Thursday, January 17, 2013

Magsumikap upang Magtagumpay


Apat lamang ang mga hakbang para may matapos na anumang proyekto o matupad na pangarap: 1. Tahasang magplano; 2. Paghandaang mabuti; 3. Positibong pagtuunan; at 4. Puspusang pagsumikapan.

Tandaan na kapag nasa ibabaw ka ng talampas, mapagmamasdan mo ang kagandahan ng kaparangan. Ang kailangan lamang ay maakyat mo ang talampas upang ito’y mangyari. At kung may karuwagan ka, likas lamang na manatili ka sa ibaba at tumingala. At sa katagalan sa kalagayang ito, kapag lagi kang nasa patag na lupa, likas din na ikaw ay matapakan at gawing pamahiran ng mga nasa itaas kung pinapayagan mo ito.
Ito ay nakasulat: Walang mang-aapi kung walang nagpapaapi. At makatarungan ang ipaglaban mo ang iyong mga karapatan. Anumang bagay na nakapangyayari sa iyo ay hindi magaganap nang wala kang pahintulot. Ang iyong kalagayan ngayon ay resulta lamang ng mga pagpili at mga kapasiyahang ginawa mo kahapon. At kung nais mong mabago ang iyong hinaharap, sa araw na ito, ngayon... ay magagawa mo na.
Ang sekreto lamang ay matutuhan mo na tanggapin, na ang mga imposibleng bagay ay magagawa, kung puspusan itong pagsusumikapan. Hindi inaalintana ang mga kapaguran, at pawang sa mga makabuluhan lamang nakatuon ang kaisipan. Sapagkat yaong mga nagpupuyat lamang habang natutulog nang mahimbing ang iba, at gumagawa pa... samantalang ang iba ay tumigil na, ang may kakayahang magtagumpay.
Sa tagumpay – gawin ang lahat sa abot ng makakaya, saan ka man naroroon, at anuman ang mayroon ka. Kung may tiyaga, ay may nilaga. At kung magkapatid ang masikap at maagap, mag-ama naman ang masikhay at tagumpay.
Alalahanin: Kapag nais ay may paraan, at kung ayaw ay may dahilan.



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment