Wednesday, June 20, 2012

Pagkilala sa Wikang Pilipino


   Hindi ko malilimutan ang naitulong ng mga aklat at komiks na ito noong ako'y nagsisimulang magbasa. Maraming panahon din ang aking ginugol dito kaysa maglaro na karaniwang ginagawa ng mga batang kasinggulang ko. Nauna pang gumuhit ako at kopyahin ang mga nakalarawan dito kaysa sumulat. At noong ako'y nasa ikalawang grado sa elementarya, tagaguhit at tagagawa na ako ng aking guro ng kanyang mga proyekto sa silid-aralan. Lahat ng mga ito'y utang ko sa mga komiks at mga babasahing Pilipino.
  Malaki ang naiambag sa aking kaalaman sa pagbabasa ang mga babasahing Liwayway at Bulaklak. Halos bawat mga nobela na narito ay patuloy kong sinusubaybayan noon. At ang mga komiks naman ang nagpalawak ng aking imahinasyon sa pagkakaroon ng matibay na pananalig, lakas ng loob at mga pakikipagsapalaran sa buhay. Ito rin ang nagpaantig ng aking damdamin na maging makabayan at lingunin ang aking pinanggalingan. Mula sa mga ito ay nagising ako at narating ko ang maraming tagumpay sa aking buhay.

   Nalulungkot lamang ako, dahil nawala na ang masiglang pagtangkilik at masigabong  paglaganap ng mga babasahing ito. Simula nang dumating ang telebisyon at mga panoorin sa entablado, nawalan na ng pansin ang karamihan sa ating mga kabataan na magbasa. Lalo na sa mga babasahing nasa wikang Pilipino na nagpapakilala ng ating mga tunay na tradisyon, sining at kultura.

   Magkagayunman, ako ay nagagalak sapagkat mayroon pa ring ilang tunay na Pilipino ang nagsusumigasig na maibalik at mapanatili ang ningning ng mga komiks sa wikang Pilipino. Ipinagmamalaki at pinupuri ko ang kahusayan ng ating mga dibuhista sa komiks. Noon, makita ko lamang ang kanilang dibuho sa komiks, kilala ko na kung sino ang gumuhit nito. Sadyang napakalaki ang naitutulong ng mga may-akda at mga dibuhista sa mga babasahing tulad ng mga ito sa paglaganap ng wika natin. Naipapakita pa nila ang katutubong mga kaugalian, mga lumang kagamitan, sining at kultura ng ating bayan. Pambihira din at hinahangaan ng maraminng dibuhistang Amerikano ang kanilang mga nagawa sa mga komiks ng Amerika, lalo na sa Marvel publications.

   Para kay kasamang Gerry Alanguilan ng komikero.com at ng alanguilan.com/museum,              Mabuhay ka!
  Ang mga tulad mo ang tunay na kailangan ng ating bansa. Maraming salamat sa iyo.



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment