Thursday, December 01, 2011

Nasa Tamang Pagkilos Lamang


   Maraming ulit, sa ating pag-iisa ay sumasagi sa ating kaisipan ang tungkol sa ating buhay. Bakit nga ba tayo ay lumitaw sa mundo at para saan? Ano ba talaga ang ating layunin?  Samutsaring mga kadahilanan ang laging umuukilkil sa ating diwa kung bakit kinakailangang patunayan natin , ang . . . bakit nga ba?

   Noon, pinag-isipan ko kung papaano ipapaliwanag ang pagkakaiba ng mga pangungusap na ito; “Ako’y nabubuhay para kumain.” At ang “Ako’y kumakain para mabuhay.”  Ang kasagutan dito ay nasa tamang pagkilos. Malaki ang pinagkaiba ng ‘nabubuhay’ kaysa ‘kumakain.’ Sa una, ito’y tungkol sa buhay, kailangang kumain upang patuloy na mabuhay at gawin ang layunin ng pagkakalitaw sa mundo. Dito sa huli, nakaukol lamang sa palagiang kumakain, para mabusog at huwag mamatay. Ito'y katulad ng malaking kaibahan ng tao (palaisip) at hayop (palakain).

   Sa buhay, hindi natin higit na sinasamantala ang mga pagkakataon  na patuloy na dumarating sa atin. Anumang paghihirapan ay iniiwasan, balewala, at walang gaano mang pagpapahalaga, ‘mangyari na ang dapat mangyari.’ Bahala na! Basta may makakain, may maigsing kumot, at kaunting bubong, ayos na ang buto-buto. Malaki ang ating pagtitiwala na tila wala ng katapusan ang ating paglitaw sa mundo. At ang hinhintay na kapalaran ay darating din sa wakas. ‘Kung talagang para sa akin, makakamtan ko ito.” Kaya . . . patuloy na umaasa at naghihintay. Bihira nating maisip at iniiwasan na may darating na pagpanaw. Hangga’t maaari, wala sa ating bokabularyo ito at ibayo pang kinakatakutan; kapag kamatayan din lamang ang pag-uusapan.  Subalit, sa ayaw man o ibig natin; darating ito sa anumang saglit. Walang katiyakan ang sinuman sa atin kung kailan, anong araw, at anong oras. Kaya patuloy lamang tayo sa pagkukunwari, na para bang wala na tayong kamatayan. Gayong lahat tayo ay dito patutungo.

   Ngayon, sa paglalakbay na ito patungo sa ating huling hantungan, hindi ba nararapat lamang na maging maunlad at maligaya tayo? 

   Balikan nating ang nakaraan, noong magsimula tayo, bilang mga paslit. Lumaki tayong pinag-aaralan ang lahat, ang mga bagay, ang ating mga kapaligiran, naranasan natin ang manalo at matalo, ang tagumpay at kabiguan. Maraming mga mapanghalinang aliwan ang umakit sa atin, at marami din ang nalulong at napahamak dito.  Marami ding ulit na naging masaya, tumawa, at humalakhak , at marami ding ulit na lumuha, umiyak, at humagulgol. Naging dalaginding at binatilyo, naging dalaga at binata, at kalauna’y ang buhay may-asawa. Naging mga magulang at nagkaanak, at sa dakong huli ay naging lola at lolo . . . at gaya ng inaasahan ay magpapantay ang ating mga paa bilang tanda na ang ating misyon sa daigdig ay natapos na.

  Ang tanong, natupad ba? Yaong kapag humarap ka sa Dakilang Lumikha at tanungin sa iyo kung ano ang ginawa mo kay; _________(pangalan mo)_______, bilang pag-uulat ng iyong mga nagawang kabutihan at kaligayahan para sa iyong sarili noong ikaw ay nasa lupa pa, ano ang isasagot mo?

   Ang nga ba ang mga nagawa mo na, . . . na ikararangal mo?

   Sa kabubuang ito, napakaraming mga bagay ang napalampas natin, at sa huling paghinga doon lamang natin naa-alaala, datapwa’t huli na ang lahat. “Laging nasa huli ang pagsisisi!”

   Marami tayong mga pangarap, dangan nga lamang lagi tayong bumabagsak sa patibong (trap) at hindi na tayo makaalis sa ating kinasadlakan. Mistulang kumunoy na habang nagpupumilt kang makaalis lalo kang lumulubog. "Kung saan nadapa, doon bumabangon." Bihira ang gumagapang at umiba ng pook at doon tumindig. Kadalasan ay tinatanggap na itong kapalaran, dahil wala tayong sapat na kaalaman upang malagpasan ang mga pagsubok na ating kinahaharap. Sa halip na lumaban, pinoprobrema natin ang mga ito. “Problema na pinoproblema pa.” Ang alam lamang natin ay mahalaga ito, hindi kung ano . . .  ang higit na mahalaga at dapat mailagay sa prioridad, o ang mapabilis ang paglutas.

   Lahat tayo ay nagnanais na maging maligaya. Subalit kung hindi natin nalalaman kung ano ang talagang kaligayahan ang nararapat para sa atin, mananatili tayong naghahanap palagi sa kawalan. At pawang kabiguan lamang ang ating masusumpungan.

   Ang buhay ay hindi isang diretsong guhit na susundan mo mula sa pagka-panganak hanggang sa pagpanaw. Marami itong pataas at pababa na patuloy sa pag-ikot, tulad ng isang gulong. 

   Kung magbabasa ka ng isang pangalan ng tao sa lapida doon sa sementeryo, matutunghayan mo ang araw ng kapanganakan at araw ng kamatayan niya. Sa gitna nito ay may gitling (dash), ito ang kabubuan kung anong nangyari sa tanang buhay niya noong nabubuhay pa siya. Malalaman dito kung mayroon siyang naging mga lunggati at dakilang adhikain sa buhay; at kung nagtagumpay siya para dito.

   Ang gitling ang batayan kung anong uri ng gawain ang pinagkaabalahan niya; saan siya naging higit na interesado? Ano ang nagpakasaya sa kanya?  Ano ang  pinili niyang mga tamang kapasiyahan? Ano ang nagbigay sa kanya ng higit na kaligayahan at anong pagtrato ang iniukol sa kanyang pamilya? Naging huwaran naman ba siyang mamamayan sa kanyang pamayanan? Kung tatanungin ang kanyang asawa at mga anak, pawang mga paggalang at pagpuri lamang ba ang maririnig mula sa kanila? O, ang kabaligtaran na pawang mga karaingan at matinding pagkasuklam sa kanya? Sino nga ba siya?

Ito ang kailangan nating masagot, bago mahuli ang lahat. Kung ano ang ating isinusulat sa ating ‘gitling’ na ito.

   Alam natin na isang buhay lamang ang ipinagkaloob sa atin dito sa lupa, at anumang nakaraan ay lipas na at hindi na muling mababalikan pa. Isang buhay, isang karanasan, at isang alaala na lamang. Wala ng iba pa. Hindi ba makatarungan, at tamang bigyan naman natin ito ng higit na pansin,  . . . bago mahuli ang lahat?

Ano nga ba ang uri at tipo ng gitling mo?

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


No comments:

Post a Comment