"...the way one views happiness will directly affect the way one views 'love,' 'freedom,' and 'quality of life.' "
Ang paggamit ng payong (laban sa init ng araw, at pagkabasa sa ulan), pangginaw o balabal (laban sa lamig), at maging ng mapa (upang hindi maligaw sa paglalakbay) ay nagpapahiwatig ng proteksiyon, pangangalaga, at tamang direksiyon. Nakapagtataka na ang karamihan sa atin ay walang panuntunan at pamantayang sinusunod pagdating sa makabuluhang proteksiyon, pangangalaga, at tamang direksiyon sa ating pamumuhay.
Subalit kapag magdaraos ng piknik, piging o isang salusalo, halos hinihimay ang lahat ng mga detalye kung papaano ito maisasaayos ng mahusay at matagumpay. Halimbawa, kung may ikakasal, halos buong sambahayan at lahat ng kaanak ay kasangkot. May tampuhan pang nagaganap, kapag hindi nakarating ang napagsabihan, o may dumating na walang naiambag o regalong naibigay.
Ngayon, ito ang mga napakahalagang tanong;
Ginagawa mo ba ang ganitong masusing mga detalye pagdating sa ikaa-ayos ng iyong buhay?
Alam mo ba ang iyong gagawin at mangyayari sa iyo sa susunod na linggo,? Sa isang buwan? Sa isang taon? Lalo namang higit kung, sa loob ng limang taon? Ano ang iyong magiging kalagayan sakalimang dumating ang mga panahong ito? May sapat ka bang kabatiran? Nakahanda ka bang totohanan?
O, basta na lamang makaraos, dahil ang buhay ay mistulang isang gulong na umiikot, minsan nasa ibabaw, kadalasan ay nasa ibaba?
Dahil kung hindi mo masasagot ito ng tuwiran, anumang kalagayan o nagaganap sa iyo ngayon, ito ang talagang nais mo at sadyang nakagawian mo na. Ito ang kinalabasan ng iyong mga ginawa sa nakaraan at ngayon ay iyong inaani na. At doon naman sa mga nagplano, nagtiyaga, at nagtagumpay, ay tinatamasa na ito ngayon.
Gamitin nating sagisag upang makaala-ala ang payong, pangginaw, at mapa bilang mga espesyal na palatandaan upang magkaroon ng matibay na pananalig upang pangalagaan, magturo, mamuno, at maging makabuluhan ang ating buhay.
Bawa’t isa sa atin ay mayroong mga katangian na hindi kailanman magagawang palitan o baguhin. Hindi natin pinili ang ating mga magulang, mga kapatid at kaanak. Ang araw ng ating kapanganakan, ang ating kasarian (gender), ang ating pagka-Pilipino, at ang ating buong itsura at kaanyuan. Dahil hindi natin mababago ang mga ito. SUBALIT mayroon naman tayong kapangyarihan na pumili kung ano ang magpapaganda at magpapaunlad sa ating buhay upang tayo’y maging maligaya sa tuwina.
Narito ang mga Prinsipyo ng Maligayang Buhay (Hinimay at sinala ayon sa pamantayang Pilipino)
Magkaron ng TAMANG HANGARIN. Alamin kung ano ang iyong tunay na pangarap at saan mo nais pumunta. Kung hindi mo alam ang iyong patutunguhan, hindi ka kailanman makakarating. Mananatiling paikot-ikot lamang at basta makaraos ang iyong mga pagkilos.
Alamin ang iyong mga PRIORIDAD. Pagpasiyahan ang mga bagay na higit na mahalaga para sa iyo. Isaayos at itakda ang iyong mga gawain na kalakip ang mga prioridad na ito. Iwasang maagaw ang iyong atensiyon ng mga bagay na walang kinalaman at hindi mahalaga. Manatiling nakatuon lamang doon sa mga bagay na magpapabilis sa kaganapan ng iyong hangarin.
PILIIN lamang ang mga panooring makabuluhan at tunay na makapag-papaunlad sa sarili. Kung maglilibang din lamang, dumoon na magpapaganda sa takbo ng iyong buhay.
Isagawa ang iyong mga RESPONSIBILIDAD. Obligasyon mong isaayos at itama ang iyong buhay. At katungkulan mong kupkupin, pangalagaan, paunlarin, at paligayahan ang iyong piniling pamilya. Tanggaping buo ng walang pagkukulang ang nakaatang na tungkulin; na handa palagi ang kaisipan, mga pangungusap, mga pagkilos, mga saloobin, at motibo sa makabuluhang hangarin at ikatatagumpay nito
Gumawa ng LISTAHAN ng mga bagay kung saan mo inaaksaya ang iyong panahon at ginagastos ang iyong pera. Tanungin ang sarili: Bakit mo ginagawa ang mga bagay na iyong ginagawa? Kapag malabo at walang katiyakan ang mga kasagutan, maglimi. Pag-aralan; kung mula sa emosyon at pabigla-bigla, o masusing pinag-isipan na makatwiran itong gawin.
Maglaan ng TAMANG SALITA kung mangungusap. Iwaksi na ang mga salitang nakakamatay, pumipintas, humahamak, at nagpapahina ng kalooban. Ipinagkakanulo ka ng mga ito. Ikaw mismo ang nakasalang sa labis na mga bagabag na umaalipin sa iyo. Bilang pagtakas sa mga ito ay ipinapasa at ipinapataw mo sa iba. Pag-aralan ang kahalagahan at intensiyon ng iyong mensahe sa kausap. Piliin lamang na magbitaw ng mga salitang nagpapasigla, bumubuhay, at nagtataguyod.
Pangalagaan ang iyong KALUSUGAN. Magtakda ng panahon para makapagpahinga , makapaglibang, at manumbalik ang kasiglahan. Ang kalusugan ay kayamanan. Gaano mang yaman mayroon ka, hindi makakayang tumbasan ng salapi ang malubhang karamdaman. Hangga’t buo ka pa, may lakas, at may panahon; gamitin at tamasahin ang anumang nasa iyo. Dahil lahat ay kumukupas, humihina, at tumitigil.
Ituon ang atensiyon sa pagtatatag ng mga RELASYON at maliligayang alaala. Pagkalooban ng magaganda at masasayang araw ang iyong buhay at pamilya. Tamasahin ang bawa’t sandali na kapiling sila, sapagkat sa bawa’t araw ay nagbabago ang lahat. Hindi mo na mababalikan pa ang nakaraan at itama ang mga ito.
Alalahanin na ang batang kinagagalitan mo ay siyang aakay at gagabay sa iyong pagtanda. Kung ngayon ay ipinagkakatiwala mo siya sa tagapag-alaga (babysitter), paglaki nito at ikaw ay matanda na, ipagkakatiwala ka rin naman niya sa bahay ampunan (nursing home).
Laging magpasalamat at MAGDASAL. Maglaan ng panahon para sa Dakilang Maykapal. Ito ang napakahalaga sa lahat. Pinapawi Niya ang iyong mga bagabag at pinalilinaw ang iyong pagtunghay sa iyong buhay. Kung wala kang mataimtim na pananalig sa mga bagay na hindi mo nakikita, papaano mo maipapahayag ang kahalagahan ng iyong iniisip. Yaong mga bagay na hindi nakikita ang tunay at higit na mahahalaga; tulad ng pag-ibig, paggalang, pagtitiwala, pagmamalasakit, pagdamay, pagpapatawad, atbp.
Ang mga bagay na mayroon ka, ang maaari mo lamang maibigay. Kung wala kang pag-ibig sa iyong puso, papaano ka makaiibig at iibigin ng iba bilang kapalit? Kung walang pakikipagkaibigan na namamahay sa iyong puso, sino ang makikipagkaibigan sa iyo?
NAKASULAT ITO: Kung hindi ka naliligo, at patuloy na mabaho ka, mga daga, langaw, at ipis lamang ang magtitiis sa iyo.
Ang antas ng iyong kaligayahan na nababatay sa nais mong pamumuhay, ang siyang magbabadya kung papano mo pinagmamasdan ang tagumpay, ano ang pakahulugan mo sa kalidad ng iyong buhay, ano ang iyong pananaw tungkol sa pagmamahal, ano ang kahulugan sa iyo ng kapighatian, ano pagpapahalaga sa moralidad at integridad na iyong sinusunod, kung gaano ang iyong kabatiran sa katagang ‘kalayaan’, mga katapatanng pantao at kagalingang panlahat.
-AGATONA ALIMORONG NAVARRO, Balibago, Angeles City, 1911
Marami ang mga katanungan: Lima lamang na simpleng tanong ang mga ito:
1-Sino ang iyong pinakamatalik na kaibigan? (Ano ang mga katangian niya na nakahalina sa iyo?)
2-Ano ang iyong pinaka-nanais na bagay o hangarin? (Inaasahan mo bang matatamo mo ito?)
3-Nag-aalala ka ba kung ano ang iniisip at sasabihin ng ibang tao sa iyo? (Ano ang iyong mga kinakatakutan, o iniiwasan?)
4-Sino ang iyong pinakamatalik na tagapagturo (mentor)? (Anong mga katangian niya ang nais mong tularan?)
5-Ano ang ibig mong baguhin sa iyong sarili at maging sa iyong pamilya? (Mayroon ka bang naiisip na mga paraan na magpapaganda sa inyong buhay at kung papaano ito magagawa?)
TANDAAN: Kung walang tanong, wala ding kasagutan. Bago ang gamutan, kailangan malaman ang pinagmulan ng karamdaman. Kung hindi alam ang dahilan, walang saysay ang paliwanagan. Hangga’t hindi alam ang sanhi, lagi kang nag-aatubili at umuuwing sawi.
Ang paglalakbay sa buhay na patungo sa tunay na kaligayahan; ay ang mahusay na patnubay ng unawa sa kawagasan at layunin ng iyong pagkakalitaw dito sa mundo.
Sinuman ay naghahangad na tunghayan ang kanyang sarili na ‘mabuti’ at magandang magdala ng ‘sariling buhay’ na patungo sa ‘tagumpay’ Ang tanong ay hindi kung papaano na hangarin niyang maging mabuti, mahusay, at matagumpay, bagkus kung anong mga alituntunin at batayan na kanyang pinaiiral tungkol sa mga ito.
–pahayag ni KARLO MANALAD GUEVARA, sa isang pamilyang talakayan, 2005
AKO ay naniniwala na tayo, sa ating pangunahing kapasidad na magmahal, ay malalagpasan at maitatama ang mga bagay na pumipigil, humahadlang, at pinagmumulan ng ating mga pagkatakot. Hangga’t mataimtim ang iyong pananalig, lahat ay madali na lamang.
Binanggit ni Rudyard Kipling, isang makata at manunulat, sa kanyang Tagubilin sa Pagtatapos (Commencement Address) sa McGill University, sa Montreal, binanggit niya na mayroong isang nakakabalisang pag-uugali ang mga tao na nararapat lamang na laging tinatandaan. Binalaan niya ang mga mag-aaral laban sa matinding paghahangad sa salapi, sa kapangyarihan, at katanyagan, ang bilin niya, “Balang araw ay may makakatagpo kayong tao na walang interes o hinagap man lamang tungkol sa mga bagay na ito. At sa puntong ito, mapapatunayan ninyo kung gaano kayo kapulubi.’
-Mangyari lamang na basahin ang paskel na, Maaasahang mga Dakilang Prinsipyo ng Buhay, Disyembre 7, 2011
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment