Tuesday, August 14, 2012

Isang Leksiyon ng Buhay



    
 Ang walang hanggang debosyon sa mahahalagang bagay ay tungkulin ng isang tao. At ito'y mapapanatili lamang kapag tinalikdan ang mga mumunting bagay.

   May mga sandali sa iyong buhay na hinuhubog ka at itinatakda ang landas kung ano ang magaganap sa iyo. Kung minsan ay mga karampot, pahinay-hinay, at kung magkaminsa'y biglaan at sadyang nakakagulat. May maliliit at malalaking mga pagbabago. Walang sinuman ang humiling na baguhin ang kanyang buhay. Ito ay magmumula sa iyong mga piniling kapasiyahan at mga pagkilos. 
   At karamihan sa mga ito, ay nakasalalay sa iyong pagtunghay; kung ano ang higit na mahalaga sa lahat, kung alin ang may halaga, at kung ano ang mga mumunting bagay na maaaring isantabi.
   Narito ang isang pangyayari na mahusay ang paglalarawan sa ating mga tamang priyoridad sa buhay.

Ang Walang Laman na Garapon

   Sa isang pamantasan sa lungsod ng Balanga, isang propesor ang nakatindig sa harapan ng kanyang mga estudyante sa pilosopiya. Hawak niya sa kamay ang isang walang laman na garapon.

Nagpaliwanag ang propesor na isang pagtatanghal ang ipapakita niya sa umagang ito. Tumahimik ang mga estudyante at nagsimula na ang klase, mula sa isang kahon ay pinuno niya ng mga bola ng golf ang garapon.

At matapos ito, tinanong niya ang mga estudyante kung ang garapon ay puno na.
   At lahat sila ay sumang-ayon na ito’y puno na.

Kaya ang ginawa ng propesor ay kumuha ng isang kahon ng mga maliliit na bato at ibinuhos ang mga ito sa garapon.

Ang mga maliliit na bato ay nagsigulong sa mga puwang at walang laman na mga espasyo sa pagitan ng mga bola ng golf.

Muli niyang tinanong ang mga estudyante kung ang garapon ay puno na. At tumugon ang mga ito na puno na ang garapon.

Ang ginawa ng propesor ay kinuha ang isang kahon na may laman na puting buhangin at ibinuhos ito sa garapon. At tulad ng inaasahan, ang buhangin ay pinuno ang mga puwang at espasyo sa pagitan ng mga bola ng golf at mga maliliit na bato.

Minsan pa, ay muling nagtanong ang propesor kung ang garapon ay puno na. Malakas at sabay-sabay na sumagot ang mga estudyante, "Wala nang paglalagyan pa! Punong-puno na ang garapon!"

Sa tagpong ito, inilabas ng propesor ang isang bote ng inuming tsokolate mula sa ilalim ng lamesa.
At ito ay ibinuhos niya sa garapon. Matuling nagkulay tsokolate ang puting buhangin na nakasiksik sa mga siwang ng bola ng golf at mga maliliit na bato sa loob ng garapon.

Nagtawanan ang mga estudyante sa nasaksihan. Hindi nila sukat akalain na may mailalagay pa.

Ngayon,” ang paliwanag ng propesor, “Nais kong kilalanin ninyo na ang garapon na ito ay inilalarawan ang inyong buhay.”

Ang mga bola ng golf ay mga pinaka-importanteng bagay …
                     Ang inyong PAMILYA,
                                  Ang mga ANAK,
                                       Ang KALUSUGAN,
                                             at mga KAIBIGAN.

Ang mga maliliit na bato ay ang mga ibang bagay na may halaga …
              Tulad ng inyong TRABAHO,
                               ng inyong TAHANAN,
                                  ng inyong mga KAGAMITAN,
                                                      ng inyong mga KASAMAHAN.

Ang buhangin naman ay sinasagisag ang iba’t-ibang munting mga bagay na kadalasan ay tumatawag ng pansin sa inyong buhay.

Kung uunahin ninyong ibuhos muna ang buhangin sa garapon, wala ng espasyo pa para sa mga malilit na bato at maging sa mga bola ng golf.

At ito rin ang reyalidad na nangyayari sa ating buhay, higit na inuuna natin ang mga mumunting bagay.
   Tulad ng pagbabad sa telebisyon at telepono, kapipindot sa selpon,
       ng mga panoorin na walang katuturan, mga payabangan at kapalaluan,
           ng mga tsismisan at walang hintong taltalan ng mga buhay ng may buhay,
                ng mga pakikialam, pamumuna, pamimintas, pagkainggit, at pagkabugnot,
                    ng mga panggagaya, kumpetensiya, at walang saysay na mga pagtatalo.

Kung ang lahat ng inyong panahon at kalakasan ay magugugol sa mumunting mga bagay, wala na kayong panahon pang matitira o espasyo para sa mga bagay na magpapasaya sa inyo.

Kaysa inaaksaya sa mumunting mga bagay ang inyong mahahalagang sandali …
          Maglibang kasama ng inyong pamilya,
                Makipaglaro sa mga anak, maglakbay at pasyalan ang mga kaanak,
                     Mag-ehersisyo sa tuwina, regular na magpatingin tungkol sa kalusugan,
                        Masiglang maghapunan kapiling ang pamilya at mga matalik na kaibigan.

         Lumiban. Laging may nakalaang panahon para maglinis ng bahay, makibalita sa kapitbahay, magbasa ng dyaryo, makipaghuntahan sa barkada, at manood sa telebisyon. Ang nakaligtaang panahon ay hindi na muling mababalikan pa.

Unahing isaayos muna sa lahat ang bola ng golf, ang mga bagay na higit na mahahalaga at tamang priyoridad sa buhay. Isunod ang mga maliliit na bato.

Ito ang mga pagtuunan ng ibayong atensiyon
  At kung tahasang magagawa ang mga ito,

                           ANG NATIRA
            AY BUHANGIN NA LAMANG.

At puwede nang isantabi upang higit na mapagtuunan lamang ang MAHAHALAGA sa ating buhay.

Isang estudyante ang nagtanong,
   “Papaano naman ang inuming tsokolate?”

Ang propesor ay banayad at masiglang tumugon,
   “Kahit na tila puno na ang mga kaabalahan sa inyong buhay,
         mayroon pa rin kayong espasyo na magtsokolate.”

Tandaan na ang bawa’t araw ay isang regalo
   At ang kalidad ng inyong buhay ay ang regalo mo para sa iyong sarili.



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Halaw at pinalawak mula sa Simpleng Katotohanan
na ipinadala ni Jell M. Guevara ng Lungsod ng Dagupan, Pangasinan

No comments:

Post a Comment