Saturday, June 30, 2012

Ayaw Mapagod

  
 Sinuman na nagnanais nang mabilis na pagbabago ay kailangang palitan ang kanyang pakikitungo sa pabagu-bagong panahon.


Mayroon sa ating ilan na may makitid ang isip o limitado ang pag-iisip. Maging ang pagtunghay sa buhay ay naging makipot at lumabo nang tuluyan. Tulad lamang ito ng malabong salamin, hangga’t hindi mo ito nalilinis, pawang mga aninag at anino lamang ang iyong makikita. Subalit matapos mo itong linisin at pakintabin, ang katotohanan ay iyong masisilayan.
   Sa tuwing mapapasyal ako sa tirahan ng aking bayaw sa kanugnog na lalawigan, napuputol ang aming pag-uusap sa mga tumatawag sa ibaba ng kanyang bahay. Karamihan sa mga ito ay nanghihingi ng kanyang mga talbos at bunga sa kanyang gulayan. At marami dito, na ang hinihingi ay ang dahon at bunga ng malunggay. Naitanong ko sa kanya, hindi ba mga kapitbahay mo sila at malalawak din ang kanilang mga likod-bahay, bakit hindi nila magawang magtanim din ng malunggay kaysa parating manghingi sa iyo? Simpleng kasagutan lamang ang naitugon nito. “Hindi nila magagawa ito para sa kanila, baka sila mapagod!”
   Naunawaan ko ang ibig ipakahulugan ng aking bayaw, higit na madali ang manghingi kaysa magpakapagod na magtanim. Marami ang kuntento na sa pagiging palaasa at palahingi. Gayong sa ilang sandali lamang na pagpapawis o kapaguran ay malulunasan ang nakapanlulumong kanser na pag-uugaling ito.
   Ganito din ang kinasadlakan ng marami sa atin, lubhang inasahan na ang pagbili ng mga napakamahal na gulay sa pamilihan, at bihira na ang nagtatanim sa nakatiwangwang na mga lupain at maging sa mga bakuran. Hindi na biro ang mga halaga ng gulay sa panahong ito, subalit ninanais pa rin ng karamihan sa atin, lalo na sa mga lalawigan na bumili na lamang kaysa magtanim.
   May bumigkas minsan at nalathala sa pahayagan, “Maghagis ka ng binhing buto sa labas ng bintana at saan man ito bumagsak, ito ay tutubo at magiging halaman. At pati na kalsada ay puwedeng tamnan sa Pilipinas.” Bagama’t marami sa ating mga lansangan ang sementado na ay may katotohanan pa rin ang pahayag na ito. Sa tuwing nakasakay ako ng eroplano, at pagmamasdan ko sa ibaba ang buong kalupaan na aking natatanaw sa ating bansa, halos kulay luntian ang lahat. Isang pagkagulat at ibayong kalungkutan ang aking nadarama sa tuwing naririnig at nasasaksihan ko ang kagutumang naghahari  sa ating bansa. Sa aking mga ginagawang pagbibiyahe sa mga lalawigan, sa nakikita kong mga malalawak na bukirin na walang tanim at parating mga damuhan lamang, sa nakatiwangwang na mga saganang lupain sa palibot ng mga pamayanan, sa mga likod bahay na napapabayaan, lahat ng mga ito’y mga nasasayang na pagkain.
   Noon, hindi kilala ang lalawigan ng Benguet at mga karatig pook nito bilang mga gulayan, sapagkat mahirap ang biyahe noon at nasisira lamang ang mga produkto nito. At sa bawa’t lalawigan noon, wala ring kasalatan sa mga gulay, bagkus sobra-sobra pa at ipanapahingi na lamang. Kung nais mo ng upo, kalabasa, patola, ampalaya at kung anu-ano pang gulay, kung walang gulay na tulad nito sa bakuran mo, maaari mong hingin ito sa iyong mga kapitbahay. Mahilig magtanim ng mga gulay ang mga tao noon. Dito sa amin sa barangay Kupang, karaniwan na ang bawa’t kulob o likod-bahay noon na may balag, at may patola, kalabasa o upo na gumagapang dito. Pangkaraniwan na ang okra, kamote, talong, at sitaw sa bawa’t bakuran. Subalit nang magsimulang maging mabilis ang mga biyahe mula sa lungsod ng Baguio, naging mabilis na rin ang pagbibiyaheng pababa mula dito ng mga gulay. Dahil bugbog at sagana ito sa mga pataba, mga kemikal, at mga pamuksa ng insekto, magaganda at malalaki ito kaysa mga napipitas sa aming mga bakuran. At tulad ng inaasahan, ito na ang binibili sa pamilihan at kinalimutan na ang magtanim pa sa kanya-kanyang mga bakuran. Kaalinsabay din nito ang pagsulputan ng mga kakaibang sakit at karamdaman sa mga tao.
   Paminsan-minsan ay may naliligaw na nagtitinda sa palengke ng natural o katutubong mga gulay, maliliit ito at makukulay, maraming kagat ng insekto at hindi magkakasinlaki. Ito ang lagi kong hinahanap sa mga gulay at madalas na binibili. Dahil nakakatiyak akong ligtas ito sa mapaminsalang kemikal. Sa Amerika, noon pa'y nagsimula nang tangkilikin ang mga pagkain at gulay na mula sa likas na pangangalaga o ang katawagang organic, wala itong bahid at halo ng anumang kemikal, mga insecticide, anti-biotic, na sumisira sa ating mga katawan.

   Bahala na
   Kahit na may magagawa, higit na pinagtutunan ng pansin ang madadali at maaasahan. Kaysa magkaroon ng sariwa, likas, at walang kemikal na pagkain, minabuti na lamang na asahan ang dumarating mula sa ibang pook.  At sa pag-uugaling ito, malaki na ang ipinagbago ng ating mga palengke at mga shopping malls. Karamihan sa pagkaing itinitinda dito ay galing pa saTsina at ang mga gawang produkto nito, na ang karamihan ay mga palsipikado at hindi dumaan sa eksamin o mga pagsusuri para matiyak ang ating kaligtasan. Kadalasa’y mga smuggled goods ito na bawal nang kainin o gamitin sa kanilang bansa. Dahil sa mura at magagandang mga pakete nito, lalo na sa mga pampaganda, marami ang nahahalina at pikit-matang binibili ang mga ito.

Anumang iyong iniisip, nililikha ang iyong katotohanan. At habang ikaw ay may inaasahan, walang pagbabago sa iyong kapalaran, bagkus ang patuloy na paglubog sa putikan.
  
Sakalimang malabo ang ating mga mata o ang salamin na ating suot, gaano ba katagal linisin ang salamin sa mata? Kailan nga ba tayo tuluyang magigising at tangkilikin ang sariling atin?
   Tulad ng paglilinis ng salamin, gaano katagal malinis ang isang bintana? Ang isang kuwadrong salamin? Pakatandaan lamang, nakikita natin ang daigdig hindi sa kung ano itong talaga, bagkus kung sino tayo. Ang ating pangmasid ay mistulang may salamin na may grado. Kung ano ang taas ng grado nito, ganoon din ang antas ng ating nais ipakahulugan sa ating nakikita, at hindi ito tunay na umaayon sa ating nakikita.
   Hangga’t hindi naaapektuhan o nadadamay, at hindi nagiging biktima, bastante tayo na pikit-matang tinatanggap ang mga pangyayari sa ating paligid. At wala ring ganap na pagbabagong gagawin para maituwid at ihinto na ang mga kalapastanganan at mga pagkakamaling nagaganap. Ang mga ganitong walang pakialam na kamalayan ay siya mismong mga mitsa ng mga bomba na sasabog sa ating harapan. Kung makitid at limitado ang isip, mistulang tanikala itong nagbibilanggo sa atin para mabatid ang katotohanan na siyang makapagliligtas sa ating kapahamakan.

   Anumang iyong kinakain, ay siyang nagtatakda ng iyong kalusugan at kasakitan. Malaking bahagi ng mga kemikal na sangkap nito ang nakakapagpasiya ng iyong mga pakiramdam, pag-uugali, at pabugsu-bugsong init ng ulo. Ikaw at ang kinahiligan mong pagkain ay iisa.



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment