Kailangan ba ang mangarap?
"Mangarap
anuman ang nais mong mapangarap, pumunta kung saan nais mong makarating,
panatilihin ang kasiyahan na iyong nadarama, at matiwasay na gampanan kung sino ang nais mong
maging ikaw. Sapagkat mayroon ka lamang isang buhay at isang pagkakataon na gawing
lahat ang mga bagay sa lahat ng iyong mga naisin sa buhay.
Natatakot
lamang ang karamihan sa atin na sundan ang mahahalaga nilang mga pangarap, sapagkat
ayon sa kanila ay hindi sila karapatdapat, o wala silang kakayahan na makamtan
ang mga ito. Gayong ang posibilidad ng pagkakaroon ng pangarap na maging totoo ito, ang siyang lumilikha na maging kamangha-mangha at maganda ang buhay."
Bakit mangyayari ito?
"Sapagkat kapag may nais ka, at tahasang kailangan mo ito upang magawa mong matupad ang lahat mong mga pangarap, ... ang buong sansinukob ay magkakaisa at pag-uugnayin ang lahat ang mga bagay sa iyong daraanan para tulungan ka na makamtan ang lahat ng mga ito."
Papaano kung magulo at pulos alitan ang namamagitan sa aming pagsasama?
"Walang sinuman sa atin na aaksayahin na lamang ang kanyang buhay na puspos ng kaguluhan at kapaitan. Kaya lamang na tahasang ginagawa ito ng iba, para magbanta at manakot bilang uri ng pagkontrol. Kung nagpapatuloy man ang pagsasama, isa sa kanila ang nagpaparaya. gustuhin man niya o hindi ay wala siyang magawa. Nasa linya ito ng, 'It takes two to tango.' Walang mamamagitang alitan kung walang kapahintulutan ang mga kasangkot. Kung wala kang pahintulot, walang alitang iiral. At nagpapatuloy lamang ito, dahil nais at sinasang-ayunan mo. Bahagi na lamang ng drama ang mga pagtutol at pagpapadala sa silakbo ng mga damdamin.
Lahat tayo ay may kakayahang isaayos ang anumang alitan, kung nanaisin lamang natin. Dangan nga lamang para sa iba, ang pang-aaway o alitan ay kasiyahan at kinahumalingan na."
Ang ibig mo bang sabihin, hindi nila alam ang kanilang ginagawang pananakit ng damdamin?
"Kung tunay ang iyong pag-ibig, hindi mo magagawang saktan ang damdamin ng iyong iniibig. Sapagkat may responsibilidad ka na paligayahin ang iyong minamahal. Ang buong mundo mo'y umiikot lamang para sa kanya. May tungkulin tayo sa ating mga sarili, sa ating mga nadarama, at resulta ng ating mga kapasiyahan. Wala tayong nararapat na sisihin sa anumang emosyon na umiiral sa atin. Dahil ito ang totoo at hindi natin kailangang ipagpaumanhin kahit na kanino.
Marami ang hindi nakakaalam; na kapag ikaw ang nanakit lalo na sa malalapit sa iyong puso, ikaw ang kauna-unahang masasaktan."
Ano ba ang kasabihang, “Umunawa muna, bago
magpasiya!”
"Ang
simpleng sagot dito ay huwag mag-akala, at personalin ang usapan. Isipin ang magiging kalalabasan ng
gagawing kapasiyahan. Kadalasa'y mabuti at tama ang intensiyon, dangan nga lamang ay mali at taliwas ang pamamaraan. Makikita ang lahat sa naging resulta nito, kung ito'y tama o mali.
At kapag ikaw ay nagagalit, huwag na huwag kang magbibitiw ng mga salita, lalo na ng mga pagbabanta, na sa kalaunan ay tatama sa iyo na siyang ikakapahamak mo.
Laging ilagay mo ang iyong sarili na suot ang sapatos ng
iba. Kung ito’y nagpapasakit sa iyo, makakatiyak kang ito man ay kasakitan din para
sa kanya. At pigilan ang mabilis na paghatol nang hindi nag-isip muna, para
makaiwas sa nakaambang hindi pagkakaunawaan. Hangga't kapiling mo ang mga pagkatakot, kawalan ng katiwasayan, at mga pagdududa ay mananatiling kayakap mong lagi ang mga ibinubunga nitong mga kapighatian."
Kailangan bang laging tama ang bawa't sasabihin mo???
Papaano naman kung wala kang karanasan o natutuhan
para masabi ito?
"Anumang
pagtatalo o alitang namamagitan, ngumiti ka lamang. Ang tunay na pag-ibig ay
nagsisimula sa pagsilay ng isang ngiti, sinusundan ito ng pagyakap at halik, na
nagtatapos sa pagpatak ng luha. Hindi ang luhang may pait at pagtangis, bagkus
yaong luha na batbat ng kaligayahan.
Alalahanin, nang ikaw ay ipanganak, ikaw
ay umiiyak at ang lahat sa paligid mo ay nakangiti at maligaya. Mabuhay nang
maligaya dahil sa iyong pagyao, ikaw ang nakangiti at ang lahat na nasa paligid
mo ang siya namang umiiyak.
Sa
katapusan, hindi mahalaga kung gaano karami ang nagawa mong paghinga, bagkus
kang gaano karami ang mga sandaling nawalan ka ng hininga sa mga kaligayahang
sumapuso sa iyo. At ito’y maibibigay mo lamang kapag may pag-ibig sa puso mo.”
Papaano kung sawimpalad ka sa pag-ibig?
“Walang
kinalaman ang sawimpalad dito, dahil kung may pag-ibig ka sa iyong puso,
patuloy kang magmamahal. Kung wala ito sa iyo, wala kang maibibigay. Ito
ang kasawian ng marami sa atin.
Yaon lamang may mga pagmamahal sa sarili ang makagagawang
magmahal ng iba. Sakaliman ang buhay ay binibigyan ka ng maraming kadahilanan
para umiyak, ipakita sa buhay na mayrooon kang sanlibong mga kadahilanan para
ngumiti. Ang buhay ay patuloy at hindi ka nito hihintayin.
Papaano ito magagawa?
"Simpleng mga pagkilos lamang.
Magtrabaho
na parang hindi mo kailangan ang pera, magmahal nang hindi kailanman ikaw ay
nasugatan, at sumayaw hanggang nais mo na tila walang nakakakita sa iyo. At
ipamuhay ang buhay na nais mo.
Lagi
kong alam na kapag binalikan ko ang aking mga pagluha, ako ay matatawa,
subali’t ang hindi ko alam kapag binalikan ko ang mga pagtawa, ako pala ay
mapapaiyak. Magkagayunman, tamasahin ang buhay, … minsan lamang ito."
Eh, kung maulit muli?
Kung may naganap, may epekto. Lahat ng bagay ay nagaganap lamang minsan, at kailanman ay hindi na mauulit pang muli. Subalit ang bawa't bagay na naganap ng dalawang ulit, ay makakatiyak ka na magaganap pang muli ito sa pangatlo. At kung kinahumalingan na at sinapian na ng pagkabaliw, ay ritwal na ito para sa kanila.
Sa aking pagkakaalam, napapanis din kung minsan ang Pag-ibig, totoo ba ito?
"Pagkalunod ang tinutukoy mo. Huwag pakinggan ang sinasabi ng iba at maging ang kanilang mga panunulsol ay pakaiwasan. Ang pag-ibig kailanman ay hindi napapanis. Makilala ito sa mga katangian ng isang tao at sa kanyang mga ginagawa. Kahit na minsan, makalawa, makatatlo, o isang dosenang pag-ibig ang naranasan mo, ...palaging mahaharap ka sa panibagong sitwasyon. Kung ikaw ay tapat, walang magaganap, subalit kapag ikaw ay marupok, ito ang masusunod.
Ang pag-big ay walang kinalaman at kahulugan dito. Sapagkat ang pag-ibig ay dadalhin tayo maging sa paraiso at impiyerno. Masasagot ito ng mahusay ng mga nagliligaw at ng mga may-asawa na. Doon sa una, ibibigay ang buong mundo niya. At dito sa huli, kapag may mabuting asawa, ay umuunlad ang buhay at matiwasay na yumayabong ang pagsasama. Subalit kung makasarili ang asawa, ay masalimoot, walang pag-unlad at nagiging timawa.
Tandaan lamang na sa sandaling simulan natin na umibig, ang pag-ibig ay magsisimula ding lunurin tayo."
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment