Sunday, January 13, 2013

Papaano na Tayo Ngayon?



 
Kung walang kikibo, lahat tayo ay kasangkot.

Halos 2,000 taon na ang nakalipas nang isang grupo ng mga tao ang lumapit kay HesuKristo, at may intensiyong subukan Siya at malagay sa kahihiyan, sa tusong kahilingan sa Kanya na magpakita ng tanda para patotohanan na Siya na nga ang binibigkas Niyang Siya. Ang kanyang tugon, nakasulat sa Mateo 16: 2-3, ay hindi katulad nang kanilang inaasahan.
2 Sumagot Siya at itinugon sa kanila: Kapag ito’y takip-silim na ang sabi ninyo ay, ‘Ito’y magiging kaaya-ayang panahon: sapagkat mapula ang langit.’
3 At sa umaga, ‘Sa araw na ito’y magiging maunos na panahon: sapagkat mapula ang langit at nagbabanta.’ Kayong mga ipokrito, nakikilatis ninyo ang mukha ng langit, subalit hindi ninyo makilatis ang mga tanda ng mga panahon.”

Nakapagpakita na si Hesus ng maraming dakilang milagro, at wala silang bahid ng pag-aakala na sila’y namulat. Ang katibayan ay naroon na, ngunit tinatanggihan nilang tanggapin ito. Kung kaya’t tinawag sila nang nararapat para sa kanila –mga ipokrito at mga mapagkunwari. At ipinaalam Niya sa kanila ang resulta ng kanilang kawalan ng paniniwala. Ang kakulangan ng kanilang ispiritwal na pang-unawa, na binanggit ni HesuKristo sa kanila, ay nagawang bulag sila sa dapat na makita. Ang mga tanda ng mga panahon ay naroon, subalit minabuti pa nila na manatiling itinatatwa ito. Patuloy na tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan. Lubhang mga bulag, mga bingi, at mga pipi. Sa kabila ng mga nagdudumilat na mga katotohanan sa kanilang mga kapaligiran.

Ang hindi maniwala at kawalan ba ng ispiritwal na pang-unawa ay nakapagdudulot sa atin na maging bulag sa mga panganib na nakaamba?

Ang mga katagang ito ba ni Hesus ay makahulugan para sa atin sa araw na ito? Ang hindi naniniwala o kawalan ng ispiritwal na pang-unawa ay nagdudulot  sa mga tao – at maging sa buong bansa – na maging bulag sa mga panganib na kitang-kita na nakaamba at magaganap? Sadya ba tayong walang pakialam at hinahayaan ang mga babalang nagmamakaawa na harapin at bigyan natin ng kaukulang atensiyon?

Wala ba tayong pang-unawa na ito ay magaganap din sa atin?

Pansinin natin ang naganap sa Atimonan, Quezon, na kung saan labintatlong (13) katao ang napatay at sadyang kahina-hinala na mga pagpaslang. Maraming ulit na itong nangyayari noon pa, hindi na mabilang. Umagaw din ng pansin sa balana at matagal ding naging laman ng mga pahayagan at nagngangalit na mga pagbatikos sa radyo at telebisyon ang mga naunang pagpaslang na ito. Subalit wala ring nangyari, tulad ng dati, nananatiling nakatiklop ang mga bibig at walang gaanong pakialam ang karamihan sa ating mga kababayan, hanggang malibing muli ang mga karahasang ito sa limot.

Ano talaga ang sadyang nakapangyayari?  
Ano ang sadyang ipinapahiwatig ng mga tandang ito lalo na sa ating panahon ngayon? Marami na namang mga checkpoints ang inihahalang sa mga daan at ang mga ito’y sa buong bansa, dahil sa nalalapit na halalan sa darating na Mayo. Ang maramihang pagpaslang ay naganap mula sa mga inihalang na checkpoints ng kapulisan at militarya. Papaano ngayon tayo makakatiyak na ang patuloy na mga pagpaslang na ito ay hindi magaganap muli sa atin, kapag tayo naman ang naglalakbay sa daan, at harangan ng mga checkpoints ng mga pulis at mga miyembro ng militarya?
Ang paliwanag ng isang opisyal ng pulis, kung wala ka namang kasalanan at walang armas na itinatago sa loob ng sasakyan mo, walang mangyayari sa iyo. Ang tanong: Doon ba sa mga napapatay, may kasalanan ba sila? Hindi ba naparaan lamang ang iba o ayon sa mga nakapatay ay napagkamalan nila?

Huwag nating kalimutan ang masaker sa Maguindanao (Ampatuan massacre), na kung saan ay limampu’t walong (58) katao ang pinaslang, at tatlumpo’t-apat (34) dito ay mga peryodista at ang iba ay karaniwang mga mamamayan na naparaan lamang. Ang maramihang pagpaslang na ito’y naging possible at nagmula sa iniharang na mga checkpoints ng kapulisan. Noong ika-23 ng Nobyembre, 2009 pa ito, ngayon ay taong 2013 na, at wala pang malinaw na katarungan.  Bakit ito nakapangyayari? Dahil ba ang mga may pagkakasala ay malalakas at makakatiyak na muling makapaghahatid ng maraming boto sa darating na halalan? Kung hindi ito ang dahilan, bakit usad-pagong ang paglilitis?

Kung may mga katanungan, marapat ding may mga kasagutan. At kung may mabagal na epekto, nagpapatunay lamang na may mga kadahilanang nagaganap na nagpapabagal dito.

Kung walang makikibaka at titindig para sa ating mga kapakanan, lalong higit para sa ating mga kaligtasan, papaano na tayong karaniwang mga mamamayan? Alalahanin natin na marami ngayon ang nagsususog na alisan ng karapatang humawak ng mga baril o maging armado tayong mga mamamayan para maipatanggol ang ating mga sarili. At ito’y labis na ikinakatuwa ng militarya, kapulisan, at mga pribadong sandatahan ng mga pulitiko sa buong kapuluan, at lalong higit na nagbubunyi para dito ay ang mga mapanganib na mga sindikato at mga kriminal, sapagkat sila lamang ang may karapatang gumamit ng armas.

Papano na tayo ngayon?

Jesse Guevara              
Lungsod ng Balanga, Bataan


No comments:

Post a Comment