Friday, January 04, 2013

Isang Maluwalhating Pagbati

Pagsalubong at Pagpupugay sa taong 2013
Bilang pagdakila, minsan pa nating sariwain ang ating misyon sa blog na ito. Ang magdulot ng inspirasyon sa ating mga kababayan upang magkamulat at mapahalagahan ang kabubuan ng kanilang pagiging tunay na mga Pilipino. Talos kong isa lamang instrumento ang AKO, tunay na Pilipino, subalit bihira tayong makasumpong ng mga inpormasyon sa ngayon, na higit na tumatalakay sa ating pagiging Pilipino, laluna't nag-uukol ng muling paggamit at pagpapalaganap ng ating sariling wikang Pilipino.
Isa kong intensiyon ang lumikha ng isang larangan na kung saan ang maigting na interaksiyon sa pagitan ng mga Pilipino ay namamayani, na kung saan ang daloy ng enerhiya tungo sa Pambansang Pagkakaisa ay sumisigabo at namumulaklak nang walang hinto, at mabunga sa minimithi nating Kaunlaran, Kapayapaan, Kaligayahan, at Kaluwalhatian.
Ang blog na ito ay kumakatawan sa aking personal na mga karanasan, mga gawain noon at hanggang sa ngayon bilang propesyonal na manggagawa sa maraming panig ng mundo (Gitnang Silangan, Aprika, at Amerika) Napakarami kong tinahak na mga daan; bilang tagaguhit ng mga larawan sa aklat (book illustrator), tagadisenyo ng mga produktong komersiyal (commercial graphic designer) tagatatak (screenprinter), negosyante, naging pulis-Maynila sa panahon ng Batas Militar, manggawa sa ibayong dagat, aktibista, at tagasulong ng makabayan at makabuluhang mga adhikain sa ating bansa. At dito sa huli, ay nagpupumilit na makasulat kahit na walang kamuwangan sa larangan ng pagsulat. Paumanhin na lamang doon sa mga kritiko kung sakali mang nakakangilo at nahuhulog sa kanal ang mga linya ng aking panulat.
Kasama na rin dito ang makapagbahagi ng makabuluhang inpromasyon na gumigising at  nagpapakain sa mga palaboy na mga kaluluwa na tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan. Ang mga nakapaskel dito ay mga pambukas ng mga isipan, maaliwalas at nakakatulong na mga kaalaman, at malayang pangmasid sa tunay na kalagayan sa ating bansa.
Binibigyan ng kahulugan at naiibang mga istorya na may inspirasyon ang kabubuan ng ating pandama sa ating mga kapaligiran at pang-unawa sa takbo ng buhay. Sapagkat ang totoong buhay ay matatagpuan sa ating mga karelasyon; sa mga tao, sa mga pook, at sa mga bagay. Umaasa ako na makalikha ng relasyon at koneksiyon sa iyo sa kapaligiran ng mga ideyang ito, na nag-uumalab upang ganap nating makilala ang ating mga sarili bilang mga tunay na Pilipino.

Maraming salamat sa iyong matiyagang pagtunghay.

AKO pa rin,
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan




No comments:

Post a Comment