Wednesday, December 07, 2011

Ang Pagiging Masikap at Masinop



Ang Tagubilin sa isang Mangangalakal

Sa aking kaibigan, A.B.: 
   Tulad ng iyong inaasahan mula sa akin, ay isinulat ko ang mga sumusunod na mga pahiwatig, na nakakatulong sa akin, at kung mapapairal, ay ganoon din mangyayari sa iyo.


 Pakatandaan na ang panahon ay salapi. Siya na kumikita ng 200 piso isang araw (₱200/day) sa kanyang gawain at walang ginawa sa loob ng kalahating araw, ang kanyang dapat kitain ay naging kalahati lamang. Mistula niyang ginastos ang 100 piso sa hindi paggawa, at masasabing naaksaya at itinapon ito.





Pakatandaan na ang pagkakautang (credit) ay salapi. Kung sakaliman ang isang tao na dapat magbayad ng utang ay hinayaan itong hindi nababayaran, kailangan dagdagan niya ito ng patubo (interest), kahalintulad kung ito ay nasa aking kamay at nagagamit ko na pagkakakitaan. Ang salaping ito ay mahalagang nagagamit sana ng inutangan, subalit nananatili lamang na nasa kamay ng umutang at hindi napapakinabangan ng nagpautang.



Pakatandaan na ang salapi ay mabunga, at likas na yumayabong. Ang pera ay nanganganak ng pera, at ang anak nito ay manganganak muli, at sadyang patuloy na nagtutubo. Ang limang piso ay magiging anim na piso; muli ito’y magiging pito at magiging tatlong ulit, at nagpapatuloy hanggang maging 100 piso (₱100). Hangga’t marami kang piso ito ay magbubunga pa ng marami, kung kaya’t ang pakinabang o tubo ay pabilis nang pabilis. Siya na nagkatay ng inahing baboy o maging ng inahing manok, ay pinuksa ang kakayahan nitong manganak ng mga biik o ang mangitlog ng mga sisiw na magbubunga ng libu-libong henerasyon ng mga ito. Siya na kumitil ng isang pagkakakitaan ay pinuksang lahat ang mga pagkakakitaan na magaganap mula dito, kahit na maging karampot o madalang ang kinikita. Mabuti na ang mayroon kaysa wala, dumating man ang mga kagipitan ay mayroon kang madudukot na makatutulong sa iyo.


Pakatandaan na ang 430 piso (430.00 = $10.00) sa isang taon ay isang piso at beinte sentimos lamang sa isang araw (1.20/day). Magastos pa ang isang boteng Coke kaysa dito. Malaki ang nagagawa ng apat na raan at tatlumpong piso sa panahon ng kagipitan. Subalit ang maliit na halagang ito (₱1.20) ay natatapon lamang nang hindi namamalayan sa kung anu-anong gastusin. Sa taong naiintindihan ito, isang malaki itong halaga na mapagtutubuan kung maipupuhunan sa isang negosyo at patuloy na kumikita.

   Kung sakaliman na nangangati ang iyong kamay at nais mong gastusin ang iyong buong dalawampung piso sa hindi nakalaang gastusin, mangyari lamang na tiklupin pa itong minsan sa portamoneda (wallet) mo. Ang nagastos o naiwalang pera ay nagtamo lamang ng panandaliang kasiyahan. At ito’y naglaho na at wala na itong magagawa kailanman para sa iyong kapakinabangan. Higit na mainam na may dalawampung piso ka sa lukbutan kaysa walang laman ang bulsa mo. Hindi mo ba napapansin, yaong magagarbo at maluluho, na madaling dumukot sa bulsa at manguna sa pagbabayad (kapag nakaharap ang mga kasama) ang mga walang pera? Subalit yaong mga may salapi, ay mapag-isip at sa makabuluhang bagay at pangyayari lamang nakalaan ang kanilang mga gastusin. Kaya nga, patuloy ang kanilang pagyaman, . . . at patuloy din ang matinding kahirapan doon sa mga hangal at mayayabang. Ito ang isang sanhi ng lumalaking agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap.

   Higit namang nakapanlulumo ito, na ang kaunting kinita ay isusugal pa sa walang katiyakan.
Nadinig ko ito: Sa sugal; kung hindi ka mandadaya, huwag ka nang magsugal, dahil laro ito na may pandaraya. Ang pera ay hawak mo na, bakit nais mo pang ipagsapalaran ito sa walang katiyakan?


Pakatandaan ang kawikaang Inggles, “The good paymaster is lord of another man’s purse.” Siya na kilala na marunong magbayad at nasa tamang panahon gaya ng napagkasunduan, ay nakapagta-tatag na sa anumang panahon at pagkakataon; ay nadadagdagan ang pera at naihahanda ang kaibigan sa maipapautang. 

 Napalaking bagay ito na mapag-gagamitan. Matapos ang pagiging matipid at palagiang masinop, wala nang makahihigit pa na makapag-aambag sa pagpapalawak ng kaisipan ng isang kabataan ang katalinuhan sa kanyang pamumuhay, kundi ang kaagapan (punctuality) at katarungan (justice) sa lahat ng kanyang pakikipag-kasunduan (dealings); kung kaya’t huwag kailanman na pabayaang nasa iyong kamay ang perang inutang nang mahigit sa isang oras gaya ng iyong ipinangako, at mawalan ng tiwala ang iyong kaibigan at hindi ka na pautangin pa kailanman. “Ang isang taong mahusay na magbayad ay pabrika ng pera sa alkansiya ng nagpautang.”


 Ang pinakawalang saysay na pagkilos na nakakaapekto sa kredito ng isang tao ay kailangang bigyan ng pagpapahalaga. Ang tunog ng pukpok ng martilyo sa madaling araw o alas nuwebe ng gabi na naririnig ng nagpautang ay nakapagpapagaan sa kalooban nito, subalit kung mababalitaan niyang nasa bilyaran ka, o nasa sugalan, o dili kaya’y nasa isang bar at naglalasing, sa halip na nasa trabaho, maniningil kaagad ito kinabukasan, makikiusap na magbayad ka kaagad kahit na hulugan at paunti-unti (by installment), bago niya matanggap ang kabubuang halaga. At isumpang huwag ka nang pautangin pa. Dahil, pagmumulan lamang ito ng hidwaan sa paniningil na karaniwang humahantong sa matinding alitan at hiwalayan.

   Kung marunong kang magbayad, nagpapakita ito kahit papaano na may pagpapahalaga ka sa iyong inutang; nagagawa nitong maging maingat ka at matapat ding tao, at ito’y nagpapataas ng iyong kredito o kakayahang magbayad.

   Tukso nga ng kaibigan kong Tsino, “Ikaw utang, ako bigay. Ikaw di bayad, ako singil sa’yo. Pag ako singil, ikaw masyalo ka galit, pag di ka bayad, ako masyalo din galit.  Buti pa, di ako pautang, ikaw lamang galit.  . . . Ako . . . hindi galit.”


Ingatan na isipin na sa iyong lahat ang hawak mong salapi at may karapatan kang gastusin ito sa anumang naisin mo. Isa itong malaking pagkakamali na kadalasan ay nagpapahamak sa mga umuutang. Para maiwasan ito, maglaan lamang ng eksaktong halaga sa bawa’t sandali na may pagkakagastusan, kailangang nakabalanse ang mga gastusin kumpara sa kinikita. Kung mahirap na gawin ang mumunting paglilista ng mga biglaang gastusin, ang mga ito sa kalaunan, ay may malaking kapinsalaan. Matutuklasan mo sa huli na ang bahagyang mga gastusin kahit na maliliit na halaga lamang; kapag pinagsama-sama ay nakalulula ang kabubuan. At mapaglilimi na sana’y naiwasan ito at naipon para sa hinaharap at hindi nagstos ng pabigla-bigla sa hindi napaglaanang gastusin, na humantong sa malaking panghihinayang.


Sa ating madaling ikakaunawa, ang landas patungo sa pagyaman, kung hahangarin mo ito, ay napakasimpleng paraan para ka magtagumpay sa pamilihan o merkado. Nakadepende lamang ito sa dalawang mahahalagang kataga: sa pagiging masikap (industry) at matipid/masimpan (frugality); ito’y yaong, hindi mo itinatapon at inaaksaya ang iyong mga mahahalagang sandali at maging ang salaping pinaghirapan doon sa walang mga kapakinabangan, at sa halip doon lamang sa kumikita ka at nagpapaunlad para sa iyong kapakanan (benefits & welfare). Kung walang kasikapan at katipiran; walang kaunlaran, at kasama dito ang lahat ng bagay na magpapaligaya sa iyo.. Siya na kumikita at masigasig na iniipon ang lahat ng kinikita (matapos na mabayaran ang lahat ng mga gastusin), at nagagawang paramihin ito ay may katiyakan at nakatakdang yumaman. 

   Kung ang Dakilang Maykapal na siyang nangingibabaw sa daigdig, na kung saan lahat tayo ay naghihintay ng pagpapala sa ating matapat at mataos na pagsisikap sa mga gawain, ay hindi, sa Kanyang matalinong paggawad ng kasaganaan, ang mag-aatubiling igawad ito sa atin. Sapagkat habang may pananalig ka, ang lahat ng iyong mga ginagawa ay nakatakdang pagpalain. Ito’y nasusulat at tahasang magaganap sa iyo.

ISANG MATANDANG MANGANGALAKAL,
(Benjamin Franklin)

 -------
Hinango ito sa isang liham niya sa isang kaibigan, subalit dinagdagan, pinalawig, at inilapat sa ating kamalayang Pilipino. Iniliham ito noon pa at ayon sa kanilang kultura at mga kaugalian. Ang layunin nito’y upang higit nating maunawaan ito para sa ating makabagong panahon at kabatiran ng pagiging tunay na Pilipino.

Mabuhay ang mga tunay na Pilipino na masikap at masinop!

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan



No comments:

Post a Comment