Binanggit ito sa
akin
ng isa kong kasama sa trabaho; Ano ba ang
karaniwang nawawala sa akin kapag nangangamba ako sa mga sasabihin sa akin ng
iba, sakalimang magsikhay ako sa buhay at maungusan ko sila?
Ayon sa kanya:
Kadalasan may mga pumupuna sa akin at
marami dito ang namimintas pa; kapag inuuna ko na asikasuhin ang pagpapaunlad
sa aking sarili at maging sa aking pamilya. May mga binyagan, kasalan, kaarawan
at iba pang mga pagtitipon ang aking nakakaligtaan sa pagiging abala ko sa
trabaho. Subali’t hindi ko naman magagawang ipagpaliban ang mga gawain na aking
naumpisahan nang hindi ko ito tatapusin sa tamang panahon.
Natanggap
ko na sa aking sarili na hindi lahat ng tao ay aking mapagbibigyan sa kanilang
mga paanyaya. Kahit papaano mayroon akong makakaligtaan at may sasama ang kalooban.
Sa ganang akin, kailangan kong tumanggi sa ibang mga paanyaya at magsakripisyo.
Upang magawa ito, may isasantabi akong mga bagay at kakalimutan, para buong husay
na magampanan ang aking mga gawain nang walang abala.
Nasambit ng aking ama: Hindi maaaring hulihin
ang dalawang kuneho nang sabay, dahil kapag ito ang ginawa ko, kahit isa man ay
wala akong mahuhuli. Kailangan pagtuunan ng atensiyon ang isa lamang para
makatiyak ng tagumpay.
Mula sa
maraming mga karelasyon at pakikipagkaibigan; natutuhan ko, na ang tanging
dapat na pakisamahan ko at unahin ay ang aking sarili lamang. Hangga’t binibigyan
ko ng halaga ang bawa’t kahilingan at sasabihin ng iba, patuloy akong
nasasaktan at biktima ng kanilang mga kagustuhan.
Tagubilin: Ang enerhiya ay
siyang esensya ng buhay. Lahat ay nagaganap kapag may pagkilos. Bawa’t araw ay
nagpapasiya ka kung papaano ang gagawin mong mga pagkilos, ano ang iyong mga
naisin, papaano mo ito makakamit, at kung saan ka talaga patungo. Ang
direksiyon na ito ang siyang tunay na magbabadya ng iyong kapalaran. Kailangan
lamang ang matamang atensiyon at puspusang paggawa para mapadali ang iyong
tagumpay