Ang pagninilay ay isang sining upang manatili
sa kasalukuyang sandali.
sa kasalukuyang sandali.
25- Italaga na may nakalaang panahon para mapag-isa, magnilay at maglimi, at
idaos ang meditasyon na nagpapalinaw ng mga kaisipan.
Ano ang kahulugan ng Magnilay?
Sa
aking talahuluganan; vt meditate : ituon ang mga kasipan sa makabuluhan at ikakapanatag ng kalooban :
magmuni nang ikakalutas : magbulay nang kakahantungan : maglimi nang magaganap sa
hinaharap
meditasyon n meditation : isang diskurso na
ang layunin ay ipahayag ng sumulat ang kanyang pagmumuni o patnubayan ang iba na
maglimi : ang aksiyon o proseso ng paglilimi
magmuni; vt to reflect
pagmumuni n reflection
magbulay; vt to
ponder pagbubulay-bulay
vt pondering; pondered
maglimi;
vt to contemplate paglilimi n contemplation
Ang magnilay ay nakagawian
at minana natin mula sa ating mga ninuno. Isang simpleng paraan ito na maging
gising sa ating mga pagkilos. Inihahanda nito ang ating kamalayan sa mga
pagkilos at mabuhay sa kasalukuyan. Kung namamalayan natin ang nagaganap sa
ating kapaligiran, ipinapahiwatig nito na gising tayo habang kumikilos sa
ating mga gawain.
Ang tolonggis (walang kusa at tulog na tulog) na tao ay parehong
nabubuhay sa nakalipas o nangangarap tungkol sa buhay sa hinaharap. Kadalasan tayo
ay nakakatulog o hindi namamalayan na ang iniisip natin ay ang mga nakaraan at
mga alalahanin sa hinaharap, ngunit bihira na binibigyan natin ng atensiyon ang
kasalukuyang mga sandali. Palagi nating nakakaligtaan na ito ang pinakamahalaga
sa lahat, sapagkat narito ang pagkakataon na maisaayos natin ang lahat ng
kaganapan. Kung nais mong makatiyak sa iyong hinaharap, ngayon mo ito magagawa
na.
Ang ating buhay ay kinokontrol ng
ating isipan, at ang isipang ito ay may ugali na magpalipat-lipat ng
kaiisip sa nakaraan at sa hinaharap. Ang isipan kailanman ay hindi nananatili
sa kasalukuyan. Sa puntong ito, ang sining ng pagninilay ay magawang ituon ang ating
atensiyon sa kasalukuyan at maging lubos na alisto. Sa katunayan, sapat ang ating
pagkagising para magawa ang ating mga tungkulin nang maayos sa maghapon.
Subalit kapag nagsimula na tayong magnilay-nilay, mapapatunayan natin kung
gaano kadalas ang ating pagkakahimbing sa araw-araw. Kapag tayo ay nawiwili na sa
ating mga gawain, napapahimbing tayong tuluyan … at nakakalimutan natin ang
higit na mahahalagang mga priyoridad at obligasyon sa buhay.
Ang malinaw na pagninilay,
ay pasulong na paglalakbay para laging gising (conscious) at ibayong namamalayan o higit na alisto sa ating mga
pagkilos at mga kapasiyahan. Isa itong paraan para lubusan nating makilala ang ating
mga sarili. Ang mapagmasdan natin ang tunay nating mga mukha nang walang
anumang maskara. Nasa pagninilay lamang
ang tunay
na transpormasyon ng ating mga ninanasa bilang tagamatyag at mapanuri sa mga
ito. Hangga’t hindi pa tayo nagigising at nauunawaang lubos ang kapangyarihan
ng pagninilay, mananatili ang ating pagkatulog at mistula tayong patpat na
tinatangay ng agos patungo sa ating kapahamakan. Responsibilidad natin ang
maging gising sa tuwina sa lahat ng ating mga pagkilos.
Sa madaling salita, ang pagninilay ay
bilang paghahanda sa ating isipan na maging gising sa ating mga aksiyon, mga
kaisipan, mga pakiramdam at mga emosiyon. Bawa’t aksiyon na ginagawa nang may
kamalayan o tahasang alisto sa lahat ng sandali ay pagninilay. Hindi natin
kailangan na pagpatungin ang ating mga hita o mga binti at ipikit ang ating mga
mata para masanay na magnilay. Kundi ang pag-aralan kung papaano magsimula, ang
tumigil sandali sa ginagawa, at limiing maigi kung anong isipan ang namamayani sa kasalukuyan. At ano
ang kinalaman nito sa iyong mga lunggati at pangarap na kailangang matupad. Kung magagawa ang
ganitong pag-uukol na mga sandali sa bawa’t araw, magiging bahagi na ito o
ritwal na aktibidad sa araw-araw.
Sa pagninilay, nagiging saksi tayo
sa lahat ng mga aktibidad ng buhay, mula sa pagkagising sa umaga at hanggang sa pagtulog sa
gabi. Nagagawa nitong magkamalay tayo sa maghapong paggawa at sa magdamag na
pagtulog. Anuman ang ating nasasaksihan ay walang anuman, kundi ang mahalaga ay
ang saksi na nagmamasid sa bawa’t bagay. Kailangan lamang na lagi kang alisto
at nagmamatyag sa iyong isipan at ang iyong mga reaksiyon para dito, ay
nagmumula sa iyong tunay
na kamalayan.
Ang mabuhay na
sinusunod ang isipan ay miserableng buhay. Ang isipan mismo
ay batbat ng kapighatian, mga pagkatakot, at samutsaring mga bagabag. Nasa pagninilay lamang ang tanging paraan
para malagpasan at makatakas sa miserableng buhay na tulad nito, at mabuhay sa bawa’t
sandali na puno ng kaligayahan at kaluwalhatian (bliss).
Ang magmuni ay tahimik,
manhid, at walang kinikilingang kapasiyahan. Hindi kumikilos at nag-iisip.
Walang pagkontrol o pagsupil sa isipan, subalit pinalalaya mo ang iyong sarili
mula sa pagkaalipin ng isipan. Sa sandaling humatol ka, pumuna, nagturing, o
nag-alala; ang isipan ang siyang maghahari at komokontrol sa iyo. Ang isipan ay
nag-iisip. Ang pagninilay ay nakamasid lamang at walang kapasiyahan, kundi ang
lagpasan at higitan ang nabubuo ng isipan. Ang ituon ang iyong atensiyon sa
isang bagay ay isang konsentrasyon at hindi pagninilay, sapagkat ang konsentrasyon
ay isang pagdisiplina ng isipan at ang pagninilay ay ang isantabi ang isipan.
Hangga’t mayroon kang pagnanasa at ambisyon ikaw ay nakabilanggo.
Ang isipan ay lubhang malikot at
hindi mapanatag, mahirap na maitali at mabantayan; hayaan ang matalinong tao na
maituwid ang kanyang isipan sa pagninilay katulad ng gumagawa ng mga busog ng
pana, nililikha niya itong mga tuwid.
Sa reyalidad, walang kaisipan na
sarili natin, subalit kapag may naisip tayo at nagpaala-ala sa atin,
bahagi na natin ito at paniniwalaan na ating pag-iisip ito. Sa katotohanan,
ang lahat ay nanggagaling sa labas, at kung may nasaling ito sa ating damdamin o
pinukaw sa ating isip, ang ating kaisipan ang siyang may kontrol na sa atin. Kung
walang pagninilay, walang pagsupil na magaganap para dito. Kung hindi mo susupilin
o kokontrolin ang iyong mga kaisipan, ikaw ang kokontrolin nito. Sa buong
panahon, lagi nating naiisip ang parehong mga kaisipan. Paulit-ulit ito, at
bihira tayong mag-isip ng orihinal o yaong naiiba kaysa dati. Sa dahilang ang ating
buhay ay laging kinokontrol ng ating isipan, at ito ay batay sa pangungundisyon
na ipinaiiral ng lipunan, mga magulang, mga guro, mga kaibigan, mga bagong uso,
mga kinahuhumalingan, atbp.
Ang mga kaisipan ay patuloy na
dumadaloy; at habang pinipigil natin ang mga ito ay lalong dumarami,
subalit ang pagninilay lamang ang makakapigil dito. Kung tayo ay nagninilay,
hindi na tayo nag-iisip. Ang buo nating kamalayan ay nasa kasalukuyan; at walang nakaraan o hinaharap. Ang mga
kaisipan ay nabubuo lamang habang pinapansin natin ito at may kooperasyon tayo.
Wala itong pagkakakilanlan o enerhiya na sarili. Kung ihihinto natin ang
atensiyon sa mga ito, kusa itong maglalaho at tayo ay mapapanatag. Habang
pinapansin natin ang isang bagay, lalo itong nagiging kapansin-pansin at sa
katagalan ay may kapangyarihan na ito para tayo alipinin.
Kapag napag-aralan mo na ang
iyong sarili, pinagmamasdan mo ito, ang sistema ng iyong paglakad, kung
papaano ka kumain, ang tema ng iyong mga pananalita, ang iyong mga saloobin at mga emosyon, ang iyong mga pag-uugali,
ang pakiramdam mo sa tsismisan at walang katuturang mga bagay, ang pagturing sa
panibugho, pagkainis o pagkasuklam – kung namamalayan mong lahat ang mga ito sa
iyong sarili, nang walang pagpili, ito ay bahagi ng pagninilay.
Kahit na ikaw ay nakaupo sa bus, sa dyipni, sa traysikel, o naglalakad sa magandang parke, nakatanaw sa magagandang bulaklak, o
nakikinig sa huni at awit ng mga ibon, o nakatunghay sa mukha ng iyong kabiyak
o anak, sa mga sandali at pagkakataong ito ... ikaw ay nagninilay.
Magnilay Tayo
1-Tahimik na umupo nang isang saglit, at mapapatunayan mo kung
papaano ka kahangal tungkol sa walang saysay na pagmamadali.
2-Pag-aralan na itikom ang iyong mga labi, at mapapatunayan mo
kung gaano ka kadaldal at palasagot kahit walang nagtatanong.
3-Iwasan ang makialam sa maraming bagay, at mapapatunayan mo na
lubhang inaaksaya mo ang iyong mga mahahalagang sandali sa mga walang
katuturan.
4-Ipinid ang pintuan at magkulong sa silid, at mapapatunayan mo
na ikaw ay nalilito sa maraming relasyon at uri ng tao.
5-Bawasan ang mga ninanasa, at mapapatunayan mo kung bakit
laging masakit ang iyong ulo at marami kang karamdaman.
6-Maging tunay ang katauhan, at mapapatunayan mo na lubha kang
mapagpuna, mapaghatol, at kritiko sa iba.
7-Sundin ang itinitibok ng iyong puso, at mapapatunayan mo na
narito pala ang iyong tanging kaligayahan at nakatakdang kaluwalhatian.
Kung mababatid mo lamang kung gaano ang kapangyarihan ng iyong mga
kaisipan, kailanman ay hindi ka na mag-iisip pa ng mga negatibong bagay.
Kung may mga katanungan, ay may mga kasagutan.
Sa personal na buhay
-Anong
mga kabanata sa istorya ng iyong buhay ang hindi mo pa naisusulat?
-Nagagawa mo bang ipamuhay ang iyong buong
potensiyal?
-Saan mo ba talagang nais na pumunta?
-Ano ang nais mo na maranasan pa?
-Ano ang mga kailangan mo pa upang mapagbuti
o maisaayos ang iyong buhay?
-Sa kalagayan mo ngayon, ikaw ba ay
masasabing laging masaya … at tunay na maligaya?
-Ano ang iyong mga inaasam at pangarap para
sa kinabukasan?
-Nakahanda ka bang magplano para sa iyong
ideyal na buhay?
-Lumilikha ka ba ng mga istratehiya o mga
kaparaanan para paunlarin ang iyong buhay?
-Nakahanda ka bang simulan ang kailangang mga
hakbang para maipamuhay
ang iyong pangarap na buhay?
Sa pagninilay
-Gising ka ba kung ano ang iyong iniisip at
ginagawa at wala ng iba pa?
-Papaano mo iniiwasan ang mga kapighatian,
mga kasawian o mga kabiguan?
-Inaanalisa o kinikilatis mo ba ang mga
kasawian, mga bagabag, at mga pagkatakot kung saan nagmumula ang mga ito?
-Naranasan mo na ba ang lubos na gising
subalit hindi mapili at ang atensiyon ay alisto?
-Kasapi ka ba sa sekta ng relihiyon na
nagdidikta ng iyong mga dapat gawin, iboboto, at susunding mga kautusan? Sino ang higit na
Makapangyarihan ang pinaniniwalaan mo o ang pinaniniwalaan ng iba?
-Nasubukan mo na bang pumasok sa isang
silid, na nakapinid ang pintuan, at nagnilay
tungkol sa iyong sarili?
-Marunong ka bang magnilay?
Tagumpay o Bigo? Panalo o Talo? Masaya o Malungkot? Kaligayahan o
Kapighatian?
Alinman
dito, ay nasa iyong kapangyarihan ang pumili. At ito ang iyong magiging
kapalaran.
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Subaybayan ang 31 na
mahalagang mga paksa:
Matatag
na Sariling-Pugay at Tanging Pag-ibig
No comments:
Post a Comment