito ay iniiwasan natin na tulad sa isang peste
o nakakahawang sakit. Hindi malunok na bigkasin ang mga nabanggit na mga salita
na tila mababagsakan ng langit o mawawalan ng malaking kayamanan. Nahihiyang ilantad ang tunay na kulay ng balat, 'ika nga. Mga umid ang
dila na dumaloy sa mga labi ang mga katagang “Patawarin mo ako.”
Kung palabasa ka ng mga babasahing Pilipino, hindi lingid sa
kaalaman ng marami ang katotohanan na kaysa maging lipunan tayo ng mga taong
umaamin sa pagkakasala, naging mapagdahilan, taga-panisi at tagaturo tayo sa iba. Kahit na
lantarang nakikita ang kabuktutang ginagawa, patuloy pa rin ang pagkukunwari
na walang nalalaman. At kapag nasalang sa hukuman at nililitis na, may biglang umaatakeng amnesiya. At kapag maraming nagdudumilat na mga ebidensiya laban sa kanya at nasusukol na, ay biglang nagkakasakit na
kailangan ang napakatagal na gamutan sa ospital. Isa itong malalang sakit na sapilitang ginagawang kadahilanan ng mga mapagsamantala sa ating pamahalaan at maging sa mga pribadong hidwaan sa negosyo, anomalya sa bangko, lamangan sa seguro, sa madayang bentahan ng mga lupa, mga paninikil sa karaniwang mamamayan, atbp.
Kung sakali mang nalantad na ang katiwalian ay may napipilitang umaamin sa nagawang pandaraya o
pagmamalabis sa katungkulan, ay dagliang humihingi ng 'paumanhin,' subalit
kadalasan ay dinaragdagan ito ng kapuri-puring kabayanihan at pagpapakita ng
kalinisan, para mabawasan o kundi man malunasan ang pagkakasala sa mata ng mga
tao, na napasama lamang daw sila, at wala silang anumang partisipasyon sa dayaan. Balatkayo at panibagong pandaraya ito.
Bihira na ngayon ang umaamin at lantarang tinatanggap ang
pagkakamali, gayong lahat naman tayo ay nagkakamali. Kaya nga ang lapis ay
nilikhang may pambura, upang burahin ang maling naisulat. Ang kailangan lamang
ay marunong tayong tumanggap ng ating mga kasalanan. Ang matatag na amining ...
tayo ay nagkasala at humihingi ng paumanhin nang walang gaano mang mga kadahilanan. Hindi lamang ito ang nararapat at
sadyang tama, bagkus ito lamang ang tanging paraan upang tayo ay patuloy na
igalang at pahalagahan ng mga taong ating karelasyon o nasasakupan.
Patawarin Po Ninyo Ako
Sino ang hindi nakakalimot sa alibughang anak sa bibliya?
Isa itong parabola na tumutukoy sa mapagmataas na anak. Sa kanyang kasabikang maging
malaya at magsarili ay kaagad hiningi ang kanyang mamanahin. At nang makuha ito
ay mabilis na lumisan upang ipamuhay ang marumi niyang mga pangarap. Magiliw na pinaunlakan ito ng ama, ang taong nagpakahirap na mabigyan ang kanyang pamilya ng
magandang pamumuhay at kinabukasan. Lahat ng pagpupunyagi at mga sakripisyong ito
ng ama ay tinalikuran lahat ng anak. Halos nadarama natin ang bigat at hapding sumasapuso
ng ama na makita ang kanyang anak nang umalis ito ng kanilang tahanan na tila isang
preso na nakalaya sa isang bilangguan. Halos madurog ang kanyang puso sa
pag-aalala sa batang anak na wala pang kamalayan sa takbo ng buhay sa labas ng
tahanan, o maging ng karanasan, kung papaano hahawakan at magagamit sa maayos na
paraan ang salaping kanyang minana.
Gaya ng inaasahan, ang salaping nararapat na maubos sa
habang-buhay ay dagliang natapos sa isang kisapmata. Saan napunta ang malaking
kayamanang ito? Bagama’t hindi detalyado kung papaano naubos ang pamana sa kanya,
sa ating imahinasyon, ito’y nawaldas sa mga kasayahan, at sa mga taong nagsidikit
sa kanya at nagsamantala bilang mga kaibigan, hanggang sa magsilisan ang lahat
nang maubos na ang dala niyang salapi. At upang may makain ay nakikiagaw na lamang sa pagkain
ng mga baboy sa kulungan ng mga ito. At sa kauna-unahang pagkakataon sa kanyang
buhay, ngayon lamang niya naranasan ang matinding kahirapan, nag-iisa, walang bahay na masulingan, busabos
at yagit ng lansangan.
Para sa atin, ang leksiyon ng parabolang ito ay nakasentro sa
binata; ang pagwaldas niya sa pamana at makasalanan niyang mga bisyo. Subalit
ang tunay na puntong moral sa buod ng istorya, ay ang kapasiyahan niyang umuwi sa kanilang
tahanan. Nilunok niya ang kanyang pagmamataas, tinanggap ang kanyang kamalian,
humingi ng kapatawaran at ipinagkaloob ang sarili na maging alipin na lamang ng
kanyang ama para maipakita ang kanyang taos-pusong pagsisisi at katapatan. Ang paggalang ng anak ay
naipakita sa kanyang pagbabalik, at hindi mapag-aalinlangan ang kanyang malabis
na paghingi ng kapatawaran at pagsasabing, “Ako ay nagkamali.” Ito ang naging
daan sa buong pusong muling pagtanggap sa kanya ng ama.
Naipakita dito ng anak ang buong responsibilidad na pag-ako
sa mga kasalanang nagawa. Hindi niya isinisi at nagsabi na, “Kung hindi lamang ako dinaya sa sugalan, tiyak ako ang nanalo.”
At hindi rin ito gumawa ng dahilan at nanisi ng kapamilya, “Tatay, kung sinabi lamang ninyo sa akin na maraming mandaraya at
magsasamantala sa akin, disin sana ay naging handa ako. Kasalanan ninyo ito
sapagkat hindi ninyo ako inihanda sa tunay na kaganapan sa labas ng bahay!” Ang
binata ay hindi inilipat ang paninisi sa iba. Walang sinuman isinangkot at mga
kadahilanan sa kanyang paghingi ng kapatawaran. Inako niya ng buong kagitingan
ang kanyang mga pagkakamali at dahil dito ay buong-puso siyang tinanggap sa
kanilang tahanan.
Ang landas na tinatahak ng alibughang anak: paghihimagsik,
pagkagumon, pagsisisi, pagpapatawad, at pagsasaayos. Marami ang dumaraan sa mga kalbaryong ito, ngunit iilan
lamang ang nakakatapos. Katulad ng pagpasok sa isang paaralan, maraming grado
ang daraanan at marami din ang bumabagsak. Hangga't iniiwasan ang paghingi ng kapatawaran, makakatiyak ka na uuliting muli ang nagawang kasalanan, at sa pagkakataong ito, higit na mahapdi ang magiging kapinsalaan.
Ang tao ay maraming ulit na namamali, subalit hindi
siya isang kamalian hanggang sa simulan niyang manisi ng iba, at palitawing ito
ang may kagagawan.
Ito ang mga tunay na kaganapan sa ating mga buhay: Walang utang na hindi pinagbayaran; Kapag may bulok,
may mangangamoy; Kung ano ang iyong itinanim,
ay siya mo ring aanihin; Ang isda ay nahuhuli sa bibig; Maloloko mo ang mga tao sa isang pagkakataon, at sa isang panahon, subalit hindi sa habang anahon; Gaanoman na pagtatago sa mali, lilitaw din ang katotohanan.
Bawa’t tao ay siyang arkitekto ng kanyang sariling buhay.
Itinatayo niya ito mula sa kanyang mga kapasiyahan at mga kagustuhan. Kahit
papaano, matapos niya itong itayo gaya nang nais niyang mangyari, paminsan-minsan
ay nagpapasiya siya na hindi niya nais ang pagkakatayo nito at naghahanap siya
ng sinuman o bagay na mapagbabalingan para sisihin at ipatong dito ang lahat ng
kapintasan, maliban sa baguhin ang kanyang sarili.
Ikaw papaano mo binubura o nilulunasan ang iyong mga
pagkakamali?
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment