Thursday, February 28, 2013

Umasam Upang Lumigaya




Papaano mo maipapaliwanag ang mga katagang “Mahal kita”?

"Mula sa iyong mga ginagawa nang walang hinihintay na anumang kapalit. Bagama’t kailangan sambitin ito, higit na mabisa ang magampanan ito. Tandaan lamang na sa lahat ng iyong mga pagkilos, ito ay upang paligayahin at pagyamanin ang nagpapatibok sa iyong puso, …nang walang inaasahan at walang mga kundisyong pinaiiral.
Ito ang tunay at wagas na Pag-ibig. Kapag ikaw ay nagmamahal, ay gagawin mo ang lahat na lumikha upang patunayan ito. At kung sinusuklian naman ito ng pagmamahal din ng iba, hindi mo na kailangang unawain pa ito kung anuman ang namamagitan, sapagkat ang lahat na mga kaganapang ito ay nanggagaling sa iyo. Tanging ikaw lamang ang mananalig sa iyong pagganap .

Papaano kung wala siyang pagtugon, sa kabila ng mga ginagawa ko?

“May kaakibat itong linya sa Inggles, 'Victim or Victor?' Panalo o Talo? Kaligayahan o Kapighatian? Ang tunay na pagmamahal at walang hinihintay. Walang nakakaalam sa susunod na mga sandali, ngunit nagpapatuloy tayo, dahil tayo ay nagtitiwala, at may pananalig.

Kahit na wala na siyang pagmamahal sa akin?

"Kung tunay ang pag-ibig mo, lahat ay posibleng mangyari ayon sa iyong kagustuhan. Kahit na wala na siyang damdamin para sa iyo, ang pag-ibig ay nagpapatuloy hangga't umaasam kang walang imposibleng bagay tungkol sa Pag-ibig. Subalit kung ikaw ay pabaya, ...at walang kusa, ang damdamin mo ang magpapasiya. Mababagot ito at laging may ligalig sa tuwina.
Makirot ang magmahal sa isang tao nang walang isinusukling pagmamahal. Masasabing panis, manhid o tahasang walang damdamin siya para sa iyo, subalit ang higit na mahapdi ay ang patuloy na mahalin mo siya nang wala kang kakayahan na ipaalam sa taong ito ang iyong nadarama.
Ang pinakamasaklap pa dito, pinagtitiisan mo, laging umaasa, at nangangarap na may pagbabagong darating sa patibong na iyong nililikha at ginagawang kulungan para hindi ka makalaya.”
 
Papaano mo ito mararamdaman, at hanggang kailan?

“Ang wagas na pag-ibig ay walang hanggan. Hindi ito naghihintay at hindi rin nagtatakda. Ang mapait na sitwasyon sa buhay ay may matagpuan kang tao na lubos mong mamahalin, at sa kalaunan ay maunawaan lamang  na hindi pala kayo nakaukol sa isa’t-isa  at magawang harapin ang katotohanan  nang makalaya.
Ang patibong kung hindi ka gising, ay nagiging kulungan para puspusin ka ng mga kapighatian.”


 Anong ibig mong tukuyin sa kahulugan ng patibong?

 “Ang pag-ibig ay isang patibong; sapagkat kapag umiibig ka, ang nakikita mo lamang ay ang liwanag nito, at hindi napapansin ang anino. 
Walang sinuman ang hindi nagnanais na mapansin, mabigyan ng atensiyon at maramdaman ang kahalagahan niya. Gagawin nito ang lahat ng kaparaanan upang makamit ito. Mula sa pagpapaganda; sunod sa usong mga tawag-pansing kasuotan (ang iba ay halos ibilad na ang dibdib at buong katawan) ; magagarang kagamitan; mahusay na mga katangian at mga kakayahan (ipinangangalandakan pa ito); upang makapanghalina. Ito ang mga sangkap ng patibong na puspusang iniuumang. Mistulang ikinabit na mga pain ito sa taga (hook) para makahuli. Ang hangaring ito'y upang makuha niya ang anumang kanyang magustuhan. Likas lamang ito at karaniwan na kung nais mong makasama ang katulad mo. 
Ang mga walang pangarap at mababaw ang dahilan lamang ang hindi makagawa nito, at basta nangitian ng iba, 'yon na ang sasamahan.
At kung ikaw naman ay hindi gising, madali ka mahuhumaling sa nakaahin o inihahandog sa iyo. At nalilimutang alamin ang intensiyon kung sino ang nag-ahin o may handog nito.
Ang habilin nga ni Lolo Kiko Balatazar,'Kung sa iyong pagdating ay may sumalubong at may pakitang giliw, pakaasaha't kaaway na lihim.' Sapagkat walang magtitiyaga sa iyong tao, kung wala siyang hinahangad o interes na makakabuti sa kanya. 

Kailangan bang maging kaibigan mo siya kahit nagkalayo na kayo?

“Bakit hindi, kung naaayon ito sa inyong napagkasunduan. Sa ganang akin, ang tunay na kaibigan ay yaong iniibig mo. Kaya nga ang kataga ay KA-ibigan, at laging mong KA-talik sa lahat ng mga bagay. Ang taguri dito ay matalik na kaibigan. Palagi nating kapiling, bumagyo man o umaraw, sa liwanag at dilim ay parating naroon at hindi ka magagawang iwanan. Laging ipinaglalaban ka. Ang matalik na kaibigan ay pumapalakpak kapag ikaw ay nagtatagumpay, at lumuluha kapag ikaw ay namimighati. Kabaligtaran naman ito doon sa bulaan na kaibigan; naninibugho at pumipintas kapag ikaw ay nagtatagumpay, at nagagalak kapag ikaw ay nagdurusa. Dahil ang mga miserableng tao ay mapaghanap ng mga kauri nila, at kung naiiba ka, bulaan sila at mahilig mambola.
Kaya nga, kung kukuha ka ng makakasama sa buong buhay mo, tiyakin na siya ay matalik mong kaibigan. Dahil nakapaloob dito ang kaligayahan at kapighatiang mangingibabaw sa inyong pagsasama.
Ang matalik na kaibigan ay ang uri na magagawa mong umupo na katabi siya sa duyan, nang walang katagang sinasambit, tulad ng mga pag-aalala at pagsupil, …at lumayo na nararamdamang ito ang pinakamabisang pag-uusap na nangyari sa iyo. Sapagkat ito ang totoo;  na ang kahalagahan ng anumang bagay ay nagiging mahalaga kapag ito’y wala na. Hindi natin alam ang halaga hangga’t itoy nasa atin pa, subalit totoo din na hindi natin nauunawaan kung ano ang nawawala sa atin hanggang sa ito’y dumating.”

Papaano ba ang umibig?

“Dalawang bagay para makilala ang isang tao; kapag umiibig at nalalasing. Dito sa una, isa siyang baliw. Dito naman sa huli, lango na at wala na sa katwiran. Pagpapatunay lamang na ang pag-ibig ay bulag.
Marami ang uri ng pag-ibig, nasa antas ito ng ipinaparamdam na pagmamahal. Kusa itong nalilikha kapag nakaramdam ka na tumigil na ang mundo sa pag-ikot, at ang kasuyo mo na lamang ang mahalaga sa lahat. Dangan nga lamang, marami ang madaling humanga kaninuman kahit sa ilang sandali lamang na pagkikita, isang oras na magkagusto, at isang araw na ibigin siya, subalit nangangailangan ng buong buhay ang malimutan siya.
Huwag maakit sa panlabas na kaanyuan, dahil ito’y mapanlinlang. Huwag pansinin ang yaman, maging ito man ay naglalaho. Iwasan ang mga mapanghalina at balatkayong pakikiayon na may makasariling hangarin. Dumuon at maglagi sa taong nagpapangiti sa iyo at nagagawang maging masaya ka sa maghapon, dahil ang ngiti lamang ang pumupukaw kapag nalimutan mong magmahal. Subalit doon sa mga nakakalasong tao na basta pinili mo, mga bangungot sa pagtulog ang sa tuwina'y makakapiling mo.
Huwag mong hangarin na maliwanagan ang iyong nadarama. Magmahal at ibuhos ang lahat ng itinitibok sa iyong puso, ipagkaloob ang anumang nasa iyo bilang handog ng Maykapal. Alalahaning ang nagwawasak lamang sa pag-iibigan ay ang nakikita at hindi ang mga bagay na hindi nakikita. Tulad ng Pag-ibig, hindi mo magagawang titigan ito, kundi ang maramdaman at maipadama lamang.




Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment