Monday, December 26, 2011

SANA: Mga Panghihinayang sa Buhay


   Ang kamatayan ay katulad ng isang mahabang nobela na may katapusan---ang tangi lamang na pinanghihinayangan ay kung ang paglalakbay mo ay naging kawiliwili at nais mo pang magpatuloy.


   Sa mga nakakaunawa na ang buhay ay may hangganan, pinag-uukulan ng ibayong pansin ang lahat ng mga sandali. Napakahalaga nito, laluna’t kung ikaw ay nasa dapithapon na ng buhay. Malimit ay sinasariwa mo ang mga nakalipas na panahon kung saan mayroon kang nakaligtaang gawin, hindi natapos at nalunasang alitan, mga pangungusap na hindi nagawang ipahayag, at marami pang bagay na nagdudulot ng patuloy na mga bagabag at panghihinayang.

   Ang pagpanaw ay isang bagay na hindi natin maiiwasan o matatakasan. Katulad ng binyagan, kasalan, at buwis, bahagi ito ng ating buhay. Anumang may buhay na ipinanganak, ay nakatakdang pumanaw. Dangan nga lamang, bihira sa atin ang humaharap at tinatanggap na ang paglisan dito sa mundo ay tila hindi mangyayari. Laging abala at nalilibang, hindi inaalintana na sa anumang sandali . . . maaaring maganap ito.

   Ito ang katotohanan, sa sandaling tayo’y ipanganak . . . lahat tayo ay laging nasa hukay ang isang paa, anumang sandali, sa isang kisapmata o pagkurap . . . ang lahat ay matatapos. Kaya, maging nasa dapithapon ka na at malimit ay hawak ang bibliya na mistulang nagrerepaso sa haharaping huling eksaminasyon o maging nasa umaga at katanghalian ka ng buhay, para sa iyo ito. Narito ang makahulugang mga panghihinayang na kinakailangang masagot ng bawa’t isa sa atin. Hindi pa huli ang lahat upang ang mga ito'y hindi maisakatuparan.

   Lantarang ipinapahayag at kadalasang sinasambit ito ng matatanda na may panggigipuspos at kasabay ang paulit-ulit na pag-iling ng kanilang mga ulo: ang mga ito ay:

1-  “Sana . . . nagkaroon ako ng katapangan na maipamuhay ang nais kong buhay na totoo ako sa aking sarili, hindi ang klase ng buhay na inasahan sa akin ng iba.”

2-  “Sana . . . hindi ako masyadong nagpakagumon sa pagtatrabaho, at nadulutan ko ng maliligayang sandali ang aking pamilya.

3-  “Sana . . . naging matapang ako na ipahayag ang aking niloloob at nagpapahirap ng aking kalooban kahit kanino.”

4-  “Sana . . . habang buhay pa ang aking mga magulang, napag-ukulan ko sila ng pagpapahalaga, naipasyal, napaligaya, at ibayong pinasalamatan na ako’y naging anak nila.

5-  “Sana . . . binigyan ko ng mahahalagang sandali ang aking mga kapatid bilang pagpupugay sa aking mga magulang, sapagkat ang kanilang kaligayahan o maging kapintasan man ay malaking bahagi ng aking pagkatao.”

6-  “Sana . . . kaysa nag-aksaya ako ng panahon sa mga walang katuturang mga libangan at mga bagay, itinuon ko na lamang ang aking panahon na maging huwaran at sa paghubog ng magagandang asal para sa aking mga anak.

7-  “Sana . . . kaysa naluma at natapon lamang ang mga bagay na hindi ko na kailangan, naipagkaloob ko ang mga ito sa mga nangangailangan.

8-  “Sana . . . nakapag-ukol ako ng tamang atensiyon at matalik na pagpapahalaga sa aking mga tunay na kaibigan.” 

9- Sana . . . bilang bahagi ng aking pamayanan, nakapaglingkod ako kahit na mumunting mga bagay ito . . . ay nakagawa ng kaibahan sa buhay ng iba.

10-  “Sana . . . nagawa kong maging masaya sa bawa’t sandali ng aking buhay.”

Sana . . .  ay mapatawad ako ng Panginoon sa nagawa kong mga pagkukulang.  . . . SANA.

-------
Sa panahong ito ng kapaskuhan at nalalapit na panimula ng bagong taon, minsan pa nating balikan ang nakaraan at apuhapin ang nakaligtaang mga mahahalagang sandali. At kung papaano sa kasalukuyan, ay magawa nating mabago at mapalitan ang mga pagkukulang na ito para doon sa mga kapiling pa natin na mga mahal sa buhay. Marapat lamang na ituon natin ang ating ibayong atensiyon at mga priyoridad doon sa mahahalaga sa atin. Alalahanin lagi na ang bagay na hindi mo pinahalagahan, ikaw ay iiwanan. 

   At . . . huwag kalilimutan, "Palaging nasa huli ang pagsisisi at ibayong panghihinayang."

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

 

No comments:

Post a Comment