Patungo noon si Maestro Jose kasama ng kanyang disipulo sa Barangay Central, ang kanugnog na barangay ng Barangay Kupang, nang mabungaran nila sa isang sangang-daan ang isang magsasaka na pinipilit isingkaw ang kanyang kalabaw sa hihilahin nitong karomata.
Hindi tumitinag ang kalabaw kahit na buong lakas na hinahatak ito ng magsasaka. Sa matinding inis nito ay humulagpos sa kanyang bibig ang maraming tungayaw na ipinapangalan sa kalabaw, mga nanggagalaiting pagmumura na tila kulog na umaalingaw-ngaw at bumabulabog sa katahihimikan ng paligid.
Hindi pa ito nasiyahan sa walang
habas na panglalait, ay mabilis na pumulot ng kaputol na kahoy. Nang akmang
papaluin na ang walang imik na kalabaw ay marahang lumapit si Maestro Jose sa
magsasaka at mahinahong nangusap, “Huwag
naman sa ganyang paraan. Kailanman ay walang kakayahan ang kalabaw na
maintindihan anuman ang iyong binibigkas. Hindi iyan marunong ng ating wika,”
at ang dugtong pa ng Maestro, “Higit na
mainam kung magagawa mong maging mahinahon at pag-aralan ang kanyang
lenguwahe.”
Matapos ito ay tumalikod na ang
Maestro, at habang naglalakad ay nagbilin sa disipulo:
“Bago ka makipagtaltalan o makipagtalo
sa isang kalabaw, tandaan mo ang tagpong iyong nasaksihan kanina, … at sa buong
buhay mo ay makakaiwas ka sa kapighatian.”
"Tatandan ko pong maigi ito Maestro,"
ang nakangiting pakli ng disipulo habang patango-tango ang ulo.
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment