Sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat nakatanggap ka ng paglingap sa Diyos. At ngayon, maglilihi ka sa iyong sinapupunan at magsisilang ka ng isang anak na lalaki, at tatawagin mo siya sa pangalang Jesus. Siya ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan.” Lucas 1:30-32
Isang Wagas na Pagdakila
Ipinanganak Siya sa isang di-kilalang nayon
na anak ng isang magbubukid na babae.
Siya ay lumaki sa isa pang di-kilalang nayon
na kung saan Siya ay nagtrabaho sa isang karpinteriya
hanggang umabot Siya ng tatlumpong taong gulang,
at matapos ito, sa loob ng tatlong taon . . .
Siya ay naging masidhing tagapagbalita.
Kailanman ay hindi Siya sumulat ng aklat.
Kailanman ay hindi Siya humawak ng isang opisina.
Kailanman ay hindi Siya nagkaroon ng sariling pamilya.
Kailanman ay hindi Siya nagkaroon ng sariling bahay.
Kailanman ay hindi Siya nakatuntong ng kolehiyo.
Kailanman ay hindi Siya nakapasyal
sa isang malaking lungsod.
Kailanman ay hindi Siya nakapaglakbay ng higit pa
sa dalawang daang kilometro mula sa pook
na kung saan Siya ay ipinanganak.
Hindi Niya nagawa ang mga bagay na nagagawa ng iba
na karaniwang pinagbabatayan ng kadakilaan.
Wala Siyang gaano mang mga kredensiyal kundi ang Kanyang sarili.
Tatlumpong-tatlong taong gulang lamang Siya
nang ang malawakang paghatol ng sambayanan
ay ituon laban sa Kanya.
Ang Kanyang mga kaibigan ay nagtakbuhan
at nangawalang lahat.
Ipinagkanulo Siya at isinuplong sa Kanyang mga kaaway.
At dumanas ng huwad at balatkayong paglilitis.
Ipinako Siya sa kurus sa pagitan ng dalawang magnanakaw.
Lahat ng paghamak at pag-aalipusta ay ipinataw sa Kanya.
May isang kawal ang nahabag,
at upang matapos ang Kanyang paghihirap,
ay tinuhog siya sa dibdib ng isang sibat.
Habang Siya ay naghihingalo . . .
Ang Kanyang mga mamamatay ay pinagsugalan ang Kanyang damit,
ang kaisa-isang pag-aari na mayroon Siya sa mundo.
Nang Siya ay patay na
Inilibing Siya sa isang hiniram na libingan
mula sa awa ng isang kaibigan.
Mahigit ng dalawang libong taon ang sumapit at nakalipas,
at ngayon si Jesus ay pangunahing sentro
ng sangkatauhan,
ang pinuno ng sangkatauhang pagluluwalhati.
Sa lahat ng mga sandatahang hukbo na kailanma’y nagmartsa
Sa lahat ng mga hukbong pandagat na kailanma’y naglayag
Sa lahat ng mga parliyamento at batasang na kailanma'y nagpulong
Sa lahat ng mga hari na kailanma'y naluklok sa kapangyarihan
na kung pagsasama-samahing lahat ang mga ito
Ay hindi nakaapekto sa buhay
ng sangkatauhan saan mang panig ng mundong ito
nang makahihigit pa sa . . .
ISANG SOLITARYONG BUHAY
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment