Saturday, January 05, 2013

Nasa Pagkamulat Lamang


“Maging pangahas, at ang nakakagulat na mga puwersa ay darating para ikaw ay tulungan.”


Ang Buhay ay mapang-anyaya at kung hindi ka nakahanda ay masalimoot. Sinuman ay hindi nakakaligtas sa mga hindi inaasahan. Marami ang nagsasabi na ito ay isang aksidente na kusang dumarating at niyayakap tayo upang hindi na makahulagpos pa. Subalit para sa akin, ito ay nasa ating pagpili lamang at mula sa kung anong bagay na pinilit nating isaisip at pinagtiyagaang isagawa. Gaya ng inaasahan, ito ang siyang nagtatakda ng ating kapalaran.
Pakatandaan lamang, sa anumang landas na tinahak ng bawa’t isa sa atin, ito ay sadyang naiiba at hindi magkakatulad. Ang nangyari kay Mario ay hindi katulad ng nangyari kay Delfin o maging kay Ramona. Ako ay naniniwala na ang paglalakbay ng bawa’t tao sa buhay na ito ay mayroong ganap na aspeto ng sansinukob. Sa lahat ng mga kultura, sa bawa’t rehiyon, o saan mang panig ng mundo at makasaysayang mga panahon, lahat tayo ay nagnanasa na makamtan ang mga kalidad ng katotohanan, pagmamahal, kapayapaan, at kaligayahan.  
Kailanman sa tanang buhay ko, hindi pa ako nakatagpo o nakasumpong ng sinuman na hindi bukambibig ang mga ito. Lahat tayo, ang mga ito ang pinakamimithi, ang magkaroon ng maaliwalas na pagtalunton sa buhay. Dahil ang mga bagay na ito ang pinaghalong mga sangkap na nagpapatibay sa ating wagas na tahanan at mahusay na paghalintulad sa likas nating pagkatao. May mga nagsaliksik at dinama ang sitwasyong ito, na kung saan ay mararanasan ang ultimong kaganapan ng mga kalidad na ito, at tinawag itong Paraiso. Maaari mong tawagin itong Kalangitan, at ang iba nama’y tinatawag itong Nirvana, sa mga Muslim ito ang Hardin ni Allah, o ang Pagkamulat, isang kundisyon na resulta mula sa mataas na antas ng serotonin sa utak, o dili kaya isang Disneyland para doon naman sa mahiligin sa pantasya. Nasa iyong pangmalas lamang kung anong tatak o tawag ang itutugma mo dito, hangga’t mayroon kang katawagan para sa ultimong manipestasyong ito para sa iyong kapakanan at kaligayahan, ikaw ay tumatahak sa tamang landas. Ito ang iyong pangunahing layunin, ang kilalanin at palayain mula sa iyong kalooban ang iyong tunay na pagkatao.

Kung iniisip mo naman na ikaw ay isang tsansa o nagkataon lamang ang pagkakalitaw sa mundong ito, na ang sansinukob ay walang kinalaman sa iyo, at hindi ka nilalang na may nakatakdang kapalaran na naghihintay lamang na iyong sungkitin, lahat ng iyong mga mararanasan sa buhay ay ito nga ang magaganap. At kung iniisip mo, na ang iyong sarili bilang epekto ng mapagmahal na sansinukob na walang pagmamalasakit sa iyo, ito nga ang iyong mararanasan sa tanang buhay sa ganitong paraan. Ang tawag natin dito ay inis-talo o may galit sa mundo.
Anumang nagaganap sa ating buhay, tayo ang pumipili kung papaano natin ninanais na isipin ang tungkol dito. Ang pinakamabisang handog na maipagkakaloob natin sa ating mga sarili ay ang ating kakayahan na baguhin ang nakaugalian nating mga maling paniniwala. Kahit na ito ang pinakamasaklap at nakakarinding karanasan o dili kaya isang kasumpa-sumpang sitwasyon, sapagkat mayroon tayong natatanging kapangyarihan na piliin ang higit na tama at nasa matuwid na paraan ang paniwalaan, ... na ang lahat ay posibleng mangyari, na ang mga bagay ay makakayang mabago, na ang isang milagro ay magaganap. At may kakayahan kang tuparin ito, ... kung nanaisin mo lamang.

Ang katotohanan ang siyang kalayaan, walang makakapigil o balakid na isipin at isagawa anumang iyong naisin para sa iyong kapakanan at kaligayahan. Ikaw lamang at wala ng iba pa ang responsable at may karapatan para sa iyong sarili. Hindi mo magagawa, kahit na anupaman, na gawing hindi totoo ang totoo, o patotohanan ang kasinungalingan. Ang sansinukob ay wagas na nagmamahal at nagmamalasakit sa lahat ng bagay tungkol sa iyo. At naghihintay lamang ito sa iyong pagkilos na apuhapin sa iyong kalooban ang binhing itinanim mula pa noong ikaw ay isilang. Ito ikaw, ang kailangan lamang ay ipakilala mo ito nang buong kaganapan, busilak at tunay na naglalarawan kung sino kang talaga.
Maraming nagmamahal sa iyo, at ang iyong layunin ay ang magmahal din. Dahil kung wala ito sa iyo, wala kang kakayahang magmahal. Hindi mo maaaring ibigay o ipagkaloob ang mga bagay na wala sa iyo. Kung puno ng pag-ibig ang iyong puso, narito ang kapangyarihang lumikha ng walang hanggang mga posibilidad para sa iyong buhay. Mayroon kang kapangyarihang isipin ang mga paraang nagdudulot at humahalina sa lahat ng pagmamahal sa mundo. Ang tawag sa kaisipang ito ay Pagkamulat. Ang Pagkamulat ay hindi isang proseso na kailangan nating gawin, bagkus isang pagpili na laging naghihintay anumang sandali.
Ang Pagkamulat ay siyang sagot sa bawa’t suliranin. Alalahanin lamang, ikaw ang lumilikha ng sarili mong daigdig. Saan ka man naroroon ito ang iyong paiiralin. Anumang iyong isipin, ito ang iyong gagawin, at sa kalaunan ay siyang nagtatakda ng iyong kapalaran. Sa pagtunghay sa buhay, ang wagas mong pagkatao ang siyang kusang maghahari at gumagabay kung sino ang magiging ikaw, kahit na anong pagsupil ang gawin mo tungkol dito. Dahil ito ikaw at iyong eternal na tahanan, na kung saan ang sansinukob ay nakaprograma na ipagkaloob sa iyo anuman ang iyong hilingin, saanman ikaw naroroon, kailanman na ikaw ay nangangailanganan, at sa anupamang kadahilanan, mula sa mga panghalina na ipinunla mo sa iyong isipan at nanatiling umiiral sa iyong puso.

At ito ay kung papaano ka kamahal at pinagpapala sa lahat ng sandali ng iyong buhay.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment