Ano ang mainam … ang kasinungalingan na
nagpapangiti …
o ang katotohanan na nagpapaluha?
Bawa’t isa sa atin ay inuulanan ng mga samutsaring
leksiyon sa buhay araw-araw. Kung minsan kinakailangan na paulit-ulit itong
mangyari para tumimo sa ating isipan. Kailangan pang mauntog at mapinsala para
madala. Kailangan pa ang matinding panggising, yaong halos malagot na ang iyong hininga
para sapat na matauhan at taimtim na magbago. Subalit kung buhay mo na ang nataya, papaano mo pa ito maitatama?
Narito ang 101 Katotohanan na aking
natuklasan tungkol sa buhay mula sa mga taong sinundan
ko, nakasabay ko, nalagpasan ko, at ngayon ay nakakasalubong ko. Ito ang mga laman at
palabok ng kalsada, may sentido komon, at praktikal na ipamuhay – ano ang
ginagawa ng mga tao, bakit ginagawa ito, para kanino, at ano ang tunay
na kahulugan sa magkasamang tamis at pait nito sa ating buhay.
1-Ipaglaban kung ano ang iyong pinaniniwalaan; dahil kung
hindi, magpakailanman mong aawayin ang iyong sarili.
2-Mababaluktot at mapapaikot mo ito … masasalaula at maabuso mo
pa ito, ngunit kahit sinuman at maging kalangitan ay hindi mababago ang
katotohanan.
3-Kailanman hindi malulunasan ang pagkasuklam ng katapat na
pagkasuklam; ang makakapawi lamang dito ay Pag-ibig – ito ang eternal na batas.
4-Ang tao ay hindi siya kapag tinanong mo ang kanyang pagkatao.
Bigyan siya ng maskara at ipagtatapat niya ang katotohanan.
5-Halos lahat ng bawa’t tao ay inaaksaya ang bahagi ng kanyang
buhay sa paghahangad na maipakilala ang mga kalidad na hindi naman niya
tinataglay.
6-Ang pinakamainam na paraan para makatakas mula sa
problema ay ang lunasan ito.
7-Yaon lamang mga nagsiyao na ang mga walang problema. At kung may problema may kalakip itong solusyon. Kung walang solusyon hindi problema ito.
8-Kung nakikipag-usap ka sa hindi mo kakilala, maaaring ang
kausap mo ay higit pa ang kaalaman kaysa kung anuman ang iyong ipinapahayag sa
kanya. Dalawang bagay kung bakit tahimik ang kausap mo: 1) Hindi niya alam ang binabanggit mo; 2) Hinahayaan kang magsalita, para lalo mong maihayag ang iyong kapalaluan.
9-Sandaang ulit na higit na mahirap na tunawin ang taba na nasa
iyong katawan kaysa ang minsang iwasan ito na kainin.
10-Kung ang kagamitan mo lamang ay martilyo, hilig mo nang makita
ang bawa’t problema na isang pako.
11-Hindi mo kailanman matatagpuan ang iyong sarili hangga’t
hindi mo hinaharap ang katotohanan.
12-Ang pinakamura at pinakamahal na mga modelo ay kadalasang
pareho na masamang anunsiyo.
13-Hindi mo mababago ang ibang tao, at kagaspangan ang subukan pa
ito.
14-Ang paniniwala na mayroon lamang isang katotohanan, at siya lamang
ang may hawak nito, ang ugat sa lahat ng kasamaan sa mundo.
15-Bawa’t isa ay gusto ang sinuman na mabilis na magpasiya.
16-Ang katotohanan ay ito: ang isang bilyong kasinungalingan na
ibinalita ng isang bilyong ulit ng isang bilyong tao ay kasinungalingan pa rin.
17-Ang masamang pakiramdam
ay dumarating at lumilisan sa iyong buong buhay, at ang piliting iwasan ito ay
lalong bumabaon at nagtatagal kaysa dati.
18-Ang katotohanan ay hindi para sa lahat ng tao, kundi doon
lamang sa naghahanap nito. Kung nakikisama ka sa mga manok, matututo kang pumutak,
at kung sa mga agila naman ay matututo kang lumipad.
19-Ang mga bata ay kapansin-pansing matatapat na nilalang
hanggang sa turuan natin silang huwag magtiwala.
20-Tanging nag-iisa lamang ang ultimo at sukdulang Katotohanan: Ang Makapangyarihan sa lahat. Mula sa Kanya ang Lahat ay Iisa. At ang Iisa ay Lahat. Ang Alpha at Omega.
21-Ang mga tao na kapos sa malinaw na intensiyon, katapangan,
at determinasyon na sundin ang kanilang sariling mga pangarap; ay laging
humahanap ng kaparaanan na sirain ang iyong loob at mawalan ka ng pag-asa.
22-Talikdan ang galit. Iwaksi ang kapalaluan. Kalimutan ang
nakaraan. At makakalaya ka sa kapighatian.
23-Ang pagsigaw ay laging karagdagan para lalong umigting at mapasama ang sitwasyon.
24-Kailanman na ikaw ay nababalisa sa iniisip ng mga tao
tungkol sa iyo, tunay kang binabagabag kung ano ang iniisip mo tungkol sa
sarili mo.
25-Ang kabatiran ay tagapagturo kung nasaan ang tamang daan,
nasa iyo nang pagsisikap na taluntuning matuwid
ito.
26-Bawa’t problema na mayroon ka ay iyong responsibilidad,
kahit na sinuman ang may kagagawan nito.
27-Ang bubungang maraming butas, kapag umuulan ay binabaha ang
kabahayan. Gayundin ang puso na maraming ninanasa, kapag dumating ang magandang
pagkakataon nagiging salawahan at walang maibigan.
28-Kailanman ay hindi mo magagawang magsaayos nang higit pa sa
isang saglit sa isang pagkakataon.
29-Kung hindi ka kailanman naghihinala sa iyong mga paniniwala,
ikaw ay patuloy na namamali.
30-Ang mapamahalaan ang ninanais ng isang tao ay isang
pinaka-makapangyarihang kahusayan na
dapat matutuhan ninuman.
31-Ang liyab ng isang kandila ay hindi mababawasan kahit na
sindihan pa nito ang sanlibong kandila. Katulad ng kaligayahan, lalo itong
tumatamis kapag ibinabahagi sa iba.
32-Kung mayroon kang lunggati, isulat ito. Kung hindi mo ito
isusulat, wala kang lunggati – ang mayroon ka lamang ay hangad.
33-Huwag aksayahin ang iyong buhay sa mga taong manhid,
palaasa, at ayaw tulungan ang kanilang mga sarili. Kapag patuloy mong ginagawa ito, katulad ka rin nila at masahol pa.
34-Walang sinuman na ganap niyang nalaman ang lahat.
35-Ang pagkatakot ay sandaang porsiyentong nakadepende sa iyo
para magpatuloy.
36-Huwag pabayaan ang isang araw na muling lumipas na kung saan
ang iyong dedikasyon sa opinyon ng iba ay nakakahigit pa sa dedikasyon mo sa
iyong mga emosiyon.
37-Ang pumintas ay sadyang napakadaling gawin kaysa pumuri. Bawa’t
mukha na iyong nakakasalubong sa daan ay may kanya-kanyang nakatagong istorya
na masalimoot at nag-uumalpas na makawala katulad ng sa iyo.
38-Kailanman na may kinasusuklaman tayong anuman, nagngangalit
din itong bumabalik sa atin: mga tao, mga sitwasyon, mga alaala, at mga bagay
na magkakatulad.
39-Ang pinakamabisang relasyon na kailanman ay mayroon ka ay
ang relasyon mo sa iyong sarili.
40-Ang mga tao ay likas na mapagpaganda, mapagdagdag, at
mapagharimunan bilang panuntunan.
41-Sa anumang sitwasyon, pangyayari, at pagkakataon may
kapangyarihan kang piliin ang iyong magiging reaksiyon.
42-Ang pagkagalit ay nagbubunyag ng kahinaan ng pagkatao, ang
karahasan naman ay nagpapakita ng kasamaan nito.
43-Ang kimkimin ang galit ay tulad ng paghawak sa nagbabagang
uling na may intensiyong ipukol ito sa kinagagalitan. Dangan nga lamang, ikaw
ang unang napapaso at ibayong nasasaktan.
44-Ang pagkamulat ay salamin ng buhay. Ang hangal ay natutulog
at mistulang patay. Subalit ang maestro ay gising at nabubuhay magpakailanman.
45-Hindi magagawa ng mga tao na wasakin ang daigdig, subalit
kaya nilang wasakin ang kakayahan nitong mapanatili silang nabubuhay. At ito
ang ating ginagawa sa ngayon.
46-Hintuan ang walang katuturang papuri at simulang magbigay ng
makabuluhang pagkilos.
47-Kapag ang mga tao ay hindi mapanatag sa kasalukuyang
sandali, malilikot ang kanilang mga daliri, mga mata, at pati mga kaisipan.
Pagmasdan sila at iyong maiintindihan.
48-Kapag ipinagpaliban mo ang isang bagay, sa isang iglap, lalo
itong mahirap nang magawa at malilimutan pa.
49-Ang sansinukob ay sadyang balanse, ang pagkakaroon mo ng
problema ay isang tanda na may kalakip itong solusyon.
50-Ang sekreto ng kalusugan para sa isipan at katawan ay hindi
maghinagpis sa nakaraan, at huwag mabagabag sa hinaharap, o katakutan ang mga
problema, bagkus ang matalinong mabuhay sa kasalukuyan at pagindapatin ito.
51-Kung intensiyon mong magbago, pagpasiyahan kung ano ang
iyong nais at ipamuhay ang iyong buhay nang naaayon dito.
52-Ang pangungutang ay isang tanda ng pagiging alipin.
53-Hangga’t masaya ka maging sino ka man at sa iyong mga
ginagawa, ay magagawa mo ang anumang bagay na iyong nais.
54-Lahat ng ating nakikita ay batay lamang sa kung ano ang ating
iniisip para sa mga ito.
55-Gawin ang alam mong siyang tama. Huwag hayaan ang ibang tao
na siyang magdesisyon ng tama at mali para sa iyo.
56-Walang sinuman ang nakakaalam nang higit pa sa pinakamaliit
na fraction kung ano ang nangyayari
sa mundo. Sadyang napakalaki ng mundo para sa isang tao na ganap na malaman
ito.
57-Ang taong walang takot na ipakita ang kanyang tunay na
katauhan sa mundo ay pambihira at kahalintulad ng isang diyamante.
58-Ang pinaka-malalang adiksiyon o kinahuhumalingan sa mundo ay
ang tawag ng kapanatagan. Winawasak nito ang mga pangarap at binabali ang mga
tao.
59-Kung ang iyong ginagawa ay sadyang napakaingat, maaaring may
pagkukulang at nangangailangan ng mainam na pagtatama.
60-Ang mga pinakadakilang pagtuklas o inobasyon sa kasaysayan
ng sangkatauhan ay lengguwahe at internet.
61-Hindi ka makapaglalakbay sa landas hangga’t hindi ka pa
nagiging landas sa iyong sarili.
62-Ang paninisi ay paboritong libangan ng mga taong inaayawan
ang responsibilidad.
63-Lahat ng iyong nakikilala ay magaling kaysa iyo sa ilang mga
bagay.
64-Ang pruweba ay walang saysay kundi mga koleksiyon ng mga
opinyon na itinutulad ng nasa iyo.
65-Higit na mainam na lupigin mo muna ang iyong sarili kaysa
manalo sa sanlibong labanan. At ang tagumpay ay mapapasaiyo. Walang makakakuha
nito sa iyo, kahit na anghel o demonyo, maging kalangitan o impiyerno.
66-Ang kaalaman ay paniniwala, wala ng anuman pa.
67-Ang mahumaling sa iyong mga ninanasa ay hindi pagmamahal sa
sarili.
68-Hindi ka mapaparusahan sa iyong pagkagalit, ang magpaparusa
sa iyo ay ang pagkagalit mo.
69-Sundin at makiisa sa iyong mga pangarap, huwag basta
bigkasin ang iyong nais o dumaing tungkol sa kung ano ang wala sa iyo.
70-Ang magbasa ng bibliya ay nakakatulong sa iyo na malaman ang
salita, ngunit kapag tumigil ka sa pagbasa at ipinamuhay mo ito, makikilala
mong lubusan ang may-akda.
71-Ang tanging lunas para makatakas sa kapighatian, ay suriin
mo ang iyong sarili.
72-Kung sino ka man, ikaw ay mamamatay. Ang mabatid at
maunawaan ito ay nangangahulugang buhay ka pa.
73-Ang tamang daan ay hindi patungo sa kalangitan, bagkus ang
buksan ang iyong puso at pakawalan ang iyong kaluwalhatian.
74-Ang kaligayahan ay umiiral lamang sa daloy ng iyong isipan,
hindi nagmumula sa mga nangyayari sa labas.
75-Ang tagumpay ay isang bagay na iyong nararanasan kapag
kumikilos ka nang naayon dito. Ang tagumpay ay wala sa iyo, ito’y nagmumula sa
ginagawa mo.
76-Kung sa iyong paglalakbay ay may natagpuan kang uliran at
matalinong kasama, maligayang sumama sa kanya para malagpasan ang anumang
balakid sa daraanan. Subalit kung wala kang matagpuang kaibigan o maestro na
makakasama mo, mabuti pang maglakbay na mag-isa.
77-Ang paghihiganti ay para lamang sa mahihina at iresponsable.
78-Sinuman na magawang tunay na organisado ay ibayong
mapapaunlad ang kanyang buhay.
79-Kung hindi ka maligaya bilang nag-iisa, hindi ka rin
maligaya kahit na may-asawa.
80-Ang kalusugan ang pinakadakilang handog, ang kapanatagan ang
pinakadakilang kayamanan, at ang katapatan ang pinakamahusay na relasyon.
81-Kahit na ito’y walang bayad, hindi pa rin libre kung
maaksaya sa panahon.
82-Ang mga tao ang may sanhi ng kapighatian kapag sila ay
namimighati sa kanilang mga sarili. Ang harapin at matakasan ito ay
makakatulong upang hindi madamay pa ang iba.
83-Halos lahat ng pasaring ay may kalakip na katotohanan na
nakakabingi kung kaya’t ang mga tao ay napipilitang ulitin ito hanggang sa
tumalab at magising ka. Sapagkat ang kabatiran ang mahalaga.
84-Hinuhubog at hinuhulma tayo ng ating mga kaisipan. At yaong
mga isipan na binuo ng hindi makasariling mga kaisipan ay nagpapahayag ng
kaligayahan kapag nagsasalita at kumikilos. Ang kaligayahan ay laging kasunod
nila at tulad ng anino kailanman ay hindi sila lilisanin nito.
85-Ang daigdig ay magiging kaaya-ayang pook kung ang bawa’t isa
ay disipulo ng katotohanan.
86-Ang mataas na kalidad ay katumbas ng anumang kantidad, sa
mga mahal sa buhay, sa mga ari-arian, mga kaibigan, at mga karanasan.
87-Ang ating mga emosyon ay nagagawa tayong may kinakampihan,
kinagagalitan, at inaayawan. May kapangyarihan tayong piliin ang makabuluhan na siyang katotohanan.
88-May kasiyahan at may kaluwalhatian. Kalimutan ang una at
yakapin ang pangalawa. Kung naging masaya ka dahil sa paghihirap at kalungkutan
ng iba, ikaw ay nakagapos magpakailanman.
89-Ang postura at pananamit ay nakapagbabago ng pakiramdam sa iyong
sarili at kung papaano ka nadarama at tinatanggap ng iba.
90-Wala ng higit na masaklap pa kaysa nag-iisa at walang mga
kaibigan.
91-Ang paratangan ang isang tao na walang katuturan ay isang sukdulang kalapastanganan.
92-Yaon lamang mga duwag at ayaw humarap sa katotohanan ang
nahuhumaling sa alak, droga, at masasamang bisyo.
93-Madaling maiintindihan ng mga bata ang iyong nais na
sabihin, kung isa o dalawang maiikling salita lamang ito.
94-Hangga’t nakaugalian mo na ang panunumpa para patunayan ang
iyong mga salita, patuloy mo lamang na
hinahamak ang iyong pagkatao.
95-Kung wala kang pagninilay mananatili kang mangmang.
Masidhing tuklasin kung saan ka patungo at kung ano ang pumipigil sa iyo na
marating ito. At piliin ang landas na magdadala sa iyo sa kabatiran.
96-Ang mga salita ay tahasang makapangyarihan. Ang walang
pakundangang pagpuna ay nag-iiwan ng
mahapding sugat sa isang tao sa habang-buhay.
97-Madaling magpaligaya ng kapwa kung mayroon kang atensiyon at
pagkagiliw sa kanya.
98-Ang sekretong sangkap lamang sa lahat ng bagay ay tamisan
pa.
99-Ang buong sekreto ng pagkakalitaw mo dito sa mundo ay ang
huwag matakot. Huwag katakutan kung ano ang iyong kaganapan sa iyong pagkatao,
huwag umasa kaninuman. At sa sandaling tumindig ka at nagtiwala sa iyong
sarili, ikaw ay malaya na.
100- Sa paglalakbay sa buhay, ang pananalig ay nakakabusog, ang
maging uliran ay kanlungan, ang kabatiran ay siyang liwanag sa araw, at ang
tamang pagkamulat ang proteksiyon sa gabi. Kung ang tao ay nabubuhay sa wagas
at dalisay na buhay, walang anumang bagay ang makakapinsala sa kanya.
101-Ang katotohanan ang siyang magpapalaya sa iyo.
Sa iyo na nagbabasa
ng mga katotohanan na narito ay
natanggap mo na ang iyong buhay; kung nasaan ka man naroroon ngayon sa mga
sandaling ito, ay hindi ito ang eksaktong pook na nais mong tumigil. Mayroong bagay
na nauunawaan mo at kailangang mabago, at hanggang ngayon ay hindi pa magawang humakbang para
ito baguhin. Anuman ang iyong kalagayan sa ngayon, ikaw ay handa nang simulan ang
lahat para sa tunay mong kaganapan; ang tanggapin ang katotohanan at lumaya.
Walang ipinapangako
na ang pagbabago ay madali. Kailangan ang ibayong katapangan para hubugin ang
iyong buhay sa landas na nais mong tahakin. Maraming samutsaring balakid ang
iyong kakaharapin, mayroong tunay, may mga pagkukunwari, at mayroon ding imahinasyon. Hindi ka dapat
paghinaan ng loob o mawalan ng pag-asa. Sapagkat hangga’t ipinamumuhay mo ang
iyong KATOTOHANAN, walang
sinumang makakapigil sa iyo na maging MALAYA,
na makamit ang lahat mong mga pangarap.
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment