Sunday, June 03, 2012

Ang Bugkos ng Ubas na may Taling Pula


Ang tunay na pagkatao ng isang tao ay makikilala sa kanyang ibinibigay at hindi mula sa kanyang kakayahan sa pagtanggap.

   Nagmamadaling kumatok sa pintuan ang magsasaka sa bahay ng pastor. Mga ilang sandali pa ay binuksan ng pastor ang pintuan, at nabungaran niya ang isang bugkos ng mapipintog na ubas na may taling pula ang iniaabot ng magsasaka.

   “Para sa inyo po ito pastor, mula ito sa pinakamatatamis na puno ng aking ubasan. Pinili ko po ito para matikman ninyo ang napakasarap at pambihira nitong tamis. Handog ko po sa kabutihan ninyo sa akin. Malaki po ang naitulong ninyo sa akin noong may bagyo at walang masilongan ang aking mag-anak. Kundi po sa inyo, malamang nagkasakit ang aking mga anak” Ang pagliwanag ng magsasaka.

   “Bakit nag-abala ka pa? Tungkulin ko talaga ang matulungan ka,” ang wika ng pastor. “Sa ganda at tamis ng mga ubas na ito ay magandang iregalo ito, ibibigay ko kaagad ito kay Aling Trining,” ang masiglang nabanggit ng pastor.

   “Huwag po pastor, tanging para po sa inyo iyan!” Ang pakiusap ng magsasaka at nagpaalam na ito.

   Matagal ding pinagmasdan ng pastor ang nakakasabik na mga ubas, pinaglipat-lipat ang paghawak sa taling pula at napapalunok sa nararamdamang katas ng tamis na maidudulot ng mga ubas, subalit ipinasiya pa rin niyang ibigay ito kay Aling Trining, ang kanilang mabait na labandera.

   Nagagalak namang tinanggap ang mga ubas ni Aling Trining, at tigib ng pasasalamat sa pastor. Subalit nang makaalis na ang pastor, ay naala-ala niya ang maysakit na kapatid na nasa kabilang silid, at naisip niya, “Palagay ko’y magugustuhan ng kapatid ko ang mga ubas na ito," at mabilis niya itong pinuntahan. 

   At ito nga ang nangyari, napunta ang mga ubas sa maysakit, subalit hindi rin ito nagtagal, sapagkat naala-ala ng maysakit ang matulunging kusinero na matagal nang nagluluto at nagdadala ng kanyang masasarap na pagkain sa araw-araw. “Kailangan kong makaganti sa mga pagtulong niya sa akin, nakakatiyak akong masisiyahan ang kusinero kapag naibigay ko ang mga matatamis na ubas na ito sa kanya.” Ang bulong sa sarili ng nakangiting maysakit.

   Namangha ang kusinero sa bugkos ng mga ubas, ngayon lamang siya nakakita ng ganitong kalalaki at mapipintog na mga bunga ng ubas, na lalong pinatingkad ng taling pula. At sa amoy pa lamang ay napakatamis na nito. Hindi mapakali ang kusinero sa tuwa, talagang katakam-takam ang bugkos ng mga ubas, at pilit na iniisip kung kanino niya ito maihahandog. Hanggang sa maisip niya ang butihing pastor. Ito lamang ang nalalaman niyang nararapat na makatanggap sa lahat. “Dahil sa mga kabutihang nagagawa nito sa kanilang lahat ay kailangan naman niyang masiyahan sa idudulot na kasarapan ng mga ubas na ito,” ang nausal sa sarili ng kusinero.

   Bago sumapit ang gabi, mabilis na nagtungo sa bahay ng pastor ang kusinero. Kumatok ito sa pintuan, at maya-maya pa’y bumungad ang pastor. Nagulat ito sa hawak na bugkos ng ubas na may taling pula na dala ng kusinero ngunit hindi kumibo ang pastor.

   “Para po sa inyo ito Pastor, napakatamis po nito at tiyak kong masisiyahan kayo. Ito ay para po sa mga kabutihang nagagawa ninyo sa amin,” ang masayang alok ng kusinero.

   Masayang nagpasalamat ang pastor, naunawaan niya na ang bugkos ng mga ubas na may taling pula ay talagang nakalaan para sa kanya. At nang gabi ding yaon; ay buong kasiyahan niyang kinain ang mga ubas bago mahimbing na nakatulog, na may ngiti sa kanyang mga labi.

---------
Ang pag-ikot ng pagbibigayan at handugan ay nakamtan ng tunay na pinagbigyan; ang ikot ng kagalakan at kaligayahan ay nadama ng bawa’t isa. Nangyayari at nakatakdang maganap lamang ito doon sa mga mababait at mapagbigay na mga tao.  Subalit doon sa makukunat, belekoy, at saksakan ng damot, nawa'y pagpalain sila, sapagkat sadyang mailap at maramot din ang magagandang kapalaran para sa kanila.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment