Thursday, March 01, 2012

Mapayapang mga Pagkilos



Kung tayo ay lubos na mapayapa, tayo ay maligaya, napapangiti tayo na kawangis ang bumubukadkad na magandang bulaklak, at lahat sa ating pamilya, at pati sa kabubuang pamayanan, ay mabibiyayaan ng ating Kapayapaan.

KAPAYAPAAN (Peace)  

   Ang Kapayapaan at pagtutulungan ay bahagi ng kalikasan. Ito ang nagpapahiwatig ng mga kaganapan sa ating kapaligiran. Sapagkat kung walang kapanatagan, walang pagtutulungan, at walang mabubuong katotohanan. Bilang mga tao, bahagi na ng buhay natin ang mga karahasan sa lahat ng dako saan man tayo magtungo, at wala tayong magagawa na payapain ang mga kaguluhang ito, ngunit mayroon naman tayong karapatan at kakayahan na maging mapayapa sa ating mga sarili.
   Subalit kung hindi naman natin hahalukayin ito; na matagpuan ang kapayapaan sa ating mga kalooban, wala tayong masusumpungang katahimikan sa lahat ng sandali. Dahil kapag panatag ang ating kalooban, masigla at may kagitingan tayong hinaharap ang anumang pagsubok na dumarating sa atin.
   Masalimoot ang ating daigdig, laging may digmaan, terorismo, kabuktutan, kalagiman at mga kalituhan. Kahit na magagawa nating pasabugin ang pinakamalakas na bombang nukleyar at maghasik ng malawak na kapinsalaan, subalit wala tayong kakayahan na ‘isabog’ ang Kapayapaan maging sa isang maliit na barangay man. Ang mga siyentipiko ay natutuklasan hanggang sa pinakamaliliit na detalye sa ating mga selula (human cells), takbo ng mga panahon at ang pag-ikot ng mundo, subalit hindi natin matuklasan ang landas patungo sa Kapayapaan; natatagpuan ang malalayong mga planeta sa malawak na sansinukob, subalit hindi matagpuan ang Kapayapaan dito sa ating sariling mundo. Bakit ito nangyayari? Dahil wala tayong kamalayan o kabatiran tungkol sa ating mga sarili,  kung sino tayong talaga; kung kaya’t hindi natin nakikilala ang bawa’t isa.
   Karamihan sa mga tao ay nagagalak na magkaroon ng katahimikan sa kanilang buhay. Sumasaya sila kung nalilimutan ang mga sigalot, mga problema, mga bagabag, at natatamasa ang kasiyahan kahit ang mga ito’y ilang sandali lamang na kapanatagan, at makalaya sa malabis na pag-iisip.

  Payapain mo ang iyong kalooban nang makita mo ang katotohanan.
  Ang kapayapaan ay posibleng makamit, kung kilala natin ang ating mga sarili.
  Mapayapa nating magagawa ang mga bagay kaysa paggamit ng karahasan.
  Habang may kapayapaan sa kalooban mo, ang kaluwalhatian ay sumasaiyo.

Papaano kailanman magkakaroon ng kapayapaan… kung tayo, sa ating mga sarili, ay hindi mapayapa?

21  Ipamuhay ang Mabuting Buhay

   May isa akong kwuento tungkol dito: Bago tayo ipanganak, habang nasa sinapupunan pa tayo ng ating Nanay, nagpadala ang Diyos ng isang gurong anghel na tumabi sa atin at itinuro ang lahat na dapat nating matutuhang kawatasan na kailangan nating malaman sa buhay. Isa na rito ang maging mapayapa sa harap ng mga kaligaligan na ating haharapin sa ating paglitaw dito sa mundo. Matapos ang paglalagay sa ating kaisipan ng lahat ng mga ito, bago umalis ay tinuldukan ng kanyang daliri ang itaas ng ating nguso at nagkaroon ito ng maliit na lubak (philtrum) pataas hanggang sa bungad ng ilong. Dangan nga lamang,  lahat ng itinuro sa atin ng anghel na Mabuting Buhay ay ating nalimutan nang tayo ay maipanganak.
   Ano ang sinasagisag ng lubak na ito? Ang kapayapaan ay nasa ilalim lamang ng ating ilong, at binabantayan ang ating nguso sa mga ikikilos nitong mga pagbuka ng bibig para sa mga katagang bibigkasin. Palatandaan ito; na yaong mga makapagpapayapa lamang, at hindi ang mga magpapagalit ang mamumutawi sa ating mga labi.

Unawain lamang ang mga ito, para sa mapayapang relasyon:
   Ang magmahal ng kapwa ay mainam kaysa mayamot at paalisin siya.
   Ang tanggapin ang kapwa ay mabisa kaysa punahin at itama siya.
   Ang pansinin ang kapwa nang walang kahatulan ay mahalaga kaysa mang-uri at hamakin siya.
   Ang maging mapayapa ay mahusay kaysa makipagtalo, gumanti at makapanakit.

   Ang pinakamahalagang bagay ay kabatiran kung anong uri ng buhay na nais mong tahakin sa iyong paglalakbay. Matiwasay o Masalimoot; Kaligayahan o Kapighatian; Pagkabuhay o Pagkamatay. Gawing makatotohanan ang iyong mga lunggati upang mapanatag ang iyong kaisipan. Mayroon ka lamang na maikling panahon upang maisakatuparan ang mga ninanais mo sa buhay. Para sa katahimikang ng iyong kaisipan; magsimula na, at gawin ang lahat ng iyong makakaya at ang kapayapaan mo’y mananatiling sumasaiyo.

Pinagpala ang mga mapagpayapa, dahil matatawag silang mga anak ng Diyos (Mateo 5:9) KJV

Ano ba ang kapayapaan? Ito ang katahimikan at kapanatagan ng pag-iisip; walang anumang ina-alaala mahinahon sa pagkilos, at may kalayaang ipahayag ang niloloob. Kung walang humahadlang na mga kaisipang tulad ng pangamba, pagkatakot, at mga pagkalito; ang Kapayapaan ay sumisibol sa puso mo.
Ang kapayapaan na nasa ating kalooban ay magagawa lamang maihayag kung bubuksan natin ang ating mga puso. At kung nais nating may kapayapaang naghahari sa ating lipunan, simulan natin sa ating mga sarili.
   Bawa’t isa sa atin ay makapagtatanim ng mga binhi ng kabaitan, kabutihan, at pagmamalasakit sa ating kapwa, isang kaisipan sa isang pagkakataon, isang kapasiyahan sa isang pagkakataon, isang pagdamay sa isang pagkakataon, at isang araw na may malaking kaibahan. Unti-unti ang mga kapasiyahang ito ang bumubuo ng maaliwalas na kapaligiran, ng matiwasay na buhay patungo sa kapayapaan. Kung kaya’t sa patuloy na mga kaisipang itinatanim natin araw-araw sa ating mga sarili, nagbubunga ito ng mga pagkilos, at sama-sama nating naihahayag ang liwanag na mapayapa o ang kadiliman ng pagkatakot, pagkakawatak-watak, at walang hintong mga karahasan. At sa antas na kung saan, bawa’t isa sa atin ay nasumpungan ang kapayapaan; ay lumalawak ito tungo sa antas ng bayanihan na siya namang lumilikha ng kapayapaan.
   Ang tunay na kapayapaan lamang ay nasa ating kalooban. Ang kapayapaan ay nagsisimula sa bawa’t isa sa atin. Kung mapayapa ang iyong kalooban, nakakaakit ito ng mapayapang mga relasyon. Nagiging sukatan ito upang magpatuloy ang mga pagtitiwala at pagsasama nang maluwat. Sapagkat anumang lumulukob sa iyong kaisipan; sa iyong mga pagkilos, ito’y nagiging katotohanan. Lahat ng ating nakakadaupang-palad  sa araw-araw; ang ating pamilya, mga kaibigan, mga kakilala, o maging mga katrabaho, ay nararamdaman at nabibiyayaan nito. Ito’y tumatalab at nanonoot sa ating mga damdamin. At kapag ang komunidad o pamayanan ay mapayapa, ang mga lungsod, at ang buong kapuluan ng ating bansa ay pangingibabawan ng kapayapaan, at ito’y nagsisimula lamang kapag natuklasan na natin ang kapayapaan sa ating mga kalooban.

   Minsan may nagtanong sa akin kung bakit hindi ako nakikiisa o sumasama sa mga protesta at demonstrasyon na laban sa digmaan. Ang sagot ko’y kailanman ay hindi ko ito gagawin, ngunit kung may biglaang martsa upang itaguyod ang Kapayapaan, ako ang kauna-unahang makikilahok.


Ang ating tungkulin ay hanapin ang Kapayapaan, kilalanin ito, at panatilihin. Maaaaring hindi ka makagawa ng malaking kaibahan o kontribusyon, ngunit makagagawa ka ng ambag gaano man ito kaliit, at subukang gawin ito. Sa kalaunan, ang maliit mong naitulong ay siya palang pinakamabisa at mahalagang kailangan.
   Kung nag-aalinlangan kang makagawa ng kaibahan, dahil sa palagay mo ay isang butil ka lamang sa buhanginan, tandaan lamang,  na ang mga santo noon ay kumilos nang hindi iniisip na sila’y magiging mga santo; nagpasiya na lamang sila na taos sa pusong maglingkod nang may pagmamahal. Mula sa ating munti at masiglang mga pagkilos na makapaglingkod, ay matatamo natin ang sama-samang pananaw para sa maaliwalas at mapayapang kinabukasan.

   Ang tanong, papaano mapapanatili ang kapanatagan sa ating kamalayan, at higit na mahalaga, papaano mararanasan ang katahimikan sa mga panahon ng kaligaligan.? Maitatanong din, na kung posibleng magawa ito na isang ugali, at kagiliwang nagagawa tuwina sa lahat ng mga pagkakataon. Una, kailangang matututuhan ang likas na kapayapaan ng kalooban sa araw-araw. At kung ito’y karaniwan nang nararanasan, magagawang iwasan at supilin ang mga kasakitan at kalituhang bumabagabag sa sarili, kapag tahasang nagnanais mong makamtan ang katahimikan at kahinahunan.
   Gawing matahimik ang kaisipan, bilang isang likas na ugali, ngunit sa paggawa nito; kailangan ang pambihirang pagsasanay, iwasan at supilin ang umaagaw sa iyo na mga kaisipang walang saysay o patutunguhang makabuluhan, maglimi, at pairalin ang pagpapaunlad sa sarili. Tuklasin kung papaano patatahimikin ang mga maiingay na bumubulong sa iyong kaisipan, at kung papaano maiiwasan ang nakakagambalang mga kaisipan; panlulumo, pagkaawa sa sarili, kawalan ng pag-asa at mga negatibong pag-iisip.

Mga pagkilos upang magkamalay nang mapayapa:
1-Pag-aralan na maging mahinahon at panatag ang isip sa kabila ng patuloy na mga pagkabalisa at kaingayang naririnig mong bumubulong sa iyo.
2-Magpasensiya at iwasang magalit, at matutuhang supilin ang iyong mga emosyon at kamalayan.
3-Matutuhan na malagpasan ang mga bagay na bumabagabag sa iyo.
4-Pagyamanin ang positibong kamalayan sa sarili.
5-Panatilihin ang kapanatagan ng kaisipan at magawang umiwas sa mga sigalot, mahihirap o hindi kanais-nais na mga sitwasyon.
6-Ipagwalang-bahala kung anuman ang iniisip o sinasabi ng ibang tao sa iyo.
7-Paunlarin ang iyong kakayahan na manatiling nakatuon sa mga makabuluhan, at kapangyarihang kontrolin ang iyong mga iniisip.
8-Maglimi sa tuwina para sa kapanatagan at ikalilinaw ng kaisipan.
9-Tamasahin ang kasiyahan at kaluwalhatiang idinudulot ng kapayapaan sa iyong sarili.
10-Alamin ang patnubay at pangaral para sa pagyabong ng ispirito, at magawang gisingin ito patungo sa iyong kaluwalhatian.

Tuklasin ang tunay mong katauhan – ang pinaka-ubod na pagkikilanlan sa iyo. Ito mismo ang iyong tunay at wagas na pagkatao. Narito ang iyong kapayapaan. Hindi ito nakareserba doon lamang sa mga pantas, yogi o mongheng naninirahan sa malalayong kabundukan. Ikaw man ay magagawang maranasan ang kapanatagan sa iyong sarili at tamasahin ito, habang inihahayag mo sa araw-araw ang iyong kapayapaan. Isang paraan na mapagtutuunan ng pansin ay tanungin mo ang iyong sarili: Bakit ba ako nabubuhay, para saan ba ito? Ako ba ay kumakain para mabuhay, o nabubuhay para kumain? Ako ba ay nabubuhay para magtrabaho, o nagtatrabaho para mabuhay? Kapag napaglimi at makahulugang nasagot mo ito, may kapayapaang iiral sa puso mo.

Ang buhay na mapayapa, kagiliw-giliw, at walang mga bagabag, ay siyang pinakamadaling pamumuhay.

Habang may kapanatagan kang nadarama, nag-iibayo ang iyong tagumpay, lumalawak ang iyong inpluwensiya, sumisigla ang iyong hangaring makatulong. Ang pagkakaroon ng mahinahong kaisipan ay isang mahalagang sangkap ng kabatiran. Magagawa mong mabuhay nang mapayapa, kahit na aktibo at abala ka sa iyong mga gawain. Kapag may Kapayapaang naghahari sa iyong kalooban, ginigising nito ang iyong Kaluwalhatian na siyang mamamayani sa iyong sarili.

   Mataimtim kong dalangin at umaasam na ang Kapangyarihan ng Pag-ibig ay papalitan ang Pag-ibig sa Kapangyarihan. At ang ating daigdig ay pagpapalain ng Kapayapaan.

Bigkasin mong malakas mula sa kaibuturan ng iyong puso, Kapayapaan, manatili ka!”


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


No comments:

Post a Comment