Tuesday, November 29, 2011

Pagpupugay sa Ama ng Himagsikan ng Pilipinas


Mabuhay ang Dakilang Supremo!


148 na Dakilang Araw ng Kapanganakan ni Gat. Andres Bonifacio
(Nobyembre 30, 1863 - Mayo 10, 1897)

   Si Gat. Andres Bonifacio ay hindi lamang Ama ng Himagsikan ng Pilipinas. Si Bonifacio ay panglahatang higit pang mataas na Ama ng Demokrasya ng Pilipinas.   –Manuel L. Quezon, President, Philippine Commonwealth

   Mula sa tagaulat ng kasaysayan natin na si Milagros Guerrero, ang mga titulo o designasyon na pagpupugay sa ating Dakilang Supremo:

    Pangulo ng Kataastaasang Kapulungan
    (President of the Supreme Council)

    Ang Kataastaasang Pangulo
    (The Supreme President)

    Pangulo ng Haring Bayan ng Katagalugan
    (President of the Sovereign Nation of Katagalugan)
    Note: "Bayan" means both "people" and "country"

    Ang Pangulo ng Haring Bayan Nagtatag ng Katipunan
, Unang Nagsimula ng Panghihimagsik
    (The President Sovereign Nation Founder of the Katipunan,
    Initiator of the Revolution)

  Office ng Kataastaasang Pangulo, Pamahalaan ng Panghihimagsik
    (Office of the Supreme President, Government of the Revolution)

   Si Bonifacio ay nangungunang bayani ng Himagsikang Pilipino, sapagkat siya ang nagpasimuno ng Himagsikan sa Pilipinas, isang sandatahang paghihimagsik laban sa kolonyal at hindi makatarungang pamamahala ng mga Kastila. Halos apat na daang taon tayong napailalim at pinagmalupitan---at naputol lamang ito nang itatag at pamumunan ni Bonifacio ang Katipunan. Kung hindi siya nagsimula, wala tayong pag-uukulan ng papuri at pagdakila para sa mga bayaning sina Emilio Jacinto, Antonio Luna, Gregorio del Pilar, Miguel Malvar, Macario Sakay, at marami pang iba. Kung wala tayong kasaysayan, wala tayong pagkakakilanlan bilang isang lahi.

   Sila ang nagpatuloy ng himagsikan matapos patayin ng mga Magdalo ng Kabite ang magkapatid na Bonifacio (Andres at Procopio) sa pamumuno ni Don Emilo Aguinaldo, sa Maragondon, Kabite.  Isang nakakalunos na kabanata ng ating kasaysayan ang trahedyang ito sa buhay ni Bonifacio, higit na napakasakit at ibayong kasuklam-suklam; ang pagtataksil sa kanyang pamumuno bilang Supremo ng Katipunan, at ang walang awang pagpatay sa kanya mula sa mga kamay ng kapwa niya Pilipino, gayong nasa kalagitnaan sila ng pakikipaglaban para matamo ang ating kalayaan. Sa halip, ang pag-agaw sa liderato ng Katipunan ang namayani at siyang nagpahina sa rebulusyon. At sa pagkakawatak-watak ng mga katipunero; sinamantala ng mga dayuhang Amerikano ang alitan ng mga Pilipino, upang mapalitan ang pamahalaang Kastila sa Pilipinas.

   Nakatapos ng apat na grado lamang, dahil maagang naulila at tumayong magulang sa mga kapatid. Subalit nag-aral sa sarili ng mga literaturang kanluranin at nagawang maging kasapi ng kapatiran ng malalayang mason (Freemasons), na kung saan ang mga lihim nitong ritwal, pagsanib, pagsumpa, at mga proseso ay naging inspirasyon niya. Isinalin at ginamit niya ang mga ito upang maitatag ang Katipunan. 

   Pinatutunayan ng ating mga tagaulat ng kasaysayan na higit ang pagkabayani ni Bonifacio kaysa Gat. Jose Rizal. Sa mga panulat ni Rizal, matutunghayan na hindi siya kailanman naghangad ng kalayaan para sa Pilipinas. Madalas na ipinapahayag niya ang pagnanais na magkaroon lamang ng representasyon ang Pilpinas sa pamahalaan ng Espanya (Spanish Cortes) bilang isang lalawigan. Nang bisitahin nila Bonifacio si Rizal noong siya ay nakakulong, hinimok nila si Rizal na suportahan ang rebulusyonaryong Katipunan.Tumanggi si Rizal at nagbabala pa na huwag gawin ito at kapahamakan lamang mauuwi ang lahat. Ayon sa kanya, walang kakayahan ang mga Pilipinong mag-alsa at lumaban sa isang malakas at malaking bansa na tulad ng Espanya.

   Isang malaking pagdakila ang araw na ito para sa tinaguriang “The Great Plebeian” at maging sa mga kapus-palad nating mga kababayan na binansagang mga “Bagong Bayani" na nasa iba’t-ibang sulok ng mundo. Tulad ng ating Supremo ---sila ang mga uri ng manggagawa sa hanay ng mga  kapuspalad at maralitang antas sa ating lipunan. Nagsitakas sila mula sa kahirapan at pinagtitiisang mawalay sa mga mahal sa buhay; sa paghahangad ng ginhawa at magandang kinabukasan ng pamilya. Tulad ng ating Supremo---pinilit kalabanin ang pagmamalupit sa lipunan, itinitindig ang karangalan, ipinaglalaban ang mga karapatan, ipinapakitang kahit mula sa lupa, ay nagagawang makatayo at humarap sa katotohanan para sa kapakanan ng Inang-Bayan. 


Mabuhay ang mga tunay na Pilipino!

Mabuhay tayong lahat!

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


No comments:

Post a Comment