Ang iyong tunay na impluwensiya ay nasusukat kung papaano mo tinatrato ang iyong sarili.
Bahagi na sa mga itinuturo ng mga guro sa kanilang mga
estudyante ang malayang pagpapahayag ng damdamin. Hindi kailangan na ito’y itago
at kimkimin, dahil sa katagalan ay pinagmumulan ito ng pagkakagalit. At kung
may nais kang itanong, kailangan itong sagutin ng tinanong. Ito ang nakapagpapataas ng antas ng pagtitiwala sa sarili para mawala ang pag-aalala, at masabi mo ang iyong nais nang walang pag-aatubili.
May dalawang magkatabi
na pamantasan sa Balanga na may parehong mag-aaral na taga-barangay Kupang. Ang
isa ay nag-aaral sa umaga at ang isa naman ay sa hapon. Sa tanghali ay nagkakasalubong
ang dalawa kapag pauwi na ang isa, at ang isa naman ay papasok na.
Minsan ay
nagtanong ang isa, “Saan ka pupunta?”
“Ako ay pupunta
kung saan ako ihahatid ng aking mga paa,” ang tugon naman ng isa.
Sa kasagutang
ito ay nalito ang unang estudyante, at pagdating sa paaralan ay nagtanong kaagad sa kanyang
guro. At matapos ang isalaysay ang nangyari; ay nagmungkahi ang guro, “Bukas ng tanghali, kapag
nagsalubong kayong muli, ay tanungin mo ulit siya ng katulad
noong itinanong mo sa kanya. At kung pareho din ang sagot niya, ay tanungin mo
siya ng ganito, “Kung wala kang mga paa, saan ka pupunta?” Sa tanong na ito’y
wala na siyang kawala at sasabihin niya sa iyo ang totoo."
Kinabukasan muling nagkasalubong sa katanghalian ang dalawang
mag-aaral.
“Saan ka pupunta?” ang tanong muli ng unang estudyante.
“Ako ay pupunta kung saan may humiihip na hangin,” ang
sagot ng tinanong.
Muling nalito at hindi mawari ng unang estudyante ito, at nang
walang maapuhap na kalinawan ay ipinaalam kaagad sa kanyang guro.
“Tanungin mo siya
kung saan siya pupunta kung walang ihip ng hangin,” ang mungkahi ng guro.
Sa sumunod na araw ang dalawang estudyante ay nagkita sa
pangatlong pagkakataon.
“Saan ka
pupunta?” ang pangungulit na tanong ng unang estudyante.
“Uuwi ako sa
amin para magpahinga.” Ang naging tugon ng isa.
---------
May dalawang makahulugang punto
ito:
Una: Matalinghaga
ang maikling kuwento na ito, subalit kung iisipin ang kamalayang kaakibat ay
nakakagising ng kabatiran. Sapagkat nasa pag-uulit lamang at pagtitiyaga,
mayroon kang maliliwanagan at matututuhan. Karamihan sa atin, hanggang sa isang tanong lamang at
kapag hindi naunawaan ang kahulugan na nais iparating ng tinanong ay tumitigil
na at nag-aakala na lamang, at susundin ang kanyang nabuong hinala.
At dito tayo nalalagay sa alanganin, dahil ang pag-aakala ay walang ibubungang
mabuti. Higit na mahusay ang magtanong muli kaysa maghinala para magkaroon ng
tamang kasagutan.
Pangalawa: Naging
pag-uugali na natin ang tanungin ang kasalubong. Basta kakilala at taga-roon sa
atin, sa halip na kamustahin ay tatanungin kung ‘saan ito pupunta?’ Sa mga
umpukan naman, ay ‘Saang kolehiyo ka nakatapos?’ 'Saan ka nakatira?' at
‘Ano ang trabaho mo?’ Pawang mga personal na tanong ito, at ito ay ipinagbabawal. Ipinapakita ng nagtatanong na hindi siya nakapag-aral, may masamang asal, at hindi siya nagawang turuan ng mga magulang. Mga usisero at tsismoso lamang ang gumagawa nito.
Opinyon: Kung minsan, kailangang brutal ang ginagamit na pangungusap para tumimo sa mga tinatamaan, dahil kapag talamak na sa kagawian at pag-uugali ang isang tao, nilalapatan din ito ng talamak at tuwirang pangungusap. Kung hindi ka nasaling nito, ay wala kang dapat na ipag-alala, hindi para sa iyo ito.
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment