Friday, December 09, 2011

Bungisngisan #005

Mapagbirong Asawa
May isang mapagbirong lalake na tuwang-tuwa sa pagkakaroon ng walong anak. Sa kayabangan niya na matawag na isang barako, sinimulan niyang tawagin ang kanyang asawa ng "Nanay ng walo!" Kahit na matindi ang pagtutol ng asawa ay walang humpay pa rin niya itong tinatawag nang malakas, na "Nanay ng walo!"
   Isang gabi, dumalo sila sa isang malaking pagtitipon. Maraming nagdatingang bisita ang kakilala ni Mister. Kamustahan at huntahan ang namagitan kasama na rin ang madalas na pagbanggit ng "nanay ng walo" kapag may nagtanong tungkol kay Misis. Matapos ang kasayahan ay nagpasiya ang lalaki na umuwi na sa kanilang bahay, at nais niyang malaman kung nais na ring makauwi ng kanyang asawa na abala noon sa sariling mga amiga. Hinanap si Misis, at nang hindi makita, katulad ng nakagawian ni Mister, ay malakas na sumigaw muli ito ng; "Nanay ng walo!Nanay ng walo! Nasaan ka?" Mayabang at nananadyang ipinaparinig pa ito sa mga tao na may pakindat-kindat pa sa isang mata. "Puwede na ba tayong umuwi, Nanay ng walo?
   Napahinto sa tsismisan si Misis, tumindig at kinawayan si Mister sabay inilagay ang kanang hintuturo sa kanyang nakatikom na na mga labi. “S-h-h-h-h-h-, nariyan na ako.”
   Subalit nagpatuloy si Mister nang makitang nakatingin sa kanila ang maraming bisita. “Bakit , Nanay ng walo? Tototo naman, ahhh.”
   “S-h-h-h-h-h-h-” Nakakunot ang noo na nakikiusap si Misis, “Huwag kang sumigaw at palapit na ako.”
    “Oo, na, “Nanay ng walo, magpaalam ka na at uuwi na tayo, Nanay ng walo!Nakapameywang na pagyayabang ni Mister at iniliyad pang maigi ang dibdib sa mga tao.
   Sa matinding kahihiyan at pagkainis sa asawa, at sa kawalan ng respeto sa kanya ng nagyayabang na Mister, ay hindi na nakatiis pa si Misis at mabilis na sumagot ito ng pahiyaw din, "Anumang sandali na nais mo, 'Tatay ng lima!"



No comments:

Post a Comment