Sabihin mo sa akin kung sino ang mga kaibigan mo, at sasabihin ko
sa iyo kung sino ka.
21- Italaga na makiumpok at nakikiisa sa mga taong
nakakatulong at nagpapahalaga sa iyo.
Dalawa
ang pangunahing pagpili sa buhay: tanggapin ang kinasadlakan mo bagama’t walang
mainam na pagbabagong nangyayari, o tanggapin ang katotohanan na
responsibilidad mo na paunlarin ang iyong sarili. At magaganap lamang ito kung sadya kang
mapili sa mga taong nakapaligid at nakakasama mo sa araw-araw.
Narinig na natin ito, “Huwag isama ang bulok na mangga sa kaing ng mga mangga at
mahahawa pa ang iba.” Sa lahat ng larangan o anumang aktibidad; tulad ng mga
manlalaro sa basketbol, mga kasapi ng samahan, o maging grupo na kalahok sa
paligsahan, sila ay magkakasama bilang kaisang-pangkat. May pagkakaisa, bayanihan at
nagtutulungan. Masusing pinapangalagaan ang reputasyon ng samahan, subalit
mayroon pa ring lumilitaw sa samahan na may sariling agenda o nakatagong paghahangad. Ito ang ‘bulok na mangga’ na nakakaapekto sa
lahat, mapanira at lumalason sa moral ng buong samahan. Hangga’t maaga
inihihiwalay na ito para hindi makasira sa pangkat.
Iniiwasan
ang mga ganitong tao,
sa halip na makatulong ay siya pang nakakasira. Aliwan na nila ang manibugho,
mainggit, mangutya at manira ng kapwa. Mabait sa harapan ngunit traydor sa likuran. Walang
paggalang sa pagkatao ng iba, makuha lamang ang hinahangad na kapakinabangan o
kasikatan. Ang ganitong mga uri ng tao ay tinatakbuhang palayo, dahil aliwan na nila ang maghanap ng karamay.
Kung ang
kapasiyahan mo ay sumunod na lamang sa agos, alalahanin na ang
ragasa nito ay pababa at hindi pasalunga, na kadalasan ay tinatangay ang mga
basura sa dinadaanan at mga kapaitan sa buhay. At sa katapusan, magigising ka
na lamang na ginagawa din ang mga gawain ng iba na iyong sinamahan.
Malaya tayo na
piliin ang
matuwid na landas, at makakamtan lamang ito sa mga matutuwid na tao. Kung nais
mong makatiyak ng tagumpay, palibutan mo ang iyong sarili ng mga matatagumpay
na tao. At kung nais mo naman na pawang kabiguan ang laging makamit, luminya ka
at makisama sa mga taong may galit sa mundo, paladaing, mapagpuna, mahilig sa tsismis at mga
panooring walang katuturan. Sila ay mga palaasa at tinanggap nang kusa ang kawalan ng
pag-asa.
Huwag pansinin
ang pangungutya ng iba na hindi ka marunong makisama, sistema lamang
nila ito para ka makiramay sa kanila. Hindi mo makakayang baguhin ang kanilang
pag-iisip, ang bagay na may kontrol ka lamang ay sa iyong sarili. Pupunahin at pipintasan ka na makasarili sa iyong mga pag-iwas sa kanila at wala kang
magagawa para dito. Ang makakaya mo lamang ay pagpasiyahan kung papaano mo
ipamuhay ang tamang buhay na nakatakda para sa iyo. Tandaan: Lahat tayo ay
mayroong kapasiyahan na piliin kung sinong mga tao ang ating sasamahan at magiging
karelasyon. Sa katapusan, ang mga pagpili na ito ang lumilikha kung sino tayo
at kung ano ang ating magiging kapalaran.
Sa relasyon, dalawang pagpili lamang ang
nakalaan para sa iyo: Una, sa
kapaligirang nakagisnan mo, ay maging katulad ka nila, kusang tagasunod at umaayon ka na magustuhan
ng lahat. Pangalawa, ang maging ikaw
sa nais mong uliran na pagkatao at makagawa ng kaibahan sa iba. Mapabuti o mapasama, ito'y katulad ng
rumaragasang ilog, patungo lamang sa isang direksiyon at hindi ka na
makakabalik pa.
Bakit? Sapagkat anumang naikintal at naihinang
mo sa iyong kaisipan ay mahirap nang mabura, mangangailangan ito nang matinding pagbabago ng ugali, para mawasak at maglaho ang dating ugali. At sa puntong ito,
napakarami sa atin ang walang kakayahan at higit na ipinagpapatuloy ang
nakasanayan at nakahumalingan na.
Kung mapili tayo sa ating mga relasyon; ang ating koneksiyon sa ating mga mahal sa buhay, mga kaibigan, at mga kasamahan ay nagiging malalim, matalik at makahulugan. Nagagawa nito na maging busilak at wagas ang ating mga relasyon sa kanila, at nagpapalakas ng pagtitiwala sa ating mga sarili.
10 Mga Kahalagahan ng Relasyon sa Pamayanan
1- Mabuti ito para sa iyong kalusugan. Ipinapakita sa mga pag-aaral na
ang pagkakaroon ng isang mabuting pangkat o samahan ay malaki ang naitutulong
sa iyong buhay, nagpapanatili ito ng iyong kalusugan, at inilalayo ka sa
pagkabagot, paghina ng isip at depresyon.
2- Nakakatagpo ka ng mga bagong
kakilala.
Pinalalawak nito ang iyong sirkulo ng mga kaibigan at pinalalakas ang iyong
inpluwensiya sa pamayanan. Malaki ang naitutulong nito para mapanatili mo ang
iyong kahalagahan at mga pagkakataon kung may mga pangangailangang dumarating
sa iyong buhay.
3-Nakakaroon ka ng mga
bagong kaibigan.
May mga pagkakataon kang makakilala ng mga kaibigan na makikipagtulungan sa iyo
sa mga gawaing makabuluhan at nakakatulong sa samahan pati na sa iyong sarili.
4- Natututo ka ng mga bagong kakayahan.
Sa
pagbu-boluntaryo sa mga serbisyong pambayan ay nagagawa mong mapag-aralan ang
gawaing nakaatang sa iyo. Bilang miyembro ng komite – natututo ka ng publikong
pamamahala, pagplano sa negosyo, pagpapairal ng mga alituntunin ng samahan,
atbp.
5- Mabuti
ito para sa pamayanan.
Hangga’t maraming tao ang nagtutulungan sa mga gawain, natututuhan nilang
maging pamilyar kung papaano ginagawa ang mga bagay sa kanilang kapaligiran,
lalong dumarami ang nagnanais na makiisa at makipagtulungan sa ikakaunlad ng
komunidad.
6- Masusundan mo ang iyong mga interes o kinalulugdang mga bagay.
Anuman ang iyong kinagigiliwang magawa o libangan, mayroon ding mga tao na katulad
ng iyong interes at nagnanais na makipag-ugnayan para dito. Sumapi sa grupo ng
mga ito para masuportahan ang bawa’t isa at maibahagi ang iyong pasiyon.
7- Mapapaganda mo ang iyong mga
katangian. Kung
kasapi ka sa isang organisasyon at humahawak ng posisyon, karagdagang
inpormasyon ito sa iyong mga kuwalipikasyon at reputasyon. Magagamit mo itong
batayan sa paglipat o sa pagkuha ng bagong trabaho para malaman ang iyong
makabuluhang paglilingkod sa pamayanan.
8- Napag-aaralan mong maging matibay at
matatag. Sa
karanasang natututuhan mo sa bayanihan o pagtutulungan sa komunidad, lumalawak
ang iyong karapatan at inpluwensiya sa mga naka-posisyon sa pamahalaan at nanunungkulan
para pakinggan ang iyong mga hangarin na makatulong sa komunidad.
9- Makakagawa ka ng kontribusyon. Bilang mamamayan, ang makagawa
ng kaibahan sa iyong mga kababayan, kapaligiran, at pamayanan ay isang dakilang
misyon sa ikakaunlad ng bawa’t isa.
10-Mabuti ito para sa
ating bansang Pilipinas.
Kailangan natin ang isang malakas at makapangyarihang lipunan para sa lahat, na
kung saan ang pamahalaan at pangangalakal ay nagtutulungan at hindi pinatatakbo
ang bawa’t bagay, at mayroong sambayanan na may kanya-kanyang organisasyon para
sa mga lunggati na nagpapaunlad ng mga pamayanan.
Hindi mo magagawang magpatuloy na tahakin ang matuwid na landas at
makarating ka sa baluktot na destinasyon. Malinaw na piliin ang mga taong makakasama mo sa
iyong paglalakbay, nasa iyong mga tamang pagkilos ang tunay na repleksiyon ng
iyong mga lunggati.
Kung may mga katanungan, ay may mga kasagutan.
- Pinipili mo ba
ang iyong kakilala base sa kanilang maitutulong sa iyo?
-Nagbibigay ka
ba para may makuha? At umaasang may kapalit o kabayaran ang nagawa mong
pagtulong?
-Naniniwala ka ba na kaya ka gusto ng ibang
tao ay dahil sa mga ibinibigay mo sa kanila?
-Hangga’t maaari
ayaw mong tumanggap ng anuman sa iba, dahil nangangamba ka bang magkautang ng
pabor sa kanila?
-Hindi ka ba
panatag hangga’t wala kang kontrol sa asal ng iba?
-Nag-aaksaya at
kinakarkula mo ba kung papaano mapapasunod ang iba nang naaayon sa iyong
kagustuhan?
-Napapabayaan mo
ba ang iyong sarili sa pag-aasikaso sa kapakanan ng iba?At ibayong iniisip ang
kanilang mga problema sa araw-araw?
-Napipilitan ka
bang magbigay kapag ikaw ay nahilingan?
Matapos ang maghapon; ang mainam na
katanungan sa ating sarili, ay ang magtatakda sa uri ng mga taong kasalamuha natin
ngayon, na siyang magiging uri ng pagkatao natin. Nagiging interesado lamang tayo
sa kanila kapag ang kanilang asal ay ginising ang katulad na asal na tinataglay
natin. Madali na ang magpasiya kapag batid natin kung ano ang higit nating
pinahahalagahan sa buhay.
Tagumpay o Bigo? Panalo o Talo? Masaya o Malungkot? Kaligayahan o
Kapighatian?
Alinman
dito, ay nasa iyong kapangyarihan ang pumili. At ito ang iyong magiging
kapalaran.
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Subaybayan ang 31 na
mahahalagang mga paksa:
Matatag
na Sariling-Pugay at Tanging Pag-ibig
No comments:
Post a Comment